Jan 24, 2008

Hongkong 3D2N

Noong January 13 ang ika-isang taon anibersaryo namin ni Grace bilang mag-asawa. Dahil dito ay isang matagal ng plano ang aming isinakatuparan. Bago kami ikasal, ay naka-plano na ang aming honeymoon sa Hongkong, pero dahil sa kinapos ang aking budget ay hindi kami natuloy. Kaya naman, ipinangako ko sa kanya na sa aming unang anibersaryo ay itutuloy namin iyon. Dahil sa ayaw kong mapahiya sa kanya ay ginawa ko ang lahat ng paraan matuloy lang ang inaasam naming trip to Hongkong. Kaya, matapos ko maibenta ang aking kaliwang kidney ay diretso na akong nagpa-buk para sa isang 3D2N (3days 2 nights) Hongkong excapade.

Alas diyes ang aming flight, pero dahil nga sa excited kami ay alas-sais pa lang ng umaga ay nasa airport na kami. Kami nga ang nagbukas ng upuan para sa flight PR 318.
Mabilis ang byahe sa Hongkong, matagal pa ang byahe ko pauwi ng Bulacan galing Laguna. Kaya naman halos hindi pa nag-iinit ang pwet ko sa pagkaka-upo at hindi ko pa nauubos ang meal na ibinigay sa amin ay nagsalita na ang piloto na lalapag na ang eroplano at kailangan ng isuot ang seatbelt at ituwid ang upuan.

Paglapag sa Hongkong Airport ay agad namin hinanap ni Grace ang tour guide namin. Isang babae na mabilis magsalita ang sumalubong sa amin. Kahit na nga ingles na ang salitang ginagamit niya ay parang intsik parin ang rehistro nito sa aking tenga.

Unang destinasyon - Night Market sa Kowloon

Wala sa plano namin ni Grace ang mag night market sa unang gabi ng stay namin sa Hongkong, pero dahil kasama ito sa aming itinerary ay wala kami magagawa. Ayos lang, isang oras lang naman ang itatagal namin doon bago tumungo sa Victorias Peak. Ilang mga tips ang ibinigay ng aming tour guide kung paano mamimili sa Hongkong bago kami bumaba sa market. Dalawang salita ang tinuro niya, ang "lang loi" at "Peng'yu" (na hindi ko alam kung tama ang ispeling ko). Matapos daw magtanong ng presyo ay agad sabihin ang dalawang salitang ito sa tindera. "Lang loi, pengyu.." na ang ibig daw sabihin ay " Pretty, discount". Excited kami ni Grace na bumaba ng shuttle at paulit-ulit binibigkas ang dalawang salita upang hindi makalimutan. Unang nakita namin ay ang key chain na pwedeng Hongkong souvenir. Dito namin unang sinubukan ang tip ng tour guide.

Lloyd: How much?
Tindera: (kinuha ang calculator at pinindot ang presyo) $20 each
Lloyd: "Lang loi, pengyu"
Tindera: (Ngumiti, na parang excited at muling kinuha ang calculator) $15 each
Lloyd: Okay! give me 5 pcs.

Habang excited kami ni Grace dahil sa laki ng discount na binigay ng tindera ay biglang napako ang mata ko sa katabing tindahan. Keychain din na katulad ng sa una namin binilhan ang tinda niya, at ang halaga...$5 each!

Lesson 1: Wag mang-uto ng hindi ka mauto

Ikalawang Destinasyon: Victoria's Peak


Sakay ng Tram (isang lumang transportasyon sa Hongkong) ay aakyatin namin ang bundok ng Victoria. Kakaiba ang pakiramdam habang paakyat dito na ang tarik ay halos 45 degreee. Para kasing naiiwan ang laman loob mo habang paakyat ang tram. Pagdating sa Peak ay agad bumungad sa amin ang kabuuan ng Hongkong at ang kagandahan nito sa gabi, na dati ay sa post card ko lang nakikita. Agad kong itinayo ang tripod ng camera at pumwesto kami ni Grace sa pinaka magandand spot. Presto! isang magandang litrato ang kinalabasan. Kung hindi sa tripod ko ay malamang na nagbayad pa kami ng $50 para sa isang magandang kuha.

Lesson 2: Magdala ng Tripod

Ikatlong Destinasyon: Wax Museum


Excited at nagmamadali kong inaya si Grace na dumeretso sa wax museum dahil pangarap kong makapagpa picture sa aking idol na si Jackie Chan. Matapos namin makuha ang ticket ay diretso agad sa entrance. Malayo pa lang ay tanaw ko na ang aking idol. Nang makapasok na ay agad akong pumwesto sa aking idol at agad naman akong kinuhanan ng picture ng isa sa mga staff sa loob. Ng inaabot ko na ang aking camera para iyon ang gamitin niya ay hindi niya tinaggap. "No, for Jackie Chan, you need to pay. For others, it's free" Walastik! e si Jackie Chan ang pinunta ko doon. Kaya naman, sinulit nalang namin sa pagkuha ng litrato kila Brad Pitt, Mel Gibson, Jody Foster at Regine Tolentino.

Lesson 3: Hindi sa lahat ng araw ay libre ang pa-picture sa idol mo.


Ika-apat na destinasyon: Food trip

Hindi mawawala sa itinerary namin ni Grace ang pagkain. Kaya naman, sa bawat gabi ng paglagi namin sa Hongkong ay ibat-ibang pagkain ang sinubukan namin. Ilan sa mga ito ay ang hipon na niluto sa halos nagbabagang kawali. Sa tindi kasi ng init ng kawali ay naluto ito ng sobrang juicy parin, pahirap lang kainin dahil sa tagal lumamig at pinaso pa nito ang dila ko. Ang version ng charlie chan sa Hongkong. Seafood noodles na mas madami pa ang toppings sa noodles. Ang kanilang version ng blueberry cheesecake na namatay ako sa sarap. Syempre, hindi mawawala ang peking duck at barbeque noodles.
Lesson 4: Nakakamatay ang blueberry cheesecake sa Panda Cafe.

Ika-apat na destinasyon: Disneyland
Kinabukasan ay dumating na ang araw ng kapana-panabik na pag bisita namin sa Disneyland. Bata pa lang ako ay pangarap ko nang makarating sa Disneyland. Dati nga ay inakala ko pa na ang fiesta carnival sa Araneta Cubao ay Disneyland na. Inuto ako ng nanay ko at nabuking ko lang siya ng wala siyang maipakitang Mickey Mouse sa akin. Pagdating sa Disneyland ay agad kaming nagmadali ni Grace na magpapicture sa mga disney characters na kilala namin. Una namin sinubukan puntahan si Mickey Mouse, pero blockbuster ang pila. Sinunod namin si Donalad Duck pero parang pila sa loto ang haba. Sa kabilang banda ay nandoon naman ang mag bespren na si Goofy at Pluto na hindi naman kahabaan ang pila. Kaya naman, dito kami sumugod.

Lloyd: Halika, dito tayo kila Pluto. (Sabay hatak kay Grace)
Goofy: Mag papa-picture kayo?
Lloyd: Pinoy ka?
Goofy: Halika, dito kabayan! Pluto, mga kababayan natin papa-picture!
Pluto: Kabayan! Dito kayo!

Dito ko napatunayan na iba talaga ang dating ng pinoy. Akalain mong pinoy pala si Goofy at Pluto!

Lesson No. 5: Ako'y isang pinoy, si Pluto't, Goofy

Naging masaya at makasaysayan ang buong araw namin sa loob ng Disneyland. At ito ay tinapos pa ng isang masayang fireworks display sa harap ng castle ni Sleeping Beauty. Mistula kaming mga bata ni Grace na napapa wow sa bawat liwanag na dinudulot ng fireworks na sumasabay sa mga awiting likha ng Disney movies.
Habang nasa kalagitnaan ng fireworks ay tumingin sa akin si Grace at isang matamis na ngiti ang iginanti sa akin. Iniyuko ko ang aking ulo upang marinig ang gusto niyang sabihin. Isang mahinang bulong ang aking narinig. "Thank you bi! I love you so much!"
"I can show you the world. Shining, shimmering, splendid..."

Jan 18, 2008

Hindi bale ng tamad, hindi naman pagod!

Isang kaibigan ang lumapit sa akin at nagtanong. "Sa kabila ng pagiging busy mo sa trabaho, paano mo pang nagagawang mag-update ng blog mo?" Bigla tuloy akong napa-isip. Paano ko nga ba naa-update ang blog ko? Kahit pila balde ang kailangan kong tapusin na report at siksik, liglig at umaapaw ang problema sa trabaho. Tuloy, hindi ako nakatulog kagabi kaka-isip ng sagot sa tanong niya. Mula ng pumasok ang taong 2008 ay parang bagyo na rumagasa ang dami ng kailangan gawin at tapusin sa trabaho. Mabilis kasi ang pag-taas ng volume ng aming production. Kaya naman, halos wala ng oras para huminga. Sa tinagal ko na nga sa industriyang ito ay ngayon lang ako nakaranas ng hindi umuwi at dito na sa opisina matulog. Sa halos dalawang buwan ko pa lamang bilang Process Engineer ay tatlong beses ko na itong nagawa. Nakaka stress ang ganitong sitwasyon at ang pagbo-blog ang isa sa mga outlet ko para kahit papaano ay makalayo sa mundo ng mga makina at process control.



Dahil dito ay hindi maiwasang mamiss ko ang mga panahon na petiks ako sa trabaho. Tatlong taon ang nakalipas ay wala pang internet ang aming kumpanya. Kaya naman mababaliw ka talaga sa panahon na wala kang magawa. At dala ng ka-inipan sa mga oras na wala kang ginagawa ay naisipan kong gumawa ng work instruction para sa mga taong nakakaranas ng nararamdaman ko.



Gusto ko itong i-share sa inyo dahil alam kong mahirap at kahabag-habag ang kalagayan ng taong walang magawa.


Mga dapat gawin kung petiks ka...please follow the step by step procedure....



1. Huwag aabsent.


2. Huwag male-late.


3. Pagkaupo mo sa iyong lamesa, buksan isa-isa ang drawer at magkalkal. Kunwari ay may hinahanap.


4. Pagkatapos mong magkalkal, tumayo ka at tunguhin ang mga filing cabinet. Maghanap ka ng ipis. Kung wala kang mahanap, tingnan mo ang iyong incoming and outgoing tray. Kalkalin at maghanap ng mga natira sa iyong mga kinutkot kahapon. Huwag kakainin muli. Labag sa kagandahang asal. Kung naglalaway ka sa mga iyon ay kunin mo ang nagamit mong tissue paper na nailagay mo sa iyong front drawer at ipunas sa laway mo. Pagkatapos ay ilagay muli sa drawer. Maaari mo pang magamit iyon bukas. Malaking katipiran sa iyo.


5. Kung biglang dumating ang iyong boss, hawakan kaagad ang telepono at magsalita. Kunwari ay tinatanong ka ng iyong kausap ang tungkol sa mga dokumento. Sumagot ka ng "Oh! I am sorry but I will bring that to your office immediately." Kumuha kaagad ng kahit anong report paper at magpaalam ng maayos at buong giliw sa iyong boss. Lumabas ng nagmamadali.


6. Pumunta ka sa CR. Magsuklay. Tingnan mabuti ang sarili. Mag-retouch kung babae. Tingnan kung baligtad ang underwear na naisuot kung lalaki, maghilamos at basain ng konti ang buhok. Magtiris ng mga taghiyawat. Magtagal ng mga limang minuto.


7. Pagkabalik mo sa iyong opisina, buksan ang computer. Hintaying matapos ang Auto Scan. Marami ring minuto ang magugugol dito. Magbukas ng isang file... Isa pa... at isa pa uli...!!! Pumunta sa ccmail, tingnan ang inbox kung may hindi pa nababasa. Magbasa na kunwari ay bagong pasok ka lamang sa Grade One.


8. Pagkatapos ay kunin ang mga dapat gawing report. Titigang mabuti. Pag-aralan ang klase ng papel na ginamit. Bilangin kung ilang words ang nagamit.


9. Kung may tumawag sa telepono, kaagad sagutin. Huwag mong hayaang ibaba kaagad ng kausap. Kumustahin. Tanungin tungkol sa mga National Issues katulad ng tungkol pagbaba ng dolyar kontra piso at ang muling pagtakbo ni Erap sa pagka pangulo sa taong 2010. Kumustahin din ang latest style ng kanyang damit pati na kung saan nagpapa-manicure at pedicure. Huwag lalagpas ng isang oras ang pakikipag-usap. Magagalit ang iyong boss.


10. Kung may report na tatapusin, tapusin ng eksakto sa deadline hour. Kung may ita-type, magtype ng 10wpm.


11. Tunguhin ang mga file na inipon sa loob ng ilang araw. Ayusin isa-isa habang ini-imagine ang sarili na sumasahod ng 20,000 pesos isang buwan. Huwag tatapusin. Magtira ng para sa ilang araw na gawain.


12. Palaging magtungo sa CR. Kunwari ay may LBM. Palagi ring bumisita sa ibang department, makipag chikahan.


13. Huwag mong titingnan ang iyong relo habang ginagawa mo ang lahat ng nasa itaas. Kapag ginawa mo iyon ay lalo kang maiinip. Hayaang mag-enjoy ang sarili sa iyong katamaran. Magugulat ka na lamang na "time" na pala para umuwi.


14. Ayusin ang lamesa na para bang napakarami ng iyong trinabaho. At bago umuwi, dumaan ng CR. Tingnan at hipuin ang mukha kung gaano kakapal. Huwag pansinin ang mga kasamahan na mula umaga ay tingin ng tingin sa iyo. Hindi naman sila ang nagpapasuweldo.



"Hindi bale nang tamad, hindi naman pagod!" - Tado


Jan 13, 2008

Ang Bato sa Buhangin (Makabagbag damdaming 1st Anniversary Special)

Will you marry me?

Isa na yata ito sa pinaka mahirap bitawang salita na nasabi ko sa buong buhay ko. Dati ay inakala kong simple lang ang pagsambit nito. Pero, iba pala ang bigat ng pangungusap pag seryoso mo ng sasabihin sa babaeng mahal mo. Kahit pa nga ilang beses kong ni-reherse kung paano ko sasabihin ito sa harap ng salamin, ay nangatog parin ako noong oras na harapan ko nang bitawan ang salitang ito. Tulad ng kasal, isang rin itong once in a lifetime experience lalo na sa mga babae. Maliban na lamang kung two timer ka at sabay nag propose ang dalawang papa mo. Sa lalaki kasi, kahit sampu pa ang girlfriend niya ay siguradong sa isang babae lang niya sasabihin ito. Magastos yatang bumili ng sampung diamond rings sa mga panahon ngayon. Minsan ay naka-saksi ako ng isang lalaki na nag propose sa kanyang kasintahan at ang laki ng epekto sa akin ng eksenang ito pagkatapos. Kahit nga hindi ko sila kilala ay labis akong natuwa sa mga pangyayari. Nag-umapaw kasi sa buong paligid ang saya at excitement na hindi lang sila ang nakadama, kundi pati ang mga nakasaksi. Ito ay nangyari noong kumakain ako sa isang restaurant sa Mexico. Daig pa ang eksena sa isang Mexican telenovela sa tindi ng emosyon na umapaw sa live proposal ito.

Mga Tauhan:
Isang Mexicanong itatago natin sa pangalang Sergio
Isang Mexicana na itatago natin sa pangalang Rosalinda
Waiter na itatago natin sa pangalang Fulgoso (kasabwat 1)
Gitarista na itatago natin sa pangalang Antonio Banderas (kasabwat 2)

Ang Eksena:
Abala sa pagkain si Sergio at Rosalinda ng lumapit ang waiter na si Fulgoso. Bahagyang na supresa si Rosalinda ng ilabas ni Fulgoso ang isang bote ng wine at ibuhos sa kanyang baso. Nang iinumin na ito ni Rosalinda ay agad pinigil ng waiter na si Fulgoso ang kanyang pag-inom, at mabilis na inihulog ang isang singsing. Umikot ang nakaluwang mata ni Rosalinda sa nakita. Agad namang hinawakan ni Sergio ang kanyang kamay, at ininom ang baso ng wine hanggang ang singsing na lang ang naiwan na nakasuot na sa dila niya (ang lupet!). Inilabas ni Sergio ang kanyang dila at kinuha ang singsing. Lumuhod sa harap ni Rosalinda at pasigaw na sinambit "Rosalinda Mercedez, quieres casarte conmigo!?" na ang ibig sabihin ay "Rosalinda Mercedez, will you marry me?!" habang kumukurap ang pilik mata at nahuhuli ang buka ng bibig sa mga salitang lumalabas. Hindi nakapagsalita si Rosalinda, bumubuka ang bibig niya ngunit walang salitang namumutawi. Hinawakan niya ang kanyang dibdib na halatang hindi makahinga. Sa taranta ni Fulgoso ay bigla niyang isinalaksak ang bote ng wine sa bibig ni Rosalinda para maka-inom. Nang mahimasmasan na si Rosalinda ay agad itong sumigaw. "Si Senor!" Pagkarinig ng sigaw na ito ay nagpalakpakan ang mga tao at biglang pasok sa eksena ang guitaristang si Antonio Banderas, at kumanta ng makabagbag damdaming awit na "wididit" mula sa soundtrack ng cartoons na Dora the Explorer.

Simple lang ang ginawa ni Sergio pero rock! at nag-iwan ito ng kaka-ibang ligaya, hindi lang kay Rosalinda, ngunit maging sa mga nakasaksi sa mga pangyayari... at isa ako doon.

Nang gabing iyon ay hindi na naiwasang bumalik sa aking ala-ala ang eksena namin ni Grace noong Nobyembre 10, 2006 sa Puerto Galere. Matagal kong pinagplanuhan ang araw na sasabihin ko kay Grace ang tulad ng mga sinabi ni Sergio. Kaya naman, kahit na pahirapan ng ipaalam ko siya sa kanyang tatay ay hindi ako sumuko. Ito kasi ang unang pagkakataon na magpupunta kami ni Grace sa isang bakasyon na kaming dalawa lang. Kaya, ilang baldeng pawis ang pumatak sa akin, at limang litrong laway ang nalunok ko noong araw na pinag-paalam ko siya. Mabuti na lang at napapayag ko rin ang tatay niya matapos akong mag-igib ng tubig, magsibak ng kahoy at mag tiklop ng labada.


Kumpleto na ang lahat isang araw bago ang aming bakasyon. Pero, wala pa akong idea kung paano ako mag po-propose kay Grace. Nagbasa pa nga ako ng ilang kwento sa internet para magkaroon ng idea at makalaglag panty na proposal. Pero naisip ko na mas okay ang may originality. Bago pa lumubog ang araw sa Puerto Galera ay mag-isa akong naglalakad, habang dakot ko ang engagement ring na binili ko para kay Grace. Nang mapagod sa paglakad ay naupo ako sa tabing dagat at nilibang ang sarili sa pagpukol ng bato sa kawalan (habang tumutugtog sa background ang awiting "Magpakailanman"). Nang mangalay na ang kamay ko sa pagbato, ay naisipan ko namang mamulot ng ibat ibang kulay ng bato na nakakalat sa buhangin. Dahil sa sobrang pagsesenti ko ay isinulat ko sa buhangin gamit ang mga bato ang salitang "LLOYD (heart) GRACE" na ang ibig sabihin ay Lloyd love Grace. At mula dito ay isang plano ang nabuo sa isip ko...

Mga Tauhan:

Lloyd, ang binatang kamukha ni Sam Milby.
Grace, ang dalagang kamukha ni Bea Alonzo
Bangkero, ang piping saksi sa mga pangyayari. (literal na pipi ang bangkero)


Ang Eksena:

Bago dumating si Grace ay itinanim ko sa isa sa mga bato na korteng puso ang engagement ring na ibibigay ko sa kanya. Ilang sandali pa ay natanaw ko na paparating siya. Inaasahan ko narin ito dahil napag-usapan namin na papanoorin namin dalawa ang paglubog ng araw. Kaya malayo pa lang ay nakangiti na ako sa kanya. Habang papalapit siya sa akin ay palakas naman ng palakas ang dagundong at tibok ng puso ko dala ng kaba. Nang makalapit na si Grace ay nagulat siya sa kanyang nakita. Tinitigan niya ang nakasulat sa buhangin at parang bata na namangha. "Galing ah! Ginawa mo?" "Oo, katulong ang mga dikya." Napangiti si Grace, hindi dahil sa joke ko, kundi dahil sa effort na ginawa ko. Niyakap niya ako at patuloy na inaliw ang sarili sa pagtitig sa aking masterpis. Ilang sandali pa ay lalong lumakas ang pangangatog ng aking katawan dahil sa nerbiyos. Hinawakan ko ang kamay ni Grace at pautal-utal akong nagsalita "B-bi, p-pra s-syo ang p-pinakamagandang b-bato na nasa harap m-mo." Noong una, ay hindi naintindihan ni Grace ang mga sinabi ko, ngunit ilang sandali pa ay dahan-dahang dinampot ni Grace ang batong may singsing sa gitna ng hugis pusong tumpok ng mga bato. Napatingin siya sa akin na noon ay namumula at naginginig ang labi sa pag-ngiti. Kinuha ko ang singsing sa kanya, at hinawakan ko ang kanyang kamay at pagkatapos ay halos walang boses na sinabing. "Ma. Mari Grace B. Cruz, will you marry me? Papakasal ka ba sakin?". Tumulo ang luha mula sa mata ni Grace, hindi siya nakapagsalita at nakatitig lang sa akin. Ilang sandali pa ay nag-uunahan na ang pagpatak ng luha sa kanyang magkabilang mata. Sinuot ko ang singsing at isang mahigpit na yakap ang iginanti niya habang patuloy pa ang pagpatak ng kanyang luha. "Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko, papakasalan mo ba ako?". Isang impit na "00" ang isinagot ni Grace. Parehong tumigil ang ikot ng mundo sa aming dalawa ng mga oras na iyon. Kasabay ng pag lubog ng araw sa dalampasigan ng Puerto Galera, ay isang bagong sibol na liwanag ang sumikat sa amin. Liwanag na magbubukas ng bagong yugto ng aming pagmamahalan. Habang tahimik parin kami ni Grace at hindi parin nakaka recover sa mga pangyayari, ay isang mahinang palakpak ang aming narinig. Galing iyon sa isang bankero na kanina pa pala na nonood sa amin. Hindi ko naman siya pinahiya at kumaway ako, para hindi niya isipin na suplado ako sa personal.

Ngayon ang unang taong anibersaryo namin ni Grace bilang mag-asawa. Isang taon na puno ng saya at walang kapantay na pagmamahalan. Sana, sa mga darating pang taon ay umapaw pa ang biyaya sa atin at lalong tumatag ang ating samahan.

Salamat at pumayag kang magpakasal sa akin.

Dec 21, 2007

Ang Babae sa Buhay ko

May isang kaganapan sa buhay ko na hanggang sa ngayon na may asawa na ako ay umuukit parin sa puso at isip ko. Kwento ito tungkol sa isang babae na may malaking bahagi ng buhay ko. Sa lahat kasi ng mga babaeng dumaan sa buhay ko (kung ilan sila? find the value of x: (sinx+cotx-cosx)/tanx= 152) ay siya lang ang nagtataglay ng mga katangian na aking hinahanap.


Simple. Ni hindi ko pa nga siya nakitang nag pahid ng kahit anong klase ng make-up sa mukha. Pero kahit naman ganun ay lutang na lutang parin ang kanyang kagandahan. Para siyang isang diwata na may kapangyarihang magpa-amo ng mabangis na hayup sa tuwing tititigan niya. Hindi ko naman sinasabing isa akong tigre o baboy ramo, pero isa ako sa nabiktima ng kanyang tingin. Sa tuwing magkasama kami ay madalas napapako ang tingin ko sa kanya at napapansin ko na nahuhuli niya ako sa ganitong akto. Mabuti nalang at hindi niya ikinagagalit ang pagtitig ko sa kanya, pero minsan na niyang inamin na natatakot siya sa akin sa tuwing nakatitig ako, para daw may halong pagnanasa. Agad ko namang itong itinanggi kahit totoo (manyak)!


Bukod pa sa pagiging simple ay taglay din niya ang katangian na mahirap mahanap. Ito ay ang katangiang magmahal, sa Diyos, pamilya at kapwa. Minsan ay isang text message ang natanggap ko mula sa kanya, nais daw niyang magpasama sa akin sa isang Christian fellowship na miyembro siya. Bagamat, isa akong katoliko na deboto kay Mama Mary at St. Jude ay hindi ako sanay pumunta sa ganoong pagtitipon. Pero sa pagkakataong ito ay hindi ko siya natanggihan at ayaw kong sayangin ang pagkakataon na makasama siya. Noong una ay inakala ko na bantay lang niya ako, habang siya ay abala sa pakikisalamuha sa mga miyembro nito. Pero hindi nagtagal ay unti-unti na niya akong pinapakilala sa mga kasama, at hindi ko namalayan na sumasabay narin ako sa kantahan habang nakataas ang kamay ay nakapikit ang mata. Bagamat hindi ako sanay at nahihiya pa, ay nakita ko nalang ang sarili ko na nag-eenjoy din. Dahil ba sa faith? O dahil sa babaeng kasama ko? Ito ang bagay na hindi ko maipaliwanag at alam kong hindi tama na siya ang maging dahilan ng pagiging miyembro ko.


"Ang buhay ng kristyano ay masayang tunay (clap! clap!),

masayang tunay (clap! clap!)

masayang tunay (clap! clap!)"


Isa sa batayan ko sa babaeng gusto kong pakasalan ay ang mapagmahal sa magulang at kapatid. Dito ako saludo ng husto sa babaeng ito. Kaya niyang isakripisyo ang lahat ng meron siya para mapasaya ang kanyang pamilya. Sa tuwing nagkakroon ng pagkakataon na nakakabisita ako sa kanila, ay nakikita ko ang saya niya sa tuwing magkakasama silang buong pamilya. Minsan ay na-ikwento niya sa akin na ang pangarap niya sa kanyang mga magulang. Hindi ko inasahan na pareho kami ng hinahangad, ito ay ang maranasan nila ang sarap ng buhay sa kanilang pagtanda. Ang makapamasyal at maikot ang mundo, makapagpatayo ng mansion, masaganang buhay at malusog na pamumuhay. Dahil alam namin ang hirap na ginawa nila noong itinataguyod pa nila kami. Bagamat mahirap abutin ang ganoong pangarap ay nakikita ko sa kanyang mata ang determinasyon na may halong pagmamahal, kung kaya sa aking palagay ay walang imposible sa kanyang pangarap. Kaya naman, sinabi ko nalang sa kanya na sa kanyang pagyaman ay idamay na niya ang nanay at tatay ko para matupad din ang pangarap ko sa kanila.


Sa aking palagay ay iba ang ikot ng aking buhay kung siya ang kapiling ko, siya ang tingin ko na kukumpleto ng aking pagkatao, pero takot ako na biguin niya kung kaya matagal kong pinalampas ang pagkakataon na sabihin sa kanya ang mga bagay na ito. May mga pagkakataon na naglakas ako ng loob na magpasaring sa kanya, pero sa huli ay nauunahan parin ako ng takot at kaba. Minsan ay inamin ko na sa kanya na kung may isang babae na gusto kong makasama habang buhay malamang na siya yun. Ngumiti siya at hindi ko inasahan ang naging sagot niya ng ikwento niya ang kanyang panaginip. Minsan daw ay nanaginip siya na lumalakad siya sa altar para sa kanyang kasal, hindi raw maipaliwanag ang kaba sa dibdib niya habang pilit niyang sinisilip ang lalaking naghihintay sa kanya. Noong una ay isang malabong mukha ang kanyang natatanaw ngunit habang papalapit ay nagkakaroon ito ng hugis at anyo. Nang makarating siya sa altar ay saka palang niya ito nakilala, isang lalaki ubod ng gwapo ang kanyang nakita. Kahit alam ko na ubod ako ng gwapo ay hindi ko naman inasahan na ako yung lalaking napanaginipan niya. Labis akong natuwa ng marinig ang kwentong iyon at nagsimulang mangarap na sana nga ay magkatotoo.


Espesyal sa akin ang araw na ito dahil ngayon ang kanyang kaarawan. Excited ako dahil nabalitaan ko na nasa laguna siya ngayon at magkikita kami. Pagkagaling sa opisina ay agad akong nagtungo sa babaan ng bus para sunduin siya. Malayo pa lang ang bus ay inilalarawan na ng aking isip ang amo ng kanyang mukha. Nang huminto ang bus sa tapat ko ay agad akong tumakbo sa pinto para salubungin ang mga bumababa kahit hindi ko sila kamag-anak. Hanggang sa matanaw ang kanyang pagbaba. Isang matamis na ngiti ang isinalubong niya sa akin, kinuha ko ang bitbit niyang bag at hinalikan. Habang naglalakad ay hindi ko mapigilan na higpitan ang hawak sa kanyang kamay dahil sa saya na aking nadadama. Siya nga ang babae sa buhay ko at kumukumpleto ng pagkatao ko. Kaya naman ako ang pinaka masayang lalaki, noong pumayag siya na magpakasal sa akin.


Happy Birthday Bi...I Love you so much!


"Ang blog na inyong nabasa ay ang kwento na hindi ko na-ipost noong December 21, 2007 dahil sa pagmamadaling maka-uwi. Naging abala naman ako sa piling ni Grace noong bakasyon kaya hindi ko nagawang i-update ang blog ko."

Dec 13, 2007

Swerte ka ba?

Pag-swerte ka daw sa sugal, lotto, binggo, sakla o raffle ay malas ang lablyf? Ito ang paniniwala ko mula noon na nabago sa isang iglap. Krismas party ng aming kumpanya noong Linggo, ay ginanap sa Ninoy Aquino Stadium. Alas-tres ang simula ng programa at bago pa mag ala-una y medya ay umalis na ako ng bahay. Galing pa kasi ako ng bulacan at dahil sa wala ng shuttle doon ay nag commute ako papunta sa lugar. Sa maynila ako nag kolehiyo, pero sa pagkakataong ito ay bigla akong nalito kung saan ang Ninoy Aquino Stadium. Bigla ko kasing naisip ang Rizal Memorial Stadium na nagpagulo ng utak ko. Pareho kasing sa maynila matatagpuan ang dalawa, pareho pang hango sa pangalan ng bayani na idol ko, at pareho pang staduim. Basta ang alam ko lang ay isa dito ay sa Vito Cruz at isa naman ay sa tapat ng Harrison Plaza. SWERTE at nag reply agad si Chyng ng i-text ko si Jeric kung saan ang lugar. At tama ang hinala ko, ito nga ang nasa tapat ng Harrison Plaza na peyborit tambayan namin noon.

Saktong alas tress ay nasa lugar na ako. Dali-dali akong tumakbo sa gate para makipag- unahan sa pagpasok. Hanggang sa makasabay ko ang dalawa pang empleyado na parehong babae at nagmamadali rin. Dahil sa kanilang pagmamadali ay biglang natisod ang isa at nadapa habang hila nito pagbagsak ang kasama. Kaya mistulang stampede sa ultra ang itsura nilang dalawa pagkatapos. SWERTE at malayo pa ako sa kanila ng maganap ang trahedya at hindi ako nadamay. Mabuti nalang at walang nasawi sa pangyayari. Galos at kaunting lukot sa damit lamang ang tinamo ng mga biktima, kung kaya agad naman silang nakatayo.Nang makapasok ako sa loob ng stadium ay hindi na ako nagulat sa nakita. As usual, puno ang stadium sa dami ng empleyado ng Hitachi. Ayon sa bilang, mahigit 3,700 ang dami ng empleyado na nasa stadium ng mga oras na iyon. Kaya naman sa bubong na lang ang pwede kong pwestuhan kung gusto kong makapasok sa loob. SWERTE, dahil isang kaibigan (Si Amore) ang nakakita sa akin at dali-dali akong tinawag. Dahil sa kanyang koneksyon sa baba at diskarte ay nakakuha kami ng pwesto sa harap ng stage. As in sa harap, mga tatlong silya lang ang layo mula sa butas ng ilong ng mga performers. O di ba? Nasa VIP area na kami sa isang iglap.
Nagsimula ang programa sa isang paunang salita mula sa aming presidenteng hapon. Noong una ay tahimik lamang ang lahat at pinakikinggan ang bawat sinasabi nito. Walang humihinga, lahat ay nakatutok at pare-pareho ng hinihintay na marinig. Hanggang isang anouncement ang bumasag sa katahimikan ng lahat. SWERTE ng ipahayag niya na makaka-tanggap ang lahat ng bonus. Hiyawan ang lahat, ang iba ay tumili, meron nagwala, na-ihi sa salawal at meron din tumalon mula sa bleacher hanggang lower box. Kapag tungkol talaga sa pera ang usapan ay makakalimot ang lahat kahit siguro Akon pa ang katapat.
Matapos maka recover sa narinig na bonus ay muling nanumbalik ang party mood ng lahat. Hanggang isang dagundong na naman ang narinig ng isa-isang nag-datingan ang mga special guests. May malupit sa sayawan, malupit sa hosting, malupit sa kagandahan, malupit sa kantahan at walang lupet. Pero gusto kong samantalahin ang pagkakataon na ito para purihin ang lupet ng street boys! Sobra akong napabilib. Hindi ako mahilig sumayaw pero noong sila na ang nag perform ay bigla akong napatili. Ewan ko, hindi ko napigilan ang sarili ko, kusang umakyat ang tili sa aking diaphram at inilabas ng aking lalamunan. SWERTE at lahat ng katabi ko ay tumitili din, kaya hindi ako nahalata.



Ang lupet ng Street boys!

Sayang at hindi niya sinama si Ate Vi na idol ko.

Maganda sya at crush ko siya, kaya hindi ko pupunahin ang performance nya.

Malupit sa kantahan.



(Sadyang hindi ko na sinama ang isa pang guest, wag nalang sayang ang space..hehehe)



Hanggang sa dumating ang SWERTEng hindi ko inaasahan. Mula ng magkaroon ako ng malay sa mundong ibabaw ay hindi pa ako nakaranas manalo sa kahit anong raffle. Mapa-raffle man sa eskwela, raffle sa perya, sa baranggay, department store, sari-sari store o kahit pa-raffle ng Tide sa Eat Bulaga ay sinalihan ko pero bokya parin. Sinimulan ang raffle sa pag-bunot ng mga minor prices. Isang babae sa tabi ko ang nag-titili at sinabunutan ang katabi niya sa tuwa at buong lakas siyang nagsisisigaw na parang apo ni Sisa ng marinig ang pangalan niya na unang binunot. Ganoon niya kailangan ang premyo na iyon na pwede na siyang sumulat ng autobiography dahil sa makulay na pangyayaring iyon sa buhay niya. Ilang sandali pa ay tumakbo na siya papalapit sa lugar kung saan makukuha ang mga prices. At ng bumalik siya ay bitbit na niya ang kettle na kanyang napanalunan. Muntik ng dumugo ang anit ng katabi niya ng dahil lamang sa kettle na iyon. Nagpatuloy ang raffle habang ako ay abala sa pagkuha ng mga pictures ng kisame, silya, poste at spot light sa loob ng stadium. Hanggang sa marinig ko ang pangalan ko na tinawag. Bigla akong nawala sa sarili, siguro ay kung hindi ako nahiya sa eskandalong ginawa ng unang nanalo ay malamang na ganoon din ang nagawa ko. Lumapit ako sa claim station na wala akong idea kung ano ang napanalunan ko.

Staff: Sir, ano po napanalunan nyo?
Lloyd; Ah e, Ipod 60 Gig?
Staff: Sir, minor prices palang po ang na draw.
Lloyd: Ah ganun ba, hindi ba pwedeng Ipod nalang?. (Sabay dukot sa bulsa at abot ng 500). Eto, pang meryenda mo.
Staff: Sinusuhulan nyo ba ako!!!?
Lloyd: Hindi naman sa ganun.
Staff: Eto po, grocery basket worth 1,100 pesos ang napanalunan nyo!(sabay abot ng isang basket na umaapaw).
Lloyd: Arg! (bigat)
















Pagbalik sa upuan ay tinitigan kong mabuti ang basket na napanalunan ko na parang lab at persayt. Ganito pala ang pakiramdam ng manalo sa raffle. para kang tumuntong sa ulap at may mga anghel na umiihip ng trumpeta sa saliw ng tugtuging papaya dance. Naging masaya ang buong gabi ko at naka-patong parin sa ulo ko ang tanda ng swerte. Nang mapadaan ako sa Lotto station ay inisip ko ring tumaya pero sarado na, sayang ang pagkakataon. Malamang kasi ay bumalik na sa normal ang aura ko kinabukasan. Agad kong tinext si Grace at ang nanay ko na ang balita ko ay nagrosaryo pa para manalo ako ng appliance showcase worth 40,000 pesos o ang grand price na 100,000. Pero hanggang grocery basket lang ang inabot ng swerte ko sa ngayon at ito ay labis ko nang pinag-papasalamat.

Dec 5, 2007

Wish kay Santa

Isang text message mula sa aking kapatid ang natanggap ko noong linggo. Nagtatanong siya kung ano ang gusto kong matanggap para sa aming taunang "kris kringle". Halatang ang text ay ipinadala sa lahat para hindi mabuking kung sino ang nabunot ng bawat isa. Ilang sandali pa ay isa-isa nang nagdatingan ang reply ng bawat isa. Mayroon gusto ng Brats doll, Zaido Blue kolektibols, bags, sandals, badminton racket (na mamahalin) at kung ano-ano pa.
Taon-taon ay naging tradisyon na sa aming tahanan ang magkaroon ng kris-kringle. Nagsimula ito noong nasa elementary pa ako at anim pa lang kami miyembro ng pamilya, nagpatuloy hanggang ngayon na labing walo na kami lahat. Para sa akin, ang kris kringle ay isang importanteng events sa araw ng pasko. Kung wala kasi ito ay malamang sa malamang na wala akong natatanggap na regalo tuwing pasko. Kaya naman labis akong nagpapasalamat sa naka-imbento nito. Atleast, walang mag-iisa ngayong pasko basta't kasali sa kris kringle.

Aktwali, ang kris kringle daw ay hinango sa salitang German na Christ Kindl o Christkind na ang ibig sabihin ay "gift bringer child". At dahil sa mga bobongkano (isteyt side na bobongpinoy) na nagkamali sa pronawnsheysion (tama ba ispeling?) ay binigkas nila ito na kris kringle (kitams, kung ang pinoy bopols sa ingles, ang mga kano naman ay bopols sa German). Hanggang sa lumipas ang mahabang panahon at ang imahe ni kris-kringle ay kumupas, inagiw at tumada. Mula noon ay isang bagong karakter ang ipinakilala sa ating lahat, ang ninong ng lahat at ang nag-iisang santa na lalaki, Si Santa Claus o St. Nicholas.

Noong bata pa ako (hanggang ngayon) ay naniniwala ako kay Santa Claus. Pagkatapos ng noche buena ay nag-uunahan kaming mag-sabit ng mga kapatid ko ng medyas sa bintana at umaasang bukas pag-gising ay may regalong ilalagay si tatay, este si Santa. Taon-taon naman ay hindi kami nabibigo, yun nga lang hindi ang mga regalong inaasam ko ang natatanggap ko. Kundi mga barya na mukhang galing sa arkansya. Dahil doon ay labis akong napabilib ni tatay, este Santa. Dahil ibinuwis niya ang kanyang arkansya para lamang mapaligaya kaming mga bata. Ngayon na hindi na ako naniniwala kay Santa (ows?) ay sinubukan kong ibahin naman ang isytayl. Imbes na magsabit ng medyas ay sususlatan ko siya at ibo-blog ko. Baka kasi member narin siya ng blogsphere at makarating ito sa kanya. Eniwey, gagawin ko 'to hindi dahil naniniwala pa ako sa kanya, katuwaan lang (plastik!)


Dear Santa,

Meri Krismas!

Kamusta na po kayo? Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan habang binabasa ang sulat ko.Kamusta na po si Rudolf? Hindi na po ba siya inaaway nila Dasher, Dancer, Prancer, Vixen,Comet, Cupid, Donner and Blitzen. Si Olops the other raindeer po? Kasama na ba siya sa opisyal raindeer ng tropa?
Eniwey, Alam ko po na alam nyo na at hindi nyo pwedeng itanggi na malapit na ang pasko. Kaya naman sigurado rin ako na handa kayo at alam nyo na susulatan ko kayo.

Bago po ang lahat, para fair ay gusto ko munang sabihin sa inyo na naging mabait ako sa buong taon. Hindi na po ako iyakin. Pinipigilan ko na pong tumulo ang luha ko pag nanonood ng Maalaala mo kaya at Princess Sarah. Hindi na po ako nagpapa-late sa trabaho, madalas po ay maaga na ako pumapasok at gabi na umuuwi. Importante po kasi sakin na ma-ipost ang blog ko kada-linggo (ayaw ko sumablay sa deadline). Hindi rin po ako sumama sa nakaraang Makati Standoff, mas naniniwala po ako na ang pagbabago ay nasa bawat Pilipino at hindi sa isang pinuno o grupo lamang. Insyort, Gudboy po ako and I deserve to have gift(s) this krismas.

Pasensya na po pala kung sa wikang Pinoy ko po isinulat ang liham kong ito dahil hindi ko po alam ang salitang gamit niyo dyan sa North Pole, kung ingles, Russian, Polish o Polar Bear. ipa-translate nyo nalang po. Malamang at sigurado ko na may Pinoy workers din kayo dyan sa factory niyo na pwedeng mag-translate ng sulat ko.
Idinaan ko na rin po sa blog ang sulat ko para mas mabilis nyong makita at kung sakaling may kasing bait nyo po na makabasa ay baka sakaling siya nalang ang tumupad ng hiling ko. Hindi ko rin po kasi alam ang e-mail address nyo.
Santa_25@yahohoho.com parin po ba ang gamit nyo? Ininvite ko po kasi kayo sa friendster pero hindi nyo po ina-accept. (hmpf!)
Eniwey, eto po ang aking mga hiling ngayong pasko.

Canon EOS 40D Digital SLR. Hindi nyo po naitatanong ay nahihilg po ako ngayon sa photography at isa po sa pangarap ko ay magkaroon nito. Pag ito po kasi ang hawak ko ay malamang na kahit puro paling at putol ang kuha ko ay ma-aapreciate parin ng makakakita dahil sa ka-astigan nitong taglay. Wag po kayong mag-alala, papadalhan ko po kayo ng kopya ng mga kuha ko, at iiwas po ako sa mga nude photos (Pro kung type nyo yun madali po ako kausap, hindi po makakarating kay Mrs.Santa)

Dalawang round trip ticket sa Greece plus pocket money. Hindi nyo po tinupad last year ang hiling kong honeymoon namin ni Grace sa Europe. Kaya eto na po ang tiyansa ninyong makabawi. Okay lang po sa amin na sa Greece nalang, para po mabisita namin ang Olympia at Mount Athos. Pero naiintindihan po namin na mahirap ang buhay ngayon,kung kaya kahit sa sa Hongkong Disneyland ay pwede na, dagdagan nyo nalang po ang pocket money para todo ang saya.

Transformer (Optimus Prime). Kung hindi pa po kayo tinatamaan ng alzheimer, ay alam nyo na eto po ang taon-taon na hiling ko sa inyo since kinder. Pero hanggang ngayon po ay hindi nyo parin binibigay. Kung hindi po makagawa ng Transformer sa toy land ang mga elf nyo ay sabihan nyo lang po. Madali naman ako kausap, kahit po Zaido blue o Lastikman koletibols ay okay na sa akin kesa wala.

World Peace. Santa naman, ang dami na kayang humihiling nito. Pati nga mga beauty queens ay ito rin ang hiling. Kakasawa na kasi silang pakinggan kaya pwede bang ibigay niyo na po ito sa kanila. Bahala na po kayo kung paano niyo ito ibabalot sa giftwrapper, eniwey problema naman na iyon ng elf workers niyo.

Iyan lang naman po ang mga gusto ko ngayong pasko. Sana naman bigyan mo ng katuparan ang hiling ko. Ang tanda-tanda ko na po pero hanggang ngayon wala pa po kayong binabalot na regalo para sakin. Sige po, bahala kayo baka hindi narin ako maniwala sa inyo at tuluyan nang tumiwalag at umiba ng kapanalig. Sana po ay ibigay nyo sa akin ang mga hiling ko on or before December 24, 2007. Kapag hindi niyo po tinupad ang mga kagustuhan ko ay pangungunahan ko po ang pag-aaklas ng union sa inyong factory at isasama ko narin po ang mga miyembro ng magdalo para mapababa kayo sa pwesto.

Hoping for your kind consideration.

Truly yours,
Roninkotwo
"Da Gudboy"


P.S. Wala po kaming chimney sa Pinas. Kumatok na lang po kayo sa gate namin o mag doorbell, pero don't worry magsusuot ako ng blindfold para di ko po kayo makita.

Dec 1, 2007

Kwentong Pamasko

"Sa may bahay ang aming bati,
meri krismas, nawawalhati."

Isang batang babae na nasa edad na pito, may payat na pangangatawan, at madungis na damit ang tumapat sa FX na sinasakyan ko pauwi ng Bulacan ng matraffic ito sa EDSA. Gamit ang dalawang bato bilang instrumento, habang bitbit ang ilang pirasong sampaguita ay sumasabay ang kanyang paos na tinig sa isang awiting pamasko na matamlay niyang inaawit. Bagamat tulog ang katawan ko noon dahil sa pagod ay unti-unting nagising ang diwa ko at napatingin sa batang umaawit. Nasalamin sa mata ng bata ang aking ala-ala sa tuwing sasapit ang pasko noong ako ay halos kasing edad niya.
Pasko ang paboritong araw ko sa buong taon, mas excited ako dito kesa sa bertdey o showbiz anniversary ko. Marami kasing masasayang karanasan sa buhay ko ay naganap sa panahon ng kapaskuhan. Hindi kami mayaman, pero hindi rin naman salat sa mga bagay na kailangan para mabuhay. Ang tatay ko ay isang mananahi at ang nanay ko naman ay isang mabuting maybahay. At ang kinikita nila ay sapat lang para ilaan sa pag-aaral naming apat na magkakapatid. Bagamat lumaki ako na hindi sagana sa mga laruan, pagkain o magarang damit, ay busog na busog naman sa pangaral ng magulang at pagmamahal ng buong pamilya.

Pagkatapos pa lang ng undas ay excited na akong nilalanghap ang simoy ng pasko. Si tatay ang madalas na nag-aayos ng aming bahay tuwing sasapit ang ganitong panahon. Pero hindi siya bumibili noon ng mamahaling parol o malaking krismas tree. Gamit lang ang kanyang tiyaga at abilidad ay nakakagawa siya ng mga tulad nito ng hindi gagastos ng malaki. Hindi ko makakalimutan noon ang aming krismas tree na ginawa ni tatay mula sa sinulid. Gamit ang bilog na plywood bilang base, na pinai-kutan ng pakong bakya at tinukuran ng kawayan sa gitna kung saan itatali ang sinulid mula sa tuktok hanggang sa base paikot ng paikot hanggang mapuno at mag korteng cone. Pag naitayo na ay sasabitan niya ng mga kendi tulad ng stork, mentos at white rabbit. Ilang segundo lang ang itinatagal ng buhay ng mga kending nakasabit dito, dahil agad namin itong sinusungkit. Kapag nakita ito ni tatay ay hihingin niya sa amin ang mga balat ng kendi at papalitan ng bato ang laman nito at isasabit muli. Kay tatay ko natutunan ang innovation!

Simbang gabi ang isa sa pinaka-hihintay ko tuwing pasko. Kahit na mahirap gumising o manigas ang katawan ko sa lamig ay hindi ko ito pinapalampas. Tulog pa ang manok ay ginigising na ako ni nanay para maligo. Pag dating sa banyo ay dadamhin k0 muna ang lamig ng tubig na kasing lamig ng yelo. Dahil sa takot akong sipunin at importante sa akin ang kalusugan (takot sa tubig..palusot pa!) ay wiwisikan ko lang ang mukha ko at babasain ang buhok at lalabas na ng banyo. Magagalit si nanay dahil mapapansin niya na hindi ako naligo, nakita niya kasi na hindi naalis ng wisik ng tubig ang mga muta sa mga mata ko.

Hindi mawawala ang exchange gift sa aming pamilya tuwing pasko, dahil tradisyon na ito. Nagsimula ito noong nasa grade 1 ako, at pinagpapatuloy hanggang ngayon. Noong una ay anim lamang kami na kasali dito, pero ngayon ay labing-walo na mula ng mag-asawa kaming lahat at magkaroon ng mga pamangkin. Natatandaan ko pa ang unang exchange gift namin sa bahay. Si nanay ang nabunot ko, at dahil alam ko na pangarap niya noon ay makatanggap ng grocery sa pasko ay pinilit kong tuparin ito. Mula sa sari-sari store ay naghanap ako ng kakasya sa pera ko. Dahil sa liit ng budget ,ay isang lata ng tomato sauce lang ang nabili ko. Nang ibigay ko ito kay nanay ay nakita ko ang saya sa mukha niya. Hinalikan ko siya at pinangko sa sarili ko na darating din ang panahon na maibibigay ko ang simpleng hiling ng nanay ko. At ngayon, kahit hindi pasko ay tinupad ko ito, buwan-buwan...(maririnig ang theme song ng wish ko lang).

Kahit mahirap ang buhay at nauubos ang pera sa pag-aaral naming magkakapatid ay hindi pinapalampas ng mga magulang ko ang noche buena. Ito ang pagkakataon na sama-sama kaming nag-aantay na sumapit ang alas-dose at sabay-sabay magpapasalamat sa lahat ng mga biyayang natanggap sa buong taon. Atat ako tuwing malapit na ang noche buena, madalas ang sulyap ko sa wall clock at naiinip sa takbo ng mga kamay nito. Excited kasi akong makakain ng spaghetti ng nanay ko. Ngayon nga na marunong na akong magluto ng ravioli o tortellini ay hindi parin nito kayang pantayan ang spaghetti gawa ni nanay. Pagpatak ng alas dose ay yayakapin namin ang bawat isa, hahalik at babati ng isang maligayang pasko. Iba talaga ang saya kapag kasama ang pamilya tuwing pasko, ang lamig ng panahon ay napapalitan ng init ng pagmamahalan.

Binaba ko ang bintana ng FX at inabot sa batang nagkakaroling ang limang pisong barya na nasa bulsa ko. Wala kahit anong reaksyon akong nakita sa mukha niya, wala man lang kahit "thank you!". Sinara ko ang bintana at muling pinikit ang mata para ituloy ang na-istorbong tulog. Ilang sandali pa ay narinig kong kinakatok niya ang bintana ng fx sa bahagi ko. Inis akong sumenyas na wala na akong ibibigay subalit patuloy parin ang bata sa pagkatok. Para tumigil ay ibinaba ko ulit ang bintana at dinukot ang piso na natitirang barya sa bulsa ko. Hindi ko pa man kumpletong naibababa ang bintana ay nagulat ako ng iabot sa akin ng bata ang dala niyang sampaguita. Halos malusaw ang puso ko ng abutin ko ang sampaguita at isang matamis na ngiti mula sa bata ang aking nasilayan. Bago pa man ako makapagsalita kahit man lang "thank you" ay tumakbo na siya papalayo at lumipat sa katabing sasakyan.

"We wish you a meri krismas
we wish you a meri krismas
we wish you a meri krismas
and a hapi new year! "

Ayon sa DSWD may halos 1.2 million na bata sa lansangan ngayon sa Pilipinas ang walang magulang. At sabi ng UNICEF, 12 million children die every year largely due to malnutrition sa buong mundo. Ibig sabihin, sa bawat minuto, sampung bata ang namamatay dahil sa kawalan, hindi lang ng pagkain, kundi kawalan ng pagmamahal at pamilyang nag-aaruga. Biglang sumagi sa isip ko ang dahilan kung bakit masaya ang bawat pasko ko. Ito ay dahil sa mga biyayang natatanggap ko mula sa dakilang may kaarawan tuwing pasko. Mga biyayang wala ang ibang bata, ang biyaya ng buhay, pagmamahal at pamilya.

Ito ang buong larawan ng Pasko. Totoong may napakadakilang dahilan upang magbunyi at magdiwang. Ngunit totoo ring maraming mga tao ang nalulugmok sa sari-saring pasanin, pasakit at kawalan. Paano ang pasko ng mga walang kasama sa buhay? Paano ang pasko ng mga walang bahay? Paano ang pasko ng mga walang pamilya?
At ito rin marahil ang hamon sa ating mga hindi masyadong nagdurusa ngayong kapaskuhan. Paano nga ba ipakikilala ang langit sa lupa, ang luwalhati sa dalamhati, ang kaalwan sa kawalan.

Nawa ay maging maligaya ang pasko nating lahat.