Aug 16, 2007

Bobong pinoy ako, pinoy tayo

2002. Dahil sa paghahanap ko sa Power Bookstore ng mga aklat na kaya kong tapusin basahin ng isang oras habang naghihintay sa aking kapatid ay aksidente kong nakita ang librong ABNKKBSNPLAKO. Dahil dito, ay sinubukan ko ring hanapin ang web site ng awtor na nakasulat sa libro.
Nagustuhan ko ang Bobong Pinoy at nangibabaw ang pagka-pinoy ko. Tinatalakay kasi dito ang socio-political satire. Mula noon ay naging suki na ko ng website at parang telenovela na araw-araw kong binabantayan ang mga susunod na kabanata.
Hindi ko alam kung mabagal lang talaga ang koneksiyon ko noon o nagsulputan lang talaga ang mga bumibisita dahil sa nanalo ang site sa People's Choice, pero parang Edsa pag oras ng uwian 'lagi ang usad ng Bobong Pinoy.
'Di kalauna'y lumipat na rin ang katha ni Bob Ong sa bobongpinoy.com. Pero 'di ko ba alam, mabagal pa rin ang pasok. Nakaisip tuloy ako, tuwing lunch o uwian na lang sa opisina ako sisilip. Ilang beses ding hindi na-update ang bobongpinoy.com, hanggang isang araw hindi na ni-renew ni Bob Ong ang naturang site(dahil siguro alam na ng lahat na maglalabas siya ng libro. Mahirap na nga namang umatras sa bagay na naipangako mo na). At di nga 'rin nagtagal, bigla na lang nawalang parang bula ang bobongpinoy.com (huwag mo ng balaking pasukin ngayon, pag-aari na ito ng isang kumpanyang taga-Estonia). Lumitaw din ang Paboritong Website ni Hudas, iyan ang alam kong kauna-unahang blog ni Bob Ong, pero mas maikli pa ang buhay nito sa bobongpinoy.com.
Sino nga ba is Bob Ong? Karamihan ng mga nag-kalat na "sightings" na naglipana sa Internet ay mga kuwentong barbero na nangaling malamang sa mga pinag-pasapasahang mga "sinabi raw." Kung mamarapating niyo akong magdagdag ng opinyon: kung madulas pa sa ahas ang pagtuklas sa tunay na katauhan ni Bob Ong, ito marahil ay dahil sa gumagamit siya ng nom de plume (Ang Bob Ong na pangalan para sa akin, ay biniyak na salitang Bobong, na nagmula sa pamagat ng dati niyang site, at sumasalamin sa ating pinagsamasamang kahinaan bilang Pilipino).

Habang kumakain ako sa isang fast food, may narinig akong dalawang profesor daw, na nagpapataasan ng ihi. Mahaba-haba rin ang mga paksang pinag-talunan, hanggang dumating ang usapan kay Bob Ong:

Propesor Bangko: Did you know, na hindi talaga tao si Bob Ong?
Propesor Hangin: Uhuh, at di lang 'yan iba't iba pa ang nagsulat ng mga libro n'ya…

Anak ng tinapa. Parang dalawang batang nag-uunahang magsambit ng "Wala ka sa lolo ko." Saang planeta kaya naman nila nakalap ang mga ganitong balita? Ang totoo'y 'di gaya ni Xerex Xaviera na isinulat ng iba't ibang tao, si Bob Ong ay malamang hindi ginawa ng mga garapata, butiki, at tipaklong. Sa pakikinig sa dalawang mokong na 'yun, naalala ko tuloy ang sinabi ng master of reggae na si Bob Marley: "It's the feel. They know it, but they can't do it." Si Bob Ong ay mag-isa lamang dahil sa tuloy-tuloy na daloy ng kanyang panulat. May mga ilang nabasa na rin akong blog na sa unang tingi'y Bob Ong ang paltik, ngunit pakiwari lang pala dahil sa huli ay lumalabas na anino lang pala. Iba kasi ang "feel." Ang "feel" ay kusang umuusbong sa mga pinagsama-samang karanasan at natural na pagkiling at pagkahilig natin bilang tao. Maaring kopyahin ang "feel", pero sa kalaunan lalabas din talaga ng natural na "feel" ng isang katha.
Sa tingin ko ay isa sa mga kadahilan kung bakit isinulat ang unang librong ABNKKBSNPLA Ko?! (ABa NaKaKaBaSa Na PaLa 'Ko?!), ay upang mabigyan ng kahit na konting kaliwanagan ang mga katanungang "Sino nga ba si Bob Ong?" (at siyempre para mabigyan din ng pagkakataong mabasa si Bob Ong ng mga walang Internet). Samantalang ang pangalawang librong BAKIT BALIKTAD MAGBASA NG LIBRO ANG MGA PILIPINO? nama'y puwedeng magsilbing time travel sa mga dating bumibisita sa Bobong Pinoy at isa ring pagsilip sa mga ngayon pa lang nakarinig sa naturang site.
At gaya nga ng nakasaad na sa kanyang palad, water sign, at feng shui: si Bob Ong ay nagtuloy-tuloy sa pagsulat ng mga libro, at ngayo'y isa na sa mga pinaka-kilalang manunulat sa Pilipinas (lahat ng libro niya'y parang mainit na pandesal - mabenta).

Propesor Hangin: …waste of time…
Propesor Bangko: I agree. 'di literary…


Ang saya ng dalawang ito! Siguro'y kakosa nitong mga ito si Kant! Gumising, amuyin ang simoy ng kulturang pino. Nakinig ako sa mga sumunod na salitang kanilang binanggit, mga katagang sa libro lang lumabas, pero parang pilit at may pagka-robot ang dating, mga inimbentong salitang na kahit hindi ko pa nabasa'y halatang hindi rin nila lubos na naiintindihan ang ibig sabihin - anak ng pating, mga intelektwal na bobo ang mga ito, mga elitista! Gusto ko sanang pumunta sa kinauupan nila at makipagdiskusyon, gusto ko sanang sabihin na huwag silang makikialam sa longganisa, dahil baka stainless ang mabili nila, pero nagdalawang-isip ako, baka mapabigkas kasi ako ng salitang pang jologs at hindi nila maintindihan- mga Twerp!

Propesor Bangko: I think he is in it for the money.
Propesor Hangin: Yeah, that, power and fame…

Halos malaglag ako sa kinauupan ko sa kakabungisngis. Kung may nakapansin sa 'kin di ko na alam. Ang alam ko lang dahil sa mga katagang ganun, lumabas din ang katotohanang hindi talaga nila binasa ang mga libro ni Bob Ong. Kung tutuusin wala naman talagang masamang mangailangan ng pera dahil kailangan natin ito para mabuhay, at 'di rin namang masamang mangarap na balang araw ay sisikat ka. Ang siste lang sa dalawang payasong ito eh, hindi man lamang nila nakuhang basahin ang kanilang hinuhusgahan. Para silang mga birheng nag-uusap tungkol sa sex.

Propesor Hangin: I wonder, how many of his stories are lies-
Propesor Bangko: - his anonymity makes him susceptible…

Hindi ko alam kung saang freezer natutulog ang mga Beavis at Buthead na ito. Pero kung ako lang ang tatanungin, wala naman sa pangalan ng manunulat ang katotohan ng kanyang sinasabi. Maraming may sikat na pangalan, pero salungat sa mga katotohan ang kanilang mga katha. Para sa 'kin, sa mga naisulat na ni Bob Ong, nakakamangha ang kanyang walang pagbubuhat ng bangkong paninilay-nilay sa buhay pinoy - habang binabasa ko s'ya, parang nananalamin ako, nakikita ko ang kaluluwa ko, nabuhay ng muli ang mga matatagal ng natutulog kong ala-ala (sino nga ba naman ang makakalimot sa Nutribun, Funny Komiks, Choose Your Own Adventure, at sangdamukal na nakaraang pag binangit ko dito'y aabutin ka ng isang araw para basahin - isang halimbawa na'y meron din kaming sari-sari store noon). Hindi na rin kailangan pang malaman ang buong pagkatao ng isang manunulat upang makuha ang mensahe. Si Shakespeare hanggang ngayo'y pinagdedebatehan pa rin ang tunay na talambuhay, dahil ang kanilang mga katha'y nagsasalamin ng katotohang di na kayang gibain ng pagikot ng alinmang orasan.

Propesor Hangin: So simple -
Propesor Bangko: …simpleton is more like it…


Tumayo akong nakangiti. Naglakad palabas. Ang malinis na hangi'y malinaw, invisible, samantalang ang usok na nanggaling sa tambutso'y hindi. "Simplicity," sabi ni Leonardo da Vinci, "is the ultimate sophistication." At iyun, 'yun ang susi kung bakit sikat si Bob Ong ngayon. Ang kanyang saloobin ay umaalon sa napakasimple at napakalinaw na tubig na sa unang tingi'y invisible: na tayong mga Pilipino ay maaring tumawa sa mga trahedyang tayo rin naman ang gumawa.

Saludo ako sayo Bob Ong.

Salamat basangpanaginip.

14 comments:

Anonymous said...

Hi! I absolutely agree with everything you have written to react to some baseless comments about Bob Ongs books. I believe there are thousands out there who would also agree with you.

If I may, I would like to take this opportunity to ask...I've biuld my own blog using Blogger...problem is how I can have it published on Google or Yahoo...Can you share with me tips? By the way, may I also take this opportunity to share our blog in case you have the patience and the time to waste...
http://niknikmatinik.blogspot.com
I have just started it though and with your wisdom I guess you would criticize much like how Propesor Hangin and BAngklo would criticize Bob Ong. Happy blogging! Thanks.

Niknik Matinik

Anonymous said...

Hi! I absolutely agree with everything you have written to react to some baseless comments about Bob Ongs books. I believe there are thousands out there who would also agree with you.

If I may, I would like to take this opportunity to ask...I've build my own blog using Blogger...problem is how I can have it published on Google or Yahoo and other famous sites...Do I just have to wait until it gets published or are there Can tricks you can share with? By the way, may I also take this opportunity to share our blog in case you have the patience and the time to waste...

http://niknikmatinik.blogspot.com

I have just started it though and with your wisdom I expect that you would criticize it much like how Propesor Hangin and Bangko would criticize Bob Ong. Hahaha! Happy blogging! Thanks.

Niknik Matinik

Anonymous said...

Hi! I absolutely agree with everything you have written to react to some baseless comments about Bob Ongs books. I believe there are thousands out there who would also agree with you.

If I may, I would like to take this opportunity to ask...I've build my own blog using Blogger...problem is how I can have it published on Google or Yahoo or other popular sites...Can you share with me some tips? By the way, may I also take this opportunity to share our blog in case you have the patience and the time to waste...

http://niknikmatinik.blogspot.com

I have just started it though and with your wisdom I guess you would criticize it much like how Propesor Hangin and Bangko would criticize Bob Ong's compositions. Happy blogging! Thanks.

Niknik Matinik

Anonymous said...

hi there!
nabasa ko rin ang libro ni Bob Ong at nabasa na rin ng mga kaibigan ko at 'yun naging addict na rin sa mga libro niya.

..at first akala mo puro kuwentong barbero lang pero at the end, maiisip mo ang pagiging Pilipino mo..

hector_olympus said...

http://sonofpriam.blogspot.com/2008/12/bob-ong-shirts-for-sale.html

memart said...

cool.

Anonymous said...

hi,my nagrecommend sa akin na basahin ang ABNKKBSNPLA KO?,at first parang ang boring nung kinukwento nya sa akin kung about saan yung kwento nung book.Tapos nung binabasa ko na,wow,enjoy pala.,buti na lang binasa ko.Kaya yun, isa na ako sa mga humahanga sa mga libro ni Mr. Bob Ong.,I've learned a lot from his book and I will still learn from it.

zashyrae said...

nice one!

gio ben said...

salamin nag pagka pilipino ang kuwento nailikha ni BOBong... isang maipagmamalaki natin sa ating bansa...mas lalong tumindi ang aking pagmamahal sa ating bansa simula ng mabasa ko ito..patriotic akong tao, kaya naniniwala akong aangat ang pilipinas ulit kung magkakaisa lang tayo at kaya ng bawat pilipino na ipagmalaki ang bansang maharlika natin.

Anonymous said...

Gusto ko tlga ang mga libro ni bob ong. Ung mga sinulat nya kasi iba ang dating.. Sapul ka tlga.. Ang galing galing nya.

kenpachi said...

si pareng bob,.. Alamat na..!

Anonymous said...

i already have his books. from bakit baligtad up to lumayo ka nga sa akin. hirap makahanap nung first book niya.
basta, isa ako sa mga alagad ni bob ong.. :-)

brian said...

complete ako ng lahat ng books ni bob ong..pero me kumuha ng mc arthur at mga kaibigan ni mama susan..haist..until now hindi pdin sinosoli..
maganda lahat ng gawa ni idol bob ong..fav q yung mc arthur,kapitan sino,paboritong libro ni hudas at abnkkbsnplako..

Anonymous said...

Hi. Matagal ko na pong gustong mahanap si Bob Ong, aaminin ko isa lang ako sa napakami nyang tagahanga pero gusto ko pa ring personal syang makausap. Marami akong gustong sabihin sa kanya. Marami akong gustong itanong. Kuya Bob Ong, gusto po kitang maintindihan.