
Sabi ng nanay ko, noong pinabubuntis daw niya ako ay babae ang gusto niyang maging anak. Apat kaming magkakapatid, ang panganay at ang pangalawa ay lalaki at ang pangatlo ay babae. Kaya naman noong mabuo ako, gusto nila ay maging balanse ang bilang at maging babae ang bunso nilang anak. Pero nabigo sila, dahil isang lalaki ang lumabas. Isang lalaking ubod ng pogi.
Noong mabuntis ang asawa ko, araw-araw ay nasasabik akong isipin na palaki ng palaki ang baby sa loob ng sinapupunan niya. Bagamat wala naman kaming pinipili kung babae man o lalaki ang magiging anak, ang mahalaga ay normal at malusog siya. Pero hindi pa rin mawala ang mga pagkakataon na nagangarap kami.
Kung lalaki ang magigigng anak namin...
Gusto kong matuto siyang mag basketball, hindi tulad ko na sa PSP lang magaling mag basketball.
Gusto ko matuto siyang tumugtog ng gitara, hindi tulad ko maganda lang ang boses sa pagkanta.
Gusto kong matuto siyang umakyat ng puno, hindi tulad ko na magaling lang manungkit sa puno ng kapitbahay.
Gusto kong mabilis siyang tumakbo, hindi tulad ko na lampa at madaling hingalin..
Gusto kong maging magalang siya sa babae, hindi tulad ko na lapitin lang ng babae.
Gustohin ko man o hindi, alam ko na pogi siya at mana sa daddy niya.
Kung babae ang magiging anak namin...
Gusto kong matuto siyang mag taekwondo, di tulad ko magsumbong lang ang alam gawin.
Gusto kong matuto siyang mag piano at ako ang kakanta.
Gusto kong matuto siyang magluto, para hindi parating ako ang nagluluto at hindi narin susubok mag luto ang mommy niya. (safe)
Gusto kong matuto siyang mag pinta, hindi tulad ko na drawing grade 1 lang ang alam hanggang ngayon.
Gusto kong maging magalang at responsible siya hanggang sa lumaki at bawal mag boyfriend hanggang 30 years old.
Gusto kong magmana siya sa mommy niya na marunong pumili ng lalaking…yung tulad ko (pogi).
Noong Sabado ay iniskedyul ng OB ni Grace ang ultrasound para makita ang kalagayan ng baby sa loob ng sinapupunan niya. Papunta pa lang sa ospital ay excited na ako. Sa wakas ay makikita ko na ulit ang baby namin. Noong una ko kasi siyang makita ay oblong lamang ang hugis niya. Bagamat nakikita ko na ang pintig ng puso niya. Pero noong sabado ay buong hugis niya ang nakita ko. Nakita ko ang hugis ng ulo niya, ang kanyang kamay na ginagalaw pa niya na parang nagpapasikat pa, ang kanyang mga binti, mga paa at ang tibok ng kanyang puso na masmabilis sa tibok ng puso ko. Ilang sandali pa ay inikot ni duktora ang ultrasound, at isang sorpresa ang inihayag niya…
It’s a girl, babae sya…
Pakiramdam ko ay naging 'sing bilis ng tibok ng puso ng baby ko ang tibok ng puso ko ng marinig ko ang sinabi niya. Sa hindi ko maunawaang dahilan ay sumaya ako ng sobra. Hindi ko naman hinahangad ang anak na babae o lalaki, pero naramdaman ko ang kakaibang ligaya. Isang tinig mula sa itaas ang wari'y nagsasabing siya ang anghel na pinagkaloob ko, at ang magiging prinsesa ng buhay mo magpakailanman.
Excited na akong makita ka ng harapan baby…