Oct 15, 2007

Kwentong Kusinero

Noong Lunes lang ay limang ka-opisina ang bumati sa akin na "tumataba ka lalo!". Hindi ko alam kung ano ang meron sa araw na iyon, bakit lahat ng pumansin sa akin ay ang fats ko agad ang nakita? Dahil kaya sa suot ko? Pero wala naman bago sa suot ko, lalo na sa opis na lagi akong naka jacket at siguradong takip nito ang mga bilbil ko. O dahil kaya sa gupit ko? Oo nga at humaba ang buhok ko noong nakaraang buwan, pero mas lumalaki pa nga ang mukha ko sa mahabang buhok. Bigla tuloy akong na konsyus, kaya naman pag dating sa bahay ay diretso timbangan. Resulta, 203.8 lbs ang timbang ko, lumaki nga ako ng 3.8 lbs o halos dalawang kilo sa loob ng dalawang linggo!

Mahirap pigilan ang pagkain dahil isa ito sa paborito kong gawin. Sa tuwing lalabas kami ni Grace ay laging kasama na ang fud trip sa aming itinerary. Ako ang madalas nagtatanong kung ano o saan niya gustong kumain, pero ang ending ay ako parin ang nasusunod. Dalawa lang kasi ang madalas na sagot ni Grace sa tanong ko, "Kahit saan" o "Saan mo ba gusto?". Explorer ako pag dating sa pagkain, kahit nga mga exotic food sa mga bansang napuntahan ko tulad ng langgam, kulisap,at gagamba ay sinubukan kong tikman. Bukod sa pagkain ay mahilig din akong magluto, ako ang kusinero sa amin. Noon kasing nasa sapat na edad na ako ay pinamana na ng aking nanay ang sandok sa aking balikat bilang isang ganap na taga luto ng aming pamilya. Tuwing linggo at kumpleto kaming lahat ay siguradong abala ako sa kusina para mag handa ng mga kapanapanabik na putahe. Aktwali, bukod sa pagluto ng menudo, adobo, nilaga at sinigang ay may ilang mga putahe na akong naimbento. Isang culinary arts school pa nga sa California ang gustong bilin ang mga recipe ko, pero hindi ako pumayag (napanaginipan ko ito kagabi).




American Adobo: Eto ang unang adobo na pinag ekspermentuhan ko. Tipikal na adobo pero naging espesyal dahil sa mga crunchy garlic bits. Kakailanganin mo lang ng isang litrong astring-o sol para maalis ang amoy bawang na hininga pagkatapos kumain. Pero da best ito, at abot langit ang sarap! Ilang nakakain narin ang mga nagpatotoo. Hango ang lutong ito sa pelikulang "American Adobo" na napanood ko.


Talong Tagletelli: Piritong talong na hinaluan ng kamatis, sibuyas, giniling na baka, at pritong itlog. Napagkamalan itong italian food ng minsang natikman ng mga karpentero, mason at foreman na gumawa ng bahay namin. Malulupet ang kritiko ko. (Bon apetite!)



Chiken Surprise: Parang chopsuey pero hindi chopsuey. Lasang asado, pero hindi asado. Amoy adobo pero hindi adobo. Kaya nakakasurprise talaga kung ano ito! Nadiskubre ko ito nang minsang galugarin ko ang isang supermarket at matagpuan ang isang kakaibang sauce. Wala akong idea noon kung ano ang lasa nito, pero hindi ako nagpahalata kay Grace dahil baka hindi niya kainin pagnalaman. Nang maluto na ay sobrang patok sa kanya. Isa nga ito sa peyborit na ulam niya!


Fujio Pitsakoto: Inspayrd ito nang isang Japanese fud na natikman ko sa Japan. Pinag sama-sama ang tuna, giniling na baboy, hipon, patatas, kamatis, sibuyas at kahit anong maisip mo pang isama na kasya sa isang bowl. Dito ay ihahalo ang mixture ng itlog at konting arina. Matapos masiguro na nahalo na itong mabuti, gagamit ng non-sticky na pan at ipipirito hanggang mag mukhang pizza. Tapos ay isasalin sa plato at pwedeng drawingan ng mukha, elepante, surot, langaw o kahit ano pang ikakasasaya mo gamit ang mayonnaise at cheese bilang toppings.

Noong Linggo ay isang press release ang ipinahayag ni Grace. Magdidiet daw sya at hindi na siya kakain ng kanin sa gabi. Dahil dito ay isinama nya sa budget namin sa grocery ang isang balot ng skyflakes at iba-ibang flavor ng oatmeal (na ako ang pumili). Napaisip tuloy ako, kailangan ko na rin bang mag diet? Haay, mahirap at parusa sa akin iyon. Aaminin ko sa inyo na hindi ako naniniwalang kakayanin ni Grace ang hindi pagkain ng kanin sa gabi, lalo na tuwing weekend na ako ang mag luluto.

Lloyd R. Sese
Process Engineer
Tumatanggap din ng Catering pag Linggo

3 comments:

Anonymous said...

nakakatakam! hehehe...

Roninkotwo said...

kamusta ellen! ano, i-buk na kita? birthday, kasal, reunion o graduation? Bigyan kita ng discount...

Anonymous said...

Lloyd, paano niluluto ang chicken surprise?