Nov 16, 2007

Kwentong Matanong (FAQ para sa Kwentong Kusinero)

Mula nang i-post ko ang Kwentong Kusinero sa blog na Bakit Bilog ang Mundo? ay nag-umapaw agad ang dalawang comments . Dahil sa dami ay hindi ko tuloy ito personal na nasagot. Ngayon ay ekslusibong eksplosibo kong sasagutin ang bawat tanong nyo. Maging ito man ay sa blog, sa text, sa sulat o sa friendster na pinadala ng aking mga taga-subaybay. Ayaw ko kasing isipin ninyo na lumalaki na ang ulo ko, pasensya na sa mga nasaktan. Naging busy lang talaga ako sa mga mall tour at tv guestings.

Frequently Asked Questions (Kwentong Kusinero)

Q: Gusto ko sanang lutuin ang Chicken Surprise para sa aking asawa na isang vegetarian, paano ba ako hihingi ng permiso?
A: Una sa lahat, alamin mo muna kung okay sa asawa mo na kumain ng chicken. Pag sinabing gulay lang ang kaya nyang kainin, hindi pupwede lutuin ang chiken surprise gamit ang talong o pechay. Chicken nga e! . Huwag mong ipagpilitan ang Chicken Surprise dahil lang sa ito ay mukhang madaling lutuin. Baka magalit ang asawa mo, sayang lang ang pagod mo at baka iwan ka pa niya at ako pa ang sisihin mo.

Q: Gusto ko sanang lutuin ang Fujio Pizzakoto para sa aking mga anak, paano ba ko hihingi ng permiso?

A: Kung para lang sa iyong mga anak ang rason kung bakit mo lulutuin ang Fujio Pizzakoto, at hindi mo naman ibebenta sa Pizza Hut o Greenwich para pagkakitaan, di mo na kailangan humingi ng permiso. Basta't isaad lang sa ibabaw ng Fujio Pizzakoto gamit ang mayonaise at cheese ang title ng blog, author, at ang website kung saan mo nakita ang recipe bilang acknowledgment, at magbayad ng P50,000.00 bilang donasyon.

Q: Pwede ka bang maimbitahan na magluto sa Chrismas party namin?
A: Hindi sa mga araw ng Lunes hanggang Sabado. Muli, tumatanggap lang ako ng catering pag linggo at tuwing mahal na araw.

Q: Pwede ka bang maimbitahan--
A: Hindi. fix na yun, busy ako!

Q: Pwede ba--
A: Hind--

Q: Pwed--
A: Hin--

Q: Pw--
A: Hi--

Q: Q
A::::::

Q: Nbsa q n ang kwen2ng kucnero, gs2 rin me maglu2. Pno b mgandang gwin me pr mkpglu2?
A: Depende. May burner ba ang cellphone mo?

Q: Bakit ayaw mong ibigay ang totoong recipe ng mga niluto mo?
A: Napakaraming dahilan.

Q: Bakit isinama mo pa sa FAQ na 'to ang tanong sa itaas e hindi mo rin naman pala sasagutin?
A: Pamparami.

Q: Baka naman may iba ka pa recipe dyan na pwede mo i-share, step by step. Yung madali lang ha!?
A: Meron. Eto, kumuha ng lapis at papel, mag madali ka! Kusang nabubura ang mga letra pagkatapos basahin.

PINIKPIKANG BAKA

Step 1: Itali ang baka.

Step 2: Pakainin ang baka ng mga rekadong gaya ng Lauriel, Atchuete, Maggi Magic Sarap, at Knorr Beef Cubes (para maging lasang-lasang baka).

Step 3: Mag handa ng maraming kutsara.

Step 4: Mangimbita ng kapitbahay kung kulang pa ay tawagin ang buong baranggay at itali ang baka sa kuko, sa paa, sa buntot, sa sungay at sa bibig.

Step 5: Paluin ang baka sa pamamagitan ng kutsara hanggang ito ay mamatay (hindi ko problema kung aabutin kayo hanggang dalawang linggo) at pagkatapos ay ilagay ang buong baka sa kaldero...

Tanong ng baranggay, "Teka,sa kaldero namin ilalagay ang buong baka?"

Sagot ko, "Sori, I-rephrase ko lang ang sinabi ko...

At pagkatapos ay ilagay ang buong baka sa KALDEROOOO!!!

sabi ng Baranggay," Kung ganyan ka magsalita ay magkakasundo tayo...Sige ituloy mo...

STEP 6: Pagkatapos ilagay ang buong baka sa KALDEROOOO!!! ay ahitan ang baka sa nguso, sa baba, sa patilya, sa kilikili, i-kyutiks at i-pedicure ang kuko ng baka at pulbusan.

STEP 7: Gawin lahat hanggang maging presentable ang baka.

STEP 8: Habang ngumu-nguya ng talbos ng dahon ng bayabas ang buong baranggay lagyan ng asin ang paligid ng baka. Hintayin ang isang oras, tapos ipasok sa bunganga ng baka ang lahat ng nginuyang talbos ng dahon ng bayabas.

STEP 9: Pagkatapos ay i-turbo broiler ang baka. Hayaan hanggang 2-3 oras.

STEP 10: Tapos ay ihain na.
Best if serve Hot.

Makes 1-2 servings.

Q: Ikaw ba talaga ang nagluto ng mga nasa Kwentong Kusinero? Kung Ikaw nga, paano mo mapapatunayan?
A: Kasalukuyan ko pa rin po hinihingi ang pananaw ng mga siyentipiko at Simbahang Katoliko ukol dito.

Q: Adik ka ba?
A: Recovering.

Q: Gusto ko matikman ang luto mo, paano ba?
A: Mag text lang sa luto mo itext mo at i-send sa 2121. Libre ang mga bata, 4 ft. and below. 4,999.95 pesos ang entrance fee para sa mga matatanda. Bawal ang mga batang walang kasamang sampung matanda. Magdala ng diatabs

Q: Napansin mo bang korni ang FAQ mo?
A: ANO 'KA MO???

Q: Sabi ko, masyado ba kong matanong?
A: Ayos lang. Mga dalawang tanong pa... talo mo na ang pinagsamang Boy Abunda at Cristy Fermin.

Q: Last na, talaga bang may mga nagtanong ng "frequently asked" questions na 'to?
A: Wala. Pauso ko lang lahat yan. Napagtripan ko lang gumawa ng FAQ habang iniisip ang title ng sunod kong blog.

Q: Dedication?
A: To all my fan, Sana maging dalawa ka na.

3 comments:

Anonymous said...

harharharhar..Funny..

Roninkotwo said...

sana..maging dalawa ka na..

Roninkotwo said...
This comment has been removed by the author.