Jan 18, 2010

Daddy Pakyaw (Cook, Host at Daddy to be...)

Eksaktong tatlumpu at pitong linggo nang buntis ang aking asawa. Dalawa hanggang apat na linggo na lang ay maari na siyang manganak. Alam kong mahirap ang sakripisyong dinadaanan niya ngayon. Sa halos siyam na buwan ay may ibang buhay siyang dala sa kanyang sinapupunan. At habang palaki ng palaki ang kanyang tiyan ay pabigat ng pabigat ang kanyang sakripisyo at hirap na nararamdaman. Bilang asawa, wala akong ibang pwedeng gawin kundi ang siguraduhin na magiging komportable at masaya ang asawa ko sa bawat araw. Bawal, pagurin, bawal inisin at bawal pagalitin. Kaya sa halos siyam na buwan ay nahihirapan din ako na magpanggap na isang mabuting asawa.

Noong linggo ay isang simpleng Baby Shower Party ang inihanda ko para sa aking asawa. Naniniwala kasi ako na sa paraang ito ay mapapaligaya ko siya at kahit kaunti ay mababawasan ko ang hirap na dinadaanan niya ngayon kasama ang buong pamilya at mga kaibigan.


Personal kong pinaghandaan ang araw na ito. Ako mismo ang pumili at nagluto ng bawat pagkain na siniguro kong magugustuhan ng aking asawa. Gusto ko kasing maging espesyal ang bawat putahe sa araw na ito at alam kong magiging espesyal lang ito kung ako mismo ang magluluto. Para kasi kay Grace, walang may pinaka masarap na pagkain kundi ang bawat luto ko. Ang sabi ko naman ay dahil yan sa pag mamahal na ibinubuhos ko, kasama ng bawat sangkap. Ganyan kami magbolahang mag-asawa.

Para sa appetizer:
Gumawa ako ng bersyon ko ng chicken buffalo wings at tinawag ko itong Gabrielle’s Buffalo Lollipop. Pero dahil bersyon ko to ay hindi pakpak ng manok ang ginamit ko. Kundi chicken lollipop na sinamahan ko pa ng sour cream blue cheese dip. Pag iyong nalasahan ay mapapa bok bok bok ka sa sarap…

Para sa side dish:

Ay gumawa ako ng sarili kong bersyon ng pag luluto ng broccoli. Beef Broccoli minus ang beef. Sinubukan kong palitan ang beef ng Shiitake mushroom. Sing sarap pero ‘di sing mahal. Tinawag ko itong Gaby’s Mushroom Broccoli.

Para sa main dish:

Chinesse Morcon ala Lara: Naging paborito ko ang morcon sa matagal na panahon na. Pero kahit minsan ay hindi pa ako nakapagluto nito. Pero sa pag kakataong ito ay sumugal ako pati pato. Unang beses kong gumawa ng morcon at hindi ko nga alam kung ito talaga ang tradisyonal na pag luto dito. Salamat sa chinesse sausage na nagpatingkad ng lasa ng morcon ko. Sabi ng nanay ko, amoy palang daw ay nakakagutom na. Siyempre nanay kita ang sagot ko..

Baby Prawn Shower in Garlic Lemmon Sauce: Hindi ako kumakain ng kahit anong seafoods. Pero alam kong paborito ng asawa ko ang hipon at alimango. Paano ko lulutuin ang isang pagkain na ayaw kong kainin. Salamat sa nanay ko na siyang nagluto nito. Binigyan ko lang siya ng secret recipe na hanggang ngayon ay nanatiling secret na kaming dalawa lang ang nakaka-alam.

Kare-kare: All time-favorite naming mag-asawa ang Kare-kare. Ito ang comfort food para sa amin at dito lang nag kaka-isa ang panlasa namin. Kaya naman hindi ito nawawala sa bawat masasayang kainan sa buhay namin.

Coments from the guests:

“Sobrang sarap, lahat gusto kong ubusin.” Tatay ni Lloyd
“Sarap ng luto.” Kapatid ni Lloyd
”Nag enjoy ako sa food. So delicious.” Pamangkin ni Lloyd
“Wala ng mas sasarap pa.” Asawa ni Lloyd

Salamat sa mga nag comments. Hindi sila mga bayaran….

Mula naman sa pagiging kusinero ay mabilis akong nag transform at itinuloy ang aking obligasyon bilang isang cute na program host

Programs:

I. Welcome Remarks – Ako
II. Games


1) Bata bata, gaano ka na kalaki?: (Materials- Tali o lubid at gunting) Bawat bisita ay hihila ng tali na sa tingin nila ay kakasya pa-ikot sa gitna ng tiyan ni Grace. Matapos makagupit ng kani-kanilang tali ay ikukumpara ito sa aktuwal sa sukat na tiyan ni Grace. Ang pinaka malapit sa sukat ng tiyan ni Grace ang mananalo. Inis ako sa game na to. Dahil ang ibang guest ay sa akin sinukat ang haba ng tali na kukunin nila. Nabuking tuloy na malaki pa ang tiyan ko sa buntis!

2) Sino ang kamukha? (Materials- Questionnaire at Crayola sa bawat bisita). Pasagutan sa bawat bisita ang questionnaire na nag lalaman ng gusto nilang maging hitsura ng aming magiging anak paglabas, kung ito ba ay mag mamana sa akin o kay Grace, base sa mga sumusunod na katangian. Mata, tenga, ilong, hita, buhok, ngiti, talino at humor. Ang sagot ni Grace sa questionnaire ang magiging basehan ng tamang sagot. Ang may pinaka mataas na puntos ang mananalo. Hindi ko maintindihan kung bakit kayo na mga sarili kong kapamilya, dugo ng aking dugo ay pinili na sana ay mas maging kamukha ni Grace ang bata. Cute din naman ako diba?


3) Gaby’s Alphabet (Materials-Crayola at malaking papel na nakasulat ang buong pangalan ni Gaby) Ang bawat team ay kailangan makumpleto ang bawat letra ng buong pangalan ni Gaby ng mga katangian dapat niyang taglayin. (Halimbawa: L – Lovely, A – Adorable, R - Responsible at patuloy pa.) Ang may pinaka mabilis at makakakumpleto ng lahat ng letra na walang umuulit na salita ang mananalo. Karamihan sa kanila ay nahirapan sa dami ng “L” sa pangalan ni Gaby. Hindi nila naisip ang “L – Like daddy”.

III. Shower of Gifts.
Halos mapuno ang kwarto namin ni Grace sa dami ng regalong ibinigay para sa aming magiging anak. Sabi ni Grace ay sobrang natuwa daw ang baby namin.Galaw ng galaw daw ito habang tinatanggap niya ang mga regalo. Ang hindi niya alam, mas natutuwa si Daddy dahil ibabawas na sa bilihin ang bawat regalong natatanggap niya..laking tipid.

IV. Pasasalamat.

Bilang isang daddy to be ay sobra ang excitement na nararamdaman ko ngayon. Alam kong hindi madali ang obligasyon ng pagiging ama. Wala akong karanasan dito at wala akong sapat na kaalaman na gawin ito. Pero naniniwala ako na ang pagiging mabuting ama ay produkto ng pinaka mabuting sangkap at timpla, mula sa eksaktong timbang ng pagmamahal at budbod ng pag-aalaga at ang bawat secret recipe na natutunan ko sa aking mga magulang.
Pipilitin kong maging isang Iron Daddy balang araw.

Happy 3rd Anniversary Mommy to be!

I love you so much!

13 comments:

karen said...

Ang excited na daddy..nakakatulog ka pa ba? Kelan ka papatikim ng luto mo?

Roninkotwo said...

Hi Karen..kamusta...oo naman mahimbing parin ang tulog ko..Godbless!

grace said...

hehe! ang saya-saya nga ng baby shower natin.. =) nalimutan mo, ikaw din ang official photographer at event organizer! =) nakakaexcite lalo ang pagdating ni gaby!

Happy 3rd year anniversary bi! I love you so much!

we love you so much!- grace & gaby

Roninkotwo said...

Baka kasi wala na maniwala pag sinama ko pa yun..hehehe.. Pero nag enjoy ako ng sobra kahit nakakapagod.. I love you more!

Chyng said...

kung yan naman ang handa sa biyag eh surely pupunta ko!

lapit na lumabas ni Gaby! Ü

Roninkotwo said...

Naku Chyng, nde pwede ako magluto sa binyag..kailangan ko magpahinga..para gwapo sa picture..pero pupunta ka parin..hehehe

Oo nga, konting tulog nalang...

Pukaykay said...

Nakakatuwa =)
As in ikaw nagluto lahat... super daddy ka nga!

Pukaykay said...

Nakakatuwa =)
As in ikaw nagluto lahat... super daddy ka nga!

Roninkotwo said...

Naku Jme oo, kinareer ko talaga..good for 25pax.
Kakapagod pero masaya...

Anonymous said...

napaluha po ako sa tuwa! sa wakas ang matagal na hinihintay ng kuya ko. lalabas na.

:-) Florence

Roninkotwo said...

Salamat Ate Rence..na mimiss na kita...Masaya din ako para sayo sa maraming biyaya ni God sa inyo...Sana magkita tayo ulit..

theLastJedi said...

' pare with the food you prepared and the programme you presented, you have redefined "simple" the way i know it.. =)
- good luck with comin' baby.. im a DR nurse and it never fails to amaze me every time i assist in the delivery or do newborn care right after the umbilical cord is cut.. di pa ako kaano-ano ng baby nyan, ang mga magulang pa kaya.. ehe

" napadaan lang po.. cool space you have here.. keep em comin'!

Roninkotwo said...

theLastJedi, salamat sa pagdaan...hindi na nga ako mapag katulog sa excitement at kaba sa araw ng delivery...