Sep 18, 2007

Sulat Kamay, Kwentong Puso

Isang kwentong blog ang ilang linggo ko nang pinag pupuyatan. Dahil sa espesyal sakin ang kwentong iyon ay kailangan ko pang magsagawa ng ilang research at siyantipikong pag-aaral bago ko iyon ma-ipost. Sa pagkalap ko ng mga ebidensya ay nahalungkat ko ang mga lumang sulat na itinago ni Grace ng matagal na panahon. Ang mga ito ay naglalaman ng lahat ng mga madamdamin at kagilig-kilig na sulat ko kay Grace mula noong una hanggang ang pinaka huli. Nakakabilib na sa tagal ng panahon ay naitago pa niya ang mga ito. Naniniwala na tuloy ako na type nya ako noon pa man.

Sa totoo lang, hindi ako mahilig gumawa ng love letter. Sa aking pagkaalala ay dalawang babae pa lang ang nabigyan ko ng sulat pag-ibig at isa lang sa kanila ang naging girlfriend at asawa ko na ngayon. Kung ikaw ang isa sa nabigyan ko ng love letter ay maswerte ka, magiging magaan ang pasok ng pera at sisigla ang buhay pag-ibig mo. Lucky color red, lucky number 14.

Ang magsulat ay hindi mahirap. Pero kung ito ay pagpapahayag ng damdamin na may gusto ako sa isang tao ay siguradong sabit ako. Mas epektib ang panliligaw ko kung biglaan, at on the spot na makakarinig din ako ng sagot. Hindi kasi ako nakakapagka-tulog sa gabi pag may inaantay akong sagot sa sulat ko. Resulta, mugtong mata at tigyawat sa ilong (minus pogi points!).

Isa-isa kong binuksan ang mga sulat na tinago ni Grace ng matagal na panahon. Hindi maikakaila na sa akin ang lahat ng iyon dahil sa sulat kamay na parang kinalahig ng dalawang adik na manok na tumitira ng katol. Una kong hinanap ang sulat na ibinigay ko kay Grace noong 2nd year high skul kami. Sa aking pagka-alala, ang sulat na iyon ang kauna-unahang sulat na ibinigay ko sa kanya na nagpapahayag ng aking pinakatago-tagong pagtingin sa kanya. Ilang sulat palang ang nabuksan ko ay nakita ko kaagad ang hinahanap. Dalawang pahina ang sulat mula sa dalawang pilas ng papemelroti. Sinimulan kong basahin ang sulat at unti-unting bumalik ang aking ala-ala sa panahong nagsisismula palang akong tubuan ng bigote at usbungan ng adams apol. (Lalabo ang paligid at isang instrumental music ang maririnig)

Ang sulat ay pinetsahan noong 07/23/94 o July 23, 1994. Kung tama ang bilang ko sa kalendaryo, ay halos labing tatlong taon na ang edad ng sulat. Unang linya pa lang ng sulat ay nagulat na ako sa "Hi Hello!" na pagbati na parang naninindak. Kung meroon sigurong sakit sa puso ang babasa ay malamang na inatake na sa nerbiyos. Ganoon pala ang istayl ko dati, sindakan! Para akong nakasakay sa time space warp habang patuloy kong binasa ang sulat. Umiikot sa isip ko ang libo-libong ala-ala, na parang nasa harap kong muli ang eksena ng mga oras na sinulat ko ang aking masterpis.
Ang bilis ng panahon, labing tatlong taon na pala ang nakakaraan mula ng una kong sabihin kay Grace ang aking nararamdaman para sa kanya. Nakaka-tuwang isipin na muli kong nahawakan ang sulat matapos ang matagal na panahon. Maraming nang nagbago sa akin, sa paraan ng pagawa ng sulat at sa aking nararamdaman para sa kanya. Pero meron pa rin naman na nanatiling walang pagbabago sa isip, sa salita at sa gawa.
Narito ang ilan sa mga ito....
(Ayaw ko sanang i-post ang orihinal na sulat dahil mapapahiya ako. Nakakatawa kasi ang mga pinagsasasabi ko dito...kung hindi lang talaga kailangan sa kwento..tsk..tsk...tsk)

Isang Babala: Nakakatindig ng balahibo ang sulat ko. Ganito ang aking naramdaman nang muli ko itong binasa.

Enjoy! while eating the pop corn..


























Mga Pagbabago

* Nagbago na ang aking tawag kay Grace. Dati ay Dear Grace, ngayon ay Dear Bi, na.

* Hindi ko na pinagsasabay ang "Hi Hello" tuwing babati. Madalas ay "Hi" nalang na may kasamang smiley. =)

* Hindi na "well" at "perhaps" ang peyborit expressions ko ngayon. "Anywey" at "siguro" na.

* Wala nang duda na crush ko si Grace ngayon. Nadagdagan pa ng love times ten to the 9999999999....exponents.

* Lahat ng gusto ko sabihin kay Grace ay sinasabi ko na ng personal. Madalas ay lights-off pa nga...

* Hindi na stupid ang tingin ko sa sarili ko. Bobong pinoy na! (mas mataas na level nito!)

* Hindi na ko iniiwasan ni Grace. Madalas pa nga ay hinahanap pag wala sa tabi nya.

* Ngayon ay sigurado na akong alam ni Grace ang nararamdaman ko. Minsan pa nga ay mararamdaman ko pa lang ay alam na nya (woman instinct daw!?).

* Hindi na si Kazzie at Brandon ang nakaka-alam ng mga secrets ko. Si Grace na lahat, bawal secret kay Grace.

* Hindi na "Excess" ang pahabol ko sa sulat. P.S. na (Pahabol na Salita).

* Hindi na "now and forever" ang pang wakas ko. I love you with smiley =) na!

Mga hindi nagbago

* Hindi nagbago ang sulat kamay ko. Parang wala parin sa wisyu ang sulat ko ngayon.

* Hindi nagbago ang grammar ko. Bopols parin ako sa grammar at alerdyik sa ingles.
* Hindi nagbago ang charm ko. Cute parin hanggang ngayon.
* Hindi nagbago ang babaeng sinusulatan ko ng love letter. Si Grace parin at si Grace na lang!

* Hindi nagbago ang pagtingin ko kay Grace. Hindi ko man inamin sa sulat ay obyus naman..in love ako kay Grace mula noon hanggang ngayon.


At hindi magbabago yun magpakailan pa man...



"The GOD who gave us teeth will also give us bread." Czech Proverbs

Sep 12, 2007

Coyote Gwapo

Noong Sabado, habang pauwi ng Bulacan ay may nakasabay ako na dalawang matanda na sa aking palagay ay nasa edad na 50 pataas. Pinag-uusapan nila ang nalalapit na sagupaan ni Manny Pacquiao laban kay Marco Antonio Barrera ng Mexico. Base sa takbo ng kanilang usapan ay parehas naman sila ng kinakampihan. Siyempre mga solid Pacmanian sila. Pero magkaiba sila ng pananaw sa magiging takbo ng laban. Kung pakikinggan mabuti ang kanilang kwentuhan ay daig pa nila sina Ed Picson at Quinito Henson sa mga analysis nila at prediksyon blow by blow sa magiging ending ng laban.

Lolo 1: Sa aking palagay ay una hanggang limang round lang tatagal ang laban. Malamang ay banatan agad ni Pacquiao ng kombinasyon at isang uppercut si Barerra.

Lolo 2: Papasarapin pa ni Pacquiao yan...aabot yan ng sampung round at paglalaruan ni Pacquiao ang laban para mas sumarap.

Lolo 1: Aba! Kung gagawin niya yun ay matutulad ang laban niya kay Morales noong natalo siya. Dapat ay paspasan niya agad si Barera. Maniwala ka, hanggang limang round lang yang Mexicano na yan! Ipupusta ko pa ang asawa ko.

Nakita kong sumama ang mukha ni Lolo 2 sa sinabing iyon ni Lolo 1. Hindi siguro gustong ni Lolo 2 na ang asawa ni Lolo 1 ang mapanalunan niya sa pustahan.

Nakilala ko ang mga Mexicano dahil sa mga laban ni Pacquiao sa boxing kung saan ay madalas niyang pinapatulog ang mga ito sa pamamagitan ng kanyang kamao, habang hinehele ng kantang "Para sayo ang laban na 'to". Pero hindi lang sa basagan ng mukha unang nagmarka sa isip ko ang mga Mexicano. Noong una ay nakilala ko sila dahil sa mga Mexican telenovela na paborito ng nanay ko. Mula sa Marimar, Rosalinda, Chabilita at Maria Mercedez ay nakitutok din ako sa panonood.

Noong nakarang hunyo ay nakarating ako ng Mexico sa unang pagkakataon. Isang "business strategy" daw ayon sa aming kumpanya ang hakbang na ilipat ang produkto at ang buong planta ng Hitachi Mexico sa Pilipinas. Dahil sa hakbang na ito ay mawawalan ng trabaho ang libo-libong Mexicano kung saan sa kumpanyang iyon kami pupunta. Isa na naman ba itong Pacquiao versus Morales re-match? Pag dating namin doon ay mas marami sila, baka hindi na kayanin ng tapang ng Pinoy ang laban pag 1 versus 100 na ang usapan.

Bago lumipad ang grupo namin papuntang Mexico ay maraming mga pagpapaliwanag at orientation pa ang aming narinig. Lahat ng pag-iingat ay binilin sa amin at pinabaunan pa kami ng ilang mga guidelines sa kung ano ang dapat at hindi dapat gawin sa Mexico. Wala naman bago sa mga rules and regulations nila, kung ano ang tama sa Pinas ay tama rin sa kanila. At kung ano ang mali tulad ng pag gamit ng illegal drugs, pag kuha ng illegal prostitute at pag sakay sa illegal o kolorum na taxi ay ganito rin naman sa Pinas. Nabawasan ang kaba ko dahil wala naman pinagkaiba ang Mexico sa ibang bansa na napuntahan ko maging sa Pinas. Hindi mawawala ang peligro sa kahit saang lugar. At sa aking palagay ay sanay na ako sa mga peligrong ito.

Tinawag ang grupo namin na Coyote Team. Noong una ay na-excite ako dahil baka may kasamang contract sa Warner Brothers ang pagpunta namin doon, matutupad narin ang pangarap kong maging artista...pang cartoons nga lang. Dahil sa aking curiosity ay tinanong ko sa isang Manager namin kung ano ang ibig sabihin ng Coyote at bakit ito ang pinangalan sa grupo? Subalit hindi rin nila alam. Sa akin kasing pagkaka-alam, si Coyote ay ang aso na laging humahabol kay road runner at madalas malagay sa peligro ang buhay dahil sa paghahangad na makakain ng fried chicken. Nangangahulugan ba ito na nasa peligro din ang buhay namin pagdating sa Mexico?

Sinubukan kong hanapin sa internet ang kahulugan nito at dalawa pang kahulugan ang nakita ko.

Ayon sa Wikipedia: The coyote (Canis latrans) also known as the prairie wolf is a mammal of the order carnivora. They are found throughout North and Central America, ranging from Panama in the south, north through Mexico, the United States, and Canada. The name "coyote" was borrowed from Mexican Spanish, which is itself borrowed from the Nahuatl word coyōt. Its Latin name Canis Latrans means "barking dog".

Ayon naman sa www.urbandictionary.com: coyote brings Illegal immigrants from Mexico to the United States across the border illegally. The cayote helped the migrant family cross the dessert from Mexico into Arizona.

Lalo tuloy akong napa-isip. human trafficker ba ang tingin nila sa amin? O illegal ba ang pag lipat namin ng teknolohiya ng Mexico sa Pilipinas across the boarder?

Nang marating namin ang Mexico ng ligtas ay bahagya na akong natuwa. Pero ang araw na unang pakikipag harap namin sa mga Mexicano sa kumpanya nila ang muling nagpalambot ng tuhod ko. Tanging si Pacquiao lang at ang kanyang mga awitin ang nagiging inspirasyon ko para ipakita sa kanila na matapang ang lahing Pilipino. Alam ko na hindi maganda sa kanila ang kahihinatnan ng pag punta namin doon. Sino ba naman ang gustong mawalan ng trabaho? At ngayon ay makakaharap nila ang mga papalit sa trabaho nila. Nang makaharap ko na ang isa sa mga Mexican Engineer na counterpart ko ay napalunok ako ng laway.
Lamang siya sa akin sa halos lahat ng kategorya, maliban sa kagwapuhan. Paano ako babangga sa kanya na malaki pa kay Batista? Ilang sandali pa ay unti-unti na itong lumapit sa akin at biglang pinorma ang kamay. Napatakip ako ng mukha at ng ilang segundo pa ay wala naman akong naramdaman na kamaong dumapo sa mukha ko. Makikipag kamay lang pala! Pina-nerbyos pa ako ng mokong. Ilang sandali pa ay panay na ang kwento sa akin, maingay at masayahin ang mga Mexicano, tulad din ng mga Pinoy. Lahat ng bagay ay dinadaan nila sa tawa maging problema man. Hindi ko nakita sa mukha nila ang galit at lungkot sa nalalapit na pagka-wala ng trabaho. May mga pagkakataon na inilalabas din nila ang kanilang mga sentimyento sa mangyayari sa kanila sa oras na magsara ang kumpanyang pinapasukan. Subalit wala silang ano mang galit o sama ng loob sa mga Pinoy. Para sa kanila, lahat ay biktima ng pagbabago. Walang oras na wala silang gana na makipag kwentuhan. Kahit na nga ang iba ay hindi marunong mag-ingles ay walang patumangga na kakausapin ka parin kahit pareho kayo na hindi nagkakaintindihan.

Lloyd: Hi, I'm Lloyd the ion mill process engineer.

Mexican Operator: Hola! Apesadumbrado sino yo no puede entender inglés. A propósito te oí el decir de que eres ingeniero del molino del ion, soy ése tan? Soy Maria, i que trabaja aquí como operador por nueve años ya. Sabes, pienso que eres lindo. Jejejejeje...

Lloyd: Si Señor. Awwww!

Naging masayang kasama ang mga Mexicano. Nabago ang pananaw ko sa kanila na mga mukhang boksingero. Isang buwan din ako tumagal sa bayan nila at natutong kumain ng tacos, buritos at tortas. Ngayon ay nasa Pilipinas na ako at sila naman ang nandito. Tinuturuan ko sila ngayon magtagalog, kumain ng balot, addidas, IUD, helmet at betamax. Gusto ko sanang tawagin ang grupo nila na kapre group o bugaw group, pero hindi nalang dahil mga kaibigan ko sila. Okay na sa akin ang tawag sa grupo namin na Coyote, gwapo naman!

Sep 8, 2007

Mama Mary Loves you!

Sabado ngayon pero nasa opisina ako.

Hindi ko man gustuhin na pumasok ngayon ay wala akong magawa. Sa aking mga kamay nakasalalay ang ikagaganda ng aming bagong produkto (ito ang dapat ko isipin para hindi ako masyado malungkot na pumasok ako ngayon). Masama ang gising ko at parang wala akong ganang mag trabaho. At tulad ng lagi ko ginagawa, bago bumasa ng 80 unread e-mails (lahat ay job related..fyi) ay hinarap ko muna ang makulay na mundo ng Internet Explorer. Unang pumasok sa isip ko ang mag-basa ng news, para naman alam ko parin ang nangyayari sa paligid ko. Kagabi kasi ay deal or no deal na ang naabutan ko at wala na ako sa ulirat para hintayin pa ang mga pang-gabing balita. Sa http://www.inquirer.net/ ako unang bumisita. Pag katapos mabasa ang ang headlines ay nagtungo agad ako sa paborito kong colum dito, ang Moments ni Fr. Jerry Orbos.

Isa si Fr. Jerry Orbos sa mga personalidad at manunulat na hinahangaan ko. Sa mga hindi nakakakilala (meron ba?), si Fr. Jerry Orbos ay isa sa mga pinuno ng mga misyonaryong pari dito sa Pilipinas (SVD Missionary Director ). Sa pamamagitan ng kanyang mga kwento at karanasan ay binabahagi niya sa tao ang mga biyaya at pagpapala ng Diyos. Siya ang awtor ng mga librong moments, shared moments, simple moments, light moment at candid moments. Nabasa ko na ang lahat ng mga librong ito at bawat kwento at karanasan ay nag-iwan sa akin ng inspirasyon sa ibat-ibang paraan.

"Speak with your head and people will listen with their head. Speak with your heart and people will listen with their heart, for a heart speaks to another heart."

The story is told about a wonder dog that knew how to count. When asked “1 x 1?” it would bark once. When asked “1 x 2?” it would bark twice. Because of its special talent, the dog had a comfortable and pampered life. Everything was fine and predictable until one night, an unexpected thing happened. A drunken guy wanting to test the dog asked, “1,000,000 x 1,000,000?” The last heard about the dog is that, up to the present, it is still barking and it is now at the point of dying.

By Fr. Jerry Orbos

Ganito ang atake sa mga kwento ni Fr. Jerry, may nakakatawa, nakakaiyak, nakakainspired at nakakahigh (with the Lord po, baka magalit si father), pero lahat ay tagos sa buto pati puso't kaluluwa.

Gusto kong i-share ang dalawa sa mga paborito kong kwento ni Fr. Jerry tungkol sa pinaka mapagmahal na ina.

(Gusto ko sana itong isalin sa wika ko, pero baka hindi ko mabigyan ng hustisya ang nais ipa-abot ng kwento.)

A MOTHERS HOLD:

When Jesus was arrested, all the disciples fled and abandoned their Master. All except one __ John.
Why did John not abandon Jesus?
Actually, John too wanted to run away, But the Blessed Mother held on to him, so he could not run away!
Always remember: " Stay close to the Blessed Mother and you will never abandon Jesus!"

AN ANGEL NAMED MARI KEI:

In 1996, I prayed over and asked Mama Mary for the gift of child for Farah and Yoshi (a Japanese).
Their wish was granted. They were given a child whom they beautifully named Marie Kei (which in Japanese means "Blessing from Mary"). She was born on December 12, feast of Our Lady of Guadalupe. It was a joyful day for the whole family, made more joyful with Yoshi's announcement that he too, wanted to be baptized on January 5, together with his child.
But suddenly, joy turned to sorrow. The baby became very sick and I was called to give her emergency baptism at the hospital on December 15. Yoshi, really wanting to be one with his child, wanted to be baptized as soon as possible. I administered adult baptism to him on december 23.
The next day, Christmas eve, Marie Kei died at St. Luke's Hospital. She lived for only 12 days but she had done her mission. In Farah's own words, marie Kei has brought her father, Yoshi, to the Lord.
Marie Kei's mission was accomplished in 12 days. How about you? How long have you been here in this world? Have you done your mission? Are you doing your mission....?



Hanga ako sa pagmamahal na pinapakita ni Fr. Jerry kay Mama Mary. At ang pagmamahal na ito ay binabahagi din niya sa bawat taong nakikinig at naghahanap ng pagmamahal.
Sa tuwing bumabati si Fr. Jerry ng "Mama Mary Loves You", lubos na galak ang nararamdaman ng puso ko.
Mula sa kanya ay ramdam ko ang diretsong haplos ng pagmamahal ni Mama Mary.

Napalitan ng isang matamis na ngiti ang kaninang nakasimangot kong mundo.
Bigla kong naalala na importante at espesyal ang araw na ito ...
Ngayon ang birthday ni Mama Mary. Sinabihan ko si Grace na hintayin ako, pipilitin kong makauwi ng maaga para sabay kaming magsimba at magpasalamat sa pagmamahal na bigay ni Mama Mary.

Mama Mary Loves You!!!

Sep 4, 2007

May Deathly Hallows...Na Deathly Inlove

Huwebes.

Maaga akong umuwi galing opisina dahil sa dinalaw ako ni Grace dito sa Laguna.

Wala silang pasok noon dahil sa araw ng Bulacan o mas kilala sa buong Pilipinas na Linggo ng Wika.
Dahil ipit na araw ang biyernes ay minabuti narin ng kanilang kumpanya na gawin narin itong holiday. Ang ibig sabihin nito ay apat na araw na makakasama ko si Grace. Bagamat may pasok ako noong huwebes at biyernes ay okay lang, pag uwi ko naman ng bahay ay surebol na nandoon siya at naghihintay.

Mula lunes hanggang huwebes ay 8:00AM to 6:00PM ang pasok namin. At 99% pa nito ay OT (over time) ako kaya alas otso na ng gabi umuuwi. Pero hindi sa araw na iyon. 5:55 PM palang ay nag shut down na ko ng PC at iniintay ang pagtunog ng alas-sais na chime, hudyat ng uwian.

Ilang sandali pa ay parang musika na sa tenga kong narinig ang oras ng uwian. Tayo agad at tumakbong palabas ng opisina papunta sa time trak. Nang makaupo na ako ng shuttle bus ay agad kong kinuha ang cell phone ko para i-text si Grace.

Lloyd: "hi bi, kmusta k n? pauwi n ko..=)
Grace (Reply): "Ok nman ako bi, ingat k.
Lloyd: ""ano gus2 mo uwi?"
Grace (Reply): "Ikaw..=)"

Sino ba naman ang hindi mae-excite na mabasa ang ganoong klase ng reply mula sa asawa. Lalo akong nataranta at halos gusto ko nang palitan ang driver para paliparin ang bus na sinasakyan.
Ilang sandali pa ay nakarating na ako sa babaan at sumakay ng jeep at padyak hanggang makarating sa apartment na tinutuluyan ko.

Si Grace agad ang sumalubong sa akin pag dating ko sa gate. Nakangiti siya at nakangiti din ako. Para kaming mga teenager na nagliligawan. Sinubukan ko siyang i-kiss sa lips pero iniwas niya ng konti, kaya dumaplis lang at sa pisngi tumama. Nagtaka ako sa kanyang pag-iwas. Nang tumingin ako sa paligid ay marami palang tao ang nakatingin sa amin. Para tuloy kaming mag loveteam na inaabangan ang pag kikiss bago mag palakpakan ang mga fans.

Pinaghain agad ako ni Grace para sabay kaming kumain.
Habang kumakain ay walang sawa akong nagkwento na parang isang taon ng hindi nakita ang asawa. Bihira kasi ang mga pagkakataon na ganito, kadalasan ay tuwing weekend lang kami nagkakasama ng matagal.

Lloyd: "Thank you bi, excited ako kasi nandito ka."
Grace: "Mas ma i-excite ka mamaya". Sabay ngiti.

Iba na talaga ito. Mukhang giyera na talaga ito at mapapalaban ang bataan. Hindi ko na mapigilan ang sarili ko sa mga naririnig ko. Matapos lang ng ilang komersyal ng pinapanood namin sa TV ay inaya ko na agad siyang umakyat sa kwarto. Eto na ang pinakahihintay kong oras at sabik na talagang malaman ang bagay na ika i-excite ko.

Nang makapasok kami sa pinto ay ni lock ko agad ito.

(Babala: Kung ikaw ay wala pang labing walong taong gulang, maari mo nang itigil ang pagbabasa sa blog na ito at mag log-in na lamang sa http://www.cartoonnetwork.com/)

Ang sumunod na pangyayari ay hindi ko inasahan.

Grace: Halika dito sa tabi ko.
Lloyd: Huh? O sige..bakit?
Grace: Kunin mo yung bag sa likod tapos buksan mo.

Makapigil hininga kong sinunod ang lahat ng inuutos niya.
Nang buksan ko ang bag ay biglang nalalaglag ang panga ko at tumulo ang laway.
Isang kulay orange na libro ang nakita ko.
Hindi nga ako nananaginip, ito ang libro na pinaka aasam-asam ko.

HARRY POTTER & THE DEATHLY HOLLOWS!!!! ASTIG!!!!!




Matagal kong inintay ang pagtatapos ng Harry Potter at ang Deathly Hallows ang huling bahagi nito.

Bago buksan ang plastik ng aklat ay inamoy-amoy ko muna ito na parang adik na tumitira ng katol.

Simula noong gabing iyon ay hindi na ko mapakali na buksan ang libro. At tuwing tititigan ko si Grace ay napapangiti ako. Sobrang na surprise nga ako, kahit na hindi iyon ang inaasahan kong magaganap. Mas malalim na kaligayahan, mas masarap sa pakiramdam. Isang halik at mahigpit na yakap ang sinukli ko sa aking asawa. Tunay nga na pagmahal mo ang isang tao ay alam mo ang mga bagay na nagpapasaya sa kanya. Ganoon ako kamahal ni Grace.

Alam ko na marami na ang mas nauna sa akin na magkaroon at makabasa ng aklat na ito. Pero para sa akin, ang ang pagkakaroon ko ng ika-pitong aklat sa buhay ni Harry Potter ay isang kabanata sa buhay ko na nagpapa-alala ng tunay na pag-ibig mula sa aking asawa.

Winakasan na ni J.K. Rowling ang pakikipagsapalaran sa buhay ni Harry Potter. Pero ang kwento ng pagmamahalan namin ni Grace ay magpapatuloy hanggang sa kabilang buhay...

Totoo nga..I'm Deathly inlove...with Grace..

Sep 3, 2007

Sleepless in the Shuttle

Lunes na naman, ito ang panahon na kusang nagdidikit ang mga talukap ng mata ko dahil sa antok.

Normal na sa akin ang ganitong pakiramdam tuwing galing sa bakasyon. Lunes hanggang biyernes ang pasok ko sa opisina. Tuwing biyernes ay diretso na akong umuuwi sa Bulacan upang doon gugulin ang mga araw na wala pasok. Sinasagad ko ang paglagi ko doon, kung kaya naman tuwing lunes ng madaling-araw na ako lumuluwas pabalik ng Laguna. Ito ung mga oras na tulog pa ang diwa ko at ayaw pang humiwalay ng likod ko sa kama. 3:30 ng umaga palang ay kailangan gising na ako para matapos ang lahat ng ritwal bago maligo. Bago mag 4:30 ng umaga ay kailangan umaalis na ko ng bahay bago pa tumilaok ang mga manok.

Mahigit sa isang oras at kalahati ang tagal ng biyahe mula sa bahay hanggang Magallanes, kung saan naghihintay ang shuttle service ng kumpanya namin na umaalis ng eksaktong 6:25 ng umaga. Kung kaya sa tuwing minamalas ako at inabutan ng trapik o nasira ang MRT ay puwet nalang ng shuttle bus ang inaabutan ko. Pero sinusubukan ko parin itong habulin, habang nag dadasal na sana ay matrapik o masiraan (sama!). Sa oras na naramdaman ko na isang istasyon na ng MRT ang layo ng tinakbo ko ay saka palang ako susuko at sasakay ng jeep diretso sa sakayan ng fx papasok sa opisina. Nang minsang maiwan ako ng shuttle bus ay hindi ko tinigilan ang pag habol dito. Malayo pa lang ay napansin ko na paalis na ito. Dali-dali akong tumakbo at umasang maabutan ko ito. Habang karipas ay napansin ko na puno na ang bus at may mga ilang empleyado na na nakatayo, senyales na huling bus na ito at marahil ang mga nakatayo ay ilan din sa mga naghabol dito. Swerte! ng bigla itong matrapik pagdating sa traffic light. Agad kong kinatok ang pinto nito para mapansin ng drayber. Binuksan naman ng drayber ang automatic door, subalit bago pa man ako makasampa ay biglang nag berde na ang traffic light. Hudyat na kailangan ng umusad ng sasakyan. No choice ang driver kundi i-abante ang bus para makaiwas sa huli ng pulis. Tinalon ko ang bus sabay kapit sa pinakamalapit na makakapitan. Nang maka-sampa na ako ay biglang nagsigawan ang mga sakay na empleyado sa may bandang harap, na karamihan ay mga babae. Noong una ay inakala ko na parang isang suspense action move lang ni Jacki Chan ang natunghayan nila kung kaya ganoon nalamang ang lakas sigawan at takot na narinig ko. Bagamat, nakakapit naman ako ng mabuti at hindi naman ako nahulog o tumilapon sa kalsada. Bilib na sana ako sa sarili ko subalit laking gulat ko ng makita ko ang bagay na kinapitan ko. Isang malaking hinaharap ng isang babaeng empleyado na nakatayo malapit sa estribo. Dali-dali akong bumitaw sa pagkakahawak at napayuko na lamang. Nagkulay mansanas ako sa kahihiyan at halos hindi ako makatingin sa kahit kaninong nakapaligid sa akin, lalo na sa babaeng nakapitan ko.Iyon pala ang dahilan ng malakas na sigawan sa loob ng shuttle bus.

Malaking ginhawa sa akin ang shuttle service ng kumpanya namin. Bukod kasi sa libre ito para sa lahat ng empleyado ay nagiging madali pa proseso ng pagpasok ko sa opisina. Maiiwasan na ang palipat-lipat na sakay mula sa iyong pinaggalingan ay ligtas ka pa sa usok at alikabok sa daan dahil sa aircon ito. Sa halos lahat ng bayan sa Laguna at kalapit lalawigan nito ay may isa hanggang walo o marami pang shuttle buses na naghihintay. Depende sa dami ng mga empleyado na pumapasok sa lugar. At humigit kumulang sa limampung shuttle buses ang pumapasok at lumalabas ng aming kumpanya tuwing pasukan o uwian.

Isang bus na modelong gawa sa Japan ang karamihan sa mga shuttle buses na nirerentahan ng kumpanya sa dalawang service company. Magkaiba man ang istilo ng mga buses nila ay karaniwan naman ang mga eksenang makikita sa loob.
Nakatala sa ibaba ang pagkakahati-hati at pag kakaiba-iba ng bawat empleyado na sumasakay ng shuttle bus base sa aking obserbasyon.

Una dito ang mga PALATULOG: (53.33%)
Sila ang nasa majority ng mga pasahero sa loob ng shuttle.
Mahigit sa kalahati ng sakay ng shuttle ay ito ang paboritong libangan.
Ang mga palatulog ay ang karaniwang unang laman ng shuttle upang makapili ng magandang pwesto kahit maiksi o mahaba man ang biyahe.
Sa oras na mailapat na nila ang kanilang mga puwet at likod sa upuan ay kasunod na nito ang pagpikit ng mata at pag buka ng bibig.
Sila ay ang mga sakay ng shuttle na parang laging naka rejoice shampoo. Kering-keri sumusunod sa bawat galaw ng bus ang mga ulo.
Sila din ang madalas nakakaramdam ng bukol o pasa dahil sa madalas na pag ka-untog ng ulo sa window.
Madalas akong nabibilang sa grupo na ito. Minsan ay mas malala pa.
Lunes ng gabi noon, at dahil sa antok ay natulog ako sa shuttle ng pauwi na sa apartment na tinutuluyan ko sa Laguna.
Pag upo ko palang ay parang hinihila na ng dalawampung demonyo ang mata ko at ng magsara ito ay tuloy tuloy nang lumipad ang isip ko at nagsimula ang mahimbing na tulog. Ilang sandali pa ay umusad na ang bus na lalong nag pahimbing ng tulog ko, parang dinuduyan ako sa sarap.

Ang sumod na pangyayari ay halos kinabaliw ko;

Nagising ako sa ilang kagat ng lamok at pag dilat ko ay muntik ng mapasigaw sa takot.
Madilim ang paligid at ako nalang ang sakay ng bus.
Sumilip ako sa bintana at napansin ko na nakahito na ang bus na sinakyan ko.
Anak ng pitongput pitong puting pato! nasa garahe na ako ng bus!
Buti nalang at gising pa ang driver.
Nagawa pa niyang pagbuksan ako ng pinto para makalabas.



Pumapangalawa sa listahan ay ang mga PALATEXT. (20.25%)
Sila ang mga empleyado na nawawala sa sarili sa tuwing mauubusan ng load.
Hahabol sa shuttle bitbit ang hi-tech na nokia celphone.
Pagpasok sa pinto ng shuttle ay sisismulan na mag text hanggang makahanap ng upuan.
Madalas ay kinaiinisan sila ng mga palatulog, dahil sa lakas ng message alert tone na minsan ay special pa.


"tututut tutut tututut! tututut tutut tututut!

O kaya ay nagsasalita pa:


Dadi dadi may nag txt! ano? babasahin ko na ba?



Nagigising tuloy ang mga palatulog at nahihirapan bumawi ulit ng tulog.



"Ang lakas naman ng message alert tone mo! Asar na me!



Pangatlo ang mga PALAKWENTO. (16.42%)
Taob ang Wakasan komiks at drama sa radyo kung susubaybayan mo ang mga kwento nila.
Buong byahe ay puro kahindik-hindik na karanasan ang maririnig mo na may aksyon at sound epek pa.


"Nang dinampot na nya yung plato, bigla akong sumigaw ng huwaaaaaag!!!!. Pero matigas siya. Babasagin ko to! Tumakbo ako para pigilan siya, nung malapit na ko ay biglang...Kaplak..krrrrrrrrrrrg..krum..krum...basag na ung plato. Ang kulit ng anak ko talaga."


Minsan ay may nakatabi akong palakwento sa shuttle at walang sawa niyang kinuwento sa katabi niya ang karanasan niya sa dating boyfriend. Lunes ng ikwento nya kung paano sila nagkakilala ng dating syota nya. Martes ay nalaman ko na muli silang nagkita at nagdate sila sa chowking. Miyerkules ay nag tapat na ito ng pag-ibig sa kanya. Huwabes ay sinagot agad niya. Biyernes ay puno ng pagmamahalan. Hindi ako pumasok ng Sabado at Linggo, pero nung Lunes ay nabalitaan ko na break na sila. Halos mapaiyak ako sa lungkot. Totoo palang nangyayari sa totoong buhay ang isang Lingong pag-ibig.


Pang-apat ang mga PALAANAK. (8.33%)
Sila ang mga special passenger ng shuttle.
Bago ka pa sumakay ay tanaw mo na sa labas ng bintana sa ikatlong hanay ang limang upuan mula sa drayber ang mahigpit na babalang:


"For Pregnant Woman Only!"


Oo, bawal ang Pregnant man, Pregnant Dog, Pregnant Cat o kahit Pregnant ant. Malinaw ang babala, for Pregnant Woman Only. Kaya naman walang naglalakas ng loob na umupo dito, dahil kung sino man ang mag-tangka ay mapapatalsik. At hindi lang laki ng tiyan ang batayan para mag karoon ng power na makaupo sa special na upuan na ito, dapat ay meron kang kulay blue na sticker sa ID ng isang babaeng buntis. Minsan ay naglakas loob akong umupo sa upuan ng Pregnant Woman, pero nabigo ako dahil nabuking ng Bus Marshal na hindi ako woman. sayang, lusot na sana sa pregnant.



Pang lima at pang huli ay ang PALAGAWANGKWENTO (1.67%)

Siya ang sakay ng shuttle, na hindi makatulog, walang load at wala din kakilala sa shuttle kaya walang makausap.
Para malibang ay iikot ang mata para magmasid sa ginagawa ng mga tao sa paligid niya.
Pagdating sa opis ay agad bubuksan ang PC at mag lolog in sa http://www.blogger.com/ at magsisismulang magkwento.



"What if someone you never met, someone you never saw, someone you never knew was the only someone for you? "