Nung Grade 1 ako, ang makalipad at makarating sa ulap ang isa sa mga pangarap ko. Kaya naman inidolo ko ang ilan sa mga Pinoy Super heroes tulad ni Captain Barbel, Super Islaw at Bagwis. Hindi ko iniisip na imposible ang magkaroon ng kapangyarihang lumipad. Tuwing umaga, bago ko iligpit ang pinag-higaan namin ay kukunin ko muna ang kumot ng tatay ko at itatali sa leeg ang dalawang dulo nito para gawing pakpak, saka pupungas-pungas kong itutupi isa-isa ang ilang kumot at kulambo. Ito ang ang bumubuhay sa umaga ko at kung anong lakas man ang kayang ibigay ng pakpak kay Superman, ay ganun din ang kayang ibigay nito sa akin. Kaya naman kahit walang almusal na naihanda si nanay ay ayos lang, dahil hindi nag be-breakfast si eagle man!
Subalit agad gumuho ang pangarap ko ng isang araw na masaksihan ko na nahulog ang kalaro kong si Nognog sa truck. Naisipan kasi niyang tumalon habang mabilis ang andar nito para mag hatid ng inaning mangga sa palengke. Gusto kasi niyang patunayan sakin na siya si Batman at nakakalipad siya sa tulong ng tinaling sako sa leeg na nagsilbing pakpak niya. Kumalabog sa daan ang katawan ni Nognog,at dahil sa bilis ng takbo ng truck ay nadaanan ng gulong nito ang mga tuhod niya. Agad siyang binuhat ng mga tambay sa bilyaran at dinala sa ospital. Buti nalang at madaling nag hilom ang bali niyang tuhod dahil sa bata pa siya. Ngayon ay nakakalakad na si Nognog, hindi nga lang ganun kaayos tingnan dahil namali ang tubo ng tuhod niya at napunta sa alak-alakan.
Mula noon ay natakot na akong lumipad, at ibinaon ko na sa limot ang pag-asang balang araw ay magkakaroon din ako ng super power sa tuwing lululon ng bato o bubuhat ng barbel. At mula rin noon ay natutunan ko ang dalawang bagay; una, na ang pakpak na gawa sa sako ay hindi maaring gamitin para makalipad at pangalawa, si Batman ay talagang hindi marunong lumipad!
Ilang taon lang ang lumipas ay kakaibang lipad naman ang pinangarap ko. Mas realistic, gusto kong makasakay ng eroplano. Sa tuwing may dadaan na eroplano sa lugar namin ay hindi ko mapigilan tumingala. Iniisip ko kung ano ang pakiramdam sa tuwing sinasagasaan nito ang makakapal na ulap. Dati ang akala ko, ang ulap ay tulad sa isang fome na kapag nabangga ka ay mag didribble ka pabalik. Iniisip ko rin na ito ang tungtungan ng mga angel sa langit, at pag-nadedbol ka ay ito ang kama mo. Minsan, umuwi ang pinsan ko galing Canada, lahat kaming magpipinsan ay nagtipon -tipon, para marinig ang mga kuwento at experience niya doon. Parang Spiderman 3 ang palabas sa loob ng kwarto sa dami namin na gustong makinig sa kwento niya. Lahat ng mata ay naka-focus sa kanya at sa tuwing kahanga-hanga ang mga lugar o pangyayaring sa kuwento niya ay napapanganga at tumutulo ang laway namin sa excitement. Natapos ang kwentuhan at nakaubos kami ng isang batyang pop corn, pero wala siyag nabanggit tungkol sa ulap habang nakasakay sa eroplano. Hindi ko tuloy nakumpirma ang teorya ko tungkol sa ulap.
Nang maka graduate ako ng college at makapag trabaho sa isang manufacturing company sa Laguna, ay isang pangarap ang hindi ko inaasahang matutupad.
Boss: Lloyd, may passport ka ba?
Lloyd: ? ano po yun?
Boss: May passport ka na ba?
Lloyd: A e wala pa po.
Boss: Kumuha ka na.
Lloyd: Bakit po?
Boss: Pupunta tayo sa Singapore, para sa Process Audit.
Lloyd: Sige sir. (Naiyak sa tuwa)
July 2003: excited ako sa unang pagkakataon na makakasakay ako ng eroplano.
Maaga palang ay hinanda ko na ang bagahe ko sa isang gym bag na may P&G logo at sa back-pack ko na kulay yellow. Wala pa kasi akong maleta noon at sa tingin ko ay kasya na sa mga bag na iyon ang lahat ng mga kakailangan kong damit sa loob ng limang araw. Swak! lahat ng kailangan kong dalin tulad ng pantalon,long sleeve,T-shirt,brief at toothbrush ay napagkasya ko sa dalawang bag. May space pang natira para sa dala kong analog camera at isang rolyong film.
Pagdating sa airport ay nakita ko agad ang isa pang engineer na kasama ko, si Rence. Nauna siyang dumating sa akin at halatang mas excited. May dala siyang isang maleta na may katamtaman ang laki, at isang back pack na Jansport. Napatingin siya sa bitbit kong bagahe at nagtaka. Hindi siya makapaniwala na magkakasya ang gamit ko sa ganoong kaliit na bag. Buti nalang at naipaliwanag ko sa kanya na hindi sabon ang laman ng dala kong P&G bag, kung hindi damit din. Naliwanagan siya.
Ilang minuto lang ang lumipas ay dumating na ang boss namin na pinaka-excited sa amin. Halatang hindi nakatulog dahil sa eyebag. Paglapit niya sa amin ay nakatingin parin kami sa mga kasunod niyang naglalakad, ang akala kasi namin ay may iba pa siyang kasama o nagpabuhat ng bagahe sa iba. Nagulat nalang kami ng bigla siyang magyaya na mag check-in na. Hindi kami makapaniwala sa dala niyang bagahe. Isang back pack na Yansport na may kumbinasyon na itim at pula (Hindi typograpical error ang Yansport na sinulat ko, dahil ito talaga ang tatak ng bag niya). Nagkatinginan nalang kami ni Rence at napangiti, siguro ay pareho kami ng iniisip. Paano magkakasya ang limang brief sa bag na yun?
"Passengers of flight SQ 745 going to Singapore, we are about to board..."
"Passengers in rows 20 to 30 are invited to board the aircraft"
Napatayo ako sa kinau-upuan ko bitbit ang hand carry bag pagkarinig ng announcement na ito.
Ito kasi ang nakasulat sa boarding pass ko na row number ko sa loob ng eroplano.
Sabay kami lumapit ni Rence sa gate at pumila kasama ang ibang mga pasahero. Pag lapit sa gate ay kinuha ng flight attendat ang boarding pass, at pinatuloy na kami sa loob ng eroplano. Bago pumasok ay huminga ako ng malalim. Masarap talaga ang pakiramdam ng first time sa maraming bagay.
Parang eksena sa isang Sci-fi movie ang sumunod na eksena. Feeling ko ay nasa spaceship ako pagpasok ng eroplano. Isang Boeing 757 ang modelo ng eroplano. Sabi sa website ng Singapore airlines, ang Boeing 757 daw ay isang twin-engine short-to-medium-range jetliner na may mataas na kalibre ng teknolohiya para sa kakaibang tipid sa gasolina, mababang ingay at mataas na kaginhawaan sa bawat pasahero. Na excite tuloy ako, dahil matagal ko nang gustong makaramdam ng kakaibang ginhawa.
Umupo ako sa bilang ng upuan ko na nakalagay sa boarding pass. 45C, sa ikalawang row ito ng mga upuan, sa madaling salita sa gitna katabi ng window seat at aisle seat. Medyo nalungkot ako, dahil hindi ako ang nakakuha ng jackpot na makaupo sa window seat. Kala ko kasi dati ay niraraffle yun, nung huli ko nalang nalaman na pwede pala irequest. Si Rence ang maswerteng nakaupo sa window seat, ako sa gitna at ang boss ko sa aisle seat. Sa harap ng upuan ko ay may maliit na tv, lalo ako na excite, sana ay may channel 2 para makapanood ng wowowee. Nang buksan ko ang magazine sa harap ng bulsa ng kianu- upuan ko ay nadismaya akong makita na mga dvd movies, ilang nintendo video games at music ang maari kong pagkaabalahan habang lumilipad ang eroplano (Infligth Entertainment).Walang wowowee, pero ayos lang, na-isip ko na manonood nalang ako ng dvd.
Ilang sandali pa ay nag take-off na ang eroplano, kapit tuko ako sa armrest ng upuan pero kahit takot ay hindi ko pinikit ang mata ko. Gusto ko kasi makita ang unti-unting pag angat ko sa lupa, na may katawan ha! (Hindi yung kaluluwa lang). Parang roller coaster ang pakiramdam. Parang naiiwan ang bituka ko sa lupa habang umangat ang eroplano, kasabay pa ng pagsakit ng tenga ko na parang binobombahan ng hangin ang loob. Eto na nga yung pakiramdam na masakit pero masarap (Ang pakiramdam pag malapit mo na maabot ang langit).
Ilang minuto lang ang lumipas at tuluyan nang umangat ang eroplano, dumeretso na ulit ang lipad nito at ang mga pasahero ay isa-isang nag adjust ng upuan.
Isang ngiti ang matagal na gumuhit sa mukha ko. Nakatitig parin ako sa ulap na parang isang bata na ayaw bumitiw sa pinapanood na anime. Isa-isang bumalik sa alalaala ko ang mga pangarap ko nung bata pa, ang mga kabiguan na marating ang pangarap, at ang mga katotohanan sa likod ng pangarap. Ngayon, ay nasa realidad na ako. Hindi pala lahat ng pag lipad ay maari kong ikahulog at ikakabali ng tuhod, hindi ko rin kailangan ng bato o pakpak para lumipad, at hindi ako dapat matakot na banggain ang ulap. Kung sa malayo ay mukhang kaya tayong tabunan nito, pag nasa harap na at walang takot natin sagasaan ay parang bula ding naglalaho.
Patuloy parin akong sumasagupa sa bawat ulap sa buhay ko. At patuloy parin akong lilipad at mangangarap.
1 comment:
hi! :]
Post a Comment