Mar 27, 2008

Perstaym sa Baguio

Alas dos pa lang ng madaling araw ay excited ko nang ginising si Grace. Ngayon kasi ang pagkakataon na una kong masisislayan ang Baguio. Hindi ito ang perstaym ko sa Baguio pero masasabi ko na ito ang perstaym na ma-eenjoy ko ang lugar na ito. . Una akong nakapunta sa Baguio noong ako ay tatlong taong gulang pa lamang at tanging ang mga kwento at ilang larawang kupas lamang ang nagsilbing ala-ala sa akin ng lugar na iyon.

Ang pangalawang pagkakataon naman ay walong taon na ang nakaraan. Naging masaya sana ang experience na iyon, pero minalas ako na dapuan ng nakahahawang sakit na LBM. Dahil sa namimilipit ako sa sakit ay hindi ko nagawang makababa ng sasakyan maliban na lamang kung may madaanang CR na naging stop-over namin kada limang minuto. Pati tuloy mga kasama ko ay nadamay sa sumpang pinagdaanan ko.

Noong malaman ko na magkakaroon kami ng mahabang bakasyon ay agad kong naisip na ayain si Grace sa Baguio. Pero dahil sa ilang personal na kadahilanan ay hindi kami natuloy. Hanggang sumapit ang biyernes at Baguio pa rin ang laman ng isip ko. Nang mapansin ni Grace na hindi na ako makakain at hindi na mapagkatulog kakaisip dito ay pinagbigyan narin niya ako. Sa sobrang tuwa ko ay nagtatalon ako sa kama at nag tumbling ng tatlo’t kalahating beses.

Lingid sa aming inakala ay hindi naging mahirap ang biyahe papuntang Baguio. Pagdating pa lang sa terminal ng Victory Liner sa Cubao ay agad na akong nakabili ng ticket at walang kahirap-hirap na nakasakay sa bus. Pero meron pang problema, kung saan kami tutuloy at kung may bakante pa bang kwarto sa mga hotel?. Kalagitnaan na ng biyahe ay iniisip parin namin kung saan kami magpapalipas ng gabi. Ayaw sana namin maglatag ng banig sa Burnham Park pero ito na lang ang naiisip kong paraan sa oras na wala kaming matuluyan.

Hanggang sa naalala ko ang isang kaibigan na posibleng makatulog sa amin. Si Lee, isang dating kasamahan sa trabaho. Isang text ko lang ay kaagad na niyang ginawan ng paraan na ma-ihanap kami ng hotel. Medyo natagalan lang ang negosasyon namin dahil sa liit ng budget ko.

Lee: May mga hotel na akong nakita, I-reserve na kita. Magkano ba budget mo?
Lloyd: Ayos. Meron bang 500 per night?
Lee: Ngek! Hotel ba talaga hanap mo?
Lloyd: Kahit tent pwede na may matulugan lang.
Lee: Hehehe..meron ako nakita, 1,350, 1,500, 1,800 per night. Yan na yung pinaka mura.
Lloyd: Sige, yung 1,350 na lang. Wala na bang tawad?

Nang makarating kami sa Baguio ay nadatnan na namin doon si Lee kasama ang kanyang asawa na si Gary. Sa terminal pa lang ay nag-aantay na sila sa amin. Matagal ko ring naging kaibigan at kasama sa trabaho si Lee. Pero noong nakaraang taon ay nag desisyon siya na iwan ang Laguna at samahan na ang asawa sa Baguio. Isa ito sa desisyon na alam kong hindi madali pero nagawa nila dahil sa pagmamahal. Hanga ako sa desisyon na iyon, at nakita kong nagbunga ito. Masaya ang dalawa, ramdam ko ang nag-uumapaw na pagmamahalan sa bawat tawanan, tinginan at kulitan. Si Ma’am Lee pa rin ang dati kong kasama sa trabaho na focus sa kanyang goal, kaya lahat ng ito ay napaka-simple lang niyang na-aabot. Pero sa pagkakataong ito ay meron siyang masmalalim at masmakabuluhang adhikain. Tulad ng naipangako ko, kasama ninyo kaming ipagdadasal na matupad ito.

Mula sa terminal ay hinatid nila kami sa Hotel at mula doon ay inayang kumain. Naging mahaba ang aming kwentuhan dahil sa tagal narin mula ng huli kaming magkita. Samahan pa ng mga masasarap na putahe na talagang nakakatakam.

Hindi ako mahilig sa sea food. May allergy kasi ako sa ilan sa mga ito. Pero ang seafood sa Bahay Sawali ay nagpasaya sa taste buds ko. Samahan pa ng isang katutubong luto na dati pang ipinagmamalaki sa akin ni Lee.

Ang pinikpikang manok. Isang local delicacy ng Igorot. Ang "pinikpikang manok" ay inihahanda sa pamamagitan ng pagpalo sa buhay na manok gamit ang maliit na kahoy hanggang sa ito ay mamatay. Brutal pakinggan pero ang lasa nito ay mas malinamnam kumpara sa normal na pagpatay sa manok. Tinatawag din daw itong “Killing me softly” para mas magandang pakinggan.


Matapos ang masarap na tanghalian ay hinatid pa kami ng mag-asawa sa hotel. VIP ang treatment nila sa amin kaya naman utang naming sa dalawang ang masayang bakasyon na ito.

Pauwi na kami ay nag text ulit sa akin si Lee. Tinatanong niya kung nag-enjoy kami sa aming pagbisita sa Baguio. Oo at salamat lang ang na-itext ko dahil sa hindi ko kayang itext ang lahat ng bagay na na-enjoy namin sa lugar na iyon. Pero sa pagkakataong ito ay iisa-isahin ko ang mga ito.

Nag enjoy kami sa...

Mainit na pagtanggap ninyo sa amin.
Pagkain sa Bahay Sawali na libre ninyo. (Sino ba naman ang hinde mag-eenjoy?)
Pinikpikang Manok


Strawberry Taho na dati ay laman lamang ng aking panaginip.
Ang sariwang salad na amoy garden pa.
Ang super sweet corn na pinag-agawan pa namin ni Grace ang huling kagat.


Tenderloin Steak ng Sizzling Plate Baguio



Fresh na strawberry na bagong pitas
Ube jam na expired na after 2 days.
Ang Brocolli, Lettuce at talbos ng sayote na binili namin sa palengke.


Ang madumi nang Burnham Park, pero masarap pa rin maupo at magkwentuhan.
Ang matarik na hagdan sa Cathedral.
Ang SM Baguio na malamig kahit walang aircon.
Ang Mines View Park na parang picture capital of the world. (Lahat ng picture-an ko may bayad..hmpf!)
Si Douglas na paboritong ka picture-an ng lahat.
Ang Botanical Garden kung saan nag post nuptial pictorial kami.
Ang most famous and first ever barrel man na pag-aari ko.


At higit sa lahat ang bawat madaling-araw na yakap ko si Grace dahil sa ginaw…

Mar 6, 2008

Si Boy

Si Boy ang panganay sa siyam na magkakapatid. Dahil sa hirap ng buhay ay naisipan siyang ibigay ng kanyang magulang sa isang kamag-anak. Walong taon pa lang siya noon at hindi pa lubos na naiintindihan ang sitwasyon. Pero kahit labag ito sa kanyang kalooban ay wala siyang magawa. Sa isang maliit na bahay sa may Project 6 Quezon City napapadpad si Boy. Isang lumang bahay na napapalibutan ng mga makina sa pagtahi ng damit ang naging bagong tahanan niya. Tulad ng naipangako sa kanyang magulang ay pinag-aral si Boy ng pamilyang kumupkop sa kanya. Bilang ganti ay nagsisilbi siya sa mga ito. Pumapasok si Boy sa eskwela ng walang baon at walang bagong damit o sapatos. Pero hindi ito naging hadlang upang sumuko siya na tuparin ang pangarap.

Pagkagaling sa eskwela ay diretso sa bahay si Boy. Ang paglilinis ng bahay, pag-igib ng tubig, pagluluto at utusan sa lahat ng gawain ang naging araw-araw na buhay niya. Matapos ang mga gawain sa bahay ay doon pa lang siya nag kakaroon ng pagkakataon na makapag-aral. Tiniis ni Boy ang lungkot at hirap na mawalay sa magulang dahil sa pangarap na isang araw ay muling makakasama ang mga ito.

Nang makatapos si Boy ng high school ay pinagpatuloy niya ang pag-aaral sa kolehiyo. Sa isang unibersidad sa Maynila siya nag enroll sa kursong Mechanical Engineering. Upang matustusan ang kanyang pag-aaral ay sinabay niya ang pagtatrabaho bilang mananahi sa mga taong nag-alaga sa kanya. Sapat lang ang kinikita ni Boy sa pananahi na pangbayad sa tuition fee ng kanilang eskwela. Kaya sa tuwing may mga gamit para sa kanyang kurso na kailangan niyang bilhin ay hindi niya mabili. Dahil sa hirap na mapag-sabay ang pag-aaral at pag tatrabaho, kasabay pa ng malaking gastusin ay tuluyan ng sumuko si Boy. Pag tungtong ng 3rd year college ay napilitan siyang huminto sa pag-aaral at pinagpatuloy ang pananahi upang makaipon at maipagpatuloy ang naudlot na pangarap.

Isang araw habang abala si Boy sa pananahi ay isang babae ang kumatok sa kanilang patahian. Dito niya nakilala si Genie. Isang simpleng babae na sa unang tingin pa lang ay nag iwan na ng bakas sa puso niya. Ngunit bago pa man masabi ni Boy ang kanyang nararamdaman sa dalaga, ay agad niyang narinig mula sa kanyang kaibigan na ang babaeng kanyang nakita ay ang babaeng nililigawan nito. Mula noon ay pilit ng itinago ni Boy ang kanyang nararamdaman para dito. Sa halip ay tumulong pa sa kaibigan upang mapasagot ang dalaga. Lumipas ang ilang taon at masugid na lumigaw ang kaibigan ni Boy kay Genie. Hanggang sa maramdaman ng kanyang kaibigan na walang pagtingin sa kanya ang dalaga. Dahil dito ay sinuko niya ang panliligaw at sinabihan si Boy na siya nalang ang magtuloy. Bagamat nagulat si Boy ay kakaibang sigla ang nadama ng kanyang puso. Ilang buwan ang lumipas at sinagot si Boy ni Genie. Naging matatag ang kanilang pag-ibig kahit pa madalang lang silang magkita. Sa Bulakan kasi nakatira si Genie at dumadalaw lang sa kanyang tiyahin na mananahi rin sa tinutuluyan ni Boy. Hindi nagtagal ay nagpasya si Boy na pakasalan na si Genie.
Matapos ang kasal ay lumipat agad ng bahay sila Boy at Genie. Isang maliit na kubo sa Bulakan ang unang naging pugad ng kanilang pagmamahalan. Gamit ang kaunting ipon ay bumili ng isang makina at nagtayo ng maliit na patahian si Boy upang ito ang kanilang pagkakitaan. Naging masaya ang pagsasama ng dalawa, lalo pa ng biyayaan sila ng apat na supling. Hindi naging madali ang buhay kay Boy at Genie. Pero kahit na hindi sapat ang kinikita ay hindi sila tumigil at ginawa ang lahat upang mapag-aral ang kanilang mga anak. Tulad din ng naranasan niya noon, ay halos wala siyang maibigay na baon sa mga anak sa tuwing papasok sa eskwela. Minsan ay nakikita siya ng kanyang mga anak na sumusuot sa silong ng bahay at pag labas niya ay may mga barya na siya sa kamay. Pinupulot niya ang mga baryang iyon mula sa silong upang ipabaon sa mga anak. Nagpursige si Boy upang ituloy ang pag-aaral ng kanyang mga anak, dahil ayaw niyang matulad ang kapalaran ng mga ito sa kanya. Hindi niya ininda ang hirap at tanging ang mga medalyang inuuwi ng kanyang mga anak ang nagiging lakas niya upang huwag sumuko.

Nang makapag kolehiyo na ang panganay ni Boy ay lalong siyang nahirapan tustusan ang mga kailangan nito. Kaya naisipan niyang humanap ng ibang pagkakakitaan. Bukod sa pananahi ay pinasok din ni Boy ang pag titinda ng isda, kaldero at sapatos na inilalako niya sa bawat bahay gamit ang kanyang padyak. Hindi naging hadlang sa kanya ang hirap at sakit ng katawan sa maghapon na pag-gawa upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya.

Limang taon ang nakalipas at naka gradweyt ng engineering ang panganay na anak ni Boy. Nangilid ang luha niya ng makita ang anak na inaabot ang diploma. Parang isang malaking tinik ang unang hinugot sa puso niya at mula dito ay lalong tumatag ang kanyang loob. Ilang taon ang lumipas ay sunod-sunod na grumadweyt ang kanilang mga anak, at nagkaroon ng maayos na trabaho. Isa-isang nabuo ang pangarap ni Boy. Higit pa sa kahit anong kayaman ang dulot na saya ng matupad niya ang pangarap sa kanyang pamilya.

Noong Linggo ay nagdiwang ng ika-62 taong kaarawan si Boy. Nandoon ang kanyang asawa, ang apat na anak na may kanya-kanya na ring pamilya, at ang kanyang mga apo na nagsisilbing tuwa ngayon sa kanyang buhay.

Habang minamasdan kong kumakain si Boy, ay napansin ko ang kapal ng mga ugat sa kanyang mga kamay. Ito marahil ang iniwang bakas ng lahat ng sakripisyo na ginawa niya para sa kanyang pamilya. Gusto kong hawakan ang kamay ni Boy at halikan. Sa ganitong paraan ko kasi gustong ipakita ang taos pusong pasasalamat sa buhay at pagmamahal na ibinigay niya sa akin. Ang mga kamay na humubog at nag pakilala sa akin ng tunay na sakripisyo, kalinga at pagmamahal

Ngayon ay may sarili na akong pamilya. Pero hinding-hindi mawawala sa puso ko ang kwento ng buhay ni Boy. Gusto kong maging tulad niya, at gusto kong ituro ang aral ng kanyang buhay sa aking magiging anak.

Salamat Boy! Isa kang dakilang Ama..

Happy Birthday Tatay! Mahal ka naming lahat!

"Si Boy at ang kanyang pamilya..minus ako na nag picture"

“Pasensya na kung naka-drama mode ako ngayon..masyado lang akong nadala ng aking emosyon..promise, next time balik na ako sa dati…”