Feb 14, 2010

Dati rati




Dati rati, maaga pa ay nakahanda na ang ‘sang katutak na rosas na alay ko sayo.
Pero ngayon wala ako kahit halaman sa paso.
Sabi mo nga, nagbago ka na…
Nagbago ka na..

Dati rati, ni rereserve ko ang pinaka masarap na restaurant para sa ating dalawa.
Pero ngayon, sa bahay lang kita idi-diner date.
Sabi mo nga, nagbago ka na…
Nagbago ka na..

Dati rati, January palang ay nabayaran ko na ang tour para sa lugar na pupuntahan natin.
Pero ngayon, sa labas ng bakuran lang kita ma-ipapasyal.
Sabi mo nga..nagbago ka na…
Nagbago ka na…

Dati rati, pinaka espesyal na regalo ang aking inaalay.
Ngayon, ay wala akong bigay kundi pag mamahal.
Sabi mo nga..nagbago ka na…
Nagbago ka na…

Wala man ang lahat ng ito..alam kong naiintindihan mo.
Nag uumapaw ang saya ko, at alam kong ganun din ang sayo.
Pero hindi matatapos ang araw na ito, na hindi ko maipakita ang pagmamahal ko.
Eto at sa gitna ng puyat ko ay pinagluto kita ng paborito mo…

With LOVE…

Happy Valentayms Baby ko!

Feb 10, 2010

403 Minutong Saya



Gaano man paghandaan ang bawat kaganapan sa buhay, ay dumarating parin ang pagkakataon na para bagang, ang bawat minutong dumaan ay yugto ng buhay mo na hindi inaasahan.

Tatlumpung minuto makalipas ang ika-apat ng hapon.
Isang mahinang tawag ang narinig ko mula as aming silid. Doon ay naabutan ko ang aking asawa na ipinakita sa akin ang bahid ng dugo. Naghalo ang takot at kaba sa akin. Dali-dali ko siyang nilapitan at sinigurong maayos ang lahat.

Sampung minuto makalipas ang ika-lima ng hapon.
Una kong nakita ang aking asawa na halos mamilipit sa sakit. Ang mahigpit na pagkapit niya sa pader at ang matinding kirot na banaag as kanyang mukha ang naging basehan ko ng lalim ng sakit na nararamdaman niya.

Tatlumpu at limang minuto makalipas ang ika-pito ng gabi.
Binabaybay ko na ang daan patungo sa Ospital. Sa tuwing makakaramdam ng sakit ang aking asawa ay ibinibigay ko ang aking kanang kamay at hinahayaan ko siyang pisilin ito ng sobrang higpit, upang kahit papaano ay makabawas sa sakit na nararamdaman niya.

Limampung minuto makalipas ang ika-pito ng hapon.
Agad tiningnan ang aking asawa ng mga doktor. At ilang sandali pa ay agad inutos ng doktor na ipasok na siya as delivery room. Natulala ako at hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin.

Nurse 1: Sir, kayo ang ama?
Lloyd: (Nakatingin lang sa nurse).
Nurse 2: Nasaan po ang mga gamit ng bata?
Lloyd: (Inabot ang travelling bag na sing laki ng bahay.)
Nurse 2: Naku Sir, ilang gamit lang ang kailangan ko..pati yata crib dala nyo na?
Nurse 1: Kelan po kayo kinasal?
Lloyd: Ha?
Nurse 1: Kelan po kayo kinasal?!
Lloyd: Nakalimutan ko….
Grace: (Habang namimilipit as sakit) JANUARY 13, 2007!!!! Ahhhrrrg..


Sampung minuto makalipas ang ika-walo ng gabi.
Pinili kong mag- isa sa kwarto at ilang ulit nagdasal ng rosaryo.

Labing limang minuto makalipas ang ika-siyam ng gabi.
Pinatawag ako as delivery room. Nag madali akong pumunta at doon ay naabutan ko ang doktor ng aking asawa. Kinabahan ako.

Lloyd: Kamusta doc? Nanganak na?
Doc: Hindi pa, mga 12am pa siguro. Trial labor tayo ha?
Lloyd: Kahit ano po..kung nahihirapan na po asawa ko kahit biyakin nyo na po.
Doc: Sige, pero pipilitin natin mag normal.
Lloyd: Kung sa bagay, mahal ang cesarean. (natuwa naman ako at makaka-menos)


Limampung minuto makalipas ang ika-labing isa ng hapon.
Muli akong pinatawag sa delivery room. At doon ay sinalubong ako ng isa pang doktor. Hindi ko siya kilala, kaya agad naman siyang nagpakilala. Siya pala ang pediatrician na kasamang nag paanak as asawa ko.

Doc: Naku, walang duda..ikaw ang ama..nanganak na si Grace ng maganda at healthy baby girl. Kamukhang kamukha mo…Congratulations!
Lloyd: Salamat doc. Ang swerte pala nang anak ko…

Limang minuto makalipas ang ika-labing dalawa ng hating gabi.
Sa unang pagkakataon ay nakaharap ko ang isang munting nilalang na nagmula as akin. Nangilid ang luha ko, pero nangibabaw parin ang hiya kung kaya pinigilan kong tumulo sa mga mata ko. Pero ng magsimulang gumalawa ang aking anak ay biglang nagkatapat ang mga mata namin. Hindi ko na napigilan na mapaluha. Dahil kung may mas mataas na kahulugan ang kaligayahan ay iyon ang naramdaman ko.

Halos limampung minuto kong tahimik na binantayan ang aking anak sa nursery room, Sa tuwing lalabas ang nurse at sesenyas na isasara na ang kurtina ay nakiki-usap ako na huwag muna. Gusto kong namnamin ang bawat sandali at ang unang minuto sa mundo ng aking anak…At as mga darating na panahon, gusto kong subaybayan ang bawat oras… bawat araw..bawat linggo..bawat buwan..bawat taon…bawat dekada at bawat yugto ng buhay niya na magiging buhay ko na rin.