Simple. Ni hindi ko pa nga siya nakitang nag pahid ng kahit anong klase ng make-up sa mukha. Pero kahit naman ganun ay lutang na lutang parin ang kanyang kagandahan. Para siyang isang diwata na may kapangyarihang magpa-amo ng mabangis na hayup sa tuwing tititigan niya. Hindi ko naman sinasabing isa akong tigre o baboy ramo, pero isa ako sa nabiktima ng kanyang tingin. Sa tuwing magkasama kami ay madalas napapako ang tingin ko sa kanya at napapansin ko na nahuhuli niya ako sa ganitong akto. Mabuti nalang at hindi niya ikinagagalit ang pagtitig ko sa kanya, pero minsan na niyang inamin na natatakot siya sa akin sa tuwing nakatitig ako, para daw may halong pagnanasa. Agad ko namang itong itinanggi kahit totoo (manyak)!
Bukod pa sa pagiging simple ay taglay din niya ang katangian na mahirap mahanap. Ito ay ang katangiang magmahal, sa Diyos, pamilya at kapwa. Minsan ay isang text message ang natanggap ko mula sa kanya, nais daw niyang magpasama sa akin sa isang Christian fellowship na miyembro siya. Bagamat, isa akong katoliko na deboto kay Mama Mary at St. Jude ay hindi ako sanay pumunta sa ganoong pagtitipon. Pero sa pagkakataong ito ay hindi ko siya natanggihan at ayaw kong sayangin ang pagkakataon na makasama siya. Noong una ay inakala ko na bantay lang niya ako, habang siya ay abala sa pakikisalamuha sa mga miyembro nito. Pero hindi nagtagal ay unti-unti na niya akong pinapakilala sa mga kasama, at hindi ko namalayan na sumasabay narin ako sa kantahan habang nakataas ang kamay ay nakapikit ang mata. Bagamat hindi ako sanay at nahihiya pa, ay nakita ko nalang ang sarili ko na nag-eenjoy din. Dahil ba sa faith? O dahil sa babaeng kasama ko? Ito ang bagay na hindi ko maipaliwanag at alam kong hindi tama na siya ang maging dahilan ng pagiging miyembro ko.
"Ang buhay ng kristyano ay masayang tunay (clap! clap!),
masayang tunay (clap! clap!)
masayang tunay (clap! clap!)"
Isa sa batayan ko sa babaeng gusto kong pakasalan ay ang mapagmahal sa magulang at kapatid. Dito ako saludo ng husto sa babaeng ito. Kaya niyang isakripisyo ang lahat ng meron siya para mapasaya ang kanyang pamilya. Sa tuwing nagkakroon ng pagkakataon na nakakabisita ako sa kanila, ay nakikita ko ang saya niya sa tuwing magkakasama silang buong pamilya. Minsan ay na-ikwento niya sa akin na ang pangarap niya sa kanyang mga magulang. Hindi ko inasahan na pareho kami ng hinahangad, ito ay ang maranasan nila ang sarap ng buhay sa kanilang pagtanda. Ang makapamasyal at maikot ang mundo, makapagpatayo ng mansion, masaganang buhay at malusog na pamumuhay. Dahil alam namin ang hirap na ginawa nila noong itinataguyod pa nila kami. Bagamat mahirap abutin ang ganoong pangarap ay nakikita ko sa kanyang mata ang determinasyon na may halong pagmamahal, kung kaya sa aking palagay ay walang imposible sa kanyang pangarap. Kaya naman, sinabi ko nalang sa kanya na sa kanyang pagyaman ay idamay na niya ang nanay at tatay ko para matupad din ang pangarap ko sa kanila.
Sa aking palagay ay iba ang ikot ng aking buhay kung siya ang kapiling ko, siya ang tingin ko na kukumpleto ng aking pagkatao, pero takot ako na biguin niya kung kaya matagal kong pinalampas ang pagkakataon na sabihin sa kanya ang mga bagay na ito. May mga pagkakataon na naglakas ako ng loob na magpasaring sa kanya, pero sa huli ay nauunahan parin ako ng takot at kaba. Minsan ay inamin ko na sa kanya na kung may isang babae na gusto kong makasama habang buhay malamang na siya yun. Ngumiti siya at hindi ko inasahan ang naging sagot niya ng ikwento niya ang kanyang panaginip. Minsan daw ay nanaginip siya na lumalakad siya sa altar para sa kanyang kasal, hindi raw maipaliwanag ang kaba sa dibdib niya habang pilit niyang sinisilip ang lalaking naghihintay sa kanya. Noong una ay isang malabong mukha ang kanyang natatanaw ngunit habang papalapit ay nagkakaroon ito ng hugis at anyo. Nang makarating siya sa altar ay saka palang niya ito nakilala, isang lalaki ubod ng gwapo ang kanyang nakita. Kahit alam ko na ubod ako ng gwapo ay hindi ko naman inasahan na ako yung lalaking napanaginipan niya. Labis akong natuwa ng marinig ang kwentong iyon at nagsimulang mangarap na sana nga ay magkatotoo.
Espesyal sa akin ang araw na ito dahil ngayon ang kanyang kaarawan. Excited ako dahil nabalitaan ko na nasa laguna siya ngayon at magkikita kami. Pagkagaling sa opisina ay agad akong nagtungo sa babaan ng bus para sunduin siya. Malayo pa lang ang bus ay inilalarawan na ng aking isip ang amo ng kanyang mukha. Nang huminto ang bus sa tapat ko ay agad akong tumakbo sa pinto para salubungin ang mga bumababa kahit hindi ko sila kamag-anak. Hanggang sa matanaw ang kanyang pagbaba. Isang matamis na ngiti ang isinalubong niya sa akin, kinuha ko ang bitbit niyang bag at hinalikan. Habang naglalakad ay hindi ko mapigilan na higpitan ang hawak sa kanyang kamay dahil sa saya na aking nadadama. Siya nga ang babae sa buhay ko at kumukumpleto ng pagkatao ko. Kaya naman ako ang pinaka masayang lalaki, noong pumayag siya na magpakasal sa akin.
Happy Birthday Bi...I Love you so much!
"Ang blog na inyong nabasa ay ang kwento na hindi ko na-ipost noong December 21, 2007 dahil sa pagmamadaling maka-uwi. Naging abala naman ako sa piling ni Grace noong bakasyon kaya hindi ko nagawang i-update ang blog ko."