Nov 9, 2007

Kwentong Pag-ibig (Blognovela edition)

Prologo
Sariwa pa sa ala-ala ko ang eksena namin habang kumakain sa Shakey's SM North Edsa at nag-uusap ng maraming bagay. Ilang sandali pa ay ginulat ko si Grace ng isang matinding tanong. "Mahal mo ba ko?" Habang nakatitig sa mata niya. Parang nawala sa ulirat si Grace sa tanong ko. Hindi siya nakapagsalita at ilang segundong katahimikan ang bumalot sa aming dalawa.

Kabanata I - Pagkikita
Una kong nakilala si Grace labing-apat na taon na ang nakakalipas, 1st year high school kami sa iisang eskwelahan. Bagamat hindi kami magkaklase ay madalas ko naman siyang nakikita tuwing flag ceremony. Siya ang pinakamaliit sa section nila (Sabi niya sumunod daw sya sa maliit, pro ang pagkakatanda ko ay sya ang una sa pila). Noong mga panahon na iyon ay ang kaklase niya ang type ko, kung kaya naman mas doon ako nakatitig madalas at dumadaplis lang ng konti sa kanya.

Kabanata II - Pinaglapit ng Tadhana
2nd year high school ng maging mag ka-klase kami ni Grace at naging magkatabi sa upuan. Sa harap kami naka-upo dahil maliit siya at ako naman ay madaldal.Istrategy ng titser namin para madali akong makita. Noon din ay sinisimulan ko nang ligawan ang crush ko na kaklase narin namin. Hindi iyon kaila kay Grace kaya naman madalas ay tinutukso niya ako sa tuwing tulala akong nakatingin sa crush ko.

Kabanata III - I'm Inlab
Lumipas ang ilang araw at linggo ay nagsimulang gumaan ang loob namin sa isat-isa. Mula flag ceremony hanggang uwian ay naging kakwentuhan ko siya. Maging ang mga kaganapan sa aking buhay pag-ibig ay siya din ang unang nakakaalam. Nagsimula kaming mag palitan ng kwento at parang naging isang buhay na diary sa bawat isa. Sa madaling salita ay naging super close kami. Hanggang sa isang pangyayari ang nakapag patunay ng aking nararamdaman para sa kanya. Nagka-sakit si Grace at ilang araw na hindi nakapasok. Bigla ko siyang na-miss at nagising na lang ako isang araw na sumisingaw na sa utak ko ng mga kemikal tulad ng pheromenes, dopamine, norepinephrine at serotinin na nagiging sanhi ng pagbilis ng tibok ng aking puso at pagka-walang gana sa pagkain. Patay! eto na nga ang sintomas..I'm inlab...

Kabanata IV - Lab Letter
Mula noon ay naging excited ako sa pagpasok sa eskwela. Napansin narin ng nanay ko na tumatagal na akong maligo at paglabas sa kwarto ay umaalingsaw na ang amoy ng Axe Cologne sa buong bahay. Tuwing magkausap kami ni Grace ay diretso sa mata ang titig ko. Hindi tumagal ay hindi na kinaya ng puso ko na itago ang nararamdaman. Isang episode lang ng love notes ni Joe D' Mango ang napanood ko ay inatake na ko ng kabaduyan at sinapian ng kaluluwa niya. Gamit ang ilang pilas ng papemelroti ay sumulat ako ng isang obrang lab letter para kay Grace. (Basahin ang sulat kamay, kwentong puso na blog ko pra sa buong detalye). Dahil sa katorpehan ay hindi ko kinaya na ako mismo ang mag-abot ng sulat kay Grace, kung kaya inutusan ko pa ang isa naming kaklase. Mabuti nalang at napapayag ko siya matapos pangakuan na ililibre ko ng fishbol. Kinabukasan ay ang parehong ka-klase din namin ang may bitbit ng sulat mula kay Grace para sa akin. Ang bilis, reply agad, parang text! na excite tuloy ako. Sayang lang at hindi ko na naitago ang sulat na iyon pero tandang-tanda ko parin ang ilang bahagi.

Nagulat ako sa sulat mo.
Ngayon lang din ako nakatanggap ng ganito.
Natutuwa ako sa iyo.
Pero wala pa sa isip ko ang mga sinabi mo.

Basted na malupit agad!

Kabanata V - Karibal
Hindi nagtagal ay naging usap-usapan narin sa klase ang panliligaw ko kay Grace. Siguro ay kinalat ng aming kaklase ng hindi ako tumupad sa pangakong fishbol. Naging tuksuhan tuloy sa klase ang panliligaw ko at nagsimula nang mailang sa akin si Grace. Ilang araw lang ang lumipas ay nag sulputan na parang kabute ang ilan pang mga nagpapainterview sa press na may plano ring manligaw kay Grace. Noong una ay inisip ko na baka publicity lamang ang lahat, pero habang tumatagal ay mas nagiging seryoso sila. Hanggang sa tuluyan na nga akong lumayo dahil sa pakiramdam ko na krawded na kami.

Kabanata VI- Pinaglapit ng Tadhana part 2
Nang tumuntong kami sa 4th year ay muling naging mapaglaro ang tadhana. Nagkatabi ulit kami sa sitting arrangement. Hindi naman siguro dahil hindi lumaki si Grace at ako ay madaldal parin kaya na ulit ito. Malaki ang paniniwala ko na iginuhit ito ng tadhana. Dahil wala parin kaming kibuan ay medyo nahihiya pa siya sa akin at ako rin naman sa kanya . Hindi nagtagal ay muling nanumbalik ang saya ng aming kwentuhan. In short, naging super duper close kami. Nadagdagan na ng duper kaya ibang level na to sa aking palagay.

Kabanata VII - Pagtatapat
Patapos na ang skul year at ilang araw na lang ay gradweyt na kami sa high skul. Inaya kami ni Wina (isang kaibigan) na samahan siyang magpa iskedyul para sa pagkuha ng entrance exam sa isang unibersidad sa Maynila. Pagkatapos nito ay tuloy na rin daw sa SM para naman makapag gala bago ang graduation. Nang malaman kong kasama si Grace ay pinili ko narin sumama kahit na bertdey ng tatay ko noon (sori po tay). Matapos magtungo sa unibersidad, gumala sa SM at manood ng madramang pelikula ay umuwi na kami. Pauwi sa Bulacan ay sumakay kami sa bus, matapos mabigyan ng tiket at mag bayad ng pamasahe ay nagsimula ulit ang kwentuhan. Pero ilang sandali pa ay napansin ko na napipikit na si Wina. Sinamantala ko ang pagkakataon na ito para ibahin ang usapan. Bigla akong naging seryoso at halatang napansin ito ni Grace.

Grace, ilang araw nalang gradweyt na tayo. Pag nasa college na kaya tayo magkikita parin tayo?
Alam mo ba na mula noon hindi naman nagbago feelings ko sayo?
Pwede na ba akong manligaw ulit? Sa sabado, dalawin kita sa bahay nyo.

Hindi na nakapag-salita si Grace.

Kabanata VIII - Akyat Ligaw
Umaga pa lang ay kinakabahan na ako pag-sapit ng araw ng pag-akyat ko ng ligaw. Alas-kwatro ng hapon ay nakabihis na ako at plansado na ang buhok. Matapos nito ay diretso na sa palengke para bumili ng rosas. Isang dosenang rosas sana ang gusto ko, pero kulang ang dala kong pera, kaya pinag-kasya ko nalang. Limang pirasong rosas ang nabili ko, hindi pa umabot sa kalahating dosena. Isa sa kinakahiya ko hanggang sa ngayon ay ang magbitbit ng bulaklak, kung kaya pinilit kong isiksik sa bag ang dala kong rosas. Pero bago ko pa ito maitago ay may isang grupo ng mga lalaki ang napadaan at nakita ako sa ganung hitsura. "Uyyy..ligaw, si totoy binata na! may ligaw! Panunuya nila. Tinandaan ko ang pagmumukha nila at hanggang sa ngayon ay pinag-hahanap ko parin..asar e!

Nang makarating sa bahay nila Grace ay nagsimula ng manginig ang buong katawan ko. Pagpasok ko sa kanilang bahay ay nandoon ang tatay niya na nakaupo rin sa sala habang nanonood ng TV. Tiningnan agad ako at walang kahit anong sinabi. Nang makaupo na ako ay inabot ko kay Grace ang bulaklak na dala ko. Kala niya ay danggit ang mga ito dahil sa kulay at itsura matapos matuyot ang mga talulot ng isilid ko sa bag. Buti nalang at berde pa ang dahon kung kaya napaniwala ko parin siya na rosas ito dati. Wala akong masabi, parang lutang ang isip ko at umiksi ang dila ko sa kaba. Hanggang nabasag ang katahimikan ng biglang nagsalita ang tatay ni Grace, na noong una ay inakala kong seryoso sa panonood ng TV. "Nanliligaw ka ba? Ang bata-bata mo pa ah!?". Huminga ako ng malalim, lumunok ng laway at lakas loob na sinabing; "Uuwi na po ako...". Muntik nang mapasama sa Guinese Book of Record bilang pinaka mabilis na pag-akyat ng ligaw na tumagal lamang ng labing-limang minuto ang eksenang iyon. Pero para sa akin, iyon ang pinaka mahabang minuto ng buhay ko.

Kabanata IX - Regalo
Graduation na ng magkita kami ni Grace matapos ang hindi malilimutang pagbisita ko sa bahay nila. Magkahalong saya at lungkot ang nararamdaman ko. Saya dahil natapos na ang high skul at lungkot dahil natapos narin ang araw-araw na pagkikita namin. Matapos ang graduation ay agad akong lumapit sa kanya at inabot ang isang maliit na regalo. Isang birth stone rosary na pinag-ipunan ko ng isang taon. Bawat beeds nito ay hugis puso at sumisimbolo sa kanyang birth stone na turquoise. Kasama din nito ang isang sulat na may kabaduyang letra na naman. Sa pagkakataon na ito ay pinayagan na ako na huwag na ilathala ang sulat na iyon.
Hindi ko na hinintay ang sagot ni Grace, matapos ang graduation ay tuluyan na akong lumayo (isang instrumental music muli ang maririnig).

Kabanata X - Pinaglapit ng Tadhana part 3
Naging abala ang buhay ko sa college. Maraming mga bagay ang nagpagabo sa takbo ng isip ko maliban sa takbo ng puso ko. Kahit na hindi ko na muling nakita si Grace ay hindi naman siya nawala sa isip ko. Hanggang isang pagkakataon ang muling nagpa-ikot ng mundo ko.

Isang tipikal na araw noon, unang araw ng aking review para sa board exam matapos maka gradweyt. Isang FX taxi ang sinakyan ko at sa likod ako naupo. Paglapat ng puwet ko sa upuan ay bigla akong nagulat sa nakita. Sa harap ko ay naka-upo si Grace. Natulala ako, at habang pinupulot ko ang aking panga sa sahig ay isang malambing na tinig ang aking narinig. "Kamusta ka na?" Hindi ako makapaniwala, makalipas ang anim na taon ay muli kaming magkikita. "Mabuti, ikaw? May boyfriend ka na ba?" Daig ko pa si Boy Abunda sa mga tanong na isa-isa kong pinukol sa kanya. Natapos ang ilang oras na byahe, ilang titigan, kaunting ngitian at palitan ng celpon number ay dumating na kami sa aming destinasyon. Magkalapit lang pala ang review center na aming pupuntahan. Nang makababa na kami ng FX at mag hiwalay ng landas ay isang text message agad ang aking natanggap. "Hoy! Mgktabi tyo sa fx, nde mo ko napansin!" Mula ang text message sa aking pinsan. Doon ko napatunayan, na nawala ako sa sarili ng mga oras na iyon.

Kabanata XI - First Date sana
Mula noon ay naging madalas na ang pagkikita namin ni Grace. Halos araw-araw ay nagkakasabay kami sa FX. Ang akala ni Grace ay nagkakataon lang yun, pero ang hindi niya alam ay tina-timing ko talaga. Maganda ang gising ko isang araw dahil bertdey ko, nadagdagan pa ito ng isang text mula kay Grace ang natanggap ko. "Happy Birthday!" Naalala pa rin niya ang bertdey ko, hindi kami nagkasabay ng araw na iyon dahil nagtagal ako sa banyo para maligo. Syempre, bertdey e! Kaya naman sa text ko nalang dinaan ang aking pag-anyaya sa kanya.

"Tnx! may gawin k b mamya, aftr ng review?" (message sent).

"Wala naman, bakit?" (reply ni Grace).

"Invite sana kita, sa novena sa St. Jude tapos kain tayo mcdo. Cge na. bday ko nman..=)" (message sent).

"Ay, sori may lakad pala kami after ng review." (reply ni Grace).

"Ah, ok..cge nxt tym nlang" (message sent..sabay talon sa ilog pasig!)


Kabanata XII- First Date..Tuloy na
Bago ako tuluyang mawalan ng pag-asa ay isang text message ang aking natanggap kinabukasan.

"Hi Lloyd, sori khpon nkalimutan ko n may lkad pla kmi."

Dahil dito ay muli akong naglakas-loob na imbitahan ulit siya sa ikalawang pagkakataon. Jakpot at pumayag naman siya. Sa St Jude church sa Maynila kami unang nag punta. Kakaibang saya ang aking nadama, at parang may mga kulisap sa tiyan ko na nag-mamarathon habang katabi ko siya. Matapos nito ay diretso kami sa Mcdo para kumain. Dahil sa kulang ulit ang dala kong pera ay napanggap ako na kumain na, at ice cream nlang ang inorder. Buti nalang at hindi siya nakahalata na tumutulo ang laway ko sa bawat kagat niya sa chicken mcdo na inorder ko para sa kanya. Naging mahaba ang kwentuhan namin, naging bukas siya sa lahat ng kwento at tanong ko na parang bumalik ang panahon noong malapit pa kami sa isat-isa. Pero gaya ng dati, wala parin akong nakikitang pag-asa na magustuhan niya ako. Hindi ko alam kung talagang ito ang nararamdaman niya noon o bulag lang ako na basahin ang mga sinasabi ng mata niya. Natapos ang araw na iyon at sabay kaming umuwi sa Bulacan. Habang nakasakay sa FX ay napansin ko ang isang bagay na pamilyar sa akin na nasa loob ng kanyang bag. Kung hindi ako nagkakamali, ay ang bagay na ito ay ang rosaryo na ibinigay ko sa kanya noong high skul graduation. Kupas na ang kulay nito kumpara sa dati. "Yan ba yung rosary?" "Oo, lagi ko dala to e.." Isang matamis na ngiti ang ibinalik ko.






Kabanata XIII - Tamang Panahon
Lumipas ang ilang taon at nagpatuloy ang pagiging magkaibigan namin ni Grace. Pagkakaibigan na hindi man kasing lalim ng dati ay nagdulot parin sa akin ng kasiyahan. Hindi man kami nagkikita ay nagpatuloy ang aming komunikasyon gamit ang kapangyarihan ng text. Hanggang sa muling nabago ang lahat nang biglang pumasok sa isip ko na muli siyang ligawan por the last tym...Isang text message ang ipinadala ko sa kanya na labis niyang ikinagulat.


"Hi Grace, kamusta ka na? Pwede ba kita ligawan ulit?" (message sent)




"Lloyd? ikaw ba yan?" (reply ni Grace)


Dahil sa halata kong nagulat siya ay minabuti ko na tawagan siya.


"Hello Grace, Oo ako 'to. Sorry ha, nabigla ba kita?"


"Hindi kasi ko makapaniwala na ikaw yan, parang ang rude kasi ng dating mo. Sige usap nalang ulit tayo mamaya, paalis kasi ako"


Wrong timing na namn, dahil may date ata siya noon.



Kabanata XIV - Sa Wakas


Hanggang sa dumating ang araw na pinaka-hihintay ko.

Sariwa pa sa ala-ala ko ang eksena namin habang kumakain sa Shakey's SM North Edsa at nag-uusap ng maraming bagay. Ilang sandali pa ay ginulat ko si Grace ng isang matinding tanong. "Mahal mo ba ko?" Habang nakatitig sa mata niya. Parang nawala sa ulirat si Grace sa tanong ko. Hindi siya nakapagsalita at ilang segundong katahimikan ang bumalot sa aming dalawa.


Umuwi kami na walang sagot sa aking tanong. Kaka-ibang kaba na ang nararamdaman ko noon. Natatakot ako na marinig ang kanyang sagot, dahil kung hindi ito aayon sa akin, ay ito na ang katapusan ng pag-asa ko. Nakarating kami ng bahay nila at pina-kilalang muli sa kanyang mga magulang at kapatid. Hindi ako sigurado kung naalala pa nila ako noong una akong umakyat ng ligaw doon. Pero wala parin nagbago sa takot na naramdaman ko, lalo na sa tatay niya. Pauwi na ako ng pigilan ako ni Grace. Matapos ang ilang minutong katahimikan ay huminga siya ng malalim at sinabi..

"Yung tungkol sa tanong mo kanina, oo ang sagot ko."

Sana ay nakita ko ang itsura ko matapos marinig ang sinabi niya. Wala na akong maalala sa naging reaksyon ko nang oras na iyon. Isang ngiti ang permanenteng tumatak sa mukha ko habang pabalik ng Laguna. At sa daan ay paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko.

"Sa wakas, kami na...sa wakas, kami na..."

Ngayon ang ika-lamang taon mula nang maganap ang pinaka masayang araw na ito sa buhay ko. At mula noon, ang ngiting dinulot nito sa aking mukha ay permanenteng ng tumatak at hindi na mabubura magpa-kailan pa man.



- Wakas -

15 comments:

Pukaykay said...

Sir..kakatawa talga ikaw magkwento. I was laughing out talga about the "Uwi na po ako" hahahaha.

=)

Anonymous said...

Ngayon ko lang nalaman love story nyo,ang cute pala.=)

Roninkotwo said...

Ate Jamie,pag tungkol na siguro sa pag-alis mo kwento ko, siguradong mababasa ng luha blog ko..(hik!)

Anonymous said...

"A sure hit! My next bestseller."

Anonymous said...

"A sure hit! My next bestseller."

Roninkotwo said...

Ows! hindi nga? Kaw ba talaga yan? stiiiir!!! nakaka intindi ka ng tagalog? Pag ginawang pelikula Adam Sandler at Drew Barrymore cast ha! ASTIG!

Anonymous said...

hirap pla manligaw, pati ako kinabahan tuloy. =) buti naman napasagot mo c grace, else malulungkot ako d2 sa ofc mghapon.. (--,)

nxt entry mo, share mo naman pano mo cia napasagot. balita ko super sweet ka daw kc.. thanks! abangan ko yan,

Roninkotwo said...

Oo sobrang hirap! Magagamit mo ang isang daang pursyentong lakas at mas mahirap kesa board exam! hehehe
Naku hindi ako sweet,malakas lang ang charm..(nagsisimulang dumikit ang mukha ko sa monitor sa kapal)

Anonymous said...

mgpplug dn ako sir lloyd! sikat tong site mo eh.

marunong na kc ako mgPC repair. lalo na pg INFECTED ng KAHIT ANONG VIRUS! (tumatanggap ng home service pag weekend..)

wow naman, pde nako mg-apply ng technician jan sa hicap! pde ba jan mahaba kuko at my nailpolish with glitters??(--,)

Roninkotwo said...

Hahaha, oo pwede dito yan..bawal lang naka polbo! Ang lupet, sige pag nagka virus pc ko tawagan kita. Hanap narin kita ng customer, kahit 5% lang bigay mo sakin okay na. =) Regards!

-bloOstar- said...

anG cUte nung kwEnto .,
hehe ., pede na pang novela talaga ..
sarap basahin ., libre pa ., para kau romance author ahh .. galing galing neu po ^^

Chyng said...

sir lloyd! my blog na dn ako. (iba tlga pg petix sa ofc) ok pla to pampatay ng oras! effective!

check mo ha. kso nde pa ako maciado expert.. i'l appreciate kung mgccomment ka. thanks!

Roninkotwo said...

chyng, maligayang pagdating sa mundo ng blog! Mabuhay ang mga petix!

Roninkotwo said...

kristine ann, salamat. Pumalakpak ang tenga ko at tumulo ang laway sa comment mo..sana ay makita mo ko sa personal, cute din ako 'di lang ang kwento ko..=)

Anonymous said...

astig! grabe ang pag-ibig sir :D

nakikita ko ang sarili ko o_O

Hmm.. nakakahiya mang sabihin, nabasted din ako T___T pero gusto ko p rin ang girl na yun.... pero.... hindi ko na sha nakita mula nang lumipat sha ng skul T__T
at siguro wala nmn talaga akong pag-asa sa kanya T___T

Natuwa ako sa pagbasa kc naalala ko rin ang mga sandaling nagpapabigay ako ng sulat (torpe din ako at hindi ko maibigay)

hahahaha... this made my day Sir..

thanks for the post!