Oct 29, 2007

Kwento ng Tahimik kong Mundo

Sabado pa lang ay dama ko na ang pananakit ng lalamunan. Inisip ko nga agad na sipon ito kaya uminom agad ako ng gamot sa sipon. Lumipas ang lunes, martes at miyerkules ay walang sipon na lumabas, pero patuloy parin ang pananakit ng aking lalamunan. Hanggang sa sumapit ang araw ng huwebes na unti-unti nang nawala ang boses ko.

Hindi na bago sa akin ang mawalan ng boses, madalas na ito ang sakit na dumadapo sa akin taon-taon. Mas madalas pa nga akong mawalan ng boses kesa ubuhin. Buti nalang at hindi ako singer dahil kung hindi ay sira agad ang carrer ko. Dati ay isang malalang sakit ang tingin ko tuwing mawawaln ako ng boses at may halong kaba pa nga. Noong isang taon ay nagising ako na walang kahit anong tunog na lumalabas sa vocal chords ko. Agad akong kinabahan at dali-daling kinuha ang celpon para tawagan ang nanay ko.

Nanay: Hello.
Lloyd: ----- ---.
Nanay: Hello, Lloyd? Bakit?
Lloyd: ---! ----- -- --- -----------, --------.
Nanay: Lloyd! nandyan ka pa ba?
Lloyd: ---.

Pinutol ko na ang pakikipag-usap sa nanay ko at nag text nalang ng maalala ko na wala nga pala akong boses.

Minsan ko na ring pina-check-up ang pagkawala ko ng boses, pero binale wala lang ito nang doktor. Parang sipon lang daw ito na kusang ring mawawala, kailangan lang daw ng pahinga at pansamantalang pagtigil sa pag sasalita. Malaking challenge ito para sa akin. Mas gusto ko pa na magbara ang ilong at mawalan nang pang-amoy, o kaya ay mutain ang mata at hindi makadilat kesa sa hindi makapagsalita.

Hindi man ako talk show host o anouncer sa radyo ay walang tigil din namn ang bibig ko sa buong araw.
Pag gising pa lang sa umaga ay diretso na ako sa banyo para maligo. Habang naliligo ay sinasabayan ko ito ng walang tigil na pag kanta. Ang ganda kasi ng boses ko sa banyo, buo at may konting echo pa, pang balladeer ang kalibre.

Habang nagbibihis ay sinasabayan ko ito ng panonood ng Umagang Kay Ganda, kasabay nang mga komentaryo ni Tunying sa mga headlines sa mga pangunahing diaryo, ay nakiki-sabay din ako at nagbibigay ng aking opinyon at pananaw.

Pagdating sa opisina ay magsisimula na ang mga kwento ko sa lahat ng mga kalapit table ko. Mapa tungkol sa trabaho, sa pamilya, sa pag-ibig o maging sa mga walang kwentang pangyayari sa buhay ko ay updated sila. Noong ako ay nasa QA pa, mas matindi ang marathon ko sa pagdaldal, lahat ng bagay kasi sa aking trabaho dati ay kailangan sabayan ng daldal, mapa meeting, training, audit at tawag sa telepono.

Pag-uwi sa bahay ay kadalasan akong nagbabasa ng libro. Pero hindi lang mata ang ginagamit ko sa pagbasa, kundi bibig. Mas dama ko ang kwento sa binabasa kung naririnig ko ito. Ito ang dahilan kung bakit maraming beses na akong napalabas ng library at napaaway sa katabi ko na natutulog sa FX. Mula noon, ay pinili ko na sa loob ng kwarto na lang ako magbabasa.

Sa aking pagtulog ay patuloy parin ako sa pagsasalita. Ilang beses narin akong ginising ni Grace dahil nagsasalita raw ako habang natutulog. Kaya naman, bago kami matulog ay may nakahanda nang papel at lapis sa tabi niya. Bilin ko ito, para kung sakaling managinip ako ng numero ay ma-isulat niya agad. Baka dito kami swertihin at manalo sa lotto.

Masama parin ang boses ko hanggang ngayon. Kanina lang ay humingi ako ng second opinion sa duktor ng aming kumpanya. At parehas ang sinabi niya, kusa daw itong mawawala pero kailangan kong ipahinga. Huwag daw muna akong magsasalita kung kaya iling at tango lang ang ginanti ko sa kanya.

Limang araw na bakasyon mula ngayon ang kailangan ko para manumbalik ang aking boses. Siguro ay isang paalala rin ito na kailangan ko munang tumahimik at mag pahinga.

3 comments:

catherine said...

di mo kasi ako kinukuhanan ng opinion eh. hehe

Roninkotwo said...

Dra. Kaye, bakit nga ba hindi ko naalalang kumunsulta sayo? Ah, malamang natakot ako na baka dollar na ang singil mo..=) Hayaan mo, pagbalik mo ng pinas, maglalakas loob na ko na magpatingin sayo..=) ingat ka dyan!

Anonymous said...

patok! natawa ako sa kwento mo :)