Apr 28, 2010

Kay Noynoy Ako



Iboboto ko si Noynoy hindi dahil anak siya ng isang martir at ng simbolo ng demokrasya, kundi dahil napatunayan na niyang maging isang malinis na lider na walang bahid ng kurakot.

Iboboto ko si Noynoy hindi dahil kapatid siya ng sikat na personalidad na si Kris Aquino, kundi dahil hindi siya gahaman sa kapangyarihan. Ang desisyon niya upang tumakbo sa pagka pangulo ay hindi personal na motibo, kundi isang hamon.

Iboboto ko si Noynoy hindi dahil no. 1 siya sa survey, kundi dahil siya ang kandidatong pinagtitiwalaan ko. Naniniwala ako na ang daan tungo sa pagbabago ay magsisimula kung ang bawat Pilipino ay may malaking tiwala sa kakayahan ng isang lider na muling itayo ang nasirang institusyon, at pagbuo ng isang gobyernong may integridad, bukas sa lahat at may pananagutan.

Tiwala sa Gobyerno ang pinaniniwalaan kong susi upang tayo mismo, bilang Pilipino ang magbago para sa ating bansa.

Kay Noynoy ako..at ipinagmamalaki ko na Pinoy ako!




(Si Alex Lacson ang senador ko...http://alexlacson.posterous.com/)


Apr 15, 2010

Mana Mana


Marami na ang nagtalo. May ilan pa na nag sigawan, nag bangayan at nagsabunutan. Pero hanggang sa ngayon ay hati parin ang opinyon ng lahat, sa kung sino ang totoong kamukha ng aming anak.

Kung ako ang tatanungin, walang duda na sakin nagmana ang bata. Mula sa angkan ng mga gwapo at maganda ay hindi maikakakaila na ang bawat detalye ng anyo niya ay hinulma sa aking mga ninuno. Sabi ng tatay ko, maliit pa lang daw ako ay kapansin-pansin na ang taglay kong kagwapuhan. Maka-ilang ulit na nga rin tinangka ng ilang malalaking tv network sa loob at labas ng bansa na bigyan ako ng mga proyekto, pero sadyang hindi pag aartista ang linya ko.

Wala akong lahing intsik pero madalas mapagkamalan na isa, dahil sa singkit na mata. Pero hindi ko kinakahiya ito. Dahil sa panahon ngayon ay alam ko na ito na ang basehan ng kagwapuhan ng mga kababaihan. Hindi makakaila ito sa popularidad ng mga sikat na banda ngayon gaya ng F4, Super Junior at Hagibis. At ang pagiging singkit na mata ay sigurado akong sa akin nakuha ng aking anak.

Kung ang asawa ko ang tatanungin. Hindi siya makakapayag na walang nakuha sa kanya ang aming anak. Malamang na pagsimulan ng away kung ipipilit ko ito. Base sa kanyang obserbasyon, nakuha ng aming anak ang kanyang kulay, labi, kilay at baba. Madalas din niyang ibida ang ganda ng kanyang lahi, na hindi lang sa hitsura kundi pati sa ugali. Para narin niyang sinabi na masama ang ugali ko. Pero sang-ayon naman ako kung sa ugali lang. Mukha nga kasing ngayon pa lang ay nakikita ko na ang aming anak sa katauhan ng asawa ko. Tahimik, hindi iyakin, mukhang mabait pero pag nagalit ay halos tumili sa iyak!

Para matapos na ang pagtatalong ito ay gusto kong hingin ang opinyon ng tatlong mambabasa ng blog na ‘to. Sino ba talaga ang kamukha ng aming anak? Sa unang pagkakataon ay hayaan nyong ipakita ko ang hitsura namin. (Pinaka pangit na larawan ang pinili ko upang maging patas ang labanan.) Kayo na po ang bahalang humusga...





Si Grace pag bagong gising.





Si Lloyd pag hindi naligo.