Jul 24, 2009

Kablag! (A Very Tragic Story)




Simula noong isang linggo ay halos araw-araw na akong ginagabi sa trabaho. Pinaka-maaga na ang alas-nwebeng uwi. Noong Biyernes pa nga ay halos alas-dos ng madaling araw na ako naka-uwi. Ang hirap talaga sa tuwing mag kakaroon ng matinding problema, wala daw dapat masayang na panahon. Madalas nga ay daig ko pa ang doktor dahil 24/7 ay on-call.

Noong Miyerkules ay hindi na masyadong malaki ang pressure sa trabaho. Kaya, excited akong makauwi ng maaga para naman makabawi sa ilang araw na nasagad ako sa trabaho. Alas-kwatro pa lang ng hapon ay gusto ko na mag impake pauwi, kahit na ala-singko pa ang uwian. Nang tumunog ang chime na hudyat na uwiaan na ay halos maiyak ako sa galak.

Sinimulan kong baybayin ang daan pauwi sa aking tinutuluyang bahay. Magkahalong pananabik sa plato at kama ang nararamdaman ko. Sa daan pa lang ay iniisip ko na ang gusto kong kainin bago matulog. Dalawang kilometro bago sa aking tinutuluyan ay napansin ko ang isang mama na nakasakay sa bisikleta na mukhang hindi diretso ang takbo at pagewang-gewang na pumipedal. Dahil dito ay agad akong nag menor at binusinahan ang lalaki. Nang napansin ko na diretso na ang takbo niya ay agad akong nag overtake sa kanya.

Kablag!!!

Isang kalabog ang sumunod kong narinig. Tumingin ako sa side mirror ng aking kotse, ngunit wala akong napansin. Ilang metro lang ang tinakbo ko ay napansin ko agad ang mga taong kumakaway. Dahil dito ay agad akong huminto. Tumingin sa likuran at bumungad sa akin ang isang lalaki na nakahandusay sa daan kasama ng kanyang bisikleta. Biglang nag-init ang aking mukha, kasabay ng sunod-sunod na kalabog ng aking dibdib.

“Nakabangga ako?”

Maingat akong bumaba sa aking kotse. Magkahalong kaba, takot at awa ang bumalot sa akin. Kaba na hindi ko maipaliwanag. Takot sa mga taong nakapalibot sa nakahandusay na lalaki, at awa sa hitsura ng lalaki na hindi gumagalaw sa kanyang pagkakabagsak.

“Patay na yata.”
“Nabaggga mo!”


“Hi-hindi ko po alam. Nakalampas na ko sa kanya.”

Nilapitan ko ang lalaking hindi parin gumagalaw. Tumingin ako sa paligid. Maraming miron tulad ng kadalasang eksena sa teleserye. Ang kulang na lang ay ang isang kamag-anak na lalapit, hahagulgol sa iyak. Unti-unting I-aangat ang ulo. Haharap sa mga nanonood at sisigaw ng:

“PAGBABAYARAN NYO LAHAT ITO!!!!!!”

Hindi ako mapakali. Hindi ko malaman kung bubuhatin ko ba ng lalaki o tititigan ko lang siya. Naisip ko nga na I-mouth to mouth siya, pero hindi ako handa. Tumingin ako sa mga miron at nagbaka-sakali na may willing. Pero sabay-sabay silang tumalikod lahat at nag busy-busihan.

Ilang minuto pa ay dumating ang mga baranggay. At ang mga pulis.

“Sino ang nakabangga?”

"Hindi ko po siya nabagga. Nakalampas na ko sa kanya ng marinig ko ang kalabog."

"Lisensya mo?"
"Dalin na sa ospital yan!"
"Sumama ka muna sa amin sa baranggay."


"Sandali po manong. May mga naka-witness po. Hindi ko po talaga nabangga."

"Totoo ba sinasabi niya? Sino ang nakakita."

Sabay-sabay na namang tumalikod ang mga miron.
Nangingilid na ang luha ko ng isang ale ang sumigaw.

"Ako po!, nakita ko ang lahat. Wala po siyang kasalanan. Yung mama po ang kusang natumba! "

"Ano po ang pangalan nyo."

"Dory po, Dory Dumaguete."

Gusto kong yakapin si Aling Dory nang marinig ko ang pagtatanggol niya sa akin.
Tumuloy parin kami sa baranggay kasama ang mga pulis. Pagkatapos ng ilang tanungan ay nagpasya ang pulis na pumunta sa ospital na pinagdalhan sa na aksidente, para dito kunan ng pahayag. Kabado ako ng papasok sa emergency room. Natatakot akong makita na wala pa ring malay o wala nang buhay ang lalaki.

Pag pasok sa loob ay nadatnan namin ang lalaki na nakaupo sa higaan. May malay na, may gasgas sa mukha at sugat sa noo.

"Brod, mga pulis kami. Ano ba ang nag yari?"
“Boss, okay na ko..hik!, nahulog ako..hik!”
"Lasing ka ba?"
“Naka inon lang..hik..konti lang naman…hik!”
“E lasing ka pala e..hindi ka nabangga?”
“Hindi! Hik..semplang lang boss…hehehe”

Gusto kong tuluyan ang lalaki ng marinig ko ang lahat. Bwiset na yun. Nag yelo ang buo ko katawan sa lamig habang pinagpapawisan mula kanina. Tapos, isang lasing lang pala na sumemplang ang lahat at ang malagim na trahedya.

Moral of the story:
“Don’t drink and drive, while riding the bicycle. When you fall, don’t sleep. Others might think you’re dead.”