Isang magkakasunod na ugoy at paulit-ulit na pagtawag sa pangalan ko ang gumising sa akin sa kalagitnaan ng gabi.
Nananaginip ka…sumisigaw ka. Okay ka lang?
Oo, masamang panaginip.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagsalita ako sa pagtulog. Pero noong gabing iyon, kakaibang kilabot ang aking naramdaman. Habang nakaharap ako sa salamin ay isang babaeng balot ng itim na belo ang natatanaw ko sa aking likuran. Noong una ay inakala ko na siya ay aking asawa, pero ng lingunin ko ay agad nawala. Habang tumatagal ay palapit siya ng palapit sa akin . Pinilit kong tumakbo ngunit biglang nag lock ang pinto ng kwarto. Wala akong nagawa kundi sumigaw sa takot. Ito ang pagkakataon na ginising na ako ng aking asawa.
Ilang araw na ang nakalipas, pero hanggang ngayon ay ramdam ko parin ang babaeng nakaitim na nakamasid sa akin. Sa tuwing makakakita ako ng repleksyon sa aking harapan ay anino niya ang aking natatanaw. Ngayon nga, habang isinusulat ko ang blog na 'to ay ramdam ko na may babaeng nakatayo sa likod ko. Isang malamig na hangin ang dumampi sa aking batok...nakakakilabot...
WaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaH!
Anong ginagawa mo dito? Sino ka?
Hindi mo ba ko nakikilala?
Paano kita makikilala e nakatakip ng itim na belo ang mukha mo.
(Inalis ng babae ang itim na belo.)
Waaaaaaahhhhh!!! Ano ginagawa mo dito?
Nandito ako para muling sumapi sa iyo!
Sonia! Lumayas ka, wag mo na ulitin ang ginawa mo noong isang taon.
Hahahaha..namiss ko ang blog mo. Kaya nagbabalik ako…
Wag Sonia! Hindi pwedytfsudeugffudfoifjpoijfdjfpidjif….(tuluyan ng sumapi si Sonia sa aking katawang lupa).
Ola, mga kablog!!!! I’m back!!!! Hihihihi…
Sa mga hindi pa nakakakilala sa akin, ay maari ninyong balikan ang previous post ko dito sa
Alam kong namiss n’yo ako. Kaya naman kahit ramdam ko na hindi ako welcome dito sa blog na ito ay nagawan ko parin ng paraan na makapasok sa katawan ng poging poging si Lloyd. Sa mga nakakakilala sa akin, siguro ay gusto ninyong malaman kung mag BF na ako, matapos ang isang taong pagrampa at pakikipag eyeball sa Balite Drive.
Haaay…WALA PARIN!!!!! Isa parin akong bigo. Pero, kesa mag mukmok ako. Gusto kong kwentuhan ulit kayo ng isang makabagbag damdaming kwento ng pag-ibig mula sa Precious Heart, Liver & Kidney Pocket Book na paborito kong basahin at ng mga katulad kong sawi sa pag-ibig.
[instrumental music]
Si Jason ay isang balikbayan. Bata pa lamang siya ng lisanin niya ang kanilang lunsod at nagtungo sa America. Subalit this summer he will experience a new adventure of his life time...
[drum roll]
Sampung taon na rin ang nakakalipas at ngayon bumalik siya sa kanilang bayan dahil namatay ang kanyang lolo.
Isang araw, pumunta sa palengke si Jason, naghahanap siya ng bagong model ng iphone,
balita niya kasi ay mas mura daw ang iphone sa Pilipinas. Subalit pitong beses na niyang nililibot ang palengke, ay wala pa rin siyang makitang iphone. Napabuntong hininga na lamang ang ating bida.
Haaay.
Hanggang tila nawala ang kaniyang pagod ng may matanaw siyang isang magandang dilag sa di kalayuan. Nakabalabal ito at tila nahihiyang mamalengke. Sandali pa at nalaman na lamang ni Jason na naglalakad na ang kaniyang mga paa, papunta sa binibini. Nais niyang makilala ang magandang dilag na iyon, na sa mga oras na iyon ay tila paalis na sa palengke, nagmamadali. Kaya patakbo namang sinundan ito ni Jason.
Nagtaka na lamang ang binata ng makita niyang nagtungo ang misteryosang babae sa ipinagbabawal na gubat. Ayon sa mga nakakatanda sa kanilang bayan, ang ipinagbabawal na gubat daw ang pinaka mapanganib na gubat sa buong mundo. Dito daw naninirahan ang mga aswang at lamang lupa, kaya ni isang tao ay hindi nagnanais na dito mabuhay.
Subalit sinundan pa rin ng binata ang dalaga.
Tila naramdaman naman ng mahiyaing binibini na may sumusunod sa kaniya, kaya lalo pa nitong binilisan ang kaniyang lakad.Naghabulan ang dalawa sa malagong gubat na iyon, hanggang abutin sila ng gabi. Nakaramdam si Jason ng pagod, at naupo na lamang siya. Sumuko na siya sa paghabol sa mabilis na babae na hindi napapagod. Napatingala ito at nakita niya ang bilog na buwan sa itaas, doon ay nakaramdam siya ng takot. Saka lang niya naalalang hindi niya alam kung saan ang daan pauwi. Kaya muli, ay tumayo siya at hinanap ang daan pabalik. Naglakad muli siya ng naglakad, hanggang mapatigil siya, nang may marinig siyang ungol ng isang babae. Nilingon niya ito, at nanglaki ang kaniyang mga mata ng makita niya ang babaeng iyon, ang babaeng kaniyang sinusundan kanina!
Nakahubad ang babae at nakaluhod paharap sa buwan. Lalo pang lumapit si Jason habang nakatago sa likod ng mga dahon. Nakita niyang nagpapahid ng langis ang babae sa buong katawan nito, na nagiging dahilan upang lalong lumitaw ang makinis nitong balat habang tinatamaan ng sinag ng bilog na buwan.
"Ang swerte ko naman libre boso. Hehehe.", pabulong na nasabi ng manyak na si Jason.
Nagbago na lamang ang kaniyang tuwa ng kanyang makita na unti-unting bumubukol ang likod ng dalaga. Lalo pang lumakas ang sigaw nito, ungol ng ungol, habang patuloy ang paglaki ng dalawang bukol sa kanyang likuran. At napatakip na lamang ng bibig si Jason, nang biglang pumutok ang likuran ng babae, at lumabas ang dalawang malalapad na itim na pakpak!
'Isang manananggal', hiyaw ng mabali-baliw na si Jason.
'Kelangan ko nang tumakbo bago pa ako maamoy ng aswang na ito.'
Subalit ng humakbang ang takot na binata ay naapakan niya ang isang marupok na sanga ng kahoy at gumawa ito ng mahinang ingay na sapat na upang makuha ang atensyon ng manananggal.
PAK PAK PAK, malakas na pagaspas ng pakpak ng manananggal patungo sa lugar ni Jason.
Kaya handa man o hindi ay mabilis na tumakbo ang binata. Ramdam niyang palapit na ang aswang sa kaniya.
Habang mabilis siyang tumatakbo ay lumingon siya sa kanyang likod upang malaman kung wala na ang humahabol sa kanya. Sa katangahang ay hindi niya namalayang may puno sa kanyang harapan.
BOG! Bumangga ang kawawang binata sa puno, at napadapa siya sa lupa na may echas ng kalabaw.
PAK PAK PAK, narinig ni Jason ang pagasapas!!! PAK PAK PAK, palakas ng palakas, nangangahulugang palapit ng palapit sa kanya. Hanggang may bumagsak na malapot na likido sa kanyang ulo, ang laway ng manananggal! (yuck!)
At nang lingunin niya ang itaas, ay nakita nga niya ang ayaw niyang makita. Ang aswang, pasugod sa kanya! Napapikit na lamang si Jason, alam niyang iyon na ang katapusan ng kanyang buhay.
Isa, dalawa, tatlo... tatlong segundo na subalit himalang hindi pa rin niya nararamdamang umatake ang manananggal, dahan-dahan niyang minulat ang kaniyang mga mata, upang makita na kaharap niya ang manananggal!
"Jason?!", tila nagulat na wika ng aswang nang mamukhaan ang ating bida.
Nagtaka rin si Jason, at kinailangan pang masinagan muli ng sinag ng buwan ang mukha ng manananggal, upang mamukhaan niya ang babae.
"Melai?! Ikaw ba yan?", tanong ni Jason, at biglang bumalik sa kanyang alaala ang nakaraan sampung taon na ang nakakalipas...
[blured frame]
...
"Melai, paalam na sa iyo ha, pero hayaan mo babalik din ako, basta friends pa rin tayo ha...", wika ng batang si Jason.
"Oo ba, basta ikaw... basta pagdating mo sa America sulatan mo agad ako ha, at kapag umuwi ka na, pasalubungan mo ako ng chocolates ha, yun bang M 'n Ms.", pagpapaalam ni Melai.
"Sige pangako...", wika ni Jason, at pagkatapos ay sumakay na sa kotse patungong NAIA. Brum... brum...
ba-bye...
...
Bumalik na muli ang atensyon ni Jason sa kasalukuyan at nakita niyang si Melai, ang manananggal na kanyang kababata, ay lumipad na paitaas, gustong iwan si Jason.
Mabilis na bumangon ang binata, at sumigaw, "Melai sandali! May ibibigay ako sayo..."
Mula sa itaas ay napalingon ang malungkot na manananggal.
"Huwag ka nang makipag-usap sa akin Jason, isa akong aswang, mapanganib ako!", sigaw ni Melai.
"Wala akong pakialam kahit manananggal ka pa. Kasi para sa akin, isa kang dictionary. ‘Coz you give meaning to my life!, masayang sigaw ni Jason.
"Kaya kung ako ikaw, bumaba ka na dito"
"Ayaw kong bumaba, wala akong salbabida…Baka malunod ako sa pagamamahal mo!", sigaw na sagot ni Melai na feel na feel ang pagpapakipot.
"Hoy kayong nga dalawa ay mag-usap ng malapitan! Hindi yang nagsisigawan kayo... Ang kokorni pa ng mga pick-uplines nyo! Gabing-gabi e! Kung ayaw ninyong matulog magpatulog kayo!!!", wika ng isang babae sa kalayuan na tila kanina pa naiistorbo ng dalawang nagsisigawan.
Kaya lumapit dahan dahan si Melai kay Jason...
"Ito, may ibibigay ako sa iyo...", wika ni Jason sabay hugot sa bulsa ng isang pack ng M 'n Ms,
melts in your mouth not in your hands.
Nakangiti namang kinuha iyon ng manananggal... "Naalala mo pala. Salamat ha."
"Oo naman, basta ikaw. Teka, nakalunok ka ba ng kwitis? Pag ngumiti ka kasi …may spark! Hihihi…Hindi pa pala tapos sa hirit ng haliparot na si Jason sa kireng-keng na si Melai.
"Gusto mo ipasyal kita?", pagyayaya ni Melai sa kaibigan...
"Sure, san tayo pupunta?", naisagot ni Jason.
“Sa home for the aged.” Sagot ni Melai.
“Ano ang gagawin natin dun?” Pagtataka ni Jason.
“Kasi, I want to grow old with you…” Pabulong na sagot ni Melai.
Napahi sa salawal si Jason dahil sa kilig.
At maya maya pa ay dinagit na ni Melai si Jason at nilipad sa buong kagubatan.
"Wow, ganito pala kaganda ang gubat na ito, ang sinasabi nilang mapanganib na gubat... ganito pala kaganda.", paghanga ni Jason, habang nakikita ang ipinagbabawal na gubat mula sa itaas.
"Alam mo bang sa tuwing nalulungkot ako... lumilipad ako dito at nawawala na ang lungkot ko.",
nasabi ng nagsesenting manananggal.
"Pero alam mo masaya rin sa America, hindi mo lang natatanong.", wika ni Jason.
"Talaga Jason..."
"Oo! Gusto mo punta tayo ngayon doon? Alam ko ang daan.", suhestyon ng binata.
At lumipad nga sila patungong America, tangay-tangay ni Melai si Jason.
Sa America...
"Wow, ang ganda pala talaga dito sa America.", laging wika ng dalaga sa tuwing hihinto sila sa
mga maliliwanag na lansangan.
Dinaanan nila ang Las Vegas, California at kung anu-ano pang lugar sa America. Hanggang makarating sila sa New York at doon nakaramdam ng pagod si Melai.
"Melai, ipatong mo na lang muna ako sa ibabaw ng ulo ng Statue of Liberty.", nasabi ni Jason.
At mula doon ay pinagmasdan nila ang napaka gandang tanawin.
"Ngayon, kapag tumitingin ako sa buwan, ikaw na ang naaalala ko...", wika ni binata.
"Alam mo Melai...", sabi ni Jason, at napalingon si Melai. "Mag-isa lang ako sa tirahan ko dito at
nalulungkot ako. Diba mag-isa ka na lang din sa inyo?"
"Oo, nakakalungkot talaga pag mag-isa...", sagot ng dalaga.
"Kaya may gusto sana akong hilingin sa iyo... kung maaari sana...", wika ng binata.
"Kung maaari, ano?", pagtataka ng dalaga.
"Kung maaari sana, magsama na tayo dito, dito ka na tumira sa America!!!", palakas na boses ni Jason.
At naghari ang katahimikan.
"Ano? Bat ayaw mong sumagot... pumapayag ka ba?", tanong nito sa nakatalikod na si Melai. "Ayaw mo ba?"
"Hindi pwede Jason... hindi ako pwedeng tumira dito...", wika ni Melai sabay lingon muli kay Jason. Kapansin pansin ang mga luha niya.
"Bakit, may iba ka na bang mahal?", malungkot na tanong ni Jason.
"Hindi... hindi iyon ang dahilan..."
"Kung ganon ano!!! Ano ang dahilan mo?!", pagalit na sigaw ni Jason.
At saglit pa ay lumipad paitaas si Melai...
"Hindi ako pwedeng tumira dito sa America dahil... dahil, nasa Pilipinas ang kalahati ng katawan ko!!!! "
Lumipad pa papalayo si Melai "Kailangan ko nang bumalik sa Pilipinas... baka pinaglalaruan na ng mga bata ang aking mga paa at baka nakawin ni Aling Bastre na may ukay-ukay at gawing manikin." At pagkatapos ay nagpatuloy na sa paglipad si Melai.
"Sandali Melai... Wag mo akong iwan... hindi ko kaya...", maluha-luhang nasabi ni Jason.
“Bumalik ka!!!”
"Hindi ko kayang bumaba mula dito sa tuktok ng Statue of Liberty. Waaaaaaaaaah!!!"
“BWISET NA BUHAY TO!!!!”.
...
Nakakaiyak diba? Hanggang ngayon ay naiiyak parin ako sa napaka-pait na karanasan ng pag-iibigang Jason at Melai. Kaya naman kung mag kaka boyfriend ako. Ayaw ko ng long distance relationship. Kaya stick ako sa sa mga taxi driver sa balite drive . Wala pa nga lang akong natitimingan na 'sing cute ni Lloyd.
O sya, mga masugid na mambabasa. GTG na ko. Mag uumaga na naman at kailangan ko pang rumampa para makarami. Text text na lang. Lam u nman number me. Naka unli na ko ngayon..hihihihi…
Disclaimer:
Sa aking mga masugid na mambabasa. Muli humihingi ako ng paumanhin sa muling panghihimasok ng isang korning white lady na naka black na at ngayon ay nag doble-up pa ang kakornihan. Pagbigyan n'yo na..haloween naman.
***Alay sa isang kaibigan, sana ay napasaya ka nito kahit konti...Keep the Faith!*** =)