Oct 19, 2009

Sa Oras ng Kaguluhan


Linggo.

10:00 ng umaga: Wala nang iba pang mas masarap gawin sa araw na ito kundi ang pumunta sa mall. Upang makaiwas sa traffic, pinili namin ng aking asawa, kasama ng aking nanay at tatay na sa SM San Fernando pumunta. Tuloy-tuloy ang byahe sa NLEX papunta sa San Fernando Pampangga, kaya naman siguradong hindi kakainin ng traffic ang masayang oras namin na paglagi sa mall.

10:30 ng umaga: Nakakagulat na walang masyadong tao sa SM ng dumating kami. Malawak ang mall, walang gaanong naglalakad, walang siksikan at bawat tindahan ay walang laman. Dahilan pala ito ng katatapos lamang na 3-day sale noong Sabado.

10:45 ng umaga:
Dahil sa maluwag ang mall, naging mabilis sa amin na makarating sa ilang mga lugar na gusto namin puntahan. Wala kaming partikular na gustong bilhin nung oras na iyon. Ang tanging hangad lang ay makapamasyal at kumain sa kung saan man namin maibigan.

11:00 ng umaga: Habang binabaybay namin ang kahabaan ng mall, ay isang nakakagimbal na eksena ang bumungad sa amin. Isang lupon ng mga tao ang nagtatakbuhan at nagsisigawan. Ang kanina na maluwag at tahimik na mall ay biglang binalot ng kaguluhan. Halos kaming apat lang ang papunta sa direksyon na pinangalingan ng maraming tao, at lahat ay pasalubong sa aming direksyon. Wala kaming kahit anong hinala kung ano ang nangyayari. Naging mabilis ang kaba ng dibdib ko. Hawak ko ng mahigpit ang kamay ni Grace at naramdaman ko ang takot sa kung ano ang maaring mangyari. Naging kalmado ang aking tatay. Sinabihan niya kami na tumabi, huwag tumakbo, at huwag sumabay sa nagkakagulong mga tao. Nagpanggap ako na kalmado, pero sa totoo lang ay tumitindig na ang balahibo ko sa takot. Paulit-ulit kong sinasabi kay Grace na huwag siya matakot upang hindi makasama sa kalagayan niya. Marahan kaming lumakad habang nakakasalubong ang ilang natataranta at nagkakagulong mga tao. Bawat tindahan na madaanan namin ay isa-isang nagbababa ng kanilang mga pinto at mabilis na nagsasara sa takot. Isang babae ang sumisigaw at tumitili ang nadaanan namin at ng sinusubukan kong tanungin kung ano ang nangyayari? Pero hindi naman ako sinagot. Maraming bagay ang gumulo sa isip ko. May sunog ba? May bomba ba? May mga armado bang nakapasok sa mall? May nag aamok ba? Nasa SM ba ang mga abusayaf? Bumalik ba ang mga hapon? Himagsikan na ba? Dumating ba si Sharon Cuneta? At marami pang iba. Kaya noong mga oras na iyon, isa lang ang nasa isip ko; ang mailabas si Grace at ang aking mga magulang ng ligtas.

11:05 ng umaga: Limang minuto ang nilakad namin ng marahan na may malalaking hakbang upang makalabas sa mall. Habang lumalakad ay madalas akong lumilingon sa likod, sa takot na nasa likuran na namin ang kinakatakutang panganib. Ng makarating sa labasan ay nadatnan namin ang ilang Security Guard na parang tuliro pa. Sinubukan kong tanungin ang isang sekyu, pero umiling lang siya. Itinatago ba nila sa amin ang dahilan ng kaguluhan? O sadyang hindi rin nila alam ang nangyayari. Agad isinara ang mall.

11:15 ng umaga: Halos sampung minuto lang ang nakaraan ay muling binuksan ang mall. Payapa na ang lahat. Ayon sa aking masusing pag-iimbistiga (sa tulong ng mga natutunan ko sa kakapanood ng CSI Las Vegas at SOCO- Scene Of the Crime Operative). Isang tangke di umano ang bumagsak at nagdulot ng malakas na ingay. Kasabay nito ay isang babaeng di umano'y nerbyosa ang nagulat at sumigaw na ikinatakot ng lahat. Ilang sandali pa ay nataranta na ang lahat at tumakbo palayo. Ang epekto, lahat ng makasalubong nila ay sumamang makitakbo at sumigaw palayo, hanggang halos buong tao na sa mall ang nagkukumahog makalabas. Mabuti na lang at walang nasaktan, maliban sa isang babae na nakita kong na istampede mag-isa sa pagmamadaling makalabas ng mall, at isang matandang babae na sumakit ang lalamunan kakatili.

11:30 ng umaga: Bumalik kami sa mall at idinaan sa kain ang naranasang takot at kaba.

Ang sakuna ay maaring dumating sa ibat-ibang porma, hitsura, lugar at oras.
Sa halos kaparehong araw at oras ay isang totoong gulo pala ang bumalot sa Greenbelt 5, ng salakayin ng limang armadong tao ang isang tindahan ng mamahaling relo. Nagkaroon ng putukan sa pagitan ng mga kawatan at dalawang pulis, at isa sa mga suspect ang namatay. Ang makatotohanang aksyon ito ay siguradong nagdulot ng tripleng takot at kaba sa mga nandoon, kumpara sa naranasan namin.

Base sa aking karanasan, tatlong bagay ang natutunan ko na gusto kong ibahagi sa lahat. Sa oras ng kaguluhan dapat ay….

1. Maging kalmado at mahinahon upang mas makapag-isip ng maayos.
2. Iwasang sumabay sa uso. Huwag makitakbo at makitili ng hindi naman alam ang dahilan kung bakit?!
3. Magdasal.

10 comments:

grace said...

buti at naging kalmado ka nung mga oras na iyon bi, at pati kami ni baby ay di natense.. naging panatag kami dahil alam naming di mo kami papabayaan (kahit inaaya na kitang makitago sa isang stall).. pro iba pala makakita ng mga taong nagkakagulo... dapat talaga laging handa at may presence of mind.

Thanks sa pagprotect mo sa amin bi, we love you!

Roninkotwo said...

Sa totoo lang nabigla ako sa nakita ko. At gusto ko na rin tumakbo. Pinigilan lang ako ni tatay. Siya pa ang kalmado sa atin lahat. Hehehe

EngrMoks said...

dapat sa babaeng sumigaw na yan pagsabihan... ikulong at lagyan ng package tape ang bibig sa loob ng 12 hours, (Big Brother?)
Mabuti naman at walang masamang nangyari sa asawa mo at sa baby nyo..pati na rin sa magulang mo, cge na nga pati sa iyo...cheezy!!!

Roninkotwo said...

Sherwin, masyado kang brutal. Salamat..hehehe

catherine said...

lol.

AL Kapawn said...

Kaya dapat kalmado palagi kung me ganun pangyayari, kasi baka mas malala pa ang pwedeng mangyari kung makikitakbo rin. baka matapakan ka lang ng nagtatakbuhan na hindi naman alam kung ano ang kinakatakutan..

tama ang ginawa mo, be cool and relax but you need to be alert always.

Roninkotwo said...

Alkapon, salamat sa iyong friendly reminders...hehehe

Dennis P. said...

buti ok lang kayo idol ..pero sabagay ang dami na kasing nangyari dito satin.. di na rin masisisi nag magover react yung ibang tao..

*wag uminom ng maraming kape

Roninkotwo said...

Dennis, maligayang pagdalaw muli..=) wag ka mag-alala, hindi ako nag kakape..=) salamat!

Anonymous said...

talagang...nakasulat lahat ng detalye