Jul 25, 2008

Blogger Idol Ko!


Ilang linggo na lang at isang taon na ang "Bakit Bilog Ang Mundo?" (BBAM) mula ng una itong suma himpapawid sa mundo ng blog. Aksidente ang pagsilang ng "Bakit Bilog Ang Mundo?"(BBAM). Wala sa plano, kung baga sa tao, unwanted pregnancy. Kaya naman noong una pa ay inisip ko na itong i-abort dahil sa takot na baka hindi ito matanggap ng lipunan. Pero dahil sa konsensya at awa ay pinangatawanan ko na, at inako na ang pagiging ama at ina ng "Bakit Bilog ang Mundo?" (BBAM).

Malakas ang buhos ng ulan sa labas. Sa loob naman ng opisina ay tahimik at abala ang lahat na nakatutok sa kani-kanilang mga computer. Ang iba ay umiikot ang mata sa dami ng kailangan tapusin na trabaho, pero ang ilan naman ay umiikot ang pwet sa inip habang seryosong nagpapanggap na maraming ginagawa. Kabilang ako sa nagpapanggap noong araw na iyon. Kakabalik ko lang kasi mula sa isang mahabang training at wala pa halos nakalinyang trabaho para sa akin.(excuses!)

Pinilit kong maghanap ng mapagkaka-abalahan. Hanggang sa mapapadpad ako sa mundo ng mga blogista. Dito ko nakilala ang mga tinuturing kong ninong at ninang ng "Bakit Bilog ang Mundo?" (BBAM). Sila kasi ang nagbukas ng aking dati'y tulog na imahinasyon at bumuhay sa naghihingalong panaginip. Sa pamamagitan ng blog na ito ay gusto kong kilalanin, pasalamatan at pulaan ang bawat isa sa kanila. Sana lang ay walang magalit..(lunok!)

Para walang selosan ay ni-raffle ko ang pagkaka-sunod sunod ng bawat isa. Hindi ito naayon sa pinaka peyborit ko, kundi naayon sa swerte.


Si Pukaykay at ang kanyang corner ang nagturo kay BBAM na gawing kapana-panabik ang bawat araw na nagdadaan. Mapa ito man ay kasiyahan, kalungkutan, pagkainis o pagkagalit. Ang pagbukas ng isip sa pinaka simplemg emosyon mula mga tao, bagay, pagkain,o lugar, hanggang sa pinakamalalim na emosyon na dulot ng pag-ibig. Inis lang si BBAM sa blog ni Pukaykay sa tuwing may shino-showcase na itong magandang lugar, naiinggit kasi si BBAM at gusto rin pumunta sa mga lugar na iyon. Pero dahil hikahos ay hindi siya makagaya. Ayaw naman siya isponsoran ni Pukaykay. (hmpf!)

Blog Award: Best Stories

Si Sir Edong at ang kanyang inversetutuldok ang isa sa mga blog na unang naging tambayan ni BBAM. Lingid sa kaalaman ni Sir Edong na noong iisang kumpanya pa ang pinapasukan namin ay nagbuo ako ng fans club para sa kanya. Sa tuwing may bagong entry siya sa kanyang blog ay palihim akong sumusulyap sa kanyang kina-uupuan at lubos na ipinapakita ang paghanga sa pamamagitan ng "hanga tingin" (parang ligaw tingin). May mga pagkakataon pa nga na gusto ko nang buhatin ang monitor ng PC ko para mag pa authograph sa kanya, pero hindi ko ito nagawa. Isa sa mga naging unang post ko sa BBAM ay ang "Sleepless in the shuttle". Pero laking gulat ko ng minsan magdiskubre ko na ang buk one ng inversetutuldok na inversetuldok ,ay may ganitong entry din at kaparehong title. Kakasuhan ko na sana ng panggagaya si Sir Edong, hanggang malaman ko na nauna pala siya na ipost iyon bago ako. Hmmm..coincidence? o soulmate? (tama na, bading na bading na ang dating ko..hehehe)


Blog Award: Best Original Stories

Si Unkyel Batjay at ang kanyang mga kwentong tambay ay hindi personal na kakilala ni BBAM. Hindi siya kapatid ng nanay o tatay nito. Nakiki Unkyel lang dahil ito ang madalas na tawag sa kanya ng kanyang mga die hard fans. Sa kwentong tambay natuto si BBAM maging pilyo at maging bulgar kung minsan. Bagamat may haplos ng pagka manyak ang ilan sa mga entry ni Unkel Betjay ay sigurado namang isa ito sa araw-araw na nagpapangiti ng umaga ko. Sa mga batang taga-subaybay, for adults only ang blog ni Unkyel Batjay, bili nalang kayo ng libro nya dahil wholesome daw iyon. Harinawa...


Blog Award: Best Actor in an OFW role

Si Bro. Bo Sanchez at ang kanyang practical soulfood for sucessful people. Dati pa man ay idol ko na si Bro. Bo, mula noong una ko siyang makilala sa kanyang community na Kerygma, hanggang sa nainlove ako sa kanyang mga libro at isa na dito ang librong sinulat niya na "How to find your one true love" Yihiiii..nakakakilig..Pero, noong madiskubre ko ang kanyang blog ay naging suki ako sa pagtambay dito. Sa blog ni Bro. Bo natuto si BBAM na huminto, tumahimik, magnilay upang maramdaman ang kapangyarihan at biyayang galing sa taas.


Blog award: Best Picture



Jessica Zafra at ang kanyang rule of the universe. Noong una kong binasa ang ilang post ni Jessica Zafra ay tumulo ang dugo sa ilong at tenga ko, na nasundan pa ng pagsusuka, pananakit ng katawan at pamamaga. Ito ang epekto sa akin ng pagbabasa ng ingles. Pero dahil sa pangarap kong maging kabilang sa mga "may class" ay naging hubby ko rin basahin ito. Dito natuto si BBAM na maka relate sa mga librong sinulat nila Christopher Ciccones, John Le' Carre, John Burdett at Tim Willocks, kahit hindi naman niya ito nababasa.


Blog Award: Best in English


Si Kaye at ang kanyang KCtalk. Kung may isang taong naging kaibigan ko mula noong tumutulo pa uhog ko hanggang ngayon na nag titissue na ako ay si Dra Kaye yun. Hindi pa pinapanganak si BBAM ay masugid na akong taga basa ng blog niya. Ang blog na nagpaparamdam kay BBAM na humarap sa bawat pagsubok at tagumpay. Bilib si BBAM sa determinasyon, talino at tiyaga ni Dra, kaya naman pinagdadasal niya ang tagumpay nito. Hindi lang makarelate si BBAM kung sino si Donald Duck sa buhay niya, ayaw parin kasi i-share ni Dra ang love life niya. Hindi bale, may pangako siyang pagbalik niya ng pinas.


Blog Award: Best things in life


Si Chyng at ang kanyang No Spam, No Virus, No Kiddin!. Naunang pinanganak si BBAM sa blog ni Chyng. Pero malaking bahagi si Chyng ng buhay ni BBAM. Kay Chyng nagkaron ng lakas ng loob si BBAM na ituloy ang nasimulan. Na pressure si BBAM sa tuwing naghahanap si Chying ng bagong post. Dahil si Chyng at si Grace lang ang reader ni BBAM noon ay inispoiled ni BBAM si Chyng. Lahat ng hiling ay pinagbigyan para lang wag bumitiw. Ngayon ay may sarili ng blog si Chyng, at tinuturing ito ni BBAM na kanyang naka-babatang kapatid. Sa blog ni Chyng natuto si BBAM i-enjoy ang buhay kahit sa pinakamaliit na pangyayarai. Maging simple at may solusyon ang lahat kahit gaano ka liit o kakomplikado ang buhay. Dalawang paracetamol lang naman ang katapat sa tuwing tungkol sa virus at software ang topic ni Chyng. Hanggang ngayon kasi ay abacus parin ang level ng utak ni BBAM pag dating sa computer.


Blog Award: Best in Problem Solving & any virus related problem!


ATBP. Marami pang mga blog na naging inspirasyon si BBAM. Bagamat hindi ko na kayang banggitin lahat ay naging bahagi sila ng buhay nito. Lahat ng mga dumaan sa site niya na nag iwan ng makabagbag damdaming comments, nang-away, nag-inis at nag spam, ay naging bahagi ng isang taong kaarawan ni BBAM.


Isang taos pusong pasasalamat sa inyong lahat.

Lahat kayo ay naging bahagi ng saya, excitement, lungkot at pag-ibig ni BBAM.


Unedited version:
Si Enrico Paclibares at ang kanyang pakikipagsapalaran. Bagamat bagito sa pag-boblog ay nakitaan agad ni BBAM ng potensyal si Enrico na maging isang dalubhasang blogista ng mga lasalista. Napa-bilib agad ni Enrico si BBAM sa kanyang mga idea at dito lumabas ang dugo ng pagiging artist niya. Naging sandata ni Enrico ang kanyang mga karanasan, katuwaan at kahihiyan (pati ng ibang tao) upang bigyan ng aral ang mundo ni BBAM. Natural na nakakatawa si Enrico kahit na sabihin niyang hindi siya nagpapatawa. Ang resulta, napagkakamalan siyang corny!.
Blog Award: Best Comedian in a Serious Role


Ang edited na version na ito ay unang isinama ni BBAM sa kanyang mga list of hall of famers o blogger idol niya. Pero dahil hindi kaila sa marami na best friend ni BBAM si Enrico ay minabuti nalang niyang huwag isama. Baka kasi mahaluan ng politika ang entry niya at sabihin na may pinapanigan siya.


Muli, ang entry na ito ay binuo ng walang kinikilingan,walang pinapanigan at walang kai-kaibigan!

Jul 7, 2008

Ang Dalawang Babae sa Buhay Ko...


Bago ako magkaroon ng kotse ay zero ang skills ko sa pagmamanaho. Hindi ko nga alam kung kung alin sa tatlong pedal ang gas, preno at clutch. Hindi ko rin alam kung para saan ang kambyo at tuwing kelan ito ginagamit. Noong una akong nagpaturo na mag drive ay pina-upo agad ako sa driver seat, matapos kong i-start ang makina ay tinanong ko agad ang nagtuturo sa akin. "Bakit ayaw umandar?" Napakamot ng ulo ang nagtuturo sa kin, pinatayo ako at siya ang pumwesto sa driver seat. Noon ko pa lang nalaman na hindi pala ang susi ang nagpapatakbo sa sasakyan tulad ng toy car ko noong grade 1.


Dalawang linggo ang nakalipas at unti-unti ko ng natutunan ang basic ng driving. Noon Sabado ay naglakas loob akong mag drive mula Laguna hanggang Bulacan. Sa totoo lang ay urong ang - - - - ko habang iniisip ang layo ng tatahakin ko. Sa tuwing maiisip ko ang harurot ng mga bus sa edsa ay parang gusto ko ng himatayin sa kaba. Sabado ng madaling araw ang pinili kong pagkakataon para subukin ang aking bagong skills. Iyon din kasi ang araw na babalik ang nanay ko sa Bulacan matapos siyang bumisita sa amin ng halos isang buwan. Gabi pa lang ay sinabi ko na sa kanya ang aking plano, pero ayaw niyang pumayag na sumakay sa akin. Mag-isa nalang daw ako at siya ay mag-bubus na lang. Pero ng sinabi kong tumaas na naman ang pamasahe sa bus ay mabilis ko siyang napapayag.


Alas kwatro ng madaling araw ay handa na ako. Isa-isa ko ng isinakay ang mga dalang gamit at sinimulan ng i-start ang makina. Nang buksan ko ang pinto sa harap ay tumanggi agad ang nanay ko. Ayaw daw niyang sa harap ma-upo dahil baka lalo siyang nerbyusin. Kaya naman pumayag na ako na sa likuran siya. Hindi pa kami nakaka-abante ay natanaw ko na mula sa salamin sa harap ko ang reaksyon niya. Tatlong beses siyang nag krus habang hawak ang isang rosaryo. Lalo tuloy akong kinabahan dahil parang "matter of life and death" na talaga ang sitwasyon. Pero hindi ako nagpahalata, at pumorma na mukhang sampung taon ng driver ng pampasaherong jeep.


Nang makalabas kami ng gate ng subdivision ay napansin kong kaunting nakahinga ang nanay ko. Nang nasa hi-way na kami ay ginulat ako ng mistulang party ng mga kargo truck na nag jajaming sa gitna ng hi-way. Mabilis ang pangangatog ng tuhod ko sa bawat preno na sinasabayan ko pa ng hand break para siguradong hinto! Hindi nagtagal ay maluwalhati kaming nakarating sa expressway. Dito lalong tumindi ang kaba sa nanay ko, at dito rin ako napilitan ng humingi ng saklolo. Hinawakan ko na ang rosaryong nakasabit sa harap ko at nag krus narin. Nang makita ito ng nanay ko ay biglang nabasag ang kanyang pagiging tahimik.


Nanay: "Dapat pala may isa ka pang rosaryo, ipulupot mo dyan sa kambyo."

Lloyd: "Nay apatin mo na."

Nanay: Para saan yung tatlo pa?

Lloyd: Puluputan narin natin yung bawat pedal.


Mukhang lalong kinabahan ang nanay ko sa sinabi ko.


Sa wakas, nakauwi parin kami ng Bulacan ng safe!


Ang akala ko ay doon na nagtatapos ang matinding challenge sa akin. Kahapon ay naimbitahan kami ni Grace sa isang piyestahan sa Bocaue, Bulacan. Sa mga hindi nakaka-alala, sa Bocaue, Bulacan naganap ang Pagoda Tragedy noon July 2, 1993. Kung saan naglalayag sila ng malaking bangka para iprusisyon tulad ng nakaugalian. Hanggang isang trahedya ang naganap ng lumobog ang pagoda at kulang-kulang tatlong daan katao ang nasawi. Morbid agad ang intro ng kwento ko pero hindi naman ganito ka-tragic ang karanasan ko.


Mabilis ang byahe papuntang Bocaue, halos wala ngang aberya hanggang sa marating namin ang lugar. Nasa bungad lang ang bahay na pupuntahan namin pero ng paliko na ako ay hinarang ako ng tanod. One-way raw ang daan para gumanda ang daloy ng trapiko. Kung gusto raw namin pumasok sa looban ay kailangan naming umikot. Nang tinanong ko ang tanod kung malapit lang ang iikutan ay agad itong sumang-ayon. Kaya naman napapayag agad ako.


Una kaming lumiko sa isang maliit na eskenita, bagamat masikip ay wala naman gaanong sagabal sa daan. Sumunod ay isang masmaliit pang eskenita na hindi pwedeng magsabay ang magkasalubong na sasakyan. Dito na nagsimulang maglabasan ang butil-butil kong pawis. Nasundan pa ito ng pagpasok namin sa tabi ng ilog kung saan kasalukuyang idinadaos ang Pagoda. Parang pista sa Quiapo ang daan. Bukod sa mga nakaparadang sasakyan ay puno pa ng tao ang paligid. Kasabay pa nito ang salubungan ng sasakyan na lumalabas sa ibat-ibang eskenita. Sa tuwing mapapatingin ako kay Grace at halatang mas kabado siya. Bawat abante ko ay parang laging may kasunod na peligro. Kahit bumubusina ako ay parang walang naririnig ang mga taong nakatambay. Sa tuwing may makakasalubong na sasakyan ay gumigilid ako na halos kalahating dangkal na lang ang layo ko sa ilog na noon ay high tide pa. Makapigil hininga ang mga sumunod pang pangyayari. Parang gusto ko ng ayain si Grace na iwan na ang kotse at maglakad na lang. Pero dahil hindi pa ito bayad ay hindi ko magawa ang naunang plano.


Pilit na lang pinalakas ni Grace ang loob ko, sa pamamagitan ng ngiti at paminsan-minsang paghaplos sa aking kamay. Ito ay sa kabila ng takot na noon ay alam kong mas lubos niyang nadarama.

Nang makalabas kami sa lugar ng ligtas ay doon pa lang kami nakahinga ng maluwag. Paglabas ko sa kotse ay wala nang lakas ang mga tuhod ko na noon ay nanlalambot pa. Doon ko lang din naramdaman ang uhaw at gutom, kaya naman pag dating sa hapag ng piyestahan ay kumain kami ni Grace na parang tatlong buwan na naiwan sa disyerto ng walang tubig at pagkain.


Ngayon ay binabalikan ko ang bawat panganib na sinagupa ko noong sabado at linggo. Sa pagiging baguhan ko sa pagmamaneho ay malamang na trahedya talaga ang muntik ko ng hinarap. Pero dahil sa dalawang babae na naging lakas ko para ituloy ang pag-usad sa kabila ng takot at kaba, ay maluwalhati kong narating ang patutunguan. Sila ang dalawang pinaka-importanteng babae sa buhay ko. Ang dalawang babae na hinuhugutan ko ng lakas ng loob sa panahon na nawawalan ako ng pag-asa. Mula sa kanilang kalinga, suporta at pagmamahal na lagi kong nararamdaman. Kaya sa susunod na mabingit muli ako sa kahit anong kapahamakan. Lagi kong maiisipin ang nanay ko na may hawak na rosaryo at pinagdarasal ang kaligtasan ko. At si Grace na nakangiti habang hinahaplos ang aking kamay ng kanyang pagmamahal.