Oct 30, 2008

Ang Babae sa Balite Drive (Haloween Edition)

Tuwing papalapit ang Haloween ay peyborit kong takutin ang sarili ko. Kadalasan sa mga panahong ito nag hahanap ako ng mga palabas na ang tema ay katatakutan. Naalala ko rin dati na excited kong inaabangan ang haloween special ng Magandang Gabi Bayan. Kahit na nga nag kakanda-ihi na ako sa takot ay pikit mata ko parin itong sinusubaybayan. Pagkatapos noon ay ilang gabi akong hindi makakatulog at mapapanaginipan ang mga kapre at tikbalang sa nasabing palabas.

Hindi naman sa duwag ako. Malakas lang talaga ang aking imahinasyon. Ang mga karakter tulad ng white lady, tiyanak o kapre ay madaling narerehistro sa isip ko. Tuwing ipipikit ko ang mga mata ko ay isa-isa na silang nag susulputan sa gunita ko. Ito ang dahilan kung bakit minsan ay sinubukan kong matulog na dilat ang mata. Sabi ng kapitbahay namin na albularyo ay may gift daw ako. Kala ko noon ay literal na gift ang ibig niyang sabihin, kaya na excite ako at nagmano sa kanya. Baka kasi nakalimutan niya na hindi niya ako inaanak at bigyan nga ako ng gift. Pero ng maliwanagan ako, napagtanto ko na ang sinasabi niyang gift ay ang gift na nakakadama ako ng espiritu sa paligid. Habang tinitipa ko nga ang kwentong ito ay tumatayo ang mga balahibo ko, at isang babaeng nakaputi ang nararamdaman kong nakatitig mula sa likod ko. Parang meron siyang binubulong at kahit pigilan ko ay pilit niyang pinapasulat ang gusto niyang sabihin.. .

jkgqdiugygygehecgeyfggfy (pilit kong nilalabanan ang tipa ng kamay ko sa keyboard)

arghhh1hsdhgusdgughghtgfygf (pero malakas ang espiritong nasa tabi ko)

hwaaaggggggggggg!!!!!!!!!!!!gkgdasghadf. (Hindi ko na kaya, hahayaan ko na na siya ang magtuloy ng blog ko).

Sa lahat ng fans at mambabasa ng Bakit Bilog ang Mundo? Samandali ko pong pinuputol ang inyong pagsubaybay kay Lloyd dahil sa araw na ito ay ako muna ang magkukwento.

Ako nga pala si Sonia, na tubong Las Pinas. 18 years old at may vital statistics na 36"-25"-38". Long hair ako at may white complexion. Mahilig ako mag gown at ang favorite color ko ay black & white. Favorite tambayan ko ang Balite Drive sa QC at doon ako madalas rumampa. Sa mga gustong makipag chat just add me white_lady69@yahoo.com. Online ako from 10PM to 4AM bago sumikat ang araw. Sa mga naghahanap ng katext, just text me at 09181313666. Wag lang u tatawag kasi mahiyain me.

Eniweys, kaya ako nandito ngayon ay para kwentuhan kayo ng isang fairytale na madalas ikwento sa akin ng nanay ko noong cute na tiyanak pa lang ako.
Wansapanatym sa isang lugar sa probinsya ng Quezon, ay matatagpuan ang pinaka magandang binibini sa Pilipinas, si Nene. Si Nene ay isang anak mahirap, wala na siyang ama, at tanging ina na lamang nito ang bumubuhay sa kanya. Sa panahong tulad ngayon na palapit na ang Pasko, nagtarabaho ang nanay ni Nene bilang tindera ng putobumbung sa may simbahan sa bayan. Tuwing madaling araw, kahit ganap pa ang kadiliman, ay gumigising ang mag-ina at nilalakad ang mahabang kabukirin, papunta sa simbahan kung saan sila ay magtitinda.

Subalit isang araw, nakalimutan ng nanay ni Nene ang asukal ng nasa may simbahan na sila.
"Nene, bumalik ka sa bahay natin at kunin mo ang garapon ng asukal.", utos nito sa kanyang anak.
Mahalaga ang asukal sa tinda nilang putobumbung, kaya agad agad ay tinawid muli ni Nene mag-isa ang bukirin pabalik sa kanilang tahanan. Ngunit nasa bandang gitna na siya ng bukid ng mapansin niya ang napakalaking puno ng Balite, sinasabing ang puno raw na iyon ay pinamamahayan ng mga engkanto at kapre. Gayunpaman hindi naniniwala ang dalaga, bagamat nakakadama ng takot ay nagpatuloy pa rin sa paglalakad.
Kalalampas pa lamang niya sa Balete ng may marinig siyang malakas na kalabog na nagmula sa kanyang likuran. Tila isang malaking bagay iyon. Dahan-dahan niya itong nilingon, at halos himatayin siya sa takot ng makita niya ang napakalaking Kapre!!!
Kasing taas ng simbahan ang tangkad nito, at napakaraming balahibo sa buo niyang katawan.

"Huwag kang matakot Nene, hindi ako masama.", agad na wika ng Kapre, nang mapansin niyang nagulat ang binibini nang siya ay magpakita.

"Nais ko lamang makipagkilala sa iyo... alam mo kasi lagi kitang nakikita dito, dumadaan, tuwing madaling araw. Naisip ko nga na magaling ka sa puzzle dahil ikaw ang bumubuo sa aking araw.", Alam mo bang scientist ako? At ikaw ang Lab ko. Humahanga ako sa iyo Nene." Malambing na boses ng dambuhala. "Ako nga pala si Bob.", pagpapakilala ng higante.

Napansin naman ni Nene ang pagiging totoo ng kapre, at totoong kinilig si Nene sa mga pamatay na pick-uplines ng binatang kapre na lalong nagpalusaw ng kanyang panty liner. Kaya simula ng araw na iyon ay naging magkaibigan na sila.

Hanggang isang madaling araw...

"Nene, marahil naman sa haba na ng ating pagkakaibigan, ay papayag ka kung aking yayain na dumalaw sa aking mundo.", pag iimbita ng higante sa dalaga.
Noong una ay pakipot pa si Nene, subalit ng alukin ng kapre ang malaki nitong kamay ay pumayag rin siya agad. Pumatong si Nene sa ibabaw ng palad ng Kapre at maya maya pa ay tila nag iba ang paligid at unti-unting lumiit ang dambuhala, naging kasing laki siya ni Nene.

Nilingon ni Nene ang paligid at nakita niya ang makukulay na bulaklak, ang mga ibat-ibang kulay na kulisap, at ang mga diwatang nagliliparan sa paligid.

"Ito ang aking mundo Nene.", wika ng binata.
Nilingon ni Nene kung sino ang nagsalita, at nagulat siya ng makita niya ang isang magandang lalake.
"Bob, ikaw ba yan?", naitanong niya.
"Oo, ako ito" sagot ng binata.
"Geomerty ba ang course mo, kasi kahit anong angle ang cute mo eh! hihihi". Isa pang pamatay na pick-up line ang nasambit ng haliparot na si Nene.

"Kaw talaga Nene. Ito ang hitsura ko dito sa aming mundo, subalit pag nasa mundo mo ako, isa akong kapre, patunay nang aking kapangyarihan.", paliwanag niya. Napangiti na lamang si Nene, at nagpatuloy ang dalawa sa pamamasyal sa daigdig ng mga Engkantada.

"Ang ganda pala dito sa mundo mo, nagtataka tuloy ako kung bakit pumupunta ka pa sa aming daigdig...", nasabi ng dalaga.
"Yun ay dahil mas maganda ka pa sa mundong ito Nene.", sagot ng binata.
At muli ay kinilig si Nene.

"Nene, mukhang nagugutom ka na, gusto mong kumain?", wika ni Bob, at bigla-bigla, mula sa kawalan ay lumabas ang isang mansanas sa kanyang kamay, inalok ito kay Nene. Subalit tumanggi si Nene, alam niya kasi ang sabi ng mga nakatatanda na kapag kumain ka ng pagkaing Engkantda sa kanilang mundo ay hindi ka na muling makakabalik sa tunay mong daigdig. "Bob, huwag mo sanang mamasamain kung nais ko nang umuwi sa amin, gusto ko nang bumalik sa aking mundo.", simpleng hiling ng dalaga.

"Ok, Lets go na...", nasabi ni Bob at sa isang pitik ay bumalik na sila sa bukid sa tapat ng puno ng Balete.
"Maraming salamat Bob, hindi ko malilimutan ang araw na ito." Nakangiting wika ni Nene sa isang dambuhalang Kapre.

"Sige Bob uuwi na muna ako sa amin, text-text nalang tayo ha.", pagpapaalam ni Nene, sabay talikod.
"Sandali!", pagtawag ni Bob kay Nene.
Napalingon si Nene.
"Bakit Bob?", wika nito.
"May nais pa akong sabihin sa iyo."
"Ano yun Bob?"

At biglang may hinugot ang kapre sa kanyang kuyukot, isang gintong singsing.
"Nene will you merry me?", nagpropose ang kapre, sabay luhod.
Ngunit tumalikod ang dalaga.
"Hindi maaari Bob, Hindi maaari...", pagtanggi ni Nene, bakas ang mga luha sa mata. "Hindi tayo maaaring magpakasal."
"Ha?! Bakit Nene, bakit?",
pagkabigo ni Bob, "Dahil ba sa isa lamang akong hamak na Kapre ?"
"Hindi iyon ang dahilan Bob, alam mong mahal kita kahit kapre ka pa.",
paliwanag ng luhaan na si Nene.
"Kung ganon bakit, bakit hindi tayo maaaring magpakasal?", nalilitong tanong ng dambuhala.

Agad kinuha ni Nene ang singsing sa kapre at nagwika."E kasi napaka laki ng engagement ring na bigay mo, para ko na kaya tong belt." Haler!!!

Sabay sinuot ni Nene ang singsing sa kanyang bewang, kasyang kasya nga ito... parang sinukat.

And they live hapily ever after....

Nakakakilig diba? Minsan ko na ring pinangarap na magkaroon ng boyfriend na kapre. Pero hindi talaga sila ang kapalaran ko. Kaya naman, hanggang ngayon ay umaasa parin ako sa aking prince charming. Madalas naman akong makipag eyebol sa mga taxi draver sa balite drive, kaya lang madalas din nila akong tinatakbuhan dahil sa takot.

Naku mag-uumaga na pala..baka masikatan ako ng araw. Ayaw kong umitim. Sige mga ka blog, iwan ko na kayo kitakits na lang tayo. Huwag kayong mag-alala, lahat ng nakabasa nitong post ko ay isa isa kong dadalawin mamayang gabi. Para naman makapag kwentuhan tayo ng mas mahaba...bwahahahaha. Paalam, RIP na ko...

Sa aking masugid na mambabasa. Paumanhin sa panghihimasok ng isang korning white lady. Hirap lang hindi pagbigyan kasi nanakot. - Lloyd

Oct 20, 2008

Mula sa Araw na ito, Hindi na Tayo Kakain sa Labas!

Noong isang buwan ay nagkasakit ang asawa ko. Halos hindi siya makakilos sa sakit ng likod niya at ito ang naging dahilan upang agad akong umuwi sa Bulacan. Kinabukasan ay sinamahan ko siya sa doktor para magpa check-up. Mapatos ma x-ray ay agad napansin ng doktor ang scollosis niya. Pinahiga siya at isa-isang tinest ang mga joints sa paa, likod at balakang na maaring nagpapalala sa sakit niya. Matapos nito ay agad kaming niresetahan ng doktor ng ilang gamot .

Doc: Grace, mukhang kaya lumalala sakit ng likod mo kasi walang masyadong movement sa trabaho mo. Lagi ka lang ba nakaupo?"
Grace: Opo.
Lloyd: (Mukhang guilty).
Doc: Dapat mag excercise ka.
Grace: Nag babadminton po kami. Kaso lately natigil, kasi tinatamad. (Sabay tingin sa akin)
Lloyd: (Lalong nag mukhang guilty).
Doc: Ok, ganito..Importante ang excercise para hindi lumala yung scollosis mo. Pero isa pang dapat n'yong ginagawa ay mag diet. Pag bumibigat ka kasi, mas mahihirapan ka. (Sabay tingin sa akin)
Lloyd: (Nalusaw sa upuan dahil sa guilt).

Masaya ako ng lumabas kami ng ospital. Para kasing nagulangan namin ang duktor na nag check-up sa kanya. Dahil kahit si Grace lang ang niresetahan ay parang patungkol din sa akin ang mga payo niya. Kaya inisip ko na lang na libre ang check-up ko noong araw na iyon.

Sa sasakyan pa lang ay kinumbinse ko na si Grace na sundin ang payo ng doktor niya. Una na dito ang pag eexercise. Pero dahil sa masakit pa ang likod niya ay hindi muna namin ito magagawa (lusot). Pero ang pagbabawas ng pagkain ay hindi dapat palampasin.

Bago namin simulan ang diet na ipaplano namin ay nag karoon muna kami ng brain storming kung ano ba ang dahilan ng paglakas namin sa pagkain. At ang top answer ay ang madalas na pagkain namin sa labas. Tatlo ang masamang epekto sa amin ng madalas na pagkain sa labas. Una, ay ang paglakas kumain dahil sa variety ng mga pwedeng pagpilian sa tuwing sa labas kakain. Pangalawa, ay ang pag laki ng gastos na halos limang ulit ang gastos namin kumpara kung sa bahay lang kami at ako ang magluluto. At ang pangatlo, mas lalo akong nagiging tamad at hindi ko na na papapraktis ang aking talent sa pagluluto.

Dahil dito ay isang mabilis na solusyon ang naisip ko. Mula sa araw na ito ay hindi na tayo kakain sa labas!May conviction ang pagbitiw ko sa batas na ito. Parang si Marcos noong nag pahayag siya ng Martial Law. Pagdating sa bahay ay agad akong pumunta sa kusina para ihanda ang kakainin namin. Si Grace naman ay hinayaan ko na lang muna na magpahinga. Walang gaanong laman ang refrigirator. Meron lang isang tilapia, isang bangus, ilang kamatis at ilang talong. Agad ko naman tinungo ang kabinet at doon ay may ilang delata lang. Tamang-tama, tutal ay pag babawas naman ng pagkain ang goal namin ay minabuti ko ng pagkasyahin kung ano ang meron.

Halos dalawang oras akong naging abala sa kusina. Hindi ko ito namalayan, at nang matapos ay isa-isa kong inihain ang pagsasaluhan namin sa unang araw ng pag da-diet.
Menu 1: Bangus Belly in Tausi and Grilled Tomatoe (Lloyd's Original Recipe)
Menu 2: Eggplant Luncheon Kebab (Specialty of the house)

Menu 3: Bangus with Tofu in Blackbean Souce (Highly Recommended)

Menu4: Sarciadong Tilapia with Chinesse Bagoong (Must Try)


Grace: Kala ko ba diet?
Lloyd: Diet naman yan, nakita mo puro isda at gulay yan.
Grace: Sa bagay.
Lloyd: Bi, kailangan nga pala natin ubusin lahat 'to. Kasi walang kakain. Dalawa lang tayo sa bahay, wala sila nanay.
Grace: (lunok)

Oct 8, 2008

TACSIYAPO!!! (Mabisang pangtanggal stress)

Halos isang buwan akong nawala sa mundo ng blog, at dahil sa dami ng sumulat, tumawag, nag text, nag e-mail at nagpa anunsyo sa radyo at telebisyon ay muli akong nagbabalik. Kung ano ang dahilan ng aking pagkawala ay sa takdangpanahon n'yo na lang malalaman.

Mula noong September 26 hangang October 5 ay bakasyon ako. Nagkaroon kasi ng mahabang shutdown ang plantang pinapasukan ko kaya naman pagkakataon ko ito upang marelax at manumbalik ang dating lakas na inuubos ng stress.

Madali akong mastress, dulot ng maraming bagay. Pero partikular na sanhi nito ay ang trabaho. Sa pagkakataon na mataas na ang stress level ng katawan ko ay sumasabay na dito ang limang sintomas na nararamdaman ng ko.

Unang sintomas: Madalas na pagsakit ng mga kalamnan at buto.
Pangalawang sintomas: Pagsakit ng kalahating bahagi ng aking ulo (ulo sa taas)
Pangatlong sintomas: Pagsakit ng tiyan na nag reresulta sa paglabas ng masamang hangin. (laging biktima si Grace dito..kawawa naman)
Pangapat na sintomas:Pagkahilig sa kahit anong pagkain.
Panglimang sintomas: Pagkatulala. Biglang tatawa, iiyak, tatawa, iiyak, tatawa, matututlala at iiyak. Tatawa ulit.

Upang manumbalik sa normal na takbo ng aking katawan ay naisipan kong ayain si Grace sa isang joy ride pa norte. May nabasa kasi ako sa isang tabloid na ang pagpunta daw sa isang lugar na bago sa paningin at pakiramdam ay nakakapagdulot ng karagdagang enerhiya na dahilan upang mabawasan ang stress.
Martes ng madaling araw ng umalis kami. Walang plano plano, lahat ng mangyayari ay parang isang reality show na pwedeng magbago ano mang oras. Una naming tinahak ang NLEX pa Dau. Si Grace ang nagsilbing directory ko bagamat hindi rin naman niya alam ang mga lugar. Tanging ang mapa na ni-search sa internet ang bitbit namin. Sa hangganan ng Dau ay sunod naming binaybay ang bagong expressway na SCTEX (Subic, Clark, Tarlac), pinili kong dito dumaan upang mas maginhawa at mabilis ang byahe. Walang ibang sasakyan dito kundi ang dala namin. Sa harap at likod ko ay tanging isang mahabang daan lamang ang makikita na parang walang katapusan. Ilang sandali pa ay nadaan kami sa isang napaka-kapal na fog na nagdulot ng zero visibility sa paligid. Wala na akong nakikitang daan. Kala ko nga ay nasa langit na ako at isang anghel ang babae sa tabi ko.Yihiiii...(kilig).

Isat-kalahating oras mula sa Clark ay narating namin ang Tarlac City. Sa haba ng mga bayan dito ay halos manigas ang binti ko. Pagdating sa Pangasinan ay tinahak namin ang daan papuntang Manaog. Gusto kasi namin mabisita sa unang pagkakataon ang simbahan ng Our Lady of The Most Holy Rosary kung saan parehas kaming deboto ni Mama Mary. Hindi naging madali ang paghahanap namin sa simbahan, dahil ilang beses din kaming naligaw bago makarating dito. Mabuti na lamang at natunton din namin ang lugar matapos kong baligtarin ang saplot sa katawan ko.

Mga pangtanggal stress sa joy ride na ito:

Una: Ang mataimtim na dalangin.
Wala talagang kapantay na pangtanggal stress ang taimtim na pananalangin. Para sa akin, iba ang dinudulot na kaluwagan ng pakikiramdam ang taos pusong pakikipag-usap kay Mama Mary. Mula sa mga pasasalamat, kasiyahan, kalungkutan at kasawian ang ilan sa mga bagay na madalas kong ikwento sa kanya. Matapos ang sandaling pag-uusap ay isang maluwag na pakiramdam ang kapalit. Ito ang epekto sa akin ng pagmamahal ng isang ina.
Pangalawa: Dagat, alon at buhangin
Mula Manaog ay nagpasya kaming magpalipas ng gabi sa isang Resort sa San Fabian Pangasinan. Sa PTA resort kami napadpad o ang Philippine Tourisim Authority at hindi Parents Teacher Association dahil wala naman eskwelahan sa loob ng resort. Malawak ang resort. Pati ang kwartong nakuha namin ay sobrang laki. Kasya nga ang dalawang pamilya na may tig-apat na anak at tig isang pares ng mag-asawang kalabaw. Dahil sa hindi naman peak season ay hindi rin gaanong kamahalan ang isang gabing pamamalagi sa resort.
Ano pa ba ang pinaka mabisang pangtanggal stress kundi ang lumakad sa dalampasigan kasama ang babaeng mahal mo habang pinakikinggan ang bawat hampas ng alon sa dagat at ibinabaon ang paa sa mainit na buhangin.

Pangatlo: Palenke at pagluluto.
Isa pang stress reliver para sa akin ang pag punta sa supermarket o palengke. Nakaka-alis kasi ng mga alalahanin ang paglibot. At dahil sa ang pagluluto ang isa mga mga bagay na gusto kong ginagawa ay nakakatulong ito upang mabawasan ang stress ko. Bago mag maghapunan ay nagpasya kaming pumunta sa Dagupan. Malapit lang ang Dagupan mula sa resort, bukod pa dun ay mura at sariwa ang mga isda dito partikular na ang bangus. Pagdating sa palengke ay nagulat akong tabing isdaan ito at banye-banyerang bangus at hipon na ibinabagsak sa harap namin. Matapos ang ilang tawaran (kahit bagsak presyo na ang mga ito kumpara sa Maynila) ay bitbit na namin pabalik ang ilang kilong bangus at hipon. Parang may bangus festival sa harap ng beach ng inihaw namin ang lahat ng ito ng sabay sabay.
Pang-apat: Tanawin, laro at pagkain
Pabalik ng Bulacan ay naisipan namin dumaan sa isang restaurant sa Tarlac ang Isdaan. Ginulat ako ng ganda ng restaurant na ito, sa laki at dami ng magagandang tanawin sa loob ay gugustuhin mong manatili dito ng buong araw.

Unang nakakuha ng pansin ko ang mga malalaking budha na akala ko ay sa Thailand ko lang makikita.

Sumunod ay ang floating restaurant na habang kumakain ay para kang dinuduyan.
Hindi rin matatawaran ang sarap ng pagkain. Nalula kami sa isang bilaong Mama Chit at nalunod sa isang banyerang bulalo. Ang Sankilo bridge na isang kilong tilapia ang kapalit ng buhay mo.Dito kasi ay kailangan mong tumawid sa isang makitid na tulay na bitbit ang isang timbang tubig ng hindi mahuhulog sa isdaan na 9 ft ang lalim. Kung buhay kang makatawid ay sayo na ang isang kilong inihaw na tilapia na libre. Pinag isipan kong subukan ito, pero ng maalala kong hindi ako marunong lumangoy ay naisip kong pag-ipunan nalang ang isang kilong tilapia. Ang Unggoy Ungoyan, apat na dambuhaling unggoy ang iihian at duduran ka. Kung makakatawid ka sa kanila ng hindi mababasa ay sayo na ang isang kilong isda.
Ganyan kahirap kumita ng isang kilong tilapia.

Pang Lima: Anger Management
At ang pinaka sure hit na pantanggal ng stress, init ng ulo, galit, pagkasuklam at pagkamuhi ay ang TACSIYAPO WALL. Ayon sa tatay ko na isang kapampangan, ang salitang tacsiyapo raw ay singkahulugan ng salitang buwiset, walang hiya, hayup, animal, talipandas at kung ano-ano pang salita na maari mong sambitin kung galit ka. Sinubok kong ilabas ang galit ko sa tacsiyapo wall. Sa harap nito ay isa-isang nanumbalik sa aking ala-ala ang...Dati kong syota na pinagpalit ako sa isang tomboy na hindi naliligo.

Bombay na nag papa 5-6 sa aming lugar

Ang tsikadorang kapitbahay na minsang pinagkalat na ampon ako.

Ang manyakis na bading na hinipuan ako sa loob ng sinehan.

Ang propesor ko nung college na pinunit ang papel ko dahil napagbintangan akong nangongopya sa classmate ko na 7 years na sa physics.

At ang mga currupt na pinuno ng lipunan na lumalamon at sumasamsam ng tax na binabayad ko, na pinagtatrabahuhan ko at dahilan kung bakit ako stress!!!

GrrrrrRR..(umusok ang tenga at ilong ko kasabay ng pamumula ng buong mukha sa galit). Nang isa-isa ko ng pupukulin ang bawat nabanggit ay napagtanto ko na malaki ang magagastos ko dahil bawat babasagin ko ay may kaakibat na halaga. Dito ako nagpasya na isang mug na lang sa halagang 14 pesos ang babasagin ko para na ito sa kanilang lahat. Mapuwing sana ng bubug ang mga mata nila.

TACSIYAPOOOOO!!!!!
Bagamat napagod ako sa mahabang byahe ay halos hindi ko ito naramdaman.Mas naiwan sa isip ko ang mga kasiyahan,katahimikan, kakulitan, kaingayan, kabusugan at kapayapaan mula sa aming joy ride na isa na namang bahagi ng karanasan na hindi malilimutan.
Haaay, ang sarap maging stress freee!!!