Feb 14, 2008

Unang Tibok ng Puso

Napanood n'yo ba ang Maalaala mo kaya noong nakaraang biyernes? (February 1, 2008). Matagal na rin na hindi ako nakakapanood ng MMK. Masyado na kasing gabi at na tapat pa ito ng biyernes. Ang araw na magkasama kami ni Grace. Kaya naman mas pinipili ko na matulog ng maaga para makapag bonding kasama si Grace. Pero ng gabing iyon ay napako ang aking panonood ng magsimula na ang episode ng MMK.

Ang episode ay tungkol sa isang batang babae (si Kat-kat) na sa edad na labing-tatlo ay naranasan ang unang pagtibok ng puso. Sa simula ay isang tipikal na bata na wala pang kamuangan sa pag-ibig, hanggang sa nakilala niya si Roehl isang batang lalaki na nagtitinda ng popcorn. Dito na nagsimula ang kakaibang pangyayari sa kanyang buhay, na noon ay hindi pa niya lubusang naiintindihan.

"Parang may paro-paro sa tiyan ko sa tuwing makikita ko siya, at sa tuwing magdidikit ang mga balat namin ay lalong dumarami ang paru-paro sa tiyan ko"

Kinder ako noong una akong nagka crush. Pero Grade 5 ako ng una kong maramdaman ang mga paru-paru sa tiyan. Hindi naman kaila na elementary pa lang ay heartrob na ako, kaya marami-rami rin ang nagkaka-crush sa akin. Kung ang mga babae nga ay tinapay, malamang ay may bakery na ako noon. Pero, kahit na lampas langit at tagos puso ang charm ko ay minalas parin ako na ang nag iisang crush ko ay walang gusto sa akin. Madalas lang tuloy ay ligaw tingin ako sa kanya. Tuwing dadaan siya sa harap ko ay humihinto ang aking paghinga. Mabuti na lamang at hindi siya nagtatagal. Dahil kung hindi ay malamang na naubusan na ng hangin ang baga ko. Valentines day noon ng naisipan kong sabihin na ang nararamdaman ko sa kanya. Pero bago ang lahat, ay naisipan ko munang bumili ng isang bagay na makakapagpaalala ng aking pag-ibig. Keychain na "broken heart" ang binili ko. Naisip ko kasi na sumisimbolo ito sa aking puso, at ang kabiyak nito ang aking alay sa kanya (yihiii!).

Lloyd: May gusto sana 'ko ibigay s'yo.
Crush ni Lloyd: Ay, key chain din? Ganyan din bigay sa akin nung crush ko kanina .
Lloyd: Ah ganun ba, nauna na pala siya.
Crush ni Lloyd: Oo, Eto oh! Hindi ba ang cute!?
Lloyd: Oo nga. (mag-sama kayo! mga taksil!!! huhuhuhu...)

Mula noon ay tuluyan ko nang kinalimutan ang crush ko. Minabuting ko nalang ibaon ang puso ko sa hukay. Umaasang isang araw, ay may isang karapat-dapat na babaeng huhukay nito at magbabalik sa akin. (maririnig ang awiting, "Hanggang sa dulo ng walang hanggan")

What is love? " Love is like a rosary that's full of mystery"

Makalipas ang ilang gabing pag-uusap at pamamasyal sa perya, ay agad nagtapat si Roehl kay Kat-kat. Dahil sa hindi pa lubusang naiintindihan ang nararamdaman ay agad namang sinagot ni Kat-kat si Roehl. Halos wala ng ligawan. Ganoon ka bilis si Roehl (certified chikboy at a young age!).

Sino ba naman sa atin ang hindi nakahawak ng napaka popular na slam book. Ayon sa wikepedia, ang slam book daw ay naging popular sa mga junior high school simula noong 1940. At isang dahilan kung bakit slam book ang tawag dito ay dahil sa ang libro ay madalas "ma-slammed shut" sa tuwing nakikita ng mga estudyante na may hawak nito ang papalapit na titser.

Name: Lloyd Sese
Nickname: Lloyd a.k.a Sam Milby
Age: Secret
Birthday: June 19, 19__
Hobbies: PEDROS (Playing, Eating, Dancing, Reading, Outing, Singing)
Motto: It is better to give than to receive.
Describe your self: Judge me na lang!
Favorite Color: Rainbow
Favorite Song: Love Song
Favorite Singer: Love song singer
Likes: mabait, masipag, maganda, hindi plastik
Dislikes: hindi mabait, hindi maganda, plastik
Who is your crush? 11-4, 5-8, 26-34, code name snoopy, secret
Describe your crush: mabait, friendly, snob
Who is your first kiss? my parents
Define love: love is like a rosary that's full of mystery
Dedication: Thank you for giving me a chance to write in your cute and beautiful slam book.
Always take care coz I care.


Pilit kong binalikan at inalala ang mga sagot na kadalasan kong nababasa sa tuwing may mag-aabot sa akin ng slam book. Nakakatuwang isipin na sa paglipas ng panahon ay ang mga sagot pa rin na ito ang nag reregister sa isip ko sa tuwing maririnig ko ang mga tanong na, what is your motto?, who is your crush?, at define love . Naging malaking bahagi ng love story ko ang slam book, dahil noong ako ay nasa 2nd year high school, nabasa ko ang sagot ni Grace sa tanong na "who is your crush?" Ang kanyang sagot ay "5-4" na sa aking palagay ay katumbas iyon ng "Lloyd(5)-Sese(4)". Tama ba ako bi?


FLAMES

Naisipan kong mag flames habang gumagawa ng evaluation procedure.

Madali lang laruin ang FLAMES. Kakailanganin mo lang ng ballpen, papel at maitim na pag-nanasa. Isulat ang 'yong fullname. Isulat ang fullname ng crush mo. Bilangin kung ilan ang common letters ng pangalan n'yo. Kung ilan ang total mo, 'yun ang nararamdaman mo sa kanya. Kung ilan ang total n'ya 'yun ang nararamdaman niya sa'yo. Kung ilan ang sum total n'yo, yun ang mararating n'yo. Anim ang letters ng FLAMES, bilangin kung saang letter tatapat ang total mo. Ang F ay friends, L ay love, A ay anger, M ay marriage, E ay engagement at S ay sweetheart. Kung higit sa 6 ang total mo. Magbilang lang ulit mula F. Asar ako dati sa larong 'to kasi ang total ko dati ay love, ang total ni Grace ay friends, total namin anger. Buti nalang at hindi pala totoo ito, dahil marriage ang kinahantungan namin.


Nagkahiwalay sila Kat-kat at Roehl ng matapos ang piyesta sa kanilang lugar at nag sumpaan na hindi makakalimot sa isat-isa. Ilang linggo ang lumipas ay patuloy pa rin sa pag iintay si Kat-kat. Halos oras-oras ay tine-text niya ito pero walang reply. Kahit na nga nauubos ang baon niya at nagagawa na niyang mag sinungaling sa magulang na may project siyang bibilin para makabili ng load ay ginagawa niya. Nang dumating ang pasko ay muli silang nagkita. Sa pagkakataong ito ay malaking pagbabago ang nskita niya. Hindi na siya pinapansin ni Roehl at umiiwas narin ito sa kanya. Hanggang sa madiskubre niya na meron na pala itong bagong girlfriend.

"Parang tinutusok ng karayom ang puso ko..masakit pala ang pakiramdam ng ma-inlove"

Matapos ang graduation ng high school ay napansin ko na umiwas na sa akin si Grace. Umuwi ako ng bahay at nagkulong sa kwarto. Walang labasan, maliban pag oras ng almusal, meryenda, tanghalian, meryenda, hapunan at midnight snack. Ganoon ako ka depress noon. Pakiramdam ko rin na may mga karayom na tumutusok sa puso ko. Pero hindi epekto ng kulam, kundi ng sawing pag-ibig.

Mula sa karanasang ito ay naging matatag si Kat-kat. Naintindihan na niya ang tunay na depenisyon ng pag-ibig. Noong mga panahon na hindi na kami nagkikita ni Grace ay maraming kaganapan sa buhay ko ang nagpatatag sa akin. Noon ko nakilala ng tunay na kulay ng pag-ibig. Kaya naman ng muli kaming magkita makalipas ang limang taon ay mas handa na ako. Alam ko na ang sayang kaakibat nito at tanggap ko na ang sakit at pait na dulot nito.

Masarap mainlove. Kahit nga noong mga bata pa tayo na ito na ang pagkakilala natin sa nararamdaman natin ay nag-iwan parin ito ng masasayang ala-ala. Pero, mas lalong masarap mainlove kung handa ka nang harapin ang mga pagsubok na kakambal nito. Ito ay kung may sapat kang kakayahan na tingnan ang magkabilang mukha ng pag-ibig.

Iyan mga bata. Kaya para sa mga fans kong mahilig pang manood ng Spongebob square pants at Barney, aral muna kayo ha?!. Ang tunay na pag-ibig ay handang maghintay hanggang sa dulo ng walang hanggan.

Nagmamahal,

Kuya Lloyd

(maririnig ang theme song ng maala-ala mo kaya).


Happy Valentines!

Feb 6, 2008

On Top Of Spaghetti

Spaghetti ang isa sa pagkain na hindi ko pinag-sasawaan. Kahit na araw-araw akong umatend ng birthday party, ay hindi ko papalampasin ang pagkakataon na matikman ang bawat spaghetting nakahain. Madalas man na nalulunod ito sa pulang sauce na 10% tomato at 90% banana ketchup ay papatusin ko parin yan! At pag ginaganahan pa ako ay sinisinghot ko pa ang dulo ng pasta nito. Ganyan ako ka adik sa spaghetti.
Pero sa lahat ng spaghetting nakain ko, isa lang ang lutong talagang hinahanap-hanap ko mula noon hanggang ngayon. Ito ang spaghetti ng nanay ko. Ang kaisa-isang spaghetti ma may tamang tamis, tamang asim, tamang anghang kaya tatamaan ka sa sarap.

Noong ako ay bata pa, bihira lang akong makakain ng spaghetti. Inihahanda lang kasi namin ito sa tuwing espesyal ang okasyon tulad ng pasko at bagong taon. Hindi kasama dito ang birthday naming magkakapatid na dumadaan lang na isang simpleng araw matapos kaming isimba ni nanay at tatay. Kapos kasi sa budget ang aming magulang noon at ito naman ay lubos naming nauunawaan. Ito ang dahilan kung bakit espesyal sa akin ang lutong ito hanggang ngayon.

Sa tuwing kakain ako sa kahit anong restaurant ay hindi na maalis sa akin na i-check ang pasta sa bawat menung mahawakan ko. Parang laging may hinahanap ang aking panlasa. At sa bawat pastang makain ko, lagi kong naikukumpara ang simpleng spaghetti ng nanay ko.

Charlie Chan Chicken pasta ng yellow cab ang unang naging contender sa aking paghahanap na itatapat sa luto ng nanay ko. Unang tikim ko pa lang sa pasta na ito ay nahulog na ang loob ko. Bukod sa gusto ko ang oriental na lasa nito, ay nagbigay din ito ng kakaibang sarap dahil sa peanut base na souce na meron ito. Noong nakaraang buwan ay dumaloy sa ugat ko ang dugo ng isang cooking master. Sinubukan kong gayahin ang recipe ni Charlie Chan kahit wala akong idea kung paano ito ginawa. Bago ko simulan ang aking laban, ay inaya ko muna si Grace na muling tikman ang Charlie chan pasta. Dinama ko ang bawat subo at lapat ng bawat hibla ng pasta nito sa aking taste buds. Kasabay nito ang pag-kumpyut sa utak ko ang bawat takal ng asin, paminta at bawang na ginamit. Pag uwi sa bahay ay agad kong tinungo ang kusina upang simulan ang aking version ng Charlie Chan Chicken Pasta.
Ang Resulta:


BOOM! CHARLIE CHAN NGA!

Food Critics:

" Super pwede na..." -Joy (isang kolehiyala)-

"Ba wa waw!" -Kuh - aso ni tatay-


Runner-up sa aking choice ang Meatballs in tomato sauce sa The Old Spaghetti House. Aktwali, napaka classic ng pasta na ito kumpara sa mga ibang pasta na makikita sa kanilang menu. Pero dahil sa ito ang pinaka madaling basahin ay ito agad ang inorder ko. Sa huli ay hindi ako nagkamali, isang malinamnam na sauce at nakakabusog na meatballs ang bumungad sa harap ko. Mula noon ay na amaze na ako ng sobra sa meatballs na meron ang spaghetti na iyon. Kaya matapos mag muni-muni ay isang tinig mula sa kawalan ang nag-udyok na subukan kong gayahin ang Meatballs sa The Old Spaghetti House. Matapos iyon ay nagsimula akong gumawa ng ibat-ibang klase ng meat balls. May malaki, maliit, maitim, maputi, korteng mundo, at korteng puso. Pati nga korteng hexagon hanggang dodekagon ay nagawa ko. Hanggang sa isang fairy godmother ang lumabas mula sa palayok na may dala-dalang ang isang kuk buk. Dito ko natutunan ang tamang pagluto ng masarap na meatballs.

Ang Resulta:
BOOM! MEATIER!

Food Critics:


"Kuya, paano mo ginawa yung squidballs?" -Julie (yaya ng pamangkin ko)-

"Sap!"-Ethan (2 yrs old na pamangkin ko)-


Sun Dried Tomato Fusilli with grilled rosemary chicken breast. Whew! (hinga). Pangalan pa lang ay ginutom na ako sa haba. Sa CPK o California Pizza Kitchen ko ito unang natikman. Mula noon ay kumapit na sa tastebuds ko ang lasa nito at nag stay-in na sa ilong ko ang aromang taglay nito. Minsan ay hinamon ako ni Grace na kung magagawa ko raw gayahin ang ang pastang ito, ay isang 1 hour massage ang kapalit. Dahil sa masakit ang katawan ko noon at masarap ang masahe ni Grace, ay agad kong tinaggap ang hamon. Tinungo ko ang isang supermarket na malapit sa amin at isa-isa kong hinanap ang mga ingredients na kailangan ko. Ilang sandali pa ay halos kumpleto na ang napamili ko maliban sa isang ingredient - ang "rosemary". Dahil sa pagod na akong maghanap, ay naisipan kong tanungin ang isang staff sa supermarket na si Alma (iyon ang nakasulat sa name tag niya) kung saan ko makikita ang aking hinahanap. "Hi, pwedeng malaman kung may Rose mary kayo dito?" "Ah, opo, sandali lang." Nagmamadaling tumakbo si Alma, gusto ko sanang sundan pero sa bilis ng karipas niya ay naiwan ako. Ilang sandali pa ay bumalik ito na may isa pang kasama. "Sir, eto na po si Rose Mary. Magkakilala po ba kayo?" Napatingin ako sa nameplate ng kasama niya at "Rose Mary" nga ang pangalan. Gusto kong ilibing ng buhay si Alma nang oras na iyon.


Ang Resulta:


BOOM! ROSE MARY!


FOOD CRITICS:

"Let's make it a 2-hour massage!" -Grace-




Masakit man sa loob, ay aaminin kong masarap lahat ang version ng pastang ginaya ko. Kung idemanda man ako ng mga kumpanyang nag mamay-ari ng mga recipe na 'to ay hindi ko sila aatrasan. Dadaanin nalang namin sa cooking showdown ang labanan.

Pero, kahit pa kuntento ako sa lasa ng mga pastang nakopya ko, ay patuloy parin ako sa pagtuklas ng tamang recipe sa spaghetti ng nanay ko. Hindi naman sa pinag-dadamot iyon ni nanay, pero kahit ilang beses na niyang tinuro sa akin ang pagluto nito ay hindi ko parin makuha ang tamang timpla. Kahit ang mga kapatid ko, lalo na ang tatay ko ay kayang alamin ang kaibahan ng luto ni nanay sa luto ko. Sa amoy pa lang. Kaya, suko na ako...hanggang dito nalang ang kaya ko, at alam ko na kahit minsan ay hinding-hindi ko magagaya ang recipe ni nanay na hinahanap naming lahat.

Puno kasi ng pagmamahal ang sahog sa bawat putaheng niluluto niya para sa amin...