Oct 27, 2009

Ang Babae sa Balite Drive..Return (Haloween Edition)



Isang magkakasunod na ugoy at paulit-ulit na pagtawag sa pangalan ko ang gumising sa akin sa kalagitnaan ng gabi.

Nananaginip ka…sumisigaw ka. Okay ka lang?
Oo, masamang panaginip.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagsalita ako sa pagtulog. Pero noong gabing iyon, kakaibang kilabot ang aking naramdaman. Habang nakaharap ako sa salamin ay isang babaeng balot ng itim na belo ang natatanaw ko sa aking likuran. Noong una ay inakala ko na siya ay aking asawa, pero ng lingunin ko ay agad nawala. Habang tumatagal ay palapit siya ng palapit sa akin . Pinilit kong tumakbo ngunit biglang nag lock ang pinto ng kwarto. Wala akong nagawa kundi sumigaw sa takot. Ito ang pagkakataon na ginising na ako ng aking asawa.

Ilang araw na ang nakalipas, pero hanggang ngayon ay ramdam ko parin ang babaeng nakaitim na nakamasid sa akin. Sa tuwing makakakita ako ng repleksyon sa aking harapan ay anino niya ang aking natatanaw. Ngayon nga, habang isinusulat ko ang blog na 'to ay ramdam ko na may babaeng nakatayo sa likod ko. Isang malamig na hangin ang dumampi sa aking batok...nakakakilabot...

WaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaH!

Anong ginagawa mo dito? Sino ka?

Hindi mo ba ko nakikilala?

Paano kita makikilala e nakatakip ng itim na belo ang mukha mo.

(Inalis ng babae ang itim na belo.)

Waaaaaaahhhhh!!! Ano ginagawa mo dito?

Nandito ako para muling sumapi sa iyo!

Sonia! Lumayas ka, wag mo na ulitin ang ginawa mo noong isang taon.

Hahahaha..namiss ko ang blog mo. Kaya nagbabalik ako…

Wag Sonia! Hindi pwedytfsudeugffudfoifjpoijfdjfpidjif….(tuluyan ng sumapi si Sonia sa aking katawang lupa).

Ola, mga kablog!!!! I’m back!!!! Hihihihi…
Sa mga hindi pa nakakakilala sa akin, ay maari ninyong balikan ang previous post ko dito sa




Alam kong namiss n’yo ako. Kaya naman kahit ramdam ko na hindi ako welcome dito sa blog na ito ay nagawan ko parin ng paraan na makapasok sa katawan ng poging poging si Lloyd. Sa mga nakakakilala sa akin, siguro ay gusto ninyong malaman kung mag BF na ako, matapos ang isang taong pagrampa at pakikipag eyeball sa Balite Drive.


Haaay…WALA PARIN!!!!! Isa parin akong bigo. Pero, kesa mag mukmok ako. Gusto kong kwentuhan ulit kayo ng isang makabagbag damdaming kwento ng pag-ibig mula sa Precious Heart, Liver & Kidney Pocket Book na paborito kong basahin at ng mga katulad kong sawi sa pag-ibig.

[instrumental music]

Si Jason ay isang balikbayan. Bata pa lamang siya ng lisanin niya ang kanilang lunsod at nagtungo sa America. Subalit this summer he will experience a new adventure of his life time...

[drum roll]

Sampung taon na rin ang nakakalipas at ngayon bumalik siya sa kanilang bayan dahil namatay ang kanyang lolo.

Isang araw, pumunta sa palengke si Jason, naghahanap siya ng bagong model ng iphone,
balita niya kasi ay mas mura daw ang iphone sa Pilipinas. Subalit pitong beses na niyang nililibot ang palengke, ay wala pa rin siyang makitang iphone. Napabuntong hininga na lamang ang ating bida.


Haaay.

Hanggang tila nawala ang kaniyang pagod ng may matanaw siyang isang magandang dilag sa di kalayuan. Nakabalabal ito at tila nahihiyang mamalengke. Sandali pa at nalaman na lamang ni Jason na naglalakad na ang kaniyang mga paa, papunta sa binibini. Nais niyang makilala ang magandang dilag na iyon, na sa mga oras na iyon ay tila paalis na sa palengke, nagmamadali. Kaya patakbo namang sinundan ito ni Jason.

Nagtaka na lamang ang binata ng makita niyang nagtungo ang misteryosang babae sa ipinagbabawal na gubat. Ayon sa mga nakakatanda sa kanilang bayan, ang ipinagbabawal na gubat daw ang pinaka mapanganib na gubat sa buong mundo. Dito daw naninirahan ang mga aswang at lamang lupa, kaya ni isang tao ay hindi nagnanais na dito mabuhay.

Subalit sinundan pa rin ng binata ang dalaga.

Tila naramdaman naman ng mahiyaing binibini na may sumusunod sa kaniya, kaya lalo pa nitong binilisan ang kaniyang lakad.Naghabulan ang dalawa sa malagong gubat na iyon, hanggang abutin sila ng gabi. Nakaramdam si Jason ng pagod, at naupo na lamang siya. Sumuko na siya sa paghabol sa mabilis na babae na hindi napapagod. Napatingala ito at nakita niya ang bilog na buwan sa itaas, doon ay nakaramdam siya ng takot. Saka lang niya naalalang hindi niya alam kung saan ang daan pauwi. Kaya muli, ay tumayo siya at hinanap ang daan pabalik. Naglakad muli siya ng naglakad, hanggang mapatigil siya, nang may marinig siyang ungol ng isang babae. Nilingon niya ito, at nanglaki ang kaniyang mga mata ng makita niya ang babaeng iyon, ang babaeng kaniyang sinusundan kanina!

Nakahubad ang babae at nakaluhod paharap sa buwan. Lalo pang lumapit si Jason habang nakatago sa likod ng mga dahon. Nakita niyang nagpapahid ng langis ang babae sa buong katawan nito, na nagiging dahilan upang lalong lumitaw ang makinis nitong balat habang tinatamaan ng sinag ng bilog na buwan.

"Ang swerte ko naman libre boso. Hehehe.", pabulong na nasabi ng manyak na si Jason.

Nagbago na lamang ang kaniyang tuwa ng kanyang makita na unti-unting bumubukol ang likod ng dalaga. Lalo pang lumakas ang sigaw nito, ungol ng ungol, habang patuloy ang paglaki ng dalawang bukol sa kanyang likuran. At napatakip na lamang ng bibig si Jason, nang biglang pumutok ang likuran ng babae, at lumabas ang dalawang malalapad na itim na pakpak!

'Isang manananggal', hiyaw ng mabali-baliw na si Jason.

'Kelangan ko nang tumakbo bago pa ako maamoy ng aswang na ito.'

Subalit ng humakbang ang takot na binata ay naapakan niya ang isang marupok na sanga ng kahoy at gumawa ito ng mahinang ingay na sapat na upang makuha ang atensyon ng manananggal.

PAK PAK PAK, malakas na pagaspas ng pakpak ng manananggal patungo sa lugar ni Jason.

Kaya handa man o hindi ay mabilis na tumakbo ang binata. Ramdam niyang palapit na ang aswang sa kaniya.

Habang mabilis siyang tumatakbo ay lumingon siya sa kanyang likod upang malaman kung wala na ang humahabol sa kanya. Sa katangahang ay hindi niya namalayang may puno sa kanyang harapan.

BOG! Bumangga ang kawawang binata sa puno, at napadapa siya sa lupa na may echas ng kalabaw.

PAK PAK PAK,
narinig ni Jason ang pagasapas!!! PAK PAK PAK, palakas ng palakas, nangangahulugang palapit ng palapit sa kanya. Hanggang may bumagsak na malapot na likido sa kanyang ulo, ang laway ng manananggal! (yuck!)

At nang lingunin niya ang itaas, ay nakita nga niya ang ayaw niyang makita. Ang aswang, pasugod sa kanya! Napapikit na lamang si Jason, alam niyang iyon na ang katapusan ng kanyang buhay.

Isa, dalawa, tatlo... tatlong segundo na subalit himalang hindi pa rin niya nararamdamang umatake ang manananggal, dahan-dahan niyang minulat ang kaniyang mga mata, upang makita na kaharap niya ang manananggal!

"Jason?!", tila nagulat na wika ng aswang nang mamukhaan ang ating bida.

Nagtaka rin si Jason, at kinailangan pang masinagan muli ng sinag ng buwan ang mukha ng manananggal, upang mamukhaan niya ang babae.

"Melai?! Ikaw ba yan?", tanong ni Jason, at biglang bumalik sa kanyang alaala ang nakaraan sampung taon na ang nakakalipas...

[blured frame]

...

"Melai, paalam na sa iyo ha, pero hayaan mo babalik din ako, basta friends pa rin tayo ha...", wika ng batang si Jason.

"Oo ba, basta ikaw... basta pagdating mo sa America sulatan mo agad ako ha, at kapag umuwi ka na, pasalubungan mo ako ng chocolates ha, yun bang M 'n Ms.", pagpapaalam ni Melai.

"Sige pangako...", wika ni Jason, at pagkatapos ay sumakay na sa kotse patungong NAIA. Brum... brum...
ba-bye...

...

Bumalik na muli ang atensyon ni Jason sa kasalukuyan at nakita niyang si Melai, ang manananggal na kanyang kababata, ay lumipad na paitaas, gustong iwan si Jason.

Mabilis na bumangon ang binata, at sumigaw, "Melai sandali! May ibibigay ako sayo..."

Mula sa itaas ay napalingon ang malungkot na manananggal.

"Huwag ka nang makipag-usap sa akin Jason, isa akong aswang, mapanganib ako!", sigaw ni Melai.

"Wala akong pakialam kahit manananggal ka pa. Kasi para sa akin, isa kang dictionary. ‘Coz you give meaning to my life!, masayang sigaw ni Jason.


"Kaya kung ako ikaw, bumaba ka na dito"

"Ayaw kong bumaba, wala akong salbabida…Baka malunod ako sa pagamamahal mo!", sigaw na sagot ni Melai na feel na feel ang pagpapakipot.

"Hoy kayong nga dalawa ay mag-usap ng malapitan! Hindi yang nagsisigawan kayo... Ang kokorni pa ng mga pick-uplines nyo! Gabing-gabi e! Kung ayaw ninyong matulog magpatulog kayo!!!", wika ng isang babae sa kalayuan na tila kanina pa naiistorbo ng dalawang nagsisigawan.

Kaya lumapit dahan dahan si Melai kay Jason...

"Ito, may ibibigay ako sa iyo...", wika ni Jason sabay hugot sa bulsa ng isang pack ng M 'n Ms,
melts in your mouth not in your hands.

Nakangiti namang kinuha iyon ng manananggal... "Naalala mo pala. Salamat ha."

"Oo naman, basta ikaw. Teka, nakalunok ka ba ng kwitis? Pag ngumiti ka kasi …may spark! Hihihi…Hindi pa pala tapos sa hirit ng haliparot na si Jason sa kireng-keng na si Melai.

"Gusto mo ipasyal kita?", pagyayaya ni Melai sa kaibigan...

"Sure, san tayo pupunta?", naisagot ni Jason.

“Sa home for the aged.” Sagot ni Melai.

“Ano ang gagawin natin dun?” Pagtataka ni Jason.

“Kasi, I want to grow old with you…” Pabulong na sagot ni Melai.
Napahi sa salawal si Jason dahil sa kilig.

At maya maya pa ay dinagit na ni Melai si Jason at nilipad sa buong kagubatan.

"Wow, ganito pala kaganda ang gubat na ito, ang sinasabi nilang mapanganib na gubat... ganito pala kaganda.", paghanga ni Jason, habang nakikita ang ipinagbabawal na gubat mula sa itaas.

"Alam mo bang sa tuwing nalulungkot ako... lumilipad ako dito at nawawala na ang lungkot ko.",
nasabi ng nagsesenting manananggal.

"Pero alam mo masaya rin sa America, hindi mo lang natatanong.", wika ni Jason.

"Talaga Jason..."

"Oo! Gusto mo punta tayo ngayon doon? Alam ko ang daan.", suhestyon ng binata.

At lumipad nga sila patungong America, tangay-tangay ni Melai si Jason.


Sa America...

"Wow, ang ganda pala talaga dito sa America.", laging wika ng dalaga sa tuwing hihinto sila sa
mga maliliwanag na lansangan.

Dinaanan nila ang Las Vegas, California at kung anu-ano pang lugar sa America. Hanggang makarating sila sa New York at doon nakaramdam ng pagod si Melai.


"Melai, ipatong mo na lang muna ako sa ibabaw ng ulo ng Statue of Liberty.", nasabi ni Jason.
At mula doon ay pinagmasdan nila ang napaka gandang tanawin.

"Ngayon, kapag tumitingin ako sa buwan, ikaw na ang naaalala ko...", wika ni binata.

"Alam mo Melai...", sabi ni Jason, at napalingon si Melai. "Mag-isa lang ako sa tirahan ko dito at
nalulungkot ako. Diba mag-isa ka na lang din sa inyo?"

"Oo, nakakalungkot talaga pag mag-isa...", sagot ng dalaga.

"Kaya may gusto sana akong hilingin sa iyo... kung maaari sana...", wika ng binata.

"Kung maaari, ano?", pagtataka ng dalaga.

"Kung maaari sana, magsama na tayo dito, dito ka na tumira sa America!!!", palakas na boses ni Jason.

At naghari ang katahimikan.

"Ano? Bat ayaw mong sumagot... pumapayag ka ba?", tanong nito sa nakatalikod na si Melai. "Ayaw mo ba?"
"Hindi pwede Jason... hindi ako pwedeng tumira dito...",
wika ni Melai sabay lingon muli kay Jason. Kapansin pansin ang mga luha niya.

"Bakit, may iba ka na bang mahal?", malungkot na tanong ni Jason.

"Hindi... hindi iyon ang dahilan..."

"Kung ganon ano!!! Ano ang dahilan mo?!", pagalit na sigaw ni Jason.

At saglit pa ay lumipad paitaas si Melai...


"Hindi ako pwedeng tumira dito sa America dahil... dahil, nasa Pilipinas ang kalahati ng katawan ko!!!! "


Lumipad pa papalayo si Melai "Kailangan ko nang bumalik sa Pilipinas... baka pinaglalaruan na ng mga bata ang aking mga paa at baka nakawin ni Aling Bastre na may ukay-ukay at gawing manikin." At pagkatapos ay nagpatuloy na sa paglipad si Melai.

"Sandali Melai... Wag mo akong iwan... hindi ko kaya...", maluha-luhang nasabi ni Jason.


“Bumalik ka!!!”

"Hindi ko kayang bumaba mula dito sa tuktok ng Statue of Liberty. Waaaaaaaaaah!!!"
“BWISET NA BUHAY TO!!!!”.

...


Nakakaiyak diba? Hanggang ngayon ay naiiyak parin ako sa napaka-pait na karanasan ng pag-iibigang Jason at Melai. Kaya naman kung mag kaka boyfriend ako. Ayaw ko ng long distance relationship. Kaya stick ako sa sa mga taxi driver sa balite drive . Wala pa nga lang akong natitimingan na 'sing cute ni Lloyd.

O sya, mga masugid na mambabasa. GTG na ko. Mag uumaga na naman at kailangan ko pang rumampa para makarami. Text text na lang. Lam u nman number me. Naka unli na ko ngayon..hihihihi…

Disclaimer:

Sa aking mga masugid na mambabasa. Muli humihingi ako ng paumanhin sa muling panghihimasok ng isang korning white lady na naka black na at ngayon ay nag doble-up pa ang kakornihan. Pagbigyan n'yo na..haloween naman.

***Alay sa isang kaibigan, sana ay napasaya ka nito kahit konti...Keep the Faith!*** =)

Oct 19, 2009

Sa Oras ng Kaguluhan


Linggo.

10:00 ng umaga: Wala nang iba pang mas masarap gawin sa araw na ito kundi ang pumunta sa mall. Upang makaiwas sa traffic, pinili namin ng aking asawa, kasama ng aking nanay at tatay na sa SM San Fernando pumunta. Tuloy-tuloy ang byahe sa NLEX papunta sa San Fernando Pampangga, kaya naman siguradong hindi kakainin ng traffic ang masayang oras namin na paglagi sa mall.

10:30 ng umaga: Nakakagulat na walang masyadong tao sa SM ng dumating kami. Malawak ang mall, walang gaanong naglalakad, walang siksikan at bawat tindahan ay walang laman. Dahilan pala ito ng katatapos lamang na 3-day sale noong Sabado.

10:45 ng umaga:
Dahil sa maluwag ang mall, naging mabilis sa amin na makarating sa ilang mga lugar na gusto namin puntahan. Wala kaming partikular na gustong bilhin nung oras na iyon. Ang tanging hangad lang ay makapamasyal at kumain sa kung saan man namin maibigan.

11:00 ng umaga: Habang binabaybay namin ang kahabaan ng mall, ay isang nakakagimbal na eksena ang bumungad sa amin. Isang lupon ng mga tao ang nagtatakbuhan at nagsisigawan. Ang kanina na maluwag at tahimik na mall ay biglang binalot ng kaguluhan. Halos kaming apat lang ang papunta sa direksyon na pinangalingan ng maraming tao, at lahat ay pasalubong sa aming direksyon. Wala kaming kahit anong hinala kung ano ang nangyayari. Naging mabilis ang kaba ng dibdib ko. Hawak ko ng mahigpit ang kamay ni Grace at naramdaman ko ang takot sa kung ano ang maaring mangyari. Naging kalmado ang aking tatay. Sinabihan niya kami na tumabi, huwag tumakbo, at huwag sumabay sa nagkakagulong mga tao. Nagpanggap ako na kalmado, pero sa totoo lang ay tumitindig na ang balahibo ko sa takot. Paulit-ulit kong sinasabi kay Grace na huwag siya matakot upang hindi makasama sa kalagayan niya. Marahan kaming lumakad habang nakakasalubong ang ilang natataranta at nagkakagulong mga tao. Bawat tindahan na madaanan namin ay isa-isang nagbababa ng kanilang mga pinto at mabilis na nagsasara sa takot. Isang babae ang sumisigaw at tumitili ang nadaanan namin at ng sinusubukan kong tanungin kung ano ang nangyayari? Pero hindi naman ako sinagot. Maraming bagay ang gumulo sa isip ko. May sunog ba? May bomba ba? May mga armado bang nakapasok sa mall? May nag aamok ba? Nasa SM ba ang mga abusayaf? Bumalik ba ang mga hapon? Himagsikan na ba? Dumating ba si Sharon Cuneta? At marami pang iba. Kaya noong mga oras na iyon, isa lang ang nasa isip ko; ang mailabas si Grace at ang aking mga magulang ng ligtas.

11:05 ng umaga: Limang minuto ang nilakad namin ng marahan na may malalaking hakbang upang makalabas sa mall. Habang lumalakad ay madalas akong lumilingon sa likod, sa takot na nasa likuran na namin ang kinakatakutang panganib. Ng makarating sa labasan ay nadatnan namin ang ilang Security Guard na parang tuliro pa. Sinubukan kong tanungin ang isang sekyu, pero umiling lang siya. Itinatago ba nila sa amin ang dahilan ng kaguluhan? O sadyang hindi rin nila alam ang nangyayari. Agad isinara ang mall.

11:15 ng umaga: Halos sampung minuto lang ang nakaraan ay muling binuksan ang mall. Payapa na ang lahat. Ayon sa aking masusing pag-iimbistiga (sa tulong ng mga natutunan ko sa kakapanood ng CSI Las Vegas at SOCO- Scene Of the Crime Operative). Isang tangke di umano ang bumagsak at nagdulot ng malakas na ingay. Kasabay nito ay isang babaeng di umano'y nerbyosa ang nagulat at sumigaw na ikinatakot ng lahat. Ilang sandali pa ay nataranta na ang lahat at tumakbo palayo. Ang epekto, lahat ng makasalubong nila ay sumamang makitakbo at sumigaw palayo, hanggang halos buong tao na sa mall ang nagkukumahog makalabas. Mabuti na lang at walang nasaktan, maliban sa isang babae na nakita kong na istampede mag-isa sa pagmamadaling makalabas ng mall, at isang matandang babae na sumakit ang lalamunan kakatili.

11:30 ng umaga: Bumalik kami sa mall at idinaan sa kain ang naranasang takot at kaba.

Ang sakuna ay maaring dumating sa ibat-ibang porma, hitsura, lugar at oras.
Sa halos kaparehong araw at oras ay isang totoong gulo pala ang bumalot sa Greenbelt 5, ng salakayin ng limang armadong tao ang isang tindahan ng mamahaling relo. Nagkaroon ng putukan sa pagitan ng mga kawatan at dalawang pulis, at isa sa mga suspect ang namatay. Ang makatotohanang aksyon ito ay siguradong nagdulot ng tripleng takot at kaba sa mga nandoon, kumpara sa naranasan namin.

Base sa aking karanasan, tatlong bagay ang natutunan ko na gusto kong ibahagi sa lahat. Sa oras ng kaguluhan dapat ay….

1. Maging kalmado at mahinahon upang mas makapag-isip ng maayos.
2. Iwasang sumabay sa uso. Huwag makitakbo at makitili ng hindi naman alam ang dahilan kung bakit?!
3. Magdasal.

Oct 12, 2009

Prinsesa ng Buhay



Sabi ng nanay ko, noong pinabubuntis daw niya ako ay babae ang gusto niyang maging anak. Apat kaming magkakapatid, ang panganay at ang pangalawa ay lalaki at ang pangatlo ay babae. Kaya naman noong mabuo ako, gusto nila ay maging balanse ang bilang at maging babae ang bunso nilang anak. Pero nabigo sila, dahil isang lalaki ang lumabas. Isang lalaking ubod ng pogi.

Noong mabuntis ang asawa ko, araw-araw ay nasasabik akong isipin na palaki ng palaki ang baby sa loob ng sinapupunan niya. Bagamat wala naman kaming pinipili kung babae man o lalaki ang magiging anak, ang mahalaga ay normal at malusog siya. Pero hindi pa rin mawala ang mga pagkakataon na nagangarap kami.

Kung lalaki ang magigigng anak namin...

Gusto kong matuto siyang mag basketball, hindi tulad ko na sa PSP lang magaling mag basketball.
Gusto ko matuto siyang tumugtog ng gitara, hindi tulad ko maganda lang ang boses sa pagkanta.
Gusto kong matuto siyang umakyat ng puno, hindi tulad ko na magaling lang manungkit sa puno ng kapitbahay.
Gusto kong mabilis siyang tumakbo, hindi tulad ko na lampa at madaling hingalin..
Gusto kong maging magalang siya sa babae, hindi tulad ko na lapitin lang ng babae.
Gustohin ko man o hindi, alam ko na pogi siya at mana sa daddy niya.

Kung babae ang magiging anak namin...

Gusto kong matuto siyang mag taekwondo, di tulad ko magsumbong lang ang alam gawin.
Gusto kong matuto siyang mag piano at ako ang kakanta.
Gusto kong matuto siyang magluto, para hindi parating ako ang nagluluto at hindi narin susubok mag luto ang mommy niya. (safe)
Gusto kong matuto siyang mag pinta, hindi tulad ko na drawing grade 1 lang ang alam hanggang ngayon.
Gusto kong maging magalang at responsible siya hanggang sa lumaki at bawal mag boyfriend hanggang 30 years old.
Gusto kong magmana siya sa mommy niya na marunong pumili ng lalaking…yung tulad ko (pogi).

Noong Sabado ay iniskedyul ng OB ni Grace ang ultrasound para makita ang kalagayan ng baby sa loob ng sinapupunan niya. Papunta pa lang sa ospital ay excited na ako. Sa wakas ay makikita ko na ulit ang baby namin. Noong una ko kasi siyang makita ay oblong lamang ang hugis niya. Bagamat nakikita ko na ang pintig ng puso niya. Pero noong sabado ay buong hugis niya ang nakita ko. Nakita ko ang hugis ng ulo niya, ang kanyang kamay na ginagalaw pa niya na parang nagpapasikat pa, ang kanyang mga binti, mga paa at ang tibok ng kanyang puso na masmabilis sa tibok ng puso ko. Ilang sandali pa ay inikot ni duktora ang ultrasound, at isang sorpresa ang inihayag niya…

It’s a girl, babae sya…

Pakiramdam ko ay naging 'sing bilis ng tibok ng puso ng baby ko ang tibok ng puso ko ng marinig ko ang sinabi niya. Sa hindi ko maunawaang dahilan ay sumaya ako ng sobra. Hindi ko naman hinahangad ang anak na babae o lalaki, pero naramdaman ko ang kakaibang ligaya. Isang tinig mula sa itaas ang wari'y nagsasabing siya ang anghel na pinagkaloob ko, at ang magiging prinsesa ng buhay mo magpakailanman.


Excited na akong makita ka ng harapan baby…

Oct 2, 2009

Ang Dalangin Ko


Mahal naming Panginoon, kami po ay lubos na nananalangin sa inyong harapan na malampasan ng aming bansa ang panibago banta ng paparating na bagyo. Ang amin pong bayan ay hindi pa ganap na nakakabangon sa trahedyang dinulot ng bagyong Ondoy. Huwag po ninyong hayaan ang delubyo na muling rumagasa sa amin. Sagipin n’yo po kami sa panibagong kalamidad sa pamamagitan ng pagmamahal at isang mahigpit na yakap mula sa inyong mapagpalang kamay. AMEN.

Isa na namang banta ng trahedya ang paparating. Sa pagkakataong ito, mas naging alerto at sensitibo na ako sa maaring mangyari. Lubos ang aking pagkahabag sa mga taong nahihirapan at nawalan ng tahanan noong nakaraang bagyo. Wala akong personal na karanasan sa bagyong Ondoy. Maswerte akong naka-uwi ng sabado ng madaling araw sa Bulacan ng payapa. Mula sa pag taas ng tubig hanggang sa paghupa nito ay kapiling ko ang aking asawa at mga magulang. Pero hindi ito naging dahilan upang maging kampante at masaya ang mga araw na iyon. Marami sa aking kapamilya at kaibigan ang naipit sa baha at nilamon ng tubig ang mga na-ipundar . Ilang tawag at text messages ang natanggap ko mula sa kanila. Ang aking kapatid sa Cainta ay tuluyan ng nilubog ng baha ang kanilang bahay at ang kanyang sasakyan. Mapalad sila at hindi inabot ng baha ang panagalawang palapag ng kanilang bahay. Subalit takot ang nangibabaw sa aming buong pamilya.


Sa mga pagkakataong ito kaharap mo na ang problema, subalit walang kahit anong solusyon ang kaya mong gawin. Tanging panalangin ang magiging sandalan.

Sa tuwing nasa kalamidad ang ating bayan, nakakatuwang isipin na handa ang bawat Pilipino na magdamayan kahit sa pinakamaliit na bagay na kayang gawin. Bumilib ako sa mga kabataan na nakiisa at nag volunteer sa mga relief operation na isinasagawa. Bumilib din ako sa sandatahang lakas na ang ilan ay nag-alay pa ng buhay para masagip ang kanilang mga kakabayan. Bumilib ako sa mga simpleng mamamayan na nagdamayan, nag abot ng tulong at ang ilan pa ay nagligtas ng buhay.

Kala ko ay naging mulat na ang bawat isa sa mga pangyayaring nagaganap. Nakakalungkot isipin na may mga taong nagsasamantala sa pagkakataon. At bagamat nagdudusa na ang ating bayan ay patuloy parin sa pagawa ng mga bagay na nakakasama sa kapwa.

Noong Miyerkules, Isang text message ang natanggap ko sa hindi kilalang tao. Siya daw ay miyembro Sagip Kapamilyang (ABS-CBN) na humihingi ng donsayon para sa mga nasalanta ng bagyo. Ang tulong daw ay maaring direkatang i-abot sa kanya upang mas lalong mapadali ang pag-abot ng tulong sa mga nangangailangan. Kahit pa hindi ako lubos na naniniwala ay napa-isip parin ako kung totoo o hindi ang text na natanggap ko. Mabuti na lang at ilang minuto pa lang ang nakakalipas ay hayagang inanounce ni Ms. Tina Munson-Palma, na hindi nanghihingi ang Sagip Kapamilya ng ano mang tulong mula sa text messeges. Nang marinig ko ang pahayg na ito ay agad akong nag reply sa nag text. “Kung may konsensya ka pang natitira, wag mo na sanang gamitin ang pagkakataon na ito para makapanloko.” Kasunod noon ay sinubukan ko siyang tawagan, ngunit patay na ang kanyang celphone.

Ang kanyang celphone na ginamit: 09063550165

Kahapon ay isang text message ang nareceive ko sa aking asawa. Mula umaga daw ay may isang lalaki na walang tigil na tumatawag sa kanya. Walang ginagawa ang lalaking ito kung hindi paulit-ulit na tawagan ang asawa ko. Wala kaming makitang motibo. Dahil sa pag-aalala sa aking buntis na asawa ay hiningi ko sa kanya ang numero ng tumatawag at inutusan siyang i-divert ang lahat ng tawag sa kanya sa akin celpon. Noong una ay tahimik naman at wala akong narereceive na tawag, pero ilang minuto lang ay nag ring ang celpon ko na nadivert ang tawag para sana sa aking asawa. Sinagot ko ang tawag ngunit hindi ako agad nag salita. Isang lalaki ang nasa kabilang linya.

“Grace, kilala kita…”
“Grace, kilala kita…”
“Grace, kilala kita…”


Ang paulit-ulit niyang sinasabi. Dala ng galit at pagkainis ay sinigawan ko ang lalaki sa kabilang linya. Pero hindi ito nagpatinag sa kanya, bagkus ay lumaban pa ng sigawan at paulit-ulit pa nagmura. Sa paniniwala ko ay walang katinuang tao lamang ang makakagawa ng gayon.

Wala akong makitang ibang intensyon sa lalaking ito kung hindi manakot at manggulo.
Agad akong tumawag sa Smart upang i-report ang insidente. Nakakalungkot na walang kakayahan ang nabanggit na celphone subscriber na bigyang aksyon ang ganitong mga insidente. Bagkus, ay ipinasa ako sa NTC (National Telecommunication Company). Hindi ko lubos maisip na sistema ng Smart ang ginagamit ng mga manloloko at mapag samantala, pero walang aksyon silang magagawa.

Inireport ko sa NTC ang pangyayari. Subalit ayaw kong ikwento ang detalye ng aksyon na gagawin nila dito upang hindi maka-abala sa kanila. Subalit naniniwala ako na magagawan nila ito ng solusyon. Salamat sa mga tiga NTC na kahit isang simpleng mamayan ay nabibigyan nila ng kaukulang atensyon. Saludo ako sa inyo!


Ang kanyang celphone na ginamit: 09396408077
Sa ngayon ay nakilala ko na ang nag mamay-ari ng celphone na ito. At pinaplano ko nang ipa-blotter ang lalaking iyon.
May ari: Isang lalaking nag ngangalang Archie Alonzo na tiga Candaba Pampangga.
Motibo: 'Di umano, hiniwalayan ng kasintahan at ang lahat ng contact na nasa celpon ng dating kasintahan ay ginugulo. (Baliw na talaga..tsk tsk tsk.)

Sa panahon na marami ang nagdudusa, at maraming buhay ang nahihirapan. Nakakapagtakang nagagawa pa ng ilan na manloko, manakot at gumawa ng kalokohan sa kapwa. Sariling karanasan lamang ang aking kwento, alam ko na marami pa ang may mas malalang istorya ng pananakot at panloloko mula sa ibang tao.

Ang dalangin ko, kasabay ng panalangin para sa kaligtasan ng ating bayan ay ang kaliwanagan ng isip ng mga mapagsamantala at oportunista. Nawa ay mamulat sila sa kabutihan, katotohanan at pagmamahal.

Ingat tayong lahat sa paparating na bagyo…