Sa panahong ito, lugmok ang ating bayan sa pangungutya ng marami. Bilang isang Pilipino, tatangapin ko ito ng may mababang loob. Pero hindi siguro ito dahilan upang ikahiya ko na Pilipino ako. Sa panahon ngayon na poot at galit ang nararamdaman sa atin ng ibang bansa, mas makakabuti kung magiging sandalan nating mga Pilipino ang bawat isa. At hindi tayo ang manguna upang lalo pang tapakan at ikahiya ang ating bansa. Wala tayong ibang kakampi kundi tayo rin. Alam ko ang galit natin sa mga indibidwal na naging dahilan ng trahedyang ito. Pero dapat nating tandaan na hindi lang sila ang bumubuo sa bansang Pilipinas. Maraming Pilipino ang matalino, mabuti at mapagmahal.
Sa mga mamayan ng Hongkong at China. Muli ay taos puso akong nakikiramay at humihingi ng paumanhin sa nangyari. Pero ang aking dalangin ay hindi ito maging dahilan upang tuluyan ninyomg kamuhian ang bawat Pilipino. Halos 140,000 na Pilipino ang nasa Hongkong ngayon, at nasa 80% nito ay mga Domestic Helper. Sila po ang mamamayang Pilipino na iniwan ang kanilang pamilya upang makapaglingkod sa inyo. Maraming pagkakataon din na sila ang nag-protekta sa inyong mga anak at nagsiguro na maging maayos ang kanilang kalusugan. Madalas nga po ay nabibigyan nila ng labis na atensyon at pagmamahal ang inyong pamilya kesa sa pamilyang iniwan nila dito sa Pilipinas. Wag po sanang tuluyang na matabunan ng galit ninyo ang magagandang bagay na inalay sa inyo ng aming mga kababayan…
At sa huli..muling manumbalik ang pagmamahalan at kapayapaan…