Oct 29, 2007

Kwento ng Tahimik kong Mundo

Sabado pa lang ay dama ko na ang pananakit ng lalamunan. Inisip ko nga agad na sipon ito kaya uminom agad ako ng gamot sa sipon. Lumipas ang lunes, martes at miyerkules ay walang sipon na lumabas, pero patuloy parin ang pananakit ng aking lalamunan. Hanggang sa sumapit ang araw ng huwebes na unti-unti nang nawala ang boses ko.

Hindi na bago sa akin ang mawalan ng boses, madalas na ito ang sakit na dumadapo sa akin taon-taon. Mas madalas pa nga akong mawalan ng boses kesa ubuhin. Buti nalang at hindi ako singer dahil kung hindi ay sira agad ang carrer ko. Dati ay isang malalang sakit ang tingin ko tuwing mawawaln ako ng boses at may halong kaba pa nga. Noong isang taon ay nagising ako na walang kahit anong tunog na lumalabas sa vocal chords ko. Agad akong kinabahan at dali-daling kinuha ang celpon para tawagan ang nanay ko.

Nanay: Hello.
Lloyd: ----- ---.
Nanay: Hello, Lloyd? Bakit?
Lloyd: ---! ----- -- --- -----------, --------.
Nanay: Lloyd! nandyan ka pa ba?
Lloyd: ---.

Pinutol ko na ang pakikipag-usap sa nanay ko at nag text nalang ng maalala ko na wala nga pala akong boses.

Minsan ko na ring pina-check-up ang pagkawala ko ng boses, pero binale wala lang ito nang doktor. Parang sipon lang daw ito na kusang ring mawawala, kailangan lang daw ng pahinga at pansamantalang pagtigil sa pag sasalita. Malaking challenge ito para sa akin. Mas gusto ko pa na magbara ang ilong at mawalan nang pang-amoy, o kaya ay mutain ang mata at hindi makadilat kesa sa hindi makapagsalita.

Hindi man ako talk show host o anouncer sa radyo ay walang tigil din namn ang bibig ko sa buong araw.
Pag gising pa lang sa umaga ay diretso na ako sa banyo para maligo. Habang naliligo ay sinasabayan ko ito ng walang tigil na pag kanta. Ang ganda kasi ng boses ko sa banyo, buo at may konting echo pa, pang balladeer ang kalibre.

Habang nagbibihis ay sinasabayan ko ito ng panonood ng Umagang Kay Ganda, kasabay nang mga komentaryo ni Tunying sa mga headlines sa mga pangunahing diaryo, ay nakiki-sabay din ako at nagbibigay ng aking opinyon at pananaw.

Pagdating sa opisina ay magsisimula na ang mga kwento ko sa lahat ng mga kalapit table ko. Mapa tungkol sa trabaho, sa pamilya, sa pag-ibig o maging sa mga walang kwentang pangyayari sa buhay ko ay updated sila. Noong ako ay nasa QA pa, mas matindi ang marathon ko sa pagdaldal, lahat ng bagay kasi sa aking trabaho dati ay kailangan sabayan ng daldal, mapa meeting, training, audit at tawag sa telepono.

Pag-uwi sa bahay ay kadalasan akong nagbabasa ng libro. Pero hindi lang mata ang ginagamit ko sa pagbasa, kundi bibig. Mas dama ko ang kwento sa binabasa kung naririnig ko ito. Ito ang dahilan kung bakit maraming beses na akong napalabas ng library at napaaway sa katabi ko na natutulog sa FX. Mula noon, ay pinili ko na sa loob ng kwarto na lang ako magbabasa.

Sa aking pagtulog ay patuloy parin ako sa pagsasalita. Ilang beses narin akong ginising ni Grace dahil nagsasalita raw ako habang natutulog. Kaya naman, bago kami matulog ay may nakahanda nang papel at lapis sa tabi niya. Bilin ko ito, para kung sakaling managinip ako ng numero ay ma-isulat niya agad. Baka dito kami swertihin at manalo sa lotto.

Masama parin ang boses ko hanggang ngayon. Kanina lang ay humingi ako ng second opinion sa duktor ng aming kumpanya. At parehas ang sinabi niya, kusa daw itong mawawala pero kailangan kong ipahinga. Huwag daw muna akong magsasalita kung kaya iling at tango lang ang ginanti ko sa kanya.

Limang araw na bakasyon mula ngayon ang kailangan ko para manumbalik ang aking boses. Siguro ay isang paalala rin ito na kailangan ko munang tumahimik at mag pahinga.

Oct 15, 2007

Kwentong Kusinero

Noong Lunes lang ay limang ka-opisina ang bumati sa akin na "tumataba ka lalo!". Hindi ko alam kung ano ang meron sa araw na iyon, bakit lahat ng pumansin sa akin ay ang fats ko agad ang nakita? Dahil kaya sa suot ko? Pero wala naman bago sa suot ko, lalo na sa opis na lagi akong naka jacket at siguradong takip nito ang mga bilbil ko. O dahil kaya sa gupit ko? Oo nga at humaba ang buhok ko noong nakaraang buwan, pero mas lumalaki pa nga ang mukha ko sa mahabang buhok. Bigla tuloy akong na konsyus, kaya naman pag dating sa bahay ay diretso timbangan. Resulta, 203.8 lbs ang timbang ko, lumaki nga ako ng 3.8 lbs o halos dalawang kilo sa loob ng dalawang linggo!

Mahirap pigilan ang pagkain dahil isa ito sa paborito kong gawin. Sa tuwing lalabas kami ni Grace ay laging kasama na ang fud trip sa aming itinerary. Ako ang madalas nagtatanong kung ano o saan niya gustong kumain, pero ang ending ay ako parin ang nasusunod. Dalawa lang kasi ang madalas na sagot ni Grace sa tanong ko, "Kahit saan" o "Saan mo ba gusto?". Explorer ako pag dating sa pagkain, kahit nga mga exotic food sa mga bansang napuntahan ko tulad ng langgam, kulisap,at gagamba ay sinubukan kong tikman. Bukod sa pagkain ay mahilig din akong magluto, ako ang kusinero sa amin. Noon kasing nasa sapat na edad na ako ay pinamana na ng aking nanay ang sandok sa aking balikat bilang isang ganap na taga luto ng aming pamilya. Tuwing linggo at kumpleto kaming lahat ay siguradong abala ako sa kusina para mag handa ng mga kapanapanabik na putahe. Aktwali, bukod sa pagluto ng menudo, adobo, nilaga at sinigang ay may ilang mga putahe na akong naimbento. Isang culinary arts school pa nga sa California ang gustong bilin ang mga recipe ko, pero hindi ako pumayag (napanaginipan ko ito kagabi).




American Adobo: Eto ang unang adobo na pinag ekspermentuhan ko. Tipikal na adobo pero naging espesyal dahil sa mga crunchy garlic bits. Kakailanganin mo lang ng isang litrong astring-o sol para maalis ang amoy bawang na hininga pagkatapos kumain. Pero da best ito, at abot langit ang sarap! Ilang nakakain narin ang mga nagpatotoo. Hango ang lutong ito sa pelikulang "American Adobo" na napanood ko.


Talong Tagletelli: Piritong talong na hinaluan ng kamatis, sibuyas, giniling na baka, at pritong itlog. Napagkamalan itong italian food ng minsang natikman ng mga karpentero, mason at foreman na gumawa ng bahay namin. Malulupet ang kritiko ko. (Bon apetite!)



Chiken Surprise: Parang chopsuey pero hindi chopsuey. Lasang asado, pero hindi asado. Amoy adobo pero hindi adobo. Kaya nakakasurprise talaga kung ano ito! Nadiskubre ko ito nang minsang galugarin ko ang isang supermarket at matagpuan ang isang kakaibang sauce. Wala akong idea noon kung ano ang lasa nito, pero hindi ako nagpahalata kay Grace dahil baka hindi niya kainin pagnalaman. Nang maluto na ay sobrang patok sa kanya. Isa nga ito sa peyborit na ulam niya!


Fujio Pitsakoto: Inspayrd ito nang isang Japanese fud na natikman ko sa Japan. Pinag sama-sama ang tuna, giniling na baboy, hipon, patatas, kamatis, sibuyas at kahit anong maisip mo pang isama na kasya sa isang bowl. Dito ay ihahalo ang mixture ng itlog at konting arina. Matapos masiguro na nahalo na itong mabuti, gagamit ng non-sticky na pan at ipipirito hanggang mag mukhang pizza. Tapos ay isasalin sa plato at pwedeng drawingan ng mukha, elepante, surot, langaw o kahit ano pang ikakasasaya mo gamit ang mayonnaise at cheese bilang toppings.

Noong Linggo ay isang press release ang ipinahayag ni Grace. Magdidiet daw sya at hindi na siya kakain ng kanin sa gabi. Dahil dito ay isinama nya sa budget namin sa grocery ang isang balot ng skyflakes at iba-ibang flavor ng oatmeal (na ako ang pumili). Napaisip tuloy ako, kailangan ko na rin bang mag diet? Haay, mahirap at parusa sa akin iyon. Aaminin ko sa inyo na hindi ako naniniwalang kakayanin ni Grace ang hindi pagkain ng kanin sa gabi, lalo na tuwing weekend na ako ang mag luluto.

Lloyd R. Sese
Process Engineer
Tumatanggap din ng Catering pag Linggo

Oct 1, 2007

Kwen2 celpon



Bagong gupit at bagong celpon. Sino ba naman ang hindi gaganahan na magtrabaho ngayon. Noong linggo kasi ay nakapag desisyon na akong magpatabas ng buhok dahil na rin sa masyado na itong humaba at natatakpan na ang kagwapuhan ko. Kasabay nito, ang desiyon ko na palitan narin ang aking lumang celpon. Hindi ako gaanong mahilig sa mga bagong modelong celpon. Para sa akin ay patok ang celpon na simple at magaan sa bulsa (pisikali at pinansyali). At sa aking pagka-alala ay hindi pa ako nakabili ng mamahaling celpon. Kadalasan sa celpon na nagamit ko ay bigay, pahiram, pinaglumaan, sale, o libre. Kung may celpon nga na free sa chizkurl ay malamang meron na 'ko nun.

Graduating sa ako kolehiyo ng una akong magkaroon ng celpon. Isang Nokia 5110 na regalo ng aking aking kapatid para sa aking graduation, kahit na June pa lang noon at April pa ang graduation ko. Inadvance na nya para wala na 'kong dahilan na sumabit at hindi maka gradweyt. Kasama ako ng bilin ang celpon sa SM Sta Mesa, matagal kaming lumibot sa paghahanap ng pinaka murang celpon. Buti nalang at walang tindahan ng nakaw na celpon doon kung kaya isang brand new na celpon ang napasakamay ko. Pagkabili sa celpon ay bigla akong ginulat ng tumunog ito. Nasa maximum v0lume pala ito kaya naman halos lahat ng tao ay napatingin sa akin. Dali-dali kong sinagot ang celpon ko na may halong angas: "HELLO!!!?". Nilakasan ko talaga ang sagot para lalong mapansin. Ilang segundo na ang lumipas ay wala parin nagsasalita sa kabilang linya. Napatingin ako sa kapatid ko at nakita kong natatawa siya, nang tumingin ako ang mga tao sa paligid ko ay nagtatawanan din. Message alert tone pala ang narinig ko, hindi ring. Gusto kong magpalit ng mukha ng mga oras na iyon.


Natapos ko ang kolehiyo at nagsimulang magtrabaho gamit ang Nokia 5110. Sa tagal ng aming pinag-samahan ay halos nagkapalit na kami ng mukha at nag-iba-iba na ang anyo pati kulay nito. Masaya na sana ang aming samahan ng biglang nagising ako sa katotohanan na luma at kupas na ang celpon ko. Minsan ding pinagkamalang payong ng isang ka-opisina ang celpon ko ng maiwan ko ito. "Sir, payong nyo naiwan nyo". "Celpon to, may antena oh!" sagot ko. Kaya naman nang makabili ang ate ko ng bagong celpon ay walang patumangga kong inarbor ang pinag lumaan niyang Nokia 3210. Bagamat luma at kupas narin ito ay okay lang, atlis, hindi ito mukhang payong.

Maikling panahon lang ang pinag samahan namin ng Nokia 3210. Ilang linggo lang kasi ang nakalipas ay pinahiram sa akin ng aking kapatid ang bagong Nokia 3310. Kakabili lang kasi niya nito nang makuha niya ang celpon unit na mula sa kanyang kumpanya na di hamak na mas haytek. Ayos na sana ang buhay ko gamit ang Nokia 3310 ng biglang parang mga surot na nag sulputan na ang mga bagong modelo na nagpaiba sa mundo ng celpon. Dito na naglabasan ang mga celpon na bukod sa colored ay may camera pa. Nagsimula narin mabago ang mga tunog nito, kung dati ay monotone lang na"tututut tutut tututut" ay naging polytone na "baby hit me one more time!".


Isang celpon company ang bumisita sa aming kumpanya at nag bigay ng isang amazing offer. Ang pagkuha ng linya na plan 800 ay may kasama nang isang Amazing phone na amazing naman talaga. Windows powered ang celpon at pwedeng salpakan ng MP3 at MPEG video. Bukod pa dito ay meroon din itong camera, bagamat hindi built-in ay okay narin. Astig narin ang pakiramdam na haytek ang celpon ko. Nang bumisita ako ng Singapore ay dala ko ito, at pati mga Singaporean ay nalaglag ang panga ng makita ang porma nito. Noon lang daw sila nakakita ng ganoong modelo ng celpon. Amazing talaga!. Makalipas lang ang ilang buwan ay isa-isang nag sulputan ang kahinaan ng aking amazing phone. Basta na lang itong nag ha-hang at naging sapalaran na kung ang text ko ba ay nakakarating sa pinadalhan o naiwang lulutang-lutang sa kalawakan. Ilang linggo pa ay nasira naman ang navigator key/joy stick nito. Ang kambyo ko sa kaliwa ay lumilipat sa kanan at ang paitaas na kambyo ay pababa naman. Nabaliw na ng tuluyan ang amazing phone ko kasabay rin ng pagkabaliw ko. Dahil sa wala akong pamalit ay tiniis ko ang mga sakit nito ng dalawang taon. Amazing!

Natapos ang kontarata ng aking linya at ni renew ko ito. Dahil dito ay nabigyan ulit ako ng bagong celpon. Isang Sony Ericson K350 ang pinili ko. Pero, mas mabilis ko pang ginamit ito kaysa sa Nokia 3210. Nasira kasi ang celpon ni Grace at hindi ko kayang tiisin 'yon. Kung kaya ibinigay ko sa kanya ang aking bagong celpon. Sa pagkakataong ito ay wala na akong choice. Wala na kasing gustong mag donate ng celpon para sa akin at naghigpit narin ang mga awtoridad sa mga snatcher ng celpon. Napilitan tuloy akong maglabas ng naitatago kong ipon para bilin ang kauna-unahang celpon na gagastusan ko.

Ilang araw akong nag search sa internet ng mga bagong modelong celpon. Isa-isa kong sinuri ang mga kakayahan nito at pinag kumpara ang bawat isa. Hanggang sa wakas ay nakapili ako ng celpon na angkop sa panlasa at budget ko. Isang Nokia 1110i ang napili ko, angkop ito sa panlasa ko dahil sa hindi ito masakit sa mata (non-colored screen), safe (wala kasing magtatangkang mag nakaw) at may speaking clock! (san ka pa?). Higit sa lahat. ay angkop ito sa budget ko dahil, 2,350 pesos ko lang ito nabili. Nakatawad ako sa tindera mula sa orihinal na presyo na 2,700 pesos matapos kong ipatanggal ang kasamang sim card nito at pansinin na bagay sa kanya ang kanyang dilaw na buhok na terno pa sa kulay ng ipin niya. (uto-uto!). Hindi naman sa may peyboritisim ako, pero sa lahat ng naging celpon ko ay ito ang pinaka nagustuhan ko. Hindi kasi niya ginawang kumplekado ang buhay at pinadali pa niya ang proseso ng pag text at tawag ko. Isang kaibigan at dating ka opisina ang nag turo sa akin tungkol sa pagbibinyag ng pangalan sa mga celpon. Kung ang celpon ko daw ay bagong modelo, ang mga pangalan tulad ng Cloe, Gwyneth at Chase ang nababagay dito. Pero kung ito ay lumang modelo o mumurahin ay Alice, Vilma o Alma ang bagay na pangalan. Alice ang ipinangalan niya sa kanyang celpon na hindi ko na matandaan ang modelo at ang celpon ko ay tinawag niyang Wilma. Hindi ako pumayag dahil Lorna ang gusto kong pangalan sa celpon ko!

Ngayon ay isang bagong celpon na naman ang hawak ko. Mas modelo at mas haytek. Hindi man ito ang pinaka haytek na celpon ngayon ay naninibago parin ako sa mga kakayahan nito. Gusto ko sanang bumalik sa piling ni Lorna pero ito na siguro ang panahon upang sumubok ako ng bago. Maraming pagbabago sa buhay ngayon partikular sa aking trabaho. Madalas ay naiisip ko parin na bumalik sa dati responsibilidad kung saan mas sanay at mas kumportable ako. Pero kung ang pagbalik dito ay pagsuko na humarap sa karagdagang kaalaman at karanasan ay 'wag nalang! Marami pa kong gustong gawin at gustong malaman. Isang malaking pagbabago ang mangyayari sa buhay ko at ngayon pa lang ay pinaghahandaan ko na iyon. Pero saka ko na irereveal kung ano yun..malapit na!