Jan 24, 2008

Hongkong 3D2N

Noong January 13 ang ika-isang taon anibersaryo namin ni Grace bilang mag-asawa. Dahil dito ay isang matagal ng plano ang aming isinakatuparan. Bago kami ikasal, ay naka-plano na ang aming honeymoon sa Hongkong, pero dahil sa kinapos ang aking budget ay hindi kami natuloy. Kaya naman, ipinangako ko sa kanya na sa aming unang anibersaryo ay itutuloy namin iyon. Dahil sa ayaw kong mapahiya sa kanya ay ginawa ko ang lahat ng paraan matuloy lang ang inaasam naming trip to Hongkong. Kaya, matapos ko maibenta ang aking kaliwang kidney ay diretso na akong nagpa-buk para sa isang 3D2N (3days 2 nights) Hongkong excapade.

Alas diyes ang aming flight, pero dahil nga sa excited kami ay alas-sais pa lang ng umaga ay nasa airport na kami. Kami nga ang nagbukas ng upuan para sa flight PR 318.
Mabilis ang byahe sa Hongkong, matagal pa ang byahe ko pauwi ng Bulacan galing Laguna. Kaya naman halos hindi pa nag-iinit ang pwet ko sa pagkaka-upo at hindi ko pa nauubos ang meal na ibinigay sa amin ay nagsalita na ang piloto na lalapag na ang eroplano at kailangan ng isuot ang seatbelt at ituwid ang upuan.

Paglapag sa Hongkong Airport ay agad namin hinanap ni Grace ang tour guide namin. Isang babae na mabilis magsalita ang sumalubong sa amin. Kahit na nga ingles na ang salitang ginagamit niya ay parang intsik parin ang rehistro nito sa aking tenga.

Unang destinasyon - Night Market sa Kowloon

Wala sa plano namin ni Grace ang mag night market sa unang gabi ng stay namin sa Hongkong, pero dahil kasama ito sa aming itinerary ay wala kami magagawa. Ayos lang, isang oras lang naman ang itatagal namin doon bago tumungo sa Victorias Peak. Ilang mga tips ang ibinigay ng aming tour guide kung paano mamimili sa Hongkong bago kami bumaba sa market. Dalawang salita ang tinuro niya, ang "lang loi" at "Peng'yu" (na hindi ko alam kung tama ang ispeling ko). Matapos daw magtanong ng presyo ay agad sabihin ang dalawang salitang ito sa tindera. "Lang loi, pengyu.." na ang ibig daw sabihin ay " Pretty, discount". Excited kami ni Grace na bumaba ng shuttle at paulit-ulit binibigkas ang dalawang salita upang hindi makalimutan. Unang nakita namin ay ang key chain na pwedeng Hongkong souvenir. Dito namin unang sinubukan ang tip ng tour guide.

Lloyd: How much?
Tindera: (kinuha ang calculator at pinindot ang presyo) $20 each
Lloyd: "Lang loi, pengyu"
Tindera: (Ngumiti, na parang excited at muling kinuha ang calculator) $15 each
Lloyd: Okay! give me 5 pcs.

Habang excited kami ni Grace dahil sa laki ng discount na binigay ng tindera ay biglang napako ang mata ko sa katabing tindahan. Keychain din na katulad ng sa una namin binilhan ang tinda niya, at ang halaga...$5 each!

Lesson 1: Wag mang-uto ng hindi ka mauto

Ikalawang Destinasyon: Victoria's Peak


Sakay ng Tram (isang lumang transportasyon sa Hongkong) ay aakyatin namin ang bundok ng Victoria. Kakaiba ang pakiramdam habang paakyat dito na ang tarik ay halos 45 degreee. Para kasing naiiwan ang laman loob mo habang paakyat ang tram. Pagdating sa Peak ay agad bumungad sa amin ang kabuuan ng Hongkong at ang kagandahan nito sa gabi, na dati ay sa post card ko lang nakikita. Agad kong itinayo ang tripod ng camera at pumwesto kami ni Grace sa pinaka magandand spot. Presto! isang magandang litrato ang kinalabasan. Kung hindi sa tripod ko ay malamang na nagbayad pa kami ng $50 para sa isang magandang kuha.

Lesson 2: Magdala ng Tripod

Ikatlong Destinasyon: Wax Museum


Excited at nagmamadali kong inaya si Grace na dumeretso sa wax museum dahil pangarap kong makapagpa picture sa aking idol na si Jackie Chan. Matapos namin makuha ang ticket ay diretso agad sa entrance. Malayo pa lang ay tanaw ko na ang aking idol. Nang makapasok na ay agad akong pumwesto sa aking idol at agad naman akong kinuhanan ng picture ng isa sa mga staff sa loob. Ng inaabot ko na ang aking camera para iyon ang gamitin niya ay hindi niya tinaggap. "No, for Jackie Chan, you need to pay. For others, it's free" Walastik! e si Jackie Chan ang pinunta ko doon. Kaya naman, sinulit nalang namin sa pagkuha ng litrato kila Brad Pitt, Mel Gibson, Jody Foster at Regine Tolentino.

Lesson 3: Hindi sa lahat ng araw ay libre ang pa-picture sa idol mo.


Ika-apat na destinasyon: Food trip

Hindi mawawala sa itinerary namin ni Grace ang pagkain. Kaya naman, sa bawat gabi ng paglagi namin sa Hongkong ay ibat-ibang pagkain ang sinubukan namin. Ilan sa mga ito ay ang hipon na niluto sa halos nagbabagang kawali. Sa tindi kasi ng init ng kawali ay naluto ito ng sobrang juicy parin, pahirap lang kainin dahil sa tagal lumamig at pinaso pa nito ang dila ko. Ang version ng charlie chan sa Hongkong. Seafood noodles na mas madami pa ang toppings sa noodles. Ang kanilang version ng blueberry cheesecake na namatay ako sa sarap. Syempre, hindi mawawala ang peking duck at barbeque noodles.
Lesson 4: Nakakamatay ang blueberry cheesecake sa Panda Cafe.

Ika-apat na destinasyon: Disneyland
Kinabukasan ay dumating na ang araw ng kapana-panabik na pag bisita namin sa Disneyland. Bata pa lang ako ay pangarap ko nang makarating sa Disneyland. Dati nga ay inakala ko pa na ang fiesta carnival sa Araneta Cubao ay Disneyland na. Inuto ako ng nanay ko at nabuking ko lang siya ng wala siyang maipakitang Mickey Mouse sa akin. Pagdating sa Disneyland ay agad kaming nagmadali ni Grace na magpapicture sa mga disney characters na kilala namin. Una namin sinubukan puntahan si Mickey Mouse, pero blockbuster ang pila. Sinunod namin si Donalad Duck pero parang pila sa loto ang haba. Sa kabilang banda ay nandoon naman ang mag bespren na si Goofy at Pluto na hindi naman kahabaan ang pila. Kaya naman, dito kami sumugod.

Lloyd: Halika, dito tayo kila Pluto. (Sabay hatak kay Grace)
Goofy: Mag papa-picture kayo?
Lloyd: Pinoy ka?
Goofy: Halika, dito kabayan! Pluto, mga kababayan natin papa-picture!
Pluto: Kabayan! Dito kayo!

Dito ko napatunayan na iba talaga ang dating ng pinoy. Akalain mong pinoy pala si Goofy at Pluto!

Lesson No. 5: Ako'y isang pinoy, si Pluto't, Goofy

Naging masaya at makasaysayan ang buong araw namin sa loob ng Disneyland. At ito ay tinapos pa ng isang masayang fireworks display sa harap ng castle ni Sleeping Beauty. Mistula kaming mga bata ni Grace na napapa wow sa bawat liwanag na dinudulot ng fireworks na sumasabay sa mga awiting likha ng Disney movies.
Habang nasa kalagitnaan ng fireworks ay tumingin sa akin si Grace at isang matamis na ngiti ang iginanti sa akin. Iniyuko ko ang aking ulo upang marinig ang gusto niyang sabihin. Isang mahinang bulong ang aking narinig. "Thank you bi! I love you so much!"
"I can show you the world. Shining, shimmering, splendid..."

Jan 18, 2008

Hindi bale ng tamad, hindi naman pagod!

Isang kaibigan ang lumapit sa akin at nagtanong. "Sa kabila ng pagiging busy mo sa trabaho, paano mo pang nagagawang mag-update ng blog mo?" Bigla tuloy akong napa-isip. Paano ko nga ba naa-update ang blog ko? Kahit pila balde ang kailangan kong tapusin na report at siksik, liglig at umaapaw ang problema sa trabaho. Tuloy, hindi ako nakatulog kagabi kaka-isip ng sagot sa tanong niya. Mula ng pumasok ang taong 2008 ay parang bagyo na rumagasa ang dami ng kailangan gawin at tapusin sa trabaho. Mabilis kasi ang pag-taas ng volume ng aming production. Kaya naman, halos wala ng oras para huminga. Sa tinagal ko na nga sa industriyang ito ay ngayon lang ako nakaranas ng hindi umuwi at dito na sa opisina matulog. Sa halos dalawang buwan ko pa lamang bilang Process Engineer ay tatlong beses ko na itong nagawa. Nakaka stress ang ganitong sitwasyon at ang pagbo-blog ang isa sa mga outlet ko para kahit papaano ay makalayo sa mundo ng mga makina at process control.



Dahil dito ay hindi maiwasang mamiss ko ang mga panahon na petiks ako sa trabaho. Tatlong taon ang nakalipas ay wala pang internet ang aming kumpanya. Kaya naman mababaliw ka talaga sa panahon na wala kang magawa. At dala ng ka-inipan sa mga oras na wala kang ginagawa ay naisipan kong gumawa ng work instruction para sa mga taong nakakaranas ng nararamdaman ko.



Gusto ko itong i-share sa inyo dahil alam kong mahirap at kahabag-habag ang kalagayan ng taong walang magawa.


Mga dapat gawin kung petiks ka...please follow the step by step procedure....



1. Huwag aabsent.


2. Huwag male-late.


3. Pagkaupo mo sa iyong lamesa, buksan isa-isa ang drawer at magkalkal. Kunwari ay may hinahanap.


4. Pagkatapos mong magkalkal, tumayo ka at tunguhin ang mga filing cabinet. Maghanap ka ng ipis. Kung wala kang mahanap, tingnan mo ang iyong incoming and outgoing tray. Kalkalin at maghanap ng mga natira sa iyong mga kinutkot kahapon. Huwag kakainin muli. Labag sa kagandahang asal. Kung naglalaway ka sa mga iyon ay kunin mo ang nagamit mong tissue paper na nailagay mo sa iyong front drawer at ipunas sa laway mo. Pagkatapos ay ilagay muli sa drawer. Maaari mo pang magamit iyon bukas. Malaking katipiran sa iyo.


5. Kung biglang dumating ang iyong boss, hawakan kaagad ang telepono at magsalita. Kunwari ay tinatanong ka ng iyong kausap ang tungkol sa mga dokumento. Sumagot ka ng "Oh! I am sorry but I will bring that to your office immediately." Kumuha kaagad ng kahit anong report paper at magpaalam ng maayos at buong giliw sa iyong boss. Lumabas ng nagmamadali.


6. Pumunta ka sa CR. Magsuklay. Tingnan mabuti ang sarili. Mag-retouch kung babae. Tingnan kung baligtad ang underwear na naisuot kung lalaki, maghilamos at basain ng konti ang buhok. Magtiris ng mga taghiyawat. Magtagal ng mga limang minuto.


7. Pagkabalik mo sa iyong opisina, buksan ang computer. Hintaying matapos ang Auto Scan. Marami ring minuto ang magugugol dito. Magbukas ng isang file... Isa pa... at isa pa uli...!!! Pumunta sa ccmail, tingnan ang inbox kung may hindi pa nababasa. Magbasa na kunwari ay bagong pasok ka lamang sa Grade One.


8. Pagkatapos ay kunin ang mga dapat gawing report. Titigang mabuti. Pag-aralan ang klase ng papel na ginamit. Bilangin kung ilang words ang nagamit.


9. Kung may tumawag sa telepono, kaagad sagutin. Huwag mong hayaang ibaba kaagad ng kausap. Kumustahin. Tanungin tungkol sa mga National Issues katulad ng tungkol pagbaba ng dolyar kontra piso at ang muling pagtakbo ni Erap sa pagka pangulo sa taong 2010. Kumustahin din ang latest style ng kanyang damit pati na kung saan nagpapa-manicure at pedicure. Huwag lalagpas ng isang oras ang pakikipag-usap. Magagalit ang iyong boss.


10. Kung may report na tatapusin, tapusin ng eksakto sa deadline hour. Kung may ita-type, magtype ng 10wpm.


11. Tunguhin ang mga file na inipon sa loob ng ilang araw. Ayusin isa-isa habang ini-imagine ang sarili na sumasahod ng 20,000 pesos isang buwan. Huwag tatapusin. Magtira ng para sa ilang araw na gawain.


12. Palaging magtungo sa CR. Kunwari ay may LBM. Palagi ring bumisita sa ibang department, makipag chikahan.


13. Huwag mong titingnan ang iyong relo habang ginagawa mo ang lahat ng nasa itaas. Kapag ginawa mo iyon ay lalo kang maiinip. Hayaang mag-enjoy ang sarili sa iyong katamaran. Magugulat ka na lamang na "time" na pala para umuwi.


14. Ayusin ang lamesa na para bang napakarami ng iyong trinabaho. At bago umuwi, dumaan ng CR. Tingnan at hipuin ang mukha kung gaano kakapal. Huwag pansinin ang mga kasamahan na mula umaga ay tingin ng tingin sa iyo. Hindi naman sila ang nagpapasuweldo.



"Hindi bale nang tamad, hindi naman pagod!" - Tado


Jan 13, 2008

Ang Bato sa Buhangin (Makabagbag damdaming 1st Anniversary Special)

Will you marry me?

Isa na yata ito sa pinaka mahirap bitawang salita na nasabi ko sa buong buhay ko. Dati ay inakala kong simple lang ang pagsambit nito. Pero, iba pala ang bigat ng pangungusap pag seryoso mo ng sasabihin sa babaeng mahal mo. Kahit pa nga ilang beses kong ni-reherse kung paano ko sasabihin ito sa harap ng salamin, ay nangatog parin ako noong oras na harapan ko nang bitawan ang salitang ito. Tulad ng kasal, isang rin itong once in a lifetime experience lalo na sa mga babae. Maliban na lamang kung two timer ka at sabay nag propose ang dalawang papa mo. Sa lalaki kasi, kahit sampu pa ang girlfriend niya ay siguradong sa isang babae lang niya sasabihin ito. Magastos yatang bumili ng sampung diamond rings sa mga panahon ngayon. Minsan ay naka-saksi ako ng isang lalaki na nag propose sa kanyang kasintahan at ang laki ng epekto sa akin ng eksenang ito pagkatapos. Kahit nga hindi ko sila kilala ay labis akong natuwa sa mga pangyayari. Nag-umapaw kasi sa buong paligid ang saya at excitement na hindi lang sila ang nakadama, kundi pati ang mga nakasaksi. Ito ay nangyari noong kumakain ako sa isang restaurant sa Mexico. Daig pa ang eksena sa isang Mexican telenovela sa tindi ng emosyon na umapaw sa live proposal ito.

Mga Tauhan:
Isang Mexicanong itatago natin sa pangalang Sergio
Isang Mexicana na itatago natin sa pangalang Rosalinda
Waiter na itatago natin sa pangalang Fulgoso (kasabwat 1)
Gitarista na itatago natin sa pangalang Antonio Banderas (kasabwat 2)

Ang Eksena:
Abala sa pagkain si Sergio at Rosalinda ng lumapit ang waiter na si Fulgoso. Bahagyang na supresa si Rosalinda ng ilabas ni Fulgoso ang isang bote ng wine at ibuhos sa kanyang baso. Nang iinumin na ito ni Rosalinda ay agad pinigil ng waiter na si Fulgoso ang kanyang pag-inom, at mabilis na inihulog ang isang singsing. Umikot ang nakaluwang mata ni Rosalinda sa nakita. Agad namang hinawakan ni Sergio ang kanyang kamay, at ininom ang baso ng wine hanggang ang singsing na lang ang naiwan na nakasuot na sa dila niya (ang lupet!). Inilabas ni Sergio ang kanyang dila at kinuha ang singsing. Lumuhod sa harap ni Rosalinda at pasigaw na sinambit "Rosalinda Mercedez, quieres casarte conmigo!?" na ang ibig sabihin ay "Rosalinda Mercedez, will you marry me?!" habang kumukurap ang pilik mata at nahuhuli ang buka ng bibig sa mga salitang lumalabas. Hindi nakapagsalita si Rosalinda, bumubuka ang bibig niya ngunit walang salitang namumutawi. Hinawakan niya ang kanyang dibdib na halatang hindi makahinga. Sa taranta ni Fulgoso ay bigla niyang isinalaksak ang bote ng wine sa bibig ni Rosalinda para maka-inom. Nang mahimasmasan na si Rosalinda ay agad itong sumigaw. "Si Senor!" Pagkarinig ng sigaw na ito ay nagpalakpakan ang mga tao at biglang pasok sa eksena ang guitaristang si Antonio Banderas, at kumanta ng makabagbag damdaming awit na "wididit" mula sa soundtrack ng cartoons na Dora the Explorer.

Simple lang ang ginawa ni Sergio pero rock! at nag-iwan ito ng kaka-ibang ligaya, hindi lang kay Rosalinda, ngunit maging sa mga nakasaksi sa mga pangyayari... at isa ako doon.

Nang gabing iyon ay hindi na naiwasang bumalik sa aking ala-ala ang eksena namin ni Grace noong Nobyembre 10, 2006 sa Puerto Galere. Matagal kong pinagplanuhan ang araw na sasabihin ko kay Grace ang tulad ng mga sinabi ni Sergio. Kaya naman, kahit na pahirapan ng ipaalam ko siya sa kanyang tatay ay hindi ako sumuko. Ito kasi ang unang pagkakataon na magpupunta kami ni Grace sa isang bakasyon na kaming dalawa lang. Kaya, ilang baldeng pawis ang pumatak sa akin, at limang litrong laway ang nalunok ko noong araw na pinag-paalam ko siya. Mabuti na lang at napapayag ko rin ang tatay niya matapos akong mag-igib ng tubig, magsibak ng kahoy at mag tiklop ng labada.


Kumpleto na ang lahat isang araw bago ang aming bakasyon. Pero, wala pa akong idea kung paano ako mag po-propose kay Grace. Nagbasa pa nga ako ng ilang kwento sa internet para magkaroon ng idea at makalaglag panty na proposal. Pero naisip ko na mas okay ang may originality. Bago pa lumubog ang araw sa Puerto Galera ay mag-isa akong naglalakad, habang dakot ko ang engagement ring na binili ko para kay Grace. Nang mapagod sa paglakad ay naupo ako sa tabing dagat at nilibang ang sarili sa pagpukol ng bato sa kawalan (habang tumutugtog sa background ang awiting "Magpakailanman"). Nang mangalay na ang kamay ko sa pagbato, ay naisipan ko namang mamulot ng ibat ibang kulay ng bato na nakakalat sa buhangin. Dahil sa sobrang pagsesenti ko ay isinulat ko sa buhangin gamit ang mga bato ang salitang "LLOYD (heart) GRACE" na ang ibig sabihin ay Lloyd love Grace. At mula dito ay isang plano ang nabuo sa isip ko...

Mga Tauhan:

Lloyd, ang binatang kamukha ni Sam Milby.
Grace, ang dalagang kamukha ni Bea Alonzo
Bangkero, ang piping saksi sa mga pangyayari. (literal na pipi ang bangkero)


Ang Eksena:

Bago dumating si Grace ay itinanim ko sa isa sa mga bato na korteng puso ang engagement ring na ibibigay ko sa kanya. Ilang sandali pa ay natanaw ko na paparating siya. Inaasahan ko narin ito dahil napag-usapan namin na papanoorin namin dalawa ang paglubog ng araw. Kaya malayo pa lang ay nakangiti na ako sa kanya. Habang papalapit siya sa akin ay palakas naman ng palakas ang dagundong at tibok ng puso ko dala ng kaba. Nang makalapit na si Grace ay nagulat siya sa kanyang nakita. Tinitigan niya ang nakasulat sa buhangin at parang bata na namangha. "Galing ah! Ginawa mo?" "Oo, katulong ang mga dikya." Napangiti si Grace, hindi dahil sa joke ko, kundi dahil sa effort na ginawa ko. Niyakap niya ako at patuloy na inaliw ang sarili sa pagtitig sa aking masterpis. Ilang sandali pa ay lalong lumakas ang pangangatog ng aking katawan dahil sa nerbiyos. Hinawakan ko ang kamay ni Grace at pautal-utal akong nagsalita "B-bi, p-pra s-syo ang p-pinakamagandang b-bato na nasa harap m-mo." Noong una, ay hindi naintindihan ni Grace ang mga sinabi ko, ngunit ilang sandali pa ay dahan-dahang dinampot ni Grace ang batong may singsing sa gitna ng hugis pusong tumpok ng mga bato. Napatingin siya sa akin na noon ay namumula at naginginig ang labi sa pag-ngiti. Kinuha ko ang singsing sa kanya, at hinawakan ko ang kanyang kamay at pagkatapos ay halos walang boses na sinabing. "Ma. Mari Grace B. Cruz, will you marry me? Papakasal ka ba sakin?". Tumulo ang luha mula sa mata ni Grace, hindi siya nakapagsalita at nakatitig lang sa akin. Ilang sandali pa ay nag-uunahan na ang pagpatak ng luha sa kanyang magkabilang mata. Sinuot ko ang singsing at isang mahigpit na yakap ang iginanti niya habang patuloy pa ang pagpatak ng kanyang luha. "Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko, papakasalan mo ba ako?". Isang impit na "00" ang isinagot ni Grace. Parehong tumigil ang ikot ng mundo sa aming dalawa ng mga oras na iyon. Kasabay ng pag lubog ng araw sa dalampasigan ng Puerto Galera, ay isang bagong sibol na liwanag ang sumikat sa amin. Liwanag na magbubukas ng bagong yugto ng aming pagmamahalan. Habang tahimik parin kami ni Grace at hindi parin nakaka recover sa mga pangyayari, ay isang mahinang palakpak ang aming narinig. Galing iyon sa isang bankero na kanina pa pala na nonood sa amin. Hindi ko naman siya pinahiya at kumaway ako, para hindi niya isipin na suplado ako sa personal.

Ngayon ang unang taong anibersaryo namin ni Grace bilang mag-asawa. Isang taon na puno ng saya at walang kapantay na pagmamahalan. Sana, sa mga darating pang taon ay umapaw pa ang biyaya sa atin at lalong tumatag ang ating samahan.

Salamat at pumayag kang magpakasal sa akin.