Noong unang panahon, ang mga bata ay naniniwala sa kwento ni Lola Basyang. Ngayong panahon, maiiba ang inyong paniniwala..
Oct 1, 2007
Kwen2 celpon
Bagong gupit at bagong celpon. Sino ba naman ang hindi gaganahan na magtrabaho ngayon. Noong linggo kasi ay nakapag desisyon na akong magpatabas ng buhok dahil na rin sa masyado na itong humaba at natatakpan na ang kagwapuhan ko. Kasabay nito, ang desiyon ko na palitan narin ang aking lumang celpon. Hindi ako gaanong mahilig sa mga bagong modelong celpon. Para sa akin ay patok ang celpon na simple at magaan sa bulsa (pisikali at pinansyali). At sa aking pagka-alala ay hindi pa ako nakabili ng mamahaling celpon. Kadalasan sa celpon na nagamit ko ay bigay, pahiram, pinaglumaan, sale, o libre. Kung may celpon nga na free sa chizkurl ay malamang meron na 'ko nun.
Graduating sa ako kolehiyo ng una akong magkaroon ng celpon. Isang Nokia 5110 na regalo ng aking aking kapatid para sa aking graduation, kahit na June pa lang noon at April pa ang graduation ko. Inadvance na nya para wala na 'kong dahilan na sumabit at hindi maka gradweyt. Kasama ako ng bilin ang celpon sa SM Sta Mesa, matagal kaming lumibot sa paghahanap ng pinaka murang celpon. Buti nalang at walang tindahan ng nakaw na celpon doon kung kaya isang brand new na celpon ang napasakamay ko. Pagkabili sa celpon ay bigla akong ginulat ng tumunog ito. Nasa maximum v0lume pala ito kaya naman halos lahat ng tao ay napatingin sa akin. Dali-dali kong sinagot ang celpon ko na may halong angas: "HELLO!!!?". Nilakasan ko talaga ang sagot para lalong mapansin. Ilang segundo na ang lumipas ay wala parin nagsasalita sa kabilang linya. Napatingin ako sa kapatid ko at nakita kong natatawa siya, nang tumingin ako ang mga tao sa paligid ko ay nagtatawanan din. Message alert tone pala ang narinig ko, hindi ring. Gusto kong magpalit ng mukha ng mga oras na iyon.
Natapos ko ang kolehiyo at nagsimulang magtrabaho gamit ang Nokia 5110. Sa tagal ng aming pinag-samahan ay halos nagkapalit na kami ng mukha at nag-iba-iba na ang anyo pati kulay nito. Masaya na sana ang aming samahan ng biglang nagising ako sa katotohanan na luma at kupas na ang celpon ko. Minsan ding pinagkamalang payong ng isang ka-opisina ang celpon ko ng maiwan ko ito. "Sir, payong nyo naiwan nyo". "Celpon to, may antena oh!" sagot ko. Kaya naman nang makabili ang ate ko ng bagong celpon ay walang patumangga kong inarbor ang pinag lumaan niyang Nokia 3210. Bagamat luma at kupas narin ito ay okay lang, atlis, hindi ito mukhang payong.
Maikling panahon lang ang pinag samahan namin ng Nokia 3210. Ilang linggo lang kasi ang nakalipas ay pinahiram sa akin ng aking kapatid ang bagong Nokia 3310. Kakabili lang kasi niya nito nang makuha niya ang celpon unit na mula sa kanyang kumpanya na di hamak na mas haytek. Ayos na sana ang buhay ko gamit ang Nokia 3310 ng biglang parang mga surot na nag sulputan na ang mga bagong modelo na nagpaiba sa mundo ng celpon. Dito na naglabasan ang mga celpon na bukod sa colored ay may camera pa. Nagsimula narin mabago ang mga tunog nito, kung dati ay monotone lang na"tututut tutut tututut" ay naging polytone na "baby hit me one more time!".
Isang celpon company ang bumisita sa aming kumpanya at nag bigay ng isang amazing offer. Ang pagkuha ng linya na plan 800 ay may kasama nang isang Amazing phone na amazing naman talaga. Windows powered ang celpon at pwedeng salpakan ng MP3 at MPEG video. Bukod pa dito ay meroon din itong camera, bagamat hindi built-in ay okay narin. Astig narin ang pakiramdam na haytek ang celpon ko. Nang bumisita ako ng Singapore ay dala ko ito, at pati mga Singaporean ay nalaglag ang panga ng makita ang porma nito. Noon lang daw sila nakakita ng ganoong modelo ng celpon. Amazing talaga!. Makalipas lang ang ilang buwan ay isa-isang nag sulputan ang kahinaan ng aking amazing phone. Basta na lang itong nag ha-hang at naging sapalaran na kung ang text ko ba ay nakakarating sa pinadalhan o naiwang lulutang-lutang sa kalawakan. Ilang linggo pa ay nasira naman ang navigator key/joy stick nito. Ang kambyo ko sa kaliwa ay lumilipat sa kanan at ang paitaas na kambyo ay pababa naman. Nabaliw na ng tuluyan ang amazing phone ko kasabay rin ng pagkabaliw ko. Dahil sa wala akong pamalit ay tiniis ko ang mga sakit nito ng dalawang taon. Amazing!
Natapos ang kontarata ng aking linya at ni renew ko ito. Dahil dito ay nabigyan ulit ako ng bagong celpon. Isang Sony Ericson K350 ang pinili ko. Pero, mas mabilis ko pang ginamit ito kaysa sa Nokia 3210. Nasira kasi ang celpon ni Grace at hindi ko kayang tiisin 'yon. Kung kaya ibinigay ko sa kanya ang aking bagong celpon. Sa pagkakataong ito ay wala na akong choice. Wala na kasing gustong mag donate ng celpon para sa akin at naghigpit narin ang mga awtoridad sa mga snatcher ng celpon. Napilitan tuloy akong maglabas ng naitatago kong ipon para bilin ang kauna-unahang celpon na gagastusan ko.
Ilang araw akong nag search sa internet ng mga bagong modelong celpon. Isa-isa kong sinuri ang mga kakayahan nito at pinag kumpara ang bawat isa. Hanggang sa wakas ay nakapili ako ng celpon na angkop sa panlasa at budget ko. Isang Nokia 1110i ang napili ko, angkop ito sa panlasa ko dahil sa hindi ito masakit sa mata (non-colored screen), safe (wala kasing magtatangkang mag nakaw) at may speaking clock! (san ka pa?). Higit sa lahat. ay angkop ito sa budget ko dahil, 2,350 pesos ko lang ito nabili. Nakatawad ako sa tindera mula sa orihinal na presyo na 2,700 pesos matapos kong ipatanggal ang kasamang sim card nito at pansinin na bagay sa kanya ang kanyang dilaw na buhok na terno pa sa kulay ng ipin niya. (uto-uto!). Hindi naman sa may peyboritisim ako, pero sa lahat ng naging celpon ko ay ito ang pinaka nagustuhan ko. Hindi kasi niya ginawang kumplekado ang buhay at pinadali pa niya ang proseso ng pag text at tawag ko. Isang kaibigan at dating ka opisina ang nag turo sa akin tungkol sa pagbibinyag ng pangalan sa mga celpon. Kung ang celpon ko daw ay bagong modelo, ang mga pangalan tulad ng Cloe, Gwyneth at Chase ang nababagay dito. Pero kung ito ay lumang modelo o mumurahin ay Alice, Vilma o Alma ang bagay na pangalan. Alice ang ipinangalan niya sa kanyang celpon na hindi ko na matandaan ang modelo at ang celpon ko ay tinawag niyang Wilma. Hindi ako pumayag dahil Lorna ang gusto kong pangalan sa celpon ko!
Ngayon ay isang bagong celpon na naman ang hawak ko. Mas modelo at mas haytek. Hindi man ito ang pinaka haytek na celpon ngayon ay naninibago parin ako sa mga kakayahan nito. Gusto ko sanang bumalik sa piling ni Lorna pero ito na siguro ang panahon upang sumubok ako ng bago. Maraming pagbabago sa buhay ngayon partikular sa aking trabaho. Madalas ay naiisip ko parin na bumalik sa dati responsibilidad kung saan mas sanay at mas kumportable ako. Pero kung ang pagbalik dito ay pagsuko na humarap sa karagdagang kaalaman at karanasan ay 'wag nalang! Marami pa kong gustong gawin at gustong malaman. Isang malaking pagbabago ang mangyayari sa buhay ko at ngayon pa lang ay pinaghahandaan ko na iyon. Pero saka ko na irereveal kung ano yun..malapit na!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
3 comments:
hi lloyd, napadaan lang. Bago celpon mo? pakain ka naman, hehehe.. kelan ba tayo magkikita ulit? miss ko na kayo..
Kamusta! Ikaw nga ang big time na e..Salamat! Daan ka lagi..=)
Lloyd, paano niluluto ang chicken surprise?
Post a Comment