Aug 16, 2007

Lipad at Pangarap

Nung Grade 1 ako, ang makalipad at makarating sa ulap ang isa sa mga pangarap ko. Kaya naman inidolo ko ang ilan sa mga Pinoy Super heroes tulad ni Captain Barbel, Super Islaw at Bagwis. Hindi ko iniisip na imposible ang magkaroon ng kapangyarihang lumipad. Tuwing umaga, bago ko iligpit ang pinag-higaan namin ay kukunin ko muna ang kumot ng tatay ko at itatali sa leeg ang dalawang dulo nito para gawing pakpak, saka pupungas-pungas kong itutupi isa-isa ang ilang kumot at kulambo. Ito ang ang bumubuhay sa umaga ko at kung anong lakas man ang kayang ibigay ng pakpak kay Superman, ay ganun din ang kayang ibigay nito sa akin. Kaya naman kahit walang almusal na naihanda si nanay ay ayos lang, dahil hindi nag be-breakfast si eagle man!

Subalit agad gumuho ang pangarap ko ng isang araw na masaksihan ko na nahulog ang kalaro kong si Nognog sa truck. Naisipan kasi niyang tumalon habang mabilis ang andar nito para mag hatid ng inaning mangga sa palengke. Gusto kasi niyang patunayan sakin na siya si Batman at nakakalipad siya sa tulong ng tinaling sako sa leeg na nagsilbing pakpak niya. Kumalabog sa daan ang katawan ni Nognog,at dahil sa bilis ng takbo ng truck ay nadaanan ng gulong nito ang mga tuhod niya. Agad siyang binuhat ng mga tambay sa bilyaran at dinala sa ospital. Buti nalang at madaling nag hilom ang bali niyang tuhod dahil sa bata pa siya. Ngayon ay nakakalakad na si Nognog, hindi nga lang ganun kaayos tingnan dahil namali ang tubo ng tuhod niya at napunta sa alak-alakan.
Mula noon ay natakot na akong lumipad, at ibinaon ko na sa limot ang pag-asang balang araw ay magkakaroon din ako ng super power sa tuwing lululon ng bato o bubuhat ng barbel. At mula rin noon ay natutunan ko ang dalawang bagay; una, na ang pakpak na gawa sa sako ay hindi maaring gamitin para makalipad at pangalawa, si Batman ay talagang hindi marunong lumipad!

Ilang taon lang ang lumipas ay kakaibang lipad naman ang pinangarap ko. Mas realistic, gusto kong makasakay ng eroplano. Sa tuwing may dadaan na eroplano sa lugar namin ay hindi ko mapigilan tumingala. Iniisip ko kung ano ang pakiramdam sa tuwing sinasagasaan nito ang makakapal na ulap. Dati ang akala ko, ang ulap ay tulad sa isang fome na kapag nabangga ka ay mag didribble ka pabalik. Iniisip ko rin na ito ang tungtungan ng mga angel sa langit, at pag-nadedbol ka ay ito ang kama mo. Minsan, umuwi ang pinsan ko galing Canada, lahat kaming magpipinsan ay nagtipon -tipon, para marinig ang mga kuwento at experience niya doon. Parang Spiderman 3 ang palabas sa loob ng kwarto sa dami namin na gustong makinig sa kwento niya. Lahat ng mata ay naka-focus sa kanya at sa tuwing kahanga-hanga ang mga lugar o pangyayaring sa kuwento niya ay napapanganga at tumutulo ang laway namin sa excitement. Natapos ang kwentuhan at nakaubos kami ng isang batyang pop corn, pero wala siyag nabanggit tungkol sa ulap habang nakasakay sa eroplano. Hindi ko tuloy nakumpirma ang teorya ko tungkol sa ulap.

Nang maka graduate ako ng college at makapag trabaho sa isang manufacturing company sa Laguna, ay isang pangarap ang hindi ko inaasahang matutupad.

Boss: Lloyd, may passport ka ba?
Lloyd: ? ano po yun?
Boss: May passport ka na ba?
Lloyd: A e wala pa po.
Boss: Kumuha ka na.
Lloyd: Bakit po?
Boss: Pupunta tayo sa Singapore, para sa Process Audit.
Lloyd: Sige sir. (Naiyak sa tuwa)

July 2003: excited ako sa unang pagkakataon na makakasakay ako ng eroplano.
Maaga palang ay hinanda ko na ang bagahe ko sa isang gym bag na may P&G logo at sa back-pack ko na kulay yellow. Wala pa kasi akong maleta noon at sa tingin ko ay kasya na sa mga bag na iyon ang lahat ng mga kakailangan kong damit sa loob ng limang araw. Swak! lahat ng kailangan kong dalin tulad ng pantalon,long sleeve,T-shirt,brief at toothbrush ay napagkasya ko sa dalawang bag. May space pang natira para sa dala kong analog camera at isang rolyong film.

Pagdating sa airport ay nakita ko agad ang isa pang engineer na kasama ko, si Rence. Nauna siyang dumating sa akin at halatang mas excited. May dala siyang isang maleta na may katamtaman ang laki, at isang back pack na Jansport. Napatingin siya sa bitbit kong bagahe at nagtaka. Hindi siya makapaniwala na magkakasya ang gamit ko sa ganoong kaliit na bag. Buti nalang at naipaliwanag ko sa kanya na hindi sabon ang laman ng dala kong P&G bag, kung hindi damit din. Naliwanagan siya.

Ilang minuto lang ang lumipas ay dumating na ang boss namin na pinaka-excited sa amin. Halatang hindi nakatulog dahil sa eyebag. Paglapit niya sa amin ay nakatingin parin kami sa mga kasunod niyang naglalakad, ang akala kasi namin ay may iba pa siyang kasama o nagpabuhat ng bagahe sa iba. Nagulat nalang kami ng bigla siyang magyaya na mag check-in na. Hindi kami makapaniwala sa dala niyang bagahe. Isang back pack na Yansport na may kumbinasyon na itim at pula (Hindi typograpical error ang Yansport na sinulat ko, dahil ito talaga ang tatak ng bag niya). Nagkatinginan nalang kami ni Rence at napangiti, siguro ay pareho kami ng iniisip. Paano magkakasya ang limang brief sa bag na yun?

"Passengers of flight SQ 745 going to Singapore, we are about to board..."

"Passengers in rows 20 to 30 are invited to board the aircraft"

Napatayo ako sa kinau-upuan ko bitbit ang hand carry bag pagkarinig ng announcement na ito.

Ito kasi ang nakasulat sa boarding pass ko na row number ko sa loob ng eroplano.

Sabay kami lumapit ni Rence sa gate at pumila kasama ang ibang mga pasahero. Pag lapit sa gate ay kinuha ng flight attendat ang boarding pass, at pinatuloy na kami sa loob ng eroplano. Bago pumasok ay huminga ako ng malalim. Masarap talaga ang pakiramdam ng first time sa maraming bagay.

Parang eksena sa isang Sci-fi movie ang sumunod na eksena. Feeling ko ay nasa spaceship ako pagpasok ng eroplano. Isang Boeing 757 ang modelo ng eroplano. Sabi sa website ng Singapore airlines, ang Boeing 757 daw ay isang twin-engine short-to-medium-range jetliner na may mataas na kalibre ng teknolohiya para sa kakaibang tipid sa gasolina, mababang ingay at mataas na kaginhawaan sa bawat pasahero. Na excite tuloy ako, dahil matagal ko nang gustong makaramdam ng kakaibang ginhawa.

Umupo ako sa bilang ng upuan ko na nakalagay sa boarding pass. 45C, sa ikalawang row ito ng mga upuan, sa madaling salita sa gitna katabi ng window seat at aisle seat. Medyo nalungkot ako, dahil hindi ako ang nakakuha ng jackpot na makaupo sa window seat. Kala ko kasi dati ay niraraffle yun, nung huli ko nalang nalaman na pwede pala irequest. Si Rence ang maswerteng nakaupo sa window seat, ako sa gitna at ang boss ko sa aisle seat. Sa harap ng upuan ko ay may maliit na tv, lalo ako na excite, sana ay may channel 2 para makapanood ng wowowee. Nang buksan ko ang magazine sa harap ng bulsa ng kianu- upuan ko ay nadismaya akong makita na mga dvd movies, ilang nintendo video games at music ang maari kong pagkaabalahan habang lumilipad ang eroplano (Infligth Entertainment).Walang wowowee, pero ayos lang, na-isip ko na manonood nalang ako ng dvd.

Ilang sandali pa ay nag take-off na ang eroplano, kapit tuko ako sa armrest ng upuan pero kahit takot ay hindi ko pinikit ang mata ko. Gusto ko kasi makita ang unti-unting pag angat ko sa lupa, na may katawan ha! (Hindi yung kaluluwa lang). Parang roller coaster ang pakiramdam. Parang naiiwan ang bituka ko sa lupa habang umangat ang eroplano, kasabay pa ng pagsakit ng tenga ko na parang binobombahan ng hangin ang loob. Eto na nga yung pakiramdam na masakit pero masarap (Ang pakiramdam pag malapit mo na maabot ang langit).

Ilang minuto lang ang lumipas at tuluyan nang umangat ang eroplano, dumeretso na ulit ang lipad nito at ang mga pasahero ay isa-isang nag adjust ng upuan.

Isang ngiti ang matagal na gumuhit sa mukha ko. Nakatitig parin ako sa ulap na parang isang bata na ayaw bumitiw sa pinapanood na anime. Isa-isang bumalik sa alalaala ko ang mga pangarap ko nung bata pa, ang mga kabiguan na marating ang pangarap, at ang mga katotohanan sa likod ng pangarap. Ngayon, ay nasa realidad na ako. Hindi pala lahat ng pag lipad ay maari kong ikahulog at ikakabali ng tuhod, hindi ko rin kailangan ng bato o pakpak para lumipad, at hindi ako dapat matakot na banggain ang ulap. Kung sa malayo ay mukhang kaya tayong tabunan nito, pag nasa harap na at walang takot natin sagasaan ay parang bula ding naglalaho.


Patuloy parin akong sumasagupa sa bawat ulap sa buhay ko. At patuloy parin akong lilipad at mangangarap.

Bobong pinoy ako, pinoy tayo

2002. Dahil sa paghahanap ko sa Power Bookstore ng mga aklat na kaya kong tapusin basahin ng isang oras habang naghihintay sa aking kapatid ay aksidente kong nakita ang librong ABNKKBSNPLAKO. Dahil dito, ay sinubukan ko ring hanapin ang web site ng awtor na nakasulat sa libro.
Nagustuhan ko ang Bobong Pinoy at nangibabaw ang pagka-pinoy ko. Tinatalakay kasi dito ang socio-political satire. Mula noon ay naging suki na ko ng website at parang telenovela na araw-araw kong binabantayan ang mga susunod na kabanata.
Hindi ko alam kung mabagal lang talaga ang koneksiyon ko noon o nagsulputan lang talaga ang mga bumibisita dahil sa nanalo ang site sa People's Choice, pero parang Edsa pag oras ng uwian 'lagi ang usad ng Bobong Pinoy.
'Di kalauna'y lumipat na rin ang katha ni Bob Ong sa bobongpinoy.com. Pero 'di ko ba alam, mabagal pa rin ang pasok. Nakaisip tuloy ako, tuwing lunch o uwian na lang sa opisina ako sisilip. Ilang beses ding hindi na-update ang bobongpinoy.com, hanggang isang araw hindi na ni-renew ni Bob Ong ang naturang site(dahil siguro alam na ng lahat na maglalabas siya ng libro. Mahirap na nga namang umatras sa bagay na naipangako mo na). At di nga 'rin nagtagal, bigla na lang nawalang parang bula ang bobongpinoy.com (huwag mo ng balaking pasukin ngayon, pag-aari na ito ng isang kumpanyang taga-Estonia). Lumitaw din ang Paboritong Website ni Hudas, iyan ang alam kong kauna-unahang blog ni Bob Ong, pero mas maikli pa ang buhay nito sa bobongpinoy.com.
Sino nga ba is Bob Ong? Karamihan ng mga nag-kalat na "sightings" na naglipana sa Internet ay mga kuwentong barbero na nangaling malamang sa mga pinag-pasapasahang mga "sinabi raw." Kung mamarapating niyo akong magdagdag ng opinyon: kung madulas pa sa ahas ang pagtuklas sa tunay na katauhan ni Bob Ong, ito marahil ay dahil sa gumagamit siya ng nom de plume (Ang Bob Ong na pangalan para sa akin, ay biniyak na salitang Bobong, na nagmula sa pamagat ng dati niyang site, at sumasalamin sa ating pinagsamasamang kahinaan bilang Pilipino).

Habang kumakain ako sa isang fast food, may narinig akong dalawang profesor daw, na nagpapataasan ng ihi. Mahaba-haba rin ang mga paksang pinag-talunan, hanggang dumating ang usapan kay Bob Ong:

Propesor Bangko: Did you know, na hindi talaga tao si Bob Ong?
Propesor Hangin: Uhuh, at di lang 'yan iba't iba pa ang nagsulat ng mga libro n'ya…

Anak ng tinapa. Parang dalawang batang nag-uunahang magsambit ng "Wala ka sa lolo ko." Saang planeta kaya naman nila nakalap ang mga ganitong balita? Ang totoo'y 'di gaya ni Xerex Xaviera na isinulat ng iba't ibang tao, si Bob Ong ay malamang hindi ginawa ng mga garapata, butiki, at tipaklong. Sa pakikinig sa dalawang mokong na 'yun, naalala ko tuloy ang sinabi ng master of reggae na si Bob Marley: "It's the feel. They know it, but they can't do it." Si Bob Ong ay mag-isa lamang dahil sa tuloy-tuloy na daloy ng kanyang panulat. May mga ilang nabasa na rin akong blog na sa unang tingi'y Bob Ong ang paltik, ngunit pakiwari lang pala dahil sa huli ay lumalabas na anino lang pala. Iba kasi ang "feel." Ang "feel" ay kusang umuusbong sa mga pinagsama-samang karanasan at natural na pagkiling at pagkahilig natin bilang tao. Maaring kopyahin ang "feel", pero sa kalaunan lalabas din talaga ng natural na "feel" ng isang katha.
Sa tingin ko ay isa sa mga kadahilan kung bakit isinulat ang unang librong ABNKKBSNPLA Ko?! (ABa NaKaKaBaSa Na PaLa 'Ko?!), ay upang mabigyan ng kahit na konting kaliwanagan ang mga katanungang "Sino nga ba si Bob Ong?" (at siyempre para mabigyan din ng pagkakataong mabasa si Bob Ong ng mga walang Internet). Samantalang ang pangalawang librong BAKIT BALIKTAD MAGBASA NG LIBRO ANG MGA PILIPINO? nama'y puwedeng magsilbing time travel sa mga dating bumibisita sa Bobong Pinoy at isa ring pagsilip sa mga ngayon pa lang nakarinig sa naturang site.
At gaya nga ng nakasaad na sa kanyang palad, water sign, at feng shui: si Bob Ong ay nagtuloy-tuloy sa pagsulat ng mga libro, at ngayo'y isa na sa mga pinaka-kilalang manunulat sa Pilipinas (lahat ng libro niya'y parang mainit na pandesal - mabenta).

Propesor Hangin: …waste of time…
Propesor Bangko: I agree. 'di literary…


Ang saya ng dalawang ito! Siguro'y kakosa nitong mga ito si Kant! Gumising, amuyin ang simoy ng kulturang pino. Nakinig ako sa mga sumunod na salitang kanilang binanggit, mga katagang sa libro lang lumabas, pero parang pilit at may pagka-robot ang dating, mga inimbentong salitang na kahit hindi ko pa nabasa'y halatang hindi rin nila lubos na naiintindihan ang ibig sabihin - anak ng pating, mga intelektwal na bobo ang mga ito, mga elitista! Gusto ko sanang pumunta sa kinauupan nila at makipagdiskusyon, gusto ko sanang sabihin na huwag silang makikialam sa longganisa, dahil baka stainless ang mabili nila, pero nagdalawang-isip ako, baka mapabigkas kasi ako ng salitang pang jologs at hindi nila maintindihan- mga Twerp!

Propesor Bangko: I think he is in it for the money.
Propesor Hangin: Yeah, that, power and fame…

Halos malaglag ako sa kinauupan ko sa kakabungisngis. Kung may nakapansin sa 'kin di ko na alam. Ang alam ko lang dahil sa mga katagang ganun, lumabas din ang katotohanang hindi talaga nila binasa ang mga libro ni Bob Ong. Kung tutuusin wala naman talagang masamang mangailangan ng pera dahil kailangan natin ito para mabuhay, at 'di rin namang masamang mangarap na balang araw ay sisikat ka. Ang siste lang sa dalawang payasong ito eh, hindi man lamang nila nakuhang basahin ang kanilang hinuhusgahan. Para silang mga birheng nag-uusap tungkol sa sex.

Propesor Hangin: I wonder, how many of his stories are lies-
Propesor Bangko: - his anonymity makes him susceptible…

Hindi ko alam kung saang freezer natutulog ang mga Beavis at Buthead na ito. Pero kung ako lang ang tatanungin, wala naman sa pangalan ng manunulat ang katotohan ng kanyang sinasabi. Maraming may sikat na pangalan, pero salungat sa mga katotohan ang kanilang mga katha. Para sa 'kin, sa mga naisulat na ni Bob Ong, nakakamangha ang kanyang walang pagbubuhat ng bangkong paninilay-nilay sa buhay pinoy - habang binabasa ko s'ya, parang nananalamin ako, nakikita ko ang kaluluwa ko, nabuhay ng muli ang mga matatagal ng natutulog kong ala-ala (sino nga ba naman ang makakalimot sa Nutribun, Funny Komiks, Choose Your Own Adventure, at sangdamukal na nakaraang pag binangit ko dito'y aabutin ka ng isang araw para basahin - isang halimbawa na'y meron din kaming sari-sari store noon). Hindi na rin kailangan pang malaman ang buong pagkatao ng isang manunulat upang makuha ang mensahe. Si Shakespeare hanggang ngayo'y pinagdedebatehan pa rin ang tunay na talambuhay, dahil ang kanilang mga katha'y nagsasalamin ng katotohang di na kayang gibain ng pagikot ng alinmang orasan.

Propesor Hangin: So simple -
Propesor Bangko: …simpleton is more like it…


Tumayo akong nakangiti. Naglakad palabas. Ang malinis na hangi'y malinaw, invisible, samantalang ang usok na nanggaling sa tambutso'y hindi. "Simplicity," sabi ni Leonardo da Vinci, "is the ultimate sophistication." At iyun, 'yun ang susi kung bakit sikat si Bob Ong ngayon. Ang kanyang saloobin ay umaalon sa napakasimple at napakalinaw na tubig na sa unang tingi'y invisible: na tayong mga Pilipino ay maaring tumawa sa mga trahedyang tayo rin naman ang gumawa.

Saludo ako sayo Bob Ong.

Salamat basangpanaginip.

Aug 15, 2007

Ang Apartment sa Block 8

Isang buwan bago ako pumunta ng Mexico ay binitawan na namin ang dati naming nirerentahang apartment sa Falconville. Maliit lang ang apartment na iyon, may isang kwarto, one port na sala, one port na dining, one port na kitchen at one port na bedroom. Doon ako natutulog sa one port na bedroom. Mula kasi ng mag-asawa ang ate ko ay doon na muna sila tumira ng asawa nya. Pero ayos lang sakin yun, ako kasi yung tao na pagdating sa bahay ay magbibihis,manonood ng tv at makakatulog. Kaya swak na swak sa katawan ko ang isang salang may kama. Masaya naman ang naging buhay ko doon kahit na masikip, nood, tulog at ligo lang kasi ang madalas na ginagawa ko. Ang pagkain, pati na minsan ang pag toothbrush ay sa opisina ko niraraos para makatipid. Mahal kasi ang singil sa tubig . Maganda na sana ang takbo ng buhay namin doon, hanggang sa lumabas ang totoong kulay ng dati namin landlady. Siguro ay napadalas ang panonood nya ng Maria Flordeluna kung kaya nainspired siya sa buhay ni Donya Brigida. Minsan ay bigla nalang siyang susugod sa apartment at maniningil na parang tatakbuhan kahit na isang araw palang kami nadelay. Pag hindi kami nakabayad dahil sabado o lingo natapat ang araw ng bayaran, ay pupunta siya sa kapatid ko na nakatira sa kabilang subdivision para singilin. Syempre, hindi papaluwalan ng kapatid ko yun at dahil dito ay magagalit siya at hihingi ng pambayad sa tricycle na nagastos daw niya sa pagsugod. At ang pinakahuli, ay nang singilin niya ang ate ko na noong mga panahon na iyon ay nagdadalang-tao, sa pag aakala hindi kami nakabayad ng isang buwan. Halos mapaanak ang ate ko sa taka at inis. Isang araw nga na delay kami ay hindi na sila nakakatulog, isang buwan pa kaya!

Noong June, nagpasya kami na bitiwan na ang apartment. Tamang-tama ang timing, dahil kabuwanan na ng ate ko at sa Bulacan muna siya magpapahinga pag-kapanganak. Ako naman ay naipadala ng ng kumpanya para mag training sa Mexico ng isang buwan. Makalipas ang isang buwan ay bumalik na ako ng Pilipinas, subalit wala parin akong matitirahan na apartment at ang ate ko ay kasalukuyan pang nagpapahinga sa Bulacan. Dahil dito ay nakitira na muna ako sa bahay ng bayaw ko dito sa Laguna. Isang buwan din ako nakitira sa kanila habang naghahanap ng apartment na malilipatan. Sa wakas, makalipas ang isang buwan ay nakahanap na kami.

Isang apartment sa Block 8 San Cristobal Garden Homes, limang bloke mula sa bahay ng kuya ko ang nakita namin.
Matagal nang nakatayo ang bahay ngunit wala pang tumira mula ng maitayo. Tanging ang kapatid lang ng may ari na nakatira sa tabi ng bahay ang namamahala dito. Kung nasaan ang may-ari ay hindi ko pa alam, ang importante ay may malilipatan na kami.

Sa isang linggo pa ang balik ng ate ko sa Laguna. Ang asawa naman niya ay pang-gabi ang shift kung kaya nagpasya ako na ako na muna ang tumira sa bagong apartment sa block 8. Mula sa isang bahay na walang laman ay hinakot namin ang mga importanteng gamit na kakailanganin ko. Ilan na dito ang ilang damit na magagmit ko ng isang lingo, Fome na hihigaan ko, dalawang unan, dalawang kumot, Harry Potter book, at TV na walang antena. Ito ang mga bagay na kukumpleto sa bawat gabi ko sa bago naming apartment.

Masmalaki ang apartment sa block 8, two storey na may malaking garahe. Sa baba ay malaki ang area para hatiin sa sala at kusina, sa labas nito ay may lababo at ang taas naman ay may dalawang kwarto.

Pagkatapos magligpit ng ilang gamit, nanood ng TV na walang reception at magbasa ng isang Chapter ng Harry Potter ay nagpasya na akong matulog. Nang mahiga na ako at ipikit ang mata ay parang isang pinto na biglang bumukas ang isip ko at sari-saring imahinasyon ang pumasok. Bigla ko na isip na matagal ng walang nakatira sa apartment at dahil sa mga horror movies na napapanood ko, ay naisip ko na baka mga ligaw na kaluluwa ang mga namamahay doon. Dali-dali akong tumayo at binuksan ang ilaw. Naalala ko ang rosaryo na nakalagay sa coin purse ko, kinuha ko ito at nagdasal. Ngayon lang ulit ako natakot ng sobra, hindi ko na pinatay ang ilaw kahit na hindi ako nakakatulog na may ilaw na bukas maliban sa ilaw na nangagaling sa telebisyon. Hindi ako mapakali, bawat tunog na naririnig ko ay ikinagugulat ko. Hindi ako makakatulog dahil natatakot ako na baka may dumungaw sa bintana na kalaban ni Pedro Penduko o kaya ay harangin ako ng black lady na napanood ko dati sa Holoween Special ng Magandang Gabi Bayan. Alerto ang pakiramdam at isip ko, lahat ng nagyayari sa paligid ay nararamdaman ko. Sinubukan ko mahiga kahit na alam ko na hindi ako makakatulog, pag lapat ng likod ko sa fome ay dali-dali akong nakatulog...

Kinabukasan, maganda ang gising ko, nakumpleto ko yata ang walong oras na tulog at muntik pang mag extend dahil halos hindi ko narinig ang ingay ng cell phone ko na nag-aalarm. Napabuntong hininga nalang ako at nanghinayang, ang akala ko pa naman ay makakaranas ako ng kakaibang adventure tulad nang pakikipag laban sa kapre o pag habol sa manananggal. Mas maganda sana at kapanapanabik ang kwento ko ngayon.


Maraming gabi na hindi ako makatulog, bago kami lumipat sa Apartment sa Block 8, hindi dahil sa multo o ligaw na kaluluwa. Siguro ay dahil sa mga alalahanin na patuloy na gumugulo sa isip ko, maliit man o malaki, nakakatakot man o hindi.
At isang lang ang gamot para dito, kailangan ko ng comfort. Comfort na mag-aalis ng takot at pangamba at magpaparamdam na ligtas ako sa mga bagay na kinakatakutan ko.
Lagi kong naririnig sa asawa ko ang salitang "masarap na tulog" sa tuwing kami ang magkatabi. At alam ko na ang dahilan ng masarap niyang tulog ay ang pakiramdam na ligtas siya sa tabi ko.
Ito ang importante, gaano man kabigat ang problema o takot natin sa buhay, laging may mga tao o lugar na maari takbuhan at magpaparamdam sa atin ng comfort.

Isang apartment sa Block 8, San Cristobal Garden Homes, limang bloke mula sabahay ng kuya ko ang nakita namin.