Una kong nakilala si Jamie limang taon na ang nakakaraan ng ini-nguso siya sa akin ng kaibigang engineer. Noong una ay hindi ko maintindihan ang gusto nitong sabihin sa akin habang nakatulis ang nguso at umiikot ang mata, kinilabutan pa nga ako dahil ang akala ko ay humihingi siya ng kiss bagamat pareho kaming lalaki. (yuck!) Pero ng sundan ko ang direksyon ng kanyang nguso ay isang magandang babae ang aking nakita. Para siyang anghel na nalalaglag mula sa langit, napangiti ako at nag korteng puso ang eye ball ng mata ko. Tulala na ako sa pagkakatitig ng biglang nilapitan ako ng nag ngunguso sa akin. "Hindi yan, yung katabi!" Doon ko palang nakita ang totoong tinutukoy niya, si Jamie.
Hindi man si Jamie ang anghel na una kong nakita ay mukha naman siyang kerubim na lumulutang sa ulap (pang-bawi). Hindi mo nga iisipin na engineer siya noon, dahil para lang siyang nursery na iniwan ng nanay habang umiinom ng pepsi at umiiyak.
Kung pinagbabawal man ng copyright ang pagkuha sa larawang ito ay humihingi ako ng patawad. Handa akong magpakulong, pero hinding- hindi ko ide-delete 'to. Kailangan talaga sa kwento.
Masungit ang dating ni Jamie sa iba, pero hindi sa akin. Natatabunan kasi ng charm ko ang kasungitan niya. Dahil parte siya ng trabaho ko ay madalas kaming magkasama at mag-usap. Kaya naman hindi na naiwasan na naging malapit ako sa kanya (pero may limit na one foot away baka magalit si Glenn).
Ang pag puksa ng Silicon Magnesium oxide (anu yun?), na maskilala sa tawag na talc (huh?), na mas lalong kilala sa tawag na baby powder (?), na pinaka kilala sa tawag na polbo (ahhh..) ang unang assignment namin ni Jamie. Ang talc kasi ay isang uri ng chemical na sumisira sa Hard Disk Drive kung saan sinusunog at binubura nito ang bahagi ng disk na madapuan nito. Dahil dito ay naatasan kami na bisitahin ang lahat ng supplier sa loob at loob ng bansa (hindi sya kasama pag overseas..bwehehehe) para puksain ang salot sa na talc na napaka-halaga naman para sa lahat ng empleyadong babae at gustong maging babae.
Sa una ay medyo ilang ako kay Jamie, pero after 5 seconds na magkausap ay naging magaan agad ang loob ko sa kanya. Nagsimula na kasi siyang mag kwento ng lahat lahat sa buhay niya, ipinakilala na niya sa akin si mommy at daddy niya, mga kapatid at ang boypren niya noon (na asawa na ngayon) na si Glenn at naging close din ako sa kanila, kahit na sa kwento lang. Ganun katindi ang bonding kasama si Jamie, prang 28 years ka na nyang kakilala.
Isa pa sa naging dahilan kung bakit ako naging interesado na makinig sa kwento niya ay ang pagkakapareho namin pagdating sa lablayp. Pareho kasi kaming hayskul sweetheart ang naka-tuluyan, kung kaya ginawa ko siyang parang reference buk kung saan kumukuha ako ng tip para hindi ako awayin ni Grace pag may kasalanan ako.
Lumipas ang mahabang panahon at lalo kong nakilala si Jamie. Sa kanya ko natutunan pahalagahan at intindihin ang nararamdaman ng isang babae. Ito man ay cute o nakaka-inis, basta, intindihin mo na lang! (wala daw kaming choice). Isang golden rule ko ngayon ito na utang ko kay Jamie at kinatutuwa ni Grace.
Sabay kaming nag almusal ni Jamie kanina, hindi pangkaraniwan dahil hindi naman talaga kami nagkakapag bonding sa pagkain. At ito na ang una at huling pagkakataon na magagawa namin ito, dahil ngayon ang huling araw niya sa HICAP. Isang simpleng kwentuhan at kamustahan lang ang napag-usapan namin habang kumakain. Pinili kong hindi mag kwento at magsalita dahil ayaw kong mapuno ng sabaw na luha ang kanin ko, pero ang totoo ay pinipigilan ko na.
Bigla kong narealize ang malaking bahagi niya sa paglagi ko dito sa HICAP. Si Jamie na laging-online para tulungan ako sa aking problema mapa-trabaho man o personal. Si Jamie na laging may update sa blog nya para inggitin at pangitiin ako. At higit sa lahat, si Jamie na nagpapa-inspired sa akin na lalong mahalin si Grace . Iiwan na niya ang HICAP para harapin ang mga pangarap niya sa buhay, at masaya ako para sa kanya.
Paalam ganda, at salamat sa lahat ng ala-alang iniwan mo sa akin.
" A friend that is hard to find, difficult to leave and impossible to forget"