Jun 30, 2009

Wala Nang Hahanapin Pa


Naniniwala ako na sa lahat ng salitang mababasa sa webster dictionary ang babae ang pinaka mahirap ispelengin. Nagsasalita ako base sa aking obserbasyon at hindi sa impluwensiya ng napakaraming lalaking tulad ko na minsan na ring nagreklamo. Noong mga panahong natututo pa lang akong manligaw ng babae ay napansin ko na agad ang kakaibang karakter na taglay nila. Hindi ko ito lubusang maunawaan. May likas na masungit, likas na madaldal, likas na banidosa, likas na malambing, at likas na malaki ang hinaharap..na umasenso at umangat sa buhay.

Iba ang asawa ko. Marami ang sang ayon sa akin na mga kakilala at kaibigan niya. Likas na mabait siya. Simpleng babae, walang masyadong luho, tahimik at mapagmahal. Kung iisa-isahin ko nga ang magagandang ugali na taglay niya ay malamang na maging 10 part series ang kwento sa blog ko. Pero ang hindi alam ng marami ay may ugali rin ang asawa ko na mahirap unawain at abutin ng karaniwang isipan.

Mahirap hulihin ang gusto ng asawa ko. Kahit sa ang pinaka simpleng bagay tulad ng pagkain na gusto niyang kainin, lugar na gusto niyang puntahan o sa bagay na gusto niyang gawin wala kahit anong clue ang makukuha mo sa kanya. Tuwing tatanungin ko siya ay laging “kahit ano” ang isasagot sa akin. At sa oras naman na ako na ang nagdesisyon ay tatahimik lamang. Hindi ko tuloy malaman kung nagustuhan ba niya ang ginagawa ko para sa kanya o hindi na lang siya makapag reklamo.

Nagtatrabaho ako sa isang kumpanya na piso tumpok ang dami ng babae. 7 is to 1 nga daw ang ratio ng babae sa lalaki dito. Kaya kahit na pito ang syota mo ay okay lang, may nakalaan parin para sa iba. Pitong taon narin ako dito, pero kahit minsan ay wala kahit isang Eva ang nagtagumpay na matukso ako. Pero kahit na maganda ang track record ko, ay hindi pa rin nagsasawa ang asawa ko na magtanong sa akin, kung wala ba talaga akong ibang nagugustuhan sa trabaho. Naiinis na tuloy ako, ano ba ang akala niya sa akin marupok at madaling mapa-amin?

Mayroon siyang estilong kanya lamang
Ang kanyang pagkababae ang dinadahilan
Pagsubok sa pag-ibig walang katapusan
‘Di naman daw nagdududa, naniniguro lang

Nakasanayan na tuwing biyernes pagkatapos ng opisina ang magka-ayaan gumimik kasama ang mga katrabaho. Nakasanayan ko rin naman na magpaalam muna sa kanya bago ako sumama. Ayaw ko kasing pag awayan namin ang mga ganitong bagay. Umaga pa lang ay itetext o tatawagan ko na siya para ipaalam ang plano ko pagkatapos ng opisina. Mabilis naman siyang papayag. Sa oras na nasa gimikan na ako, every 5 minutes ay tumutunog ang celpon ko. Lahat kasi ng pwedeng itext ay itetext niya para kunin ang atensyon ko. “Kumain ka na?”, “Hiwalay na pala si Hayden Koh at Vicky Belo”, Tumaas na naman pala ang presyo ng gasolina”. “Kinasal na pala si Ryan at Juday”, “Uuwi ka na ba?”, “Umiinom ka ba?” at kung ano-ano pa. Bawal na hindi ako mag reply sa bawat text niya. Kapag hindi ako nag reply ay hindi na niya ako kakausapin buong magdamag. “Siguro, nag eenjoy ka sa kandungan ng iba kaya hindi ka maka reply!!!!”

‘Di raw nagseselos ngunit nagbibilang
Nang oras ‘pag ako'y ginagabi
At biglang maamo ‘pag may kailangan
‘Pag nakuha na ikaw ay itatabi


‘Di magpapatalo ‘pag mayroong alitan
‘Di aamin ng mali, magbabagong-isip lang


Ngayong buntis na ang asawa ko, katakot-takot na paalala ang narinig ko mula sa mga kaibigan.

“Dapat 'wag mo papagalitin yan”
“Dapat 'wag siya malulungkot”
“Ibibigay mo lahat ng gusto niya”
“Pagpapasensyahan mo lang.”


Hindi naman mahirap para sa akin na gawin ang lahat ng ito. Ngayon pa nga lang ay napapansin ko na ang mga pagbabago sa asawa ko. Naging masungit siya at madaling mainis sa tuwing nagtatanong ako kung may masakit sa kanya, kada dalawang segundo. Ang kulit ko raw. Ang paghahanap niya sa mga bagay o pagkain na wala sa bahay, at kapag naman binili ko na ay ayaw nang kainin. Ang mas madalas niyang paglalambing sa akin at ang lalong dumalas pa na pagtatampo sa tuwing hindi ako sang-ayon sa gusto niya.

Ito ang katotohanan sa aming buhay bilang mag-asawa. Maraming bagay at ugali pa rin ang hindi namin maintindihan sa bawat isa. Pero ang mga bagay na ito ang mahahalagang sangkap na bumubuo sa aming dalawa. Bawat araw na dumadaan ay simpleng buhay na puno ng saya at pagmamahal.Ang bawat ugali, kilos, tingin at galaw niya ang dahilan ng paghanga at pagmamahal ko sa kanya. Ang pinaka importante sa lahat, ang buhay at pagkatao niya ang siyang bumubuo sa buhay at pagkatao ko.

Ewan ko ba ngunit kahit ganyan siya,
Minamahal ko siya, wala nang hahanapin pa
Kahit ano'ng sabihin ng iba, sinasamba ko siya,
Minamahal ko pa, walang kaduda-duda,
Wala nang hahanapin pa

Wala Ng Hahanapin Pa by Apo Hiking Society

Jun 16, 2009

Eto Ang Simula



Halos kalahating taon na ang nakaraan ng huli akong bumisita sa blog ko. Marami ang nagtanong, nag-alala, nakibalita at nawala sarili dahil sa hindi ko paglathala ng kahit anong kwento sa nakalipas na anim na buwan. Ang lumipas na anim na buwan ang mga panahon na muli kong hinanap ang aking sarili. Nararapat ba ako sa buhay na ginagalawan ko ngayon? O may iba akong direksyon na dapat patunguhan? Alam ko at ng nanay ko na pag-aartista talagang nararapat na karera para sa'kin. Sa porma at tindig ko ay malamang na mas sisikat pa ako kay Hayden Koh. Pero hindi ako sanay sa kasikatan. Nasisilaw ako at nalulunod sa tuwing iisipin na magiging laman ako ng bawat DVD sa Quiapo. Kaya naman sa tingin ko, tama lang na naging engineer lang ako. Isang tahimik na buhay na malayo sa intriga.

Matagal ko ring inisip kung masaya ba ako sa buhay ko mula ng mag-asawa? O marami na akong pagkukulang na hindi nagagampanan sa aking sobrang bait na asawa. Binawasan ko ang mga date at ang mga dating romantikong tagpo sa aming buhay, at napalitan ito ng isang payak na pagsasama. Naging sentro ng aming relasyon ang pagiging magkaibigan. Naging kuntento kami na mag kausap sa lahat ng panahon. Sa kama, habang kaharap ang laptop at sa sala. (syet, pamilyar ang mga eksena). Pero naging matatag ang aming relasyon at lubos namin nakilala ang bawat isa sa hirap at ginhawa.

Ang huli at ang pinaka sensitibong bagay na gumugulo sa isip ko ay ang hindi namin pagkakaroon ng anak. Sensitibo ako sa bagay na ito. Halos ayaw ko ngang pag usapan at ikwento sa aking blog ang tema tungkol dito. Tuwing may mga kapamilya, kaibigan at mga dating kakilala na nagtatanong sa akin kung bakit wala pa kaming anak. Hindi ako sumasagot at nagpapanggap na hindi narinig ang tanong at mabilis na iibihin ang usapan.

Kung kagustuhan na mabiyayaan ng anak lang naman ang pag-uusapan, ay masasabi kong hindi kami nagkulang mag-asawa. Dalawa at kalahating taon na kaming kasal, pero bago pa man kami magpakasal ay nag simula na kaming paghandaan ang pag kakaroon ng anak. Laht ng bagay ay sinubok na namin. Mula sa mga siyantipikong paliwanag, haka-haka, alamat at mga kwento ng kapitbahay. Lahat iyan ay ginawa namin sa ngalan ng pag bubuntis.

1. Isang OB Gyne kada taon.
Isang taon lang ang ultimatum na binibigay namin sa mga eksperto para patunayan ang kanilang galing. Kung 1 year ka nang OB ng asawa ko at hindi parin kami nag kaka-anak, hahanap kami ng kapalit. Kaya naman sa loob ng dalawang taon, dalawang OB Gyne na rin ang dinaanan naming mag-asawa. lahat naman sila ay magaling, likas lang talaga sa akin ang mainipin.

2. Kakasa ka ba?
Noong unang buwan namin sa unang doctor ng asawa ko, wala siyang makitang diprensya sa aking asawa. Dahil sa tamang duda at tamang hinala na siya noon ,ay ako ang napag diskitahan niya. "Iyan bang asawa mo ay na test na?" Sabay tingin sa akin na parang gusto na siya na ang kumuha ng sample sa akin. Noong una ay ayaw kong pumayag. Ano na lang ang mangyayari sa buhay ko kung mapatunayan sa test na wala akong kakayahan na magparami. Pero wala rin ako nagawa. Sa isang maliit na kwarto na may DVD player at babasahing magazine ako dinala. Para kong tinorture at pinilit maglabas ng ebidensya..whew!.

3. May bukas pa...Magpahilot sa sikat na manghihilot sa liblib na bayan ng Zambales.
Isang tawag sa telepono ang natanggap ko sa aking kapatid. Excited na excited niyang binalita na may nakilala siyang manghihilot sa liblib na pook ng Zambales na isang wonder lola daw. Kung gumamot daw ito ay taob ang style ni Santino. At kahit anong karamdaman ay kayang gamutin ni lalo. At ang kanyang espesyalti ay manghilot sa mga babaeng ayaw mag buntis. Walong oras ang byahe papunta sa liblib na lugar na iyon. Hapo at pagod na kami ng marating ang bahay ni Lola Santina. Hindi kami nahirapan hanapin ang bahay niya dahil kilala siya ng buong baryo. Halos tatlong oras silang nag kulong sa kwarto ng aking asawa. Nang lumabas ang matanda ay nakangiti at nagmamagaling na binida sa akin na.."Shinurebol ko!!!" Sigurado, mamaya buntis na ang misis mo!!!" Walang palya..!!!" Ikaw gusto mong i-shurbol din kita???" "Ah e, wag na po lola..okay na ko.." Sabay abot ng bayad.

4. Sayaw sa Obando
Sino ba naman ang hindi nakaka alam ng himalang dala ni Sta Clara sa Obando. Naging dance floor na ang simbahan ng Obando para sa mga mag-asawang hindi magka-anak. Ilang linggo rin kaming pabalik-balik sa simbahang ito para hilingin ang biyaya ng anak. At noong sumapit ang kapistahan ng Obando na pinaka hihintay namin, ay hindi kami nakapunta. Promise, hindi na namin mamimiss ang fiesta sa Obando next year. Chyng, next time text mo kami ng mas maaga..hehehe

5. Panalangin at Tiwala

Naniniwala ako na dasal ang pinakamabisang paraan upang ipagkaloob ng Diyos ang biyayang hinihiling mo. Maaring hindi niya ito binibigay sayo sa paraan na gusto mo, pero ibibigay niya sayo ito sa paraan na kailangan mo. Mula noon, hanggang ngayon ay ito ang paraan na pinaghahawakan naming mag-asawa. Alam namin na sa tamang oras, tamang panahon at pag kakataon ay ipagkakaloob niya sa amin ang aming hiling.


June 14, 2009. Alas singko y medya ng umaga. Pupungas-pungas akong nagising ng maramdaman kong tumayo sa kama ang asawa ko. "San ka punta?" "CR lang." "Mag pregnancy test ka ulit?" Tumango lamang siya. Hindi ako mapakali. Parang nag-iinit ang buo kong katawan at bahagyang nanginginig.


Dalawang taon at anim na buwan na kaming kasal noong araw na iyon, at hindi ko na mabilang kung ilang pregnancy kit na ang nabili namin. Bawat test na gagawin niya ay lumalabas siya sa CR na umiiyak. Na-aawa ako sa asawa ko, na-aawa rin ako sa sarili ko, pero alam ko na may plano ang Diyos para sa amin.


Tatlong minuto, ang pinaka matagal na tatlong minuto sa buhay ko...

Isang malaking ngiti ang sumalubong sa akin..Isang malaking ngiti at dalawang guhit...

"Bi, dalawang guhit!!!! Positive ako!!!

"Huh, patingin...oo nga..baka drinowing mo lang yung lines?


5 weeks pregnant na ang asawa ko. Nag uumapaw na saya at nag uumapaw na biyaya...

Eto na ang simula...Dalangin namin ngayon ang kalusugan ng aking asawa at ng aming magiging anak...

Salamat sa lahat ng naki-isa sa aming manalangin para sa biyayang ito..


Napakaswerte nating lahat..walong buwan mula ngayon ay madadagdagan na naman ng pogi sa mundo...