Jun 15, 2008

Gulong ng Palad

Lumaki ako na hindi naka-experience na mag karoon ng sasakyan na pag-aari ng aming pamilya, maliban sa padyak na pinundar ng tatay ko. Wag kayong mag-alala, hindi drama ang post na ito. Kung nagingilid na ang luha ninyo sa title pa lang ay ipunas muna ang dalang panyo bago ko tuluyang simulan ang kwento ko.

Halos dalawang kilometro ang layo ng aming bahay sa pinapasukan kong eskwelahan noong elementary at high school. Kaya kakailanganin pang sumakay ng jeep bago makarating dito. Ito siguro ang dahilan kung bakit kinder pa lang ay marunong na akong sumakay ng jeep mag-isa. Kaya kung pa-expertan sa pagsakay ng jeep, siguro ay may ilalaban ako bunga ng aking 22 year experience sa pagsakay dito. (oops! hindi kinder ang simula ng bilang ng experience ko..simula noong nasa sinapupunan palang ako...21 yrs old lang kaya ako!).

Noong college ako, jeep parin ang peyborit kong sakyan dahil ito ang pinaka murang paraan upang maka-uwi. Mula Kalaw hanggang Tayuman ang araw-araw na byahe ko noon mula eskwela hanggang sa boarding house. Tuwing rush hour ay dagsa na ang pasahero at ito rin ang tiyempo ng uwian ko noon. Kahit mahigit sa tatlo na ang nakasabit sa jeep ay sisingit parin ako para lang makauwi. Matindi ang skills ko sa pagsabit sa jeep. Kaya kong sumabit sa estribo o sumabit na sa plaka ng jeep lang ang tinatapakan. Nang maka gradweyt ako ng college ay grumadweyt narin ako sa pagsabit sa jeep. Pero hindi sa pagsakay dito.

Hindi ako madalas sumakay sa LRT, maliban kung malalate na ako sa eskwela o nakapulot ako ng token (magnetic card na ngayon). Pero maraming hindi malilimutang karanasan ang nangyari sa akin dito. Tuwing hapon, madaming sakay ang LRT dahil sa sabay-sabay ang uwian ng eskwela at opisina. Sa sobrang siksikan ay halos nagkakadikit na ang mukha pati buhok sa kilikili ng mga sakay nito. Pero isang araw, kasabay ng tagaktak ng pawis at init sa loob ng LRT ay dalawang pasahero pa ang naabutan kong nag-aaway. Isang lalaki sa harap ko ang panay ang tingin sa kanyang katabi dahil kanina pa siya tinatamaan ng siko nito. Ilang sandali pa ay hindi na ito nakatiis.

Passenger 1: Pare, kanina ka pa ha! Nakakatama ka na!

Passenger 2: Anong gusto mong gawin ko? E siksikan nga.

Passenger 1: At ikaw pa ang galit!

Passenger 2: Ano ba problema mo!? Gusto mo suntukan na lang!

Passenger 1: Sige suntukana na lang.

(Pinilit magsuntukan ng dalawang kolokoy pero hindi nila kinaya dahil sa siksikan sa loob. Kaya untugan ng ulo na lang ang naganap na bakbakan).

Iba pang Passengers: Hoy! mga sira ulo!!! Sa labas kayo mag suntukan wag dito. Nakita ng siksikan e!
Noong 4th year college ako, nagpasya akong huwag nang mag renta ng boarding house at mag-uwian na lang. Dito ako naging suki ng mga bus na bumabyahe mula Bulacan hanggang Munomento. Dahil sa madalas ay siksikan, ilang pagkakataon din na nadukot ang wallet ko. Halos maiyak ako sa panghihinayang, dahil bukod sa 50 pesos na laman ng wallet ko ay may picture pa ito ng crush ko na pinag hirapan kong hingin at may dedication pa.

Ang FX na siguro ang pinaka memorable sa akin. Dito kasi sa likod ng puting FX muli kaming nagkita ni Grace. Habang tumutugtog ang kantang "Pagdating ng panahon" ay muli kaming nagkita. Kaya naman tuwing mauupo ako sa likod ng FX ay naalala ko ang kakilig-kilig na eksenang iyon.

Nang maging girlfriend ko si Grace, naging suki naman ako ng tricycle sa tuwing dadalaw sa kanila. Tuwing paparada na ang tricycle sa harap ng gate nila ay agad ng tatakbo si Grace upang salubungin ako. Astig ang dating ko sa tuwing sasakay ako ng tricycle bitbit ang isang tumpok na rosas. Padating sa bahay nila ay parang ni rape na ito ng limang libong bubuyog ko dahil sa itsura nito.

Noong magtrabaho ako sa laguna ay tumira ako sa isang aparttment na kailangan pang sumakay ng padyak papasok sa looban. Ilang padyak driver ang madalas akong iwasan dahil times two daw ang bigat ko pero pag-isahan lang ang binabayad ko.

Nong June 8, 2008 nakabili ako ng dalawang bagong gulong ng palad ko. Isang Honda City at isang BMX. Ang Honda City na nabili ko ay hindi naman bago. Ako na ang pangalawang nagmay-ari dito. Sa akin ay okay lang , hindi naman importante sa akin kung bago ang sasakyan, kundi ang serbisyong kayang ibigay nito (ito ang lagi kong palusot, ang totoo ay ito lang ang nakayanan ng pera ko, mahina kasi ang kita ng mga artista ngayon).


Hindi pa ako marunong mag drive noon. Pero as of this writing, kaya ko na magpaikot-ikot at mag drift sa loob ng subdivision na tinutuluyan ko ngayon. Ito ay matapos kong mabangga ang dalawang paso ng kapitbahay at masagi ang limang sampayan sa katabing bahay.


Ang bagong BMX naman ay binili ko dahil matapos kong mabili ang kotse ay nabalitaan ko na tumaas na naman ang presyo ng gasolina (56.46 pesos na at pataas pa!). Para makatipid ay mag bi-bike nalang ako AKO PA! WAIS YATA 'TO!!!!

May 27, 2008

Mahiyain Ako


Isang kasama sa trabaho ang lumapit sa akin. Malayo pa ay nakangisi na ito at mukhang may masamang binabalak. Kaya dinampot ko agad ang tubo sa ilalim ng table ko para maging handa sa ano mang pagsalakay. Ganito ako ka-bayolente sa tuwing maraming pending na trabaho at hindi ko matapos ang isang post para sa aking blog.

Nang akmang dudukot na ito sa kanyang bulsa ay agad tumulo sa aking noo ang malapot na pawis. Matapos nito ay agad siyang tumawa ng malakas habang hawak ang isang 2" x 2" picture na hindi makakailang ako ang may-ari dahil sa kumpletong pangalan na nakasulat sa ibaba. Kung hindi nga mukhang artista ang nasa larawan ay mapagkakamalan ko itong isang mug shot mula sa isang nahuling agaw celphone.

Lloyd: "Huh? paano napunta sayo to?

Kasama sa trabaho: "Nakita ko yan sa PRC, naka post! Sa harap mismo ng verification window for ECE. Sikat ka nga e!"

Lloyd: "Huh?! Bakit? anong kaso ko?"

Kasama sa Trabaho: "Wala, nakadikit ang picture mo as lost & found...bwahehehehe!"


Bigla akong tinablan ng hiya ng walang kalaban-laban.


January 2008 ng mag renew ako ng lisensya sa parehong lugar, at pamilyar sa akin ang sinasabi niya dahil may nakita rin akong naka ipit na larawan sa harap ng cashier window noon. Pinagtawanan ko pa nga ang kapalaran at kalagayan ng lalaking nasa larawan. Mistula kasi siyang isang wanted na pinag hahanap ng batas na may pabuyang isang milyon sa kung sino man ang makakapag turo. Tinandaan ko rin ang pangalan at mukha niya sa pagbabaka-sakali na makita ko siya at maipagbigay alam agad sa kinauukulan ang pinagtataguan. Siya si Michael D. Gumatay na hinahanap ko parin hanggang ngayon.

Sino ba naman ang mag-aakala na makalipas lamang ang isang araw ay ako na pala ang papalit sa pwesto ni Michael D. Gumatay. Limang buwan na palang naka-post ang mukha at buo kong pangalan sa isang window sa PRC. Dahil dito ay sigurado akong naging dahilan ito ng paghaba ng pila sa window na iyon. Malamang din na lahat ng pumila dito ay hindi naiwasang ipahid ang dalang panyo at saka idadampi sa kanilang batok at mga nananakit na kasu-kasuan. Sa mga kukuha naman ng board exam, malamang na may ilan na nag-alay pa ng isang tray ng itlog at nagpatirapa ng dalawang oras sa pag-aakalang sigurado ang pag pasa sa exam! Kung itlog na pula ang i-aalay, malamang na mag top pa.

Isa sa dahilan kung bakit hindi ako nagpopost ng picture sa aking blog ay dahil mahiyain ako (pangalawa lang ang dahilan na ayaw kong pinagpapantasyahan ako). Pero meron akong kapangyarihan na magtanggal ng hiya sa panahon ng kagipitan. Noong nililigawan ko si Grace, daig ko pa ang makahiya na tumitiklop sa tuwing mapapatingin sa kanya. Bago nga ako magsalita ay paulit-ulit ko munang ine-edit sa isip ko ang mga sasasabihin ko at minsan ay sinusulat ko pa sa papel bago bitawan. Sa mga panahon na tinetext ko siya, isang linggo ko muna itong binabasa ng paulit-ulit sa draft item bago i-send. Pero noong dumating ang oras na malapit na siyang makuha ng iba ay agad lumakas ang aking loob. Halos hindi nga siya makapaniwala na ako ang kausap niya ng sabihin ko sa kanya na.."Pwede ba kitang ligawan?"

Sa aking personal na opinyon, madaling mapawi ang hiyang nararamdaman sa oras na ipakita ng kausap mo ang pagtanggap sa sinabi o ginawa mo. Dito kasi tataas ang iyong kumpyansa sa sarili at mararamdaman mo na tama ang ginawa mo at wala ka nga dapat ikahiya.

Hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon ay nahihiya parin ako sa tuwing naiisip ko ang mapait na nagyari sa picture ko. Siguro ay dahil hindi ko alam ang naging reaksyon ng mga nakakita dito. Paano ko ba mararamdaman ang acceptance sa ganitong sitwasyon? Dapat ay maging kumpyansa ako at mawala ang iniisip na hiya. Kailangan ko ang tulong ninyo!

Sa sino mang napadaan sa PRC ng mga panahon na naka post ang picture ko, bukas ang aking blog para sa inyong comments at suggestions. I-post lamang ang inyong nararamdaman at reaksyon. Bawal ang comment na mukha akong artista at hindi nalalayo ang hitsura namin ni Sam Milby. Madalas ko na kasing naririnig ang ganitong komento. Puro magaganda lang at kapuri-puri ang tatanggapin ko. Ito ang pagbabasihan ko kung dapat ba akong mahiya sa nangyari o hinde.

May 10, 2008

Fairy Tale ng Totoong Buhay

Isang linggo ko ng kasama si nanay sa bahay sa inuupahan naming apartment sa Laguna. Mula kasi ng lumayas ang yaya ng pamangkin ko ay si nanay na muna ang nag-alaga dito. Gusto ko sanang umuwi ng maaga sa mga araw na iyon. Sabik din kasi akong makipagkwentuhan sa kanya. Pero dahil sa higpit ng skedyul sa mga shooting at mall tour ay gabi na akong nakaka-uwi. Pag dating ko sa bahay ay tulog na siya, pero sa oras na marinig niya ang kaluskos ko ay pilit itong gigising upang tanungin kung kumain na ako. Kasunod nito ang ilang minutong kwentuhan at ilang sandali lang ay tulog na naman siya.



Noong bata pa ako ay madalas akong kwentuhan ni nanay. Isa sa paborito ko sa mga kwento niya ay ang fairy tales ng totoong buhay. Ito ay tungkol sa kanyang kabataan. Lumaki si nanay na ulila sa ina, at tanging ang kanyang lola at tiyahin ang nagpalaki sa kanya at sa dalawa pang kapatid. Tulad ni tatay ay hindi rin nakaranas ng ginhawa sa buhay si nanay. Sa murang edad ay natuto na siyang magtanim ng palay upang makatulong sa kanyang lola. Nang makapag-aral siya ay mas lalong sakripisyo ang kanyang hinarap. Mula sa kanilang bahay ay halos 3 kilometrong ang kanyang nilalakad upang makarating sa paaralan. Gamit ang kanyang bag na fish net at ang tsinelas na pudpod ay bitbit niya ang kanyang laging baon na itlog na pula at kamatis. Dahil sa wala ang ina ay naging malupit ang mga tyuhin niya sa kanya. Sa tuwing uutusan siya ng mga ito ay laging may kasamang pingot, bulyaw o kutos. Mala soap opera ng panahon ni Mara Clara ang buhay ni nanay.




Kahit na hindi madali ang buhay, ay marami rin namang masasayang karanasan ang kwento ng kanyang kabataan. Ilan sa mga ito ang panghuhuli ng suso, pagtakbo sa pilapil at ang pagkain ng pahutan. Kahit nga hindi ko alam kung ano ang pahutan ay parang sarap na sarap ako dito dahil sa sayang kaakibat nito sa kanyang kwento. Hindi ko nga maintindihan noon kung bakit kahit halos gabi-gabing ikwento ni nanay ang mga bagay na ito ay hindi ako nagsasawang makinig. Para sa akin ay isa itong payapang lullaby na pilit akong hinehele ng pagmamahal.




Definition:
Pahutan - Isang uri ng manggang sing liliit ng kalamansi na matatagpuan lang sa barangay malis, guiguinto bulakan.




Ngayong malalaki na ako ay bihira ko ng marinig ang mga kwentong ito ni nanay. Pero balita ko ay naikukwento parin niya ang mga ito sa kanyang mga apo. Siguro ay naisip niya na sawa ako dito. Pero sa totoo lang, sa tuwing hindi ako makatulog sa gabi ay binabalikan ng isip ko ang mga masasayang araw noong mga bata pa kami. Lalo na ang kanyang mga kwento bago matulog...




Nanay,






Salamat sa inyong alaga at pagmamahal.



Hindi n'yo man naranasan ang mga ito sa inyong ina ay matagumpay n'yo po itong naipadama sa amin.



Nakakabilib po!




Happy Mother's Day!
We love you so much!

Apr 29, 2008

Pwedeng Maligo

Tuwing summer ay excited akong mag swimming. Bata pa lang ako ay ito na ang pinaka kinasasabikan kong pagkakataon tuwing bakasyon. Mapa dagat man, swimming pool, ilog o kahit batya ang iharap mo sakin ay masaya akong magtatampisaw. Nadala ko ang kasabikan ko sa tubig hanggang paglaki ko. Kaya, tuwing may swimming akong pupuntahan ay siguradong hindi ako makakatulog. Noong sabado ng gabi nga ay pinainom pa ako ng mainit na gatas ni Grace bago matulog, para daw humimbing ang tulog ko at hindi ako mamerwisyo. Pero wa-epek, dahil hindi pa nahihimbing ang mga manok ay gising na ako at ayaw ng dalawin ng antok. Paano, excited sa aming family outing!

Pagsapit ng linggo ay handa na ang lahat.Ang Tierra de Lago (Land by the lake) ay halos isang oras na biyahe mula sa silangang bahagi ng Maynila. May laki ito na halos 10,000 metro kwadrado na matatagpuan sa dulo ng Los Banos, Laguna. Ang lugar ay napapalibutan ng nakamamanghang bundok ng Makiling at ang malawak na baybayin ng Laguna de bay. Marahil ay hindi ito popular sa marami dahil sa liblib ang lugar na ito. Samahan pa ng daanan papapunta na isang maliliit na eskinita. Aakalain mong nga na short cut papuntang payatas ang lugar sa una. Pero belib me, ang pangit na daanan ay makakalimutan mo matapos mong makita ang tila paraisong ganda nito.

Pag pasok ay agad bubungad ang isang malawak na hardin na napapalibutan ng ibat-ibang uri ng halaman. Sa may bandang kanan ay nandoon ang play ground, sa kaliwa naman ay may bar kung saan matatagpuan ang bilyaran at videoke. At pag patuloy pa ng pag lakad sa kanan ay matatagpuna ang isang basketball court. Mula sa play ground ay makikita ang tatlong kwarto na bagamat hindi kalakihan ay maliwalas dahil sa yari ang mga dinding nito sa anahaw. Sa tabi nito ay may dalawang malaking Gazebo. May dalawang hot spring pool na ang isa ay para sa mga bata at ang isa naman ay para sa matanda. Pag tawid sa pool ay matatagpuan ang jacuzzi at sa harap nito ay ang isa pang gazebo kung saan tanaw mo ang baybayin ng Laguna de bay na pwede pang mamingwit.

Ang ganda ng lugar ang naging dahilan kung bakit lalo akong naging excited. Sa simula palang ay parang gusto ko ng hatiin ang katawan ko at gawin ng sabay-sabay ang mga bagay na gusto kong gawin. Bukod sa paglangoy sa hot spring ay gusto ko rin mag tampisaw sa jacuzzi. Pero ang vocal chords ko ay naghuhumiyaw na at nag rerequest na simulan ko na ang pag kanta sa videoke. Kasabay narin nito ang royal rumble ng bituka ko dahil naaamoy ang iniihaw na liempo.

Sa ganda ng lugar ay isa na naman itong hindi malilimutang bakasyon para sa akin. Higit sa lahat, ang panahon na nakasama ko ang buong pamilya ay isang kasiyahang mahirap pantayan.

Apr 10, 2008

May Trabaho Ka!


Isang classified adds ng Manila Bulletin ang nakita kong binabasa ng katabi ko sa FX. Seryoso ang lalaki sa pagsipat sa bawat pahina ng dyaryo, habang tagaktak ang pawis sa kanyang noo, na hindi kayang pawiin ng aircon sa likod ng FX. Paminsan minsan ay tumitingin siya sa kanyang relo na parang may oras na hinahabol. Dahil sa suot niyang kupas na long sleeve at sa envelop na naka-ipit sa kanyang kili-kili ay mukhang isa siya sa apat na milyong Pilipino ngayon na walang trabaho.

January 2002 ng nagsimula ako humanap ng trabaho. Dahil sa kursong tinapos ko at sa pagpasa ko bilang isang propesyonal na engineer ay ramdam ko ang laki ng expectation ng bawat taong nasa paligid ko. Kaya naman ito ang naging dahilan kung bakit tumaas din ang expectation ko sa sarili ko. Sa una ay naging mapili ako sa aaplyang trabaho. Kung hindi ko kilala ang kumpanya, at kung maliit lang ang lathala nito sa pahina ng diaryo ay hindi ko ito pinapansin. Ang hanap ko ay ang mga higanteng telecomminication company at TV network sa bansa. Minsan ay isang malaking network company sa bansa ang nagbukas ng lathala na nagangailangan ng engineer. Hindi ko pinalampas ang pagkakataon na ito at agad akong pumunta sa lugar bitbit ang aking resume at ang artistahing arayb. Nang makarating ako sa lugar ay nanlaki ang mata ng makitang mas mahaba pa sa pila ng pera o bayong ang dami ng aplikante. Dahil dito ay hindi ko na pinilit na pumila na noon ay nasa NLEX na ang dulo. Umuwi akong luhaan at kinalimutan na ang pangarap na madiskober at maging matinee idol.

Dumaan ang ilang buwan at patuloy parin ako sa paghahanap ng trabaho. Unti-unti nang bumaba ang aking kumpyansa kasabay ng pagnipis ng swelas ng sapatos ko. Hanggang sa tuluyan ko nang sinuko ang pangarap. Naisip ko na kahit anong trabaho ay papatusin ko na. Matapos lang ang walang hanggang exam at interview na hindi ko naman pinapasa.

Isang trabaho sa Ortigas ang unang nagbigay sa akin ng pagkakataon. Isa itong telecom company na pag-aari ng isang kilalang businessman sa bansa. Halos lumuha ako sa saya ng ibigay sa akin ang trabaho. Sa unang araw ay agad akong kinausap ng supervisor ng kumpanya. Dito ay isinaad niya ang mga responsibilidad ko at ang mga kailangan kong gawin. Dahil sa fresh graduate ako ay kailangan ko daw munang isabak sa training. Kaya naman, isang buwan daw muna akong dadaan sa training at ito ay nangangahulugan na hindi muna ako tatanggap ng sweldo. Pero meron daw akong tatagapin na 150 pesos araw-araw bilang allowance. Kahit alam ko na lugi ako sa offer ng banker ay nag deal parin ako. Wala ng urungan sa kin ito! Ayaw ko nang bumalik sa maghapong pag hahanap ng trabaho. Madali akong natuto sa mga kailangan kong gawin. Natutunan ko sa trabahong ito ang pag-akyat sa poste para magkabit ng kable ng telepono, mag wiretap sa mga hindi kilalang tao at lumibot sa buong Metro Manila upang hanapin ang mga subscriber ng telepono. Isang linggo pa lang ay natutunan ko nang gawin ang lahat ng kailangan kong malaman. Pero pinilit ko parin tapusin ang napag-usapan na isang buwang training. Halos umuuwi akong pamasahe lang ang laman ng bulsa at kahit burger sa Jolibee para pamatid ng gutom ay hindi ko mabili. Madalas kong binubulong sa sarili ko na darating din ang araw na magbubunga ang lahat ng hirap na ito. Natapos ang isang buwan at umasa ako na magiging ganap na empleyado na ng kumpanyang pinapasukan. Hanggang sa kausapin akong muli ng supervisor.

Supervisor: Lloyd, maganda ang performance mo. Pero, sa ngayon ay wala pang bakante para sa position na ibibigay ko sayo. Kaya, gusto kong i-extend and training mo ng isa pang buwan.

Nagpintig ang tenga ko sa narinig. Hindi ko alam kung nakikipag lokohan lang sa akin ang kaharap o talagang may plano siya na lokohin ako. Sa oras din na iyon ay nagpasya akong magresign at hindi na muling bumalik. Kinabukasan ay isang text message ang nareceive ko mula sa kanya.

"Nde n b tlga magbabago isip mo? Lalabas kami mamaya, kakain sa Mcdo after work, sgot ko"

Natawa na lamang ako at hindi na nagreply. Hindi kasi ang Mcdo ang makakapagpabago ng isip ko, Jollibee..

Mula noon ay nagsimula na naman ang pakikipagsapalaran ko sa buhay. Pero sa pagkakataong ito ay mas mabilis ang naging tugon sa aking kapalaran. Dalawang linggo lang ay agad na akong nakakuha ng kapalit sa trabahong iniwan ko. Isa itong kilalang appliance company sa bansaa, na ang opisina ay matatagpuan sa Ayala. Service Engineer ang posisyong inaplayan ko, at may pa uniporme pa. Dama ko na sana ang pagiging engineer dahil sa posisyon. Pero nabago ang lahat ng isabak na ako. Wala akong ginagawa kundi ang maglinis ng mga photo copier machine o mas kilala sa tawag na Xerox. Bawat building sa Ayala ay ginagalugad ko, bitbit ang mga gamit sa paglilinis ng toner. Mistulang taong grasa na ako pagkatapos kong maserbisan ang tatlong building at sampung building pa ang kota ko. Hindi ko sinukuan ang ganitong trabaho. Para sa akin, ay parte parin ito ng paghubog sa aking kakayahan. Kung sa eskwela ay hinasa ang isip ko. Ang mga trabaho namang ito ang naghasa ng aking tatag na abutin ang pangarap.

Tatlong buwan akong tumagal sa trabahong iyon. Wala naman akong balak umalis, subalit isang pagkakataon ang lumapit sa akin. Ito ay ng makapasok ako sa Hitachi. Malaki ang kaibahan ng kumpanyang ito sa mga una kong napasukan. Dito kasi ay sa loob ng opisina ang aking working area at hindi sa labas at init ng araw. Dito rin ako unang nagkaroon ng sariling office table at sariling kompyuter. Una akong na-assign bilang Supplier Quality Engineer. Malaki ang pressure ng trabahong ito, pero ito ang trabahong naghubog sa akin at muling nagbalik ng tiwala sa sarili. Bilang isang Supplier Quality Engineer kasi, kailangan siguraduhin na ang bawat Supplier na nagpapasa ng kanilang produkto sa amin ay nasa mataas na kalidad. Mahirap pero masaya ang bawat karanasan ko sa trabahong ito. Hanggang ngayon nga ay namimiss ko parin ang mga bagay na ginagawa ko. Lalo na ang pagpunta sa mga supplier para mag audit mapa dito man sa Pilipinas o ibang bansa. Dito ako nagkaroon ng tyansang malibot ang South East Asia ng libre...

Noong nakaraang taon ay nagbago ng direksyon ng aming kumpanya. Dahil dito ay inilipat ako sa ibang responsibilidad. Ito ay ang pagiging Process Engineer. Mas malaki ang pressure na naramdaman ko sa posisyon na ito. Halos wala na nga akong matatawag na restday dahil laging on-call. At dapat ay handa ka sa lahat ng aksyon. Hindi naging madali ang ilang buwan ko sa posisyon na ito. May mga pagkakataon na gusto ko ng sumuko, pero iniisip ko parin na parte lang ito ng trabaho. Hindi perpekto ang kumpanyang pinapasukan ko. At aaminin ko na may mga pagkakataon na nag-iisip ako na subakang humanap ng ibang oportunidad upang lalong mapa-unlad ang aking kakayahan. Pero hanggang ngayon ay patuloy parin na hinaharap ang kapalaran sa kumpanyang ito.

Noong April 1, 2008 (April Fools Day) ay opisyal akong na promote bilang isang Unit Manager. Inakala ko tuloy noong una na niloloko lang ako. Pero opisyal ko itong narinig sa aking Manager at doon pa lang ako napaniwala. Magkahalong emosyon ang agad kong naramdaman. Natakot ako dahil hindi ako handa sa masmalaking responsibilidad. Pero natuwa ako sa tiwalang muling ibinigay sa akin ng kumpanya.

Kung ka-gwapuhan ko ang basehan sa aking natanggap na promotion at wala na akong magagawa. Pero pipilitin ko parin na magampanan ang panibagong hamon na inatas sa akin. Para sa mga nagtitiwala, sa aking pamilya at sa sarili.

(Sa mga humihingi ng blow-out, maliit parin ang sweldo ko, nadagdagan lang ng trabaho..)

Mar 27, 2008

Perstaym sa Baguio

Alas dos pa lang ng madaling araw ay excited ko nang ginising si Grace. Ngayon kasi ang pagkakataon na una kong masisislayan ang Baguio. Hindi ito ang perstaym ko sa Baguio pero masasabi ko na ito ang perstaym na ma-eenjoy ko ang lugar na ito. . Una akong nakapunta sa Baguio noong ako ay tatlong taong gulang pa lamang at tanging ang mga kwento at ilang larawang kupas lamang ang nagsilbing ala-ala sa akin ng lugar na iyon.

Ang pangalawang pagkakataon naman ay walong taon na ang nakaraan. Naging masaya sana ang experience na iyon, pero minalas ako na dapuan ng nakahahawang sakit na LBM. Dahil sa namimilipit ako sa sakit ay hindi ko nagawang makababa ng sasakyan maliban na lamang kung may madaanang CR na naging stop-over namin kada limang minuto. Pati tuloy mga kasama ko ay nadamay sa sumpang pinagdaanan ko.

Noong malaman ko na magkakaroon kami ng mahabang bakasyon ay agad kong naisip na ayain si Grace sa Baguio. Pero dahil sa ilang personal na kadahilanan ay hindi kami natuloy. Hanggang sumapit ang biyernes at Baguio pa rin ang laman ng isip ko. Nang mapansin ni Grace na hindi na ako makakain at hindi na mapagkatulog kakaisip dito ay pinagbigyan narin niya ako. Sa sobrang tuwa ko ay nagtatalon ako sa kama at nag tumbling ng tatlo’t kalahating beses.

Lingid sa aming inakala ay hindi naging mahirap ang biyahe papuntang Baguio. Pagdating pa lang sa terminal ng Victory Liner sa Cubao ay agad na akong nakabili ng ticket at walang kahirap-hirap na nakasakay sa bus. Pero meron pang problema, kung saan kami tutuloy at kung may bakante pa bang kwarto sa mga hotel?. Kalagitnaan na ng biyahe ay iniisip parin namin kung saan kami magpapalipas ng gabi. Ayaw sana namin maglatag ng banig sa Burnham Park pero ito na lang ang naiisip kong paraan sa oras na wala kaming matuluyan.

Hanggang sa naalala ko ang isang kaibigan na posibleng makatulog sa amin. Si Lee, isang dating kasamahan sa trabaho. Isang text ko lang ay kaagad na niyang ginawan ng paraan na ma-ihanap kami ng hotel. Medyo natagalan lang ang negosasyon namin dahil sa liit ng budget ko.

Lee: May mga hotel na akong nakita, I-reserve na kita. Magkano ba budget mo?
Lloyd: Ayos. Meron bang 500 per night?
Lee: Ngek! Hotel ba talaga hanap mo?
Lloyd: Kahit tent pwede na may matulugan lang.
Lee: Hehehe..meron ako nakita, 1,350, 1,500, 1,800 per night. Yan na yung pinaka mura.
Lloyd: Sige, yung 1,350 na lang. Wala na bang tawad?

Nang makarating kami sa Baguio ay nadatnan na namin doon si Lee kasama ang kanyang asawa na si Gary. Sa terminal pa lang ay nag-aantay na sila sa amin. Matagal ko ring naging kaibigan at kasama sa trabaho si Lee. Pero noong nakaraang taon ay nag desisyon siya na iwan ang Laguna at samahan na ang asawa sa Baguio. Isa ito sa desisyon na alam kong hindi madali pero nagawa nila dahil sa pagmamahal. Hanga ako sa desisyon na iyon, at nakita kong nagbunga ito. Masaya ang dalawa, ramdam ko ang nag-uumapaw na pagmamahalan sa bawat tawanan, tinginan at kulitan. Si Ma’am Lee pa rin ang dati kong kasama sa trabaho na focus sa kanyang goal, kaya lahat ng ito ay napaka-simple lang niyang na-aabot. Pero sa pagkakataong ito ay meron siyang masmalalim at masmakabuluhang adhikain. Tulad ng naipangako ko, kasama ninyo kaming ipagdadasal na matupad ito.

Mula sa terminal ay hinatid nila kami sa Hotel at mula doon ay inayang kumain. Naging mahaba ang aming kwentuhan dahil sa tagal narin mula ng huli kaming magkita. Samahan pa ng mga masasarap na putahe na talagang nakakatakam.

Hindi ako mahilig sa sea food. May allergy kasi ako sa ilan sa mga ito. Pero ang seafood sa Bahay Sawali ay nagpasaya sa taste buds ko. Samahan pa ng isang katutubong luto na dati pang ipinagmamalaki sa akin ni Lee.

Ang pinikpikang manok. Isang local delicacy ng Igorot. Ang "pinikpikang manok" ay inihahanda sa pamamagitan ng pagpalo sa buhay na manok gamit ang maliit na kahoy hanggang sa ito ay mamatay. Brutal pakinggan pero ang lasa nito ay mas malinamnam kumpara sa normal na pagpatay sa manok. Tinatawag din daw itong “Killing me softly” para mas magandang pakinggan.


Matapos ang masarap na tanghalian ay hinatid pa kami ng mag-asawa sa hotel. VIP ang treatment nila sa amin kaya naman utang naming sa dalawang ang masayang bakasyon na ito.

Pauwi na kami ay nag text ulit sa akin si Lee. Tinatanong niya kung nag-enjoy kami sa aming pagbisita sa Baguio. Oo at salamat lang ang na-itext ko dahil sa hindi ko kayang itext ang lahat ng bagay na na-enjoy namin sa lugar na iyon. Pero sa pagkakataong ito ay iisa-isahin ko ang mga ito.

Nag enjoy kami sa...

Mainit na pagtanggap ninyo sa amin.
Pagkain sa Bahay Sawali na libre ninyo. (Sino ba naman ang hinde mag-eenjoy?)
Pinikpikang Manok


Strawberry Taho na dati ay laman lamang ng aking panaginip.
Ang sariwang salad na amoy garden pa.
Ang super sweet corn na pinag-agawan pa namin ni Grace ang huling kagat.


Tenderloin Steak ng Sizzling Plate Baguio



Fresh na strawberry na bagong pitas
Ube jam na expired na after 2 days.
Ang Brocolli, Lettuce at talbos ng sayote na binili namin sa palengke.


Ang madumi nang Burnham Park, pero masarap pa rin maupo at magkwentuhan.
Ang matarik na hagdan sa Cathedral.
Ang SM Baguio na malamig kahit walang aircon.
Ang Mines View Park na parang picture capital of the world. (Lahat ng picture-an ko may bayad..hmpf!)
Si Douglas na paboritong ka picture-an ng lahat.
Ang Botanical Garden kung saan nag post nuptial pictorial kami.
Ang most famous and first ever barrel man na pag-aari ko.


At higit sa lahat ang bawat madaling-araw na yakap ko si Grace dahil sa ginaw…

Mar 6, 2008

Si Boy

Si Boy ang panganay sa siyam na magkakapatid. Dahil sa hirap ng buhay ay naisipan siyang ibigay ng kanyang magulang sa isang kamag-anak. Walong taon pa lang siya noon at hindi pa lubos na naiintindihan ang sitwasyon. Pero kahit labag ito sa kanyang kalooban ay wala siyang magawa. Sa isang maliit na bahay sa may Project 6 Quezon City napapadpad si Boy. Isang lumang bahay na napapalibutan ng mga makina sa pagtahi ng damit ang naging bagong tahanan niya. Tulad ng naipangako sa kanyang magulang ay pinag-aral si Boy ng pamilyang kumupkop sa kanya. Bilang ganti ay nagsisilbi siya sa mga ito. Pumapasok si Boy sa eskwela ng walang baon at walang bagong damit o sapatos. Pero hindi ito naging hadlang upang sumuko siya na tuparin ang pangarap.

Pagkagaling sa eskwela ay diretso sa bahay si Boy. Ang paglilinis ng bahay, pag-igib ng tubig, pagluluto at utusan sa lahat ng gawain ang naging araw-araw na buhay niya. Matapos ang mga gawain sa bahay ay doon pa lang siya nag kakaroon ng pagkakataon na makapag-aral. Tiniis ni Boy ang lungkot at hirap na mawalay sa magulang dahil sa pangarap na isang araw ay muling makakasama ang mga ito.

Nang makatapos si Boy ng high school ay pinagpatuloy niya ang pag-aaral sa kolehiyo. Sa isang unibersidad sa Maynila siya nag enroll sa kursong Mechanical Engineering. Upang matustusan ang kanyang pag-aaral ay sinabay niya ang pagtatrabaho bilang mananahi sa mga taong nag-alaga sa kanya. Sapat lang ang kinikita ni Boy sa pananahi na pangbayad sa tuition fee ng kanilang eskwela. Kaya sa tuwing may mga gamit para sa kanyang kurso na kailangan niyang bilhin ay hindi niya mabili. Dahil sa hirap na mapag-sabay ang pag-aaral at pag tatrabaho, kasabay pa ng malaking gastusin ay tuluyan ng sumuko si Boy. Pag tungtong ng 3rd year college ay napilitan siyang huminto sa pag-aaral at pinagpatuloy ang pananahi upang makaipon at maipagpatuloy ang naudlot na pangarap.

Isang araw habang abala si Boy sa pananahi ay isang babae ang kumatok sa kanilang patahian. Dito niya nakilala si Genie. Isang simpleng babae na sa unang tingin pa lang ay nag iwan na ng bakas sa puso niya. Ngunit bago pa man masabi ni Boy ang kanyang nararamdaman sa dalaga, ay agad niyang narinig mula sa kanyang kaibigan na ang babaeng kanyang nakita ay ang babaeng nililigawan nito. Mula noon ay pilit ng itinago ni Boy ang kanyang nararamdaman para dito. Sa halip ay tumulong pa sa kaibigan upang mapasagot ang dalaga. Lumipas ang ilang taon at masugid na lumigaw ang kaibigan ni Boy kay Genie. Hanggang sa maramdaman ng kanyang kaibigan na walang pagtingin sa kanya ang dalaga. Dahil dito ay sinuko niya ang panliligaw at sinabihan si Boy na siya nalang ang magtuloy. Bagamat nagulat si Boy ay kakaibang sigla ang nadama ng kanyang puso. Ilang buwan ang lumipas at sinagot si Boy ni Genie. Naging matatag ang kanilang pag-ibig kahit pa madalang lang silang magkita. Sa Bulakan kasi nakatira si Genie at dumadalaw lang sa kanyang tiyahin na mananahi rin sa tinutuluyan ni Boy. Hindi nagtagal ay nagpasya si Boy na pakasalan na si Genie.
Matapos ang kasal ay lumipat agad ng bahay sila Boy at Genie. Isang maliit na kubo sa Bulakan ang unang naging pugad ng kanilang pagmamahalan. Gamit ang kaunting ipon ay bumili ng isang makina at nagtayo ng maliit na patahian si Boy upang ito ang kanilang pagkakitaan. Naging masaya ang pagsasama ng dalawa, lalo pa ng biyayaan sila ng apat na supling. Hindi naging madali ang buhay kay Boy at Genie. Pero kahit na hindi sapat ang kinikita ay hindi sila tumigil at ginawa ang lahat upang mapag-aral ang kanilang mga anak. Tulad din ng naranasan niya noon, ay halos wala siyang maibigay na baon sa mga anak sa tuwing papasok sa eskwela. Minsan ay nakikita siya ng kanyang mga anak na sumusuot sa silong ng bahay at pag labas niya ay may mga barya na siya sa kamay. Pinupulot niya ang mga baryang iyon mula sa silong upang ipabaon sa mga anak. Nagpursige si Boy upang ituloy ang pag-aaral ng kanyang mga anak, dahil ayaw niyang matulad ang kapalaran ng mga ito sa kanya. Hindi niya ininda ang hirap at tanging ang mga medalyang inuuwi ng kanyang mga anak ang nagiging lakas niya upang huwag sumuko.

Nang makapag kolehiyo na ang panganay ni Boy ay lalong siyang nahirapan tustusan ang mga kailangan nito. Kaya naisipan niyang humanap ng ibang pagkakakitaan. Bukod sa pananahi ay pinasok din ni Boy ang pag titinda ng isda, kaldero at sapatos na inilalako niya sa bawat bahay gamit ang kanyang padyak. Hindi naging hadlang sa kanya ang hirap at sakit ng katawan sa maghapon na pag-gawa upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya.

Limang taon ang nakalipas at naka gradweyt ng engineering ang panganay na anak ni Boy. Nangilid ang luha niya ng makita ang anak na inaabot ang diploma. Parang isang malaking tinik ang unang hinugot sa puso niya at mula dito ay lalong tumatag ang kanyang loob. Ilang taon ang lumipas ay sunod-sunod na grumadweyt ang kanilang mga anak, at nagkaroon ng maayos na trabaho. Isa-isang nabuo ang pangarap ni Boy. Higit pa sa kahit anong kayaman ang dulot na saya ng matupad niya ang pangarap sa kanyang pamilya.

Noong Linggo ay nagdiwang ng ika-62 taong kaarawan si Boy. Nandoon ang kanyang asawa, ang apat na anak na may kanya-kanya na ring pamilya, at ang kanyang mga apo na nagsisilbing tuwa ngayon sa kanyang buhay.

Habang minamasdan kong kumakain si Boy, ay napansin ko ang kapal ng mga ugat sa kanyang mga kamay. Ito marahil ang iniwang bakas ng lahat ng sakripisyo na ginawa niya para sa kanyang pamilya. Gusto kong hawakan ang kamay ni Boy at halikan. Sa ganitong paraan ko kasi gustong ipakita ang taos pusong pasasalamat sa buhay at pagmamahal na ibinigay niya sa akin. Ang mga kamay na humubog at nag pakilala sa akin ng tunay na sakripisyo, kalinga at pagmamahal

Ngayon ay may sarili na akong pamilya. Pero hinding-hindi mawawala sa puso ko ang kwento ng buhay ni Boy. Gusto kong maging tulad niya, at gusto kong ituro ang aral ng kanyang buhay sa aking magiging anak.

Salamat Boy! Isa kang dakilang Ama..

Happy Birthday Tatay! Mahal ka naming lahat!

"Si Boy at ang kanyang pamilya..minus ako na nag picture"

“Pasensya na kung naka-drama mode ako ngayon..masyado lang akong nadala ng aking emosyon..promise, next time balik na ako sa dati…”