Sep 1, 2009

Beef Session Road Brocolli at Good Shepherd's Turon

Sabado. Naimbitahan ako ng isang matalik na kaibigan na maging ninong sa kanilang unang anak. Dahil dito ay labis kong ikinagalak ang kanilang imbitasyon. Pero nang malaman ko na sa Baguio ang binyag ay bigla akong napipi at hindi agad nakapagsalita. Masarap sa Baguio at gusto kong bumalik doon. Isa pa, matalik na kaibigan ang nag anyaya sa amin kung kaya mahirap tanggihan. Pero sa kalagayan ng asawa ko ngayon ay malabong makasama ko siya. Kaya naman pinag-isipan kong mabuti ang aking magiging desisyon.

Sinimulan ko sa pagpapanggap pagpapaalam sa asawa ko. Ayaw ko kasing isipin niya na gusto ko siyang iwan at pabor ako na hindi siya makasama. Ipinaliwanag ko na lang sa kanya na hindi makakabuti sa kalagayan niya ang ganun kalayong biyahe. Bagamat ikinalungkot niya ang aking naging pasya ay napapayag ko naman siya.

Akala ko ay simple lang ang pagbyahe mag-isa. Ilang pagkakataon narin naman akong nakabyahe sa malayong lugar ng walang kasama.. Pero, sa pagkakataon pala na sa isang lugar na may bakas ng ala-ala ng taong mahal mo ang lugar na pupuntahan mo, ay hindi maiiwasang makaramdam ka ng lungkot, at maalala ang masasayang sandali noong kasama mo pa siya.

Sa Bus.

Noon: Sa unang dalawang oras ng biyahe ay pareho kaming gising at nag kukwentuhan ng maraming bagay.

Ngayon: Sa unang dalawang oras ng biyahe ay ako lang ang gising at paulit-ulit binabasa ang karatulang na kapaskil sa harap ng bus na “keep ticket for inspection”. (Ulitin ng isang daang beses. Pag nasawa na ay basahin naman ng pabaligtad - isang daang beses din.)

Noon: Pagnagutom kami sa byahe ay sabay kaming kakain ng donut na binili sa terminal at paminsan-minsan ay nag susubuan pa.
Ngayon: Pagnagutom ako sa byahe ay hindi ako kakain. Hunger strike baga, gusto ko kasing ipakita sa lahat na nangayayat ako dahil sa lungkot at pagkamiss sa asawa ko.


Noon: Pag-inantok na kami ay sabay kaming matutulog na nakadantay at nakayakap sa bawat isa.
Ngayon: Pag-inantok ako ay mag isa akong natutulog na yakap ang jacket at nakuha pang mag papicture sa kunduktor para may mai-post sa blog.

Halos anim na oras ang tinagal ng byahe. Alas diyes y medya ang binyag pero alas diyes y medya rin ako nakarating ng terminal. Pagbaba sa bus ay agad akong pumara ng taxi at pinagmadali ang driver na ihatid ako sa simbahan. Nang makarating sa simbahan na-excite ako ng makitang nakatayo pa ang pari at ang mga ninong at ninang sa paligid. Sa awa ng Diyos, naabutan ko ang binyag. Yun nga lang, Amen na lang ang narinig ko sa Pari. Sakto ako! Katatapos lang ng binyag!

Sa Baguio:

Noon: Maglalakad kami sa Session road na magka holding hands.
Ngayon: Maglalakad ako sa Session road na naiinggit sa mga nakikitang magka holding hands.




Noon: Sabay kaming kakain sa paboritong restaurant at oorder ng madami dahil gustong matikman lahat.
Ngayon: Halos hindi ko nagalaw ang pagkain ko. (Wag sanang mag react si Chyng at Jeric)




Noon: Sabay kaming mamamalengke at ibibili ko sya ng strawberry na halos kapipitas lang sa puno at 100 per kilo.
Ngayon: Hindi daw panahon ng strawberry kaya naman parang aratiris sa laki ang mga strawberry na nabili ko at 600 per kilo.

Nag mag alas-sais ng gabi ay nagpasya na akong umuwi. Sa pagkakataong ito ay kasama ko na ang dalawang kaibigan sa byahe. Hindi na kasing lungkot ng papunta ang naging karanasan ko, pero hindi parin maalis ang pagkamiss ko sa kanya.

Pag-uwi sa bahay ay agad kong inabot sa aking asawa ang aking mga pasalubong isang garapon ng Good Shepherd’s Ube jam at isang kilong brocolli. Pero hindi niya ito pinansin. Nakita ko sa mata niya ang pagkamiss sa akin. Halos hatakin na raw niya ang oras sa pagdating ko. Hindi niya mapigilan na sabihin sa akin ang mga katagang

“Wag ka na ulit babalik sa Baguio ng mag-isa ha..”

Para maibsan ang lungkot ng aking asawa ay minabuti kong ipagluto siya kinabukasan. Temang pang Baguio ang naging recipe ko ang Beef Session Road Brocolli at Good Shepherd’s Turon ang sumupresa sa kanya.















Nang matikman ang mga ito ay hindi niya mapigilan na sabihin sa akin ang mga katagang:

“Kelan ba balik mo sa Baguio?”

Aug 4, 2009

A Love Poem


Personal kong idolo si Cory. Kahit na pitong taon pa lamang ako noong naganap ang EDSA revolution ay narehistro sa isip ko mula noon ang larawan ng isang simpleng maybahay, na matapos mawalan ng asawa ay matapang na inalay ang sarili para sa kalayaan. Nang mapanood ako ng necrological sevice na itinanghal kahapon para sa kanya. Mas lalong tumaas ang respeto at paghanga ko sa itinuring kong idolo sa pamamahala at katatagan.
Ngayon ay pinili kong magsuot ng kulay dilaw. Ito ang paraan ko ng pakiki-isa sa buong bayan sa pag diriwang sa buhay ni Cory. Ang dilaw na naging simbolo ng laban niya noon, ay naging simbolo para sa akin ng wagas na pagmamahal. Sa pamilya, sa tao, sa bayan at sa Diyos.

Salamat President Cory!


A Love Poem by Ninoy Aquino


I have fallen in love
with the same woman three times;
In a day spanning 19 years
of tearful joys and joyful tears.

I loved her first when she was young,
enchanting and vibrant, eternally new.
She was brilliant, fragrant,
and cool as the morning dew.

I fell in love with her the second time;
when first she bore her child and mine
always by my side, the source of my strength,
helping to turn the tide.

But there were candles to burn
the world was my concern;
while our home was her domain.
and the people were mine
while the children were hers to maintain;

So it was in those eighteen years and a day.
’till I was detained; forced in prison to stay.
Suddenly she’s our sole support;
source of comfort,our wellspring of Hope.
on her shoulders felt the burden of Life.

I fell in love again,with the same woman the third time.
Looming from the battle,her courage will never fade
Amidst the hardships she has remained,
undaunted and unafraid.she is calm and composed,
she is God’s lovely maid.

Jul 24, 2009

Kablag! (A Very Tragic Story)




Simula noong isang linggo ay halos araw-araw na akong ginagabi sa trabaho. Pinaka-maaga na ang alas-nwebeng uwi. Noong Biyernes pa nga ay halos alas-dos ng madaling araw na ako naka-uwi. Ang hirap talaga sa tuwing mag kakaroon ng matinding problema, wala daw dapat masayang na panahon. Madalas nga ay daig ko pa ang doktor dahil 24/7 ay on-call.

Noong Miyerkules ay hindi na masyadong malaki ang pressure sa trabaho. Kaya, excited akong makauwi ng maaga para naman makabawi sa ilang araw na nasagad ako sa trabaho. Alas-kwatro pa lang ng hapon ay gusto ko na mag impake pauwi, kahit na ala-singko pa ang uwian. Nang tumunog ang chime na hudyat na uwiaan na ay halos maiyak ako sa galak.

Sinimulan kong baybayin ang daan pauwi sa aking tinutuluyang bahay. Magkahalong pananabik sa plato at kama ang nararamdaman ko. Sa daan pa lang ay iniisip ko na ang gusto kong kainin bago matulog. Dalawang kilometro bago sa aking tinutuluyan ay napansin ko ang isang mama na nakasakay sa bisikleta na mukhang hindi diretso ang takbo at pagewang-gewang na pumipedal. Dahil dito ay agad akong nag menor at binusinahan ang lalaki. Nang napansin ko na diretso na ang takbo niya ay agad akong nag overtake sa kanya.

Kablag!!!

Isang kalabog ang sumunod kong narinig. Tumingin ako sa side mirror ng aking kotse, ngunit wala akong napansin. Ilang metro lang ang tinakbo ko ay napansin ko agad ang mga taong kumakaway. Dahil dito ay agad akong huminto. Tumingin sa likuran at bumungad sa akin ang isang lalaki na nakahandusay sa daan kasama ng kanyang bisikleta. Biglang nag-init ang aking mukha, kasabay ng sunod-sunod na kalabog ng aking dibdib.

“Nakabangga ako?”

Maingat akong bumaba sa aking kotse. Magkahalong kaba, takot at awa ang bumalot sa akin. Kaba na hindi ko maipaliwanag. Takot sa mga taong nakapalibot sa nakahandusay na lalaki, at awa sa hitsura ng lalaki na hindi gumagalaw sa kanyang pagkakabagsak.

“Patay na yata.”
“Nabaggga mo!”


“Hi-hindi ko po alam. Nakalampas na ko sa kanya.”

Nilapitan ko ang lalaking hindi parin gumagalaw. Tumingin ako sa paligid. Maraming miron tulad ng kadalasang eksena sa teleserye. Ang kulang na lang ay ang isang kamag-anak na lalapit, hahagulgol sa iyak. Unti-unting I-aangat ang ulo. Haharap sa mga nanonood at sisigaw ng:

“PAGBABAYARAN NYO LAHAT ITO!!!!!!”

Hindi ako mapakali. Hindi ko malaman kung bubuhatin ko ba ng lalaki o tititigan ko lang siya. Naisip ko nga na I-mouth to mouth siya, pero hindi ako handa. Tumingin ako sa mga miron at nagbaka-sakali na may willing. Pero sabay-sabay silang tumalikod lahat at nag busy-busihan.

Ilang minuto pa ay dumating ang mga baranggay. At ang mga pulis.

“Sino ang nakabangga?”

"Hindi ko po siya nabagga. Nakalampas na ko sa kanya ng marinig ko ang kalabog."

"Lisensya mo?"
"Dalin na sa ospital yan!"
"Sumama ka muna sa amin sa baranggay."


"Sandali po manong. May mga naka-witness po. Hindi ko po talaga nabangga."

"Totoo ba sinasabi niya? Sino ang nakakita."

Sabay-sabay na namang tumalikod ang mga miron.
Nangingilid na ang luha ko ng isang ale ang sumigaw.

"Ako po!, nakita ko ang lahat. Wala po siyang kasalanan. Yung mama po ang kusang natumba! "

"Ano po ang pangalan nyo."

"Dory po, Dory Dumaguete."

Gusto kong yakapin si Aling Dory nang marinig ko ang pagtatanggol niya sa akin.
Tumuloy parin kami sa baranggay kasama ang mga pulis. Pagkatapos ng ilang tanungan ay nagpasya ang pulis na pumunta sa ospital na pinagdalhan sa na aksidente, para dito kunan ng pahayag. Kabado ako ng papasok sa emergency room. Natatakot akong makita na wala pa ring malay o wala nang buhay ang lalaki.

Pag pasok sa loob ay nadatnan namin ang lalaki na nakaupo sa higaan. May malay na, may gasgas sa mukha at sugat sa noo.

"Brod, mga pulis kami. Ano ba ang nag yari?"
“Boss, okay na ko..hik!, nahulog ako..hik!”
"Lasing ka ba?"
“Naka inon lang..hik..konti lang naman…hik!”
“E lasing ka pala e..hindi ka nabangga?”
“Hindi! Hik..semplang lang boss…hehehe”

Gusto kong tuluyan ang lalaki ng marinig ko ang lahat. Bwiset na yun. Nag yelo ang buo ko katawan sa lamig habang pinagpapawisan mula kanina. Tapos, isang lasing lang pala na sumemplang ang lahat at ang malagim na trahedya.

Moral of the story:
“Don’t drink and drive, while riding the bicycle. When you fall, don’t sleep. Others might think you’re dead.”

Jun 30, 2009

Wala Nang Hahanapin Pa


Naniniwala ako na sa lahat ng salitang mababasa sa webster dictionary ang babae ang pinaka mahirap ispelengin. Nagsasalita ako base sa aking obserbasyon at hindi sa impluwensiya ng napakaraming lalaking tulad ko na minsan na ring nagreklamo. Noong mga panahong natututo pa lang akong manligaw ng babae ay napansin ko na agad ang kakaibang karakter na taglay nila. Hindi ko ito lubusang maunawaan. May likas na masungit, likas na madaldal, likas na banidosa, likas na malambing, at likas na malaki ang hinaharap..na umasenso at umangat sa buhay.

Iba ang asawa ko. Marami ang sang ayon sa akin na mga kakilala at kaibigan niya. Likas na mabait siya. Simpleng babae, walang masyadong luho, tahimik at mapagmahal. Kung iisa-isahin ko nga ang magagandang ugali na taglay niya ay malamang na maging 10 part series ang kwento sa blog ko. Pero ang hindi alam ng marami ay may ugali rin ang asawa ko na mahirap unawain at abutin ng karaniwang isipan.

Mahirap hulihin ang gusto ng asawa ko. Kahit sa ang pinaka simpleng bagay tulad ng pagkain na gusto niyang kainin, lugar na gusto niyang puntahan o sa bagay na gusto niyang gawin wala kahit anong clue ang makukuha mo sa kanya. Tuwing tatanungin ko siya ay laging “kahit ano” ang isasagot sa akin. At sa oras naman na ako na ang nagdesisyon ay tatahimik lamang. Hindi ko tuloy malaman kung nagustuhan ba niya ang ginagawa ko para sa kanya o hindi na lang siya makapag reklamo.

Nagtatrabaho ako sa isang kumpanya na piso tumpok ang dami ng babae. 7 is to 1 nga daw ang ratio ng babae sa lalaki dito. Kaya kahit na pito ang syota mo ay okay lang, may nakalaan parin para sa iba. Pitong taon narin ako dito, pero kahit minsan ay wala kahit isang Eva ang nagtagumpay na matukso ako. Pero kahit na maganda ang track record ko, ay hindi pa rin nagsasawa ang asawa ko na magtanong sa akin, kung wala ba talaga akong ibang nagugustuhan sa trabaho. Naiinis na tuloy ako, ano ba ang akala niya sa akin marupok at madaling mapa-amin?

Mayroon siyang estilong kanya lamang
Ang kanyang pagkababae ang dinadahilan
Pagsubok sa pag-ibig walang katapusan
‘Di naman daw nagdududa, naniniguro lang

Nakasanayan na tuwing biyernes pagkatapos ng opisina ang magka-ayaan gumimik kasama ang mga katrabaho. Nakasanayan ko rin naman na magpaalam muna sa kanya bago ako sumama. Ayaw ko kasing pag awayan namin ang mga ganitong bagay. Umaga pa lang ay itetext o tatawagan ko na siya para ipaalam ang plano ko pagkatapos ng opisina. Mabilis naman siyang papayag. Sa oras na nasa gimikan na ako, every 5 minutes ay tumutunog ang celpon ko. Lahat kasi ng pwedeng itext ay itetext niya para kunin ang atensyon ko. “Kumain ka na?”, “Hiwalay na pala si Hayden Koh at Vicky Belo”, Tumaas na naman pala ang presyo ng gasolina”. “Kinasal na pala si Ryan at Juday”, “Uuwi ka na ba?”, “Umiinom ka ba?” at kung ano-ano pa. Bawal na hindi ako mag reply sa bawat text niya. Kapag hindi ako nag reply ay hindi na niya ako kakausapin buong magdamag. “Siguro, nag eenjoy ka sa kandungan ng iba kaya hindi ka maka reply!!!!”

‘Di raw nagseselos ngunit nagbibilang
Nang oras ‘pag ako'y ginagabi
At biglang maamo ‘pag may kailangan
‘Pag nakuha na ikaw ay itatabi


‘Di magpapatalo ‘pag mayroong alitan
‘Di aamin ng mali, magbabagong-isip lang


Ngayong buntis na ang asawa ko, katakot-takot na paalala ang narinig ko mula sa mga kaibigan.

“Dapat 'wag mo papagalitin yan”
“Dapat 'wag siya malulungkot”
“Ibibigay mo lahat ng gusto niya”
“Pagpapasensyahan mo lang.”


Hindi naman mahirap para sa akin na gawin ang lahat ng ito. Ngayon pa nga lang ay napapansin ko na ang mga pagbabago sa asawa ko. Naging masungit siya at madaling mainis sa tuwing nagtatanong ako kung may masakit sa kanya, kada dalawang segundo. Ang kulit ko raw. Ang paghahanap niya sa mga bagay o pagkain na wala sa bahay, at kapag naman binili ko na ay ayaw nang kainin. Ang mas madalas niyang paglalambing sa akin at ang lalong dumalas pa na pagtatampo sa tuwing hindi ako sang-ayon sa gusto niya.

Ito ang katotohanan sa aming buhay bilang mag-asawa. Maraming bagay at ugali pa rin ang hindi namin maintindihan sa bawat isa. Pero ang mga bagay na ito ang mahahalagang sangkap na bumubuo sa aming dalawa. Bawat araw na dumadaan ay simpleng buhay na puno ng saya at pagmamahal.Ang bawat ugali, kilos, tingin at galaw niya ang dahilan ng paghanga at pagmamahal ko sa kanya. Ang pinaka importante sa lahat, ang buhay at pagkatao niya ang siyang bumubuo sa buhay at pagkatao ko.

Ewan ko ba ngunit kahit ganyan siya,
Minamahal ko siya, wala nang hahanapin pa
Kahit ano'ng sabihin ng iba, sinasamba ko siya,
Minamahal ko pa, walang kaduda-duda,
Wala nang hahanapin pa

Wala Ng Hahanapin Pa by Apo Hiking Society

Jun 16, 2009

Eto Ang Simula



Halos kalahating taon na ang nakaraan ng huli akong bumisita sa blog ko. Marami ang nagtanong, nag-alala, nakibalita at nawala sarili dahil sa hindi ko paglathala ng kahit anong kwento sa nakalipas na anim na buwan. Ang lumipas na anim na buwan ang mga panahon na muli kong hinanap ang aking sarili. Nararapat ba ako sa buhay na ginagalawan ko ngayon? O may iba akong direksyon na dapat patunguhan? Alam ko at ng nanay ko na pag-aartista talagang nararapat na karera para sa'kin. Sa porma at tindig ko ay malamang na mas sisikat pa ako kay Hayden Koh. Pero hindi ako sanay sa kasikatan. Nasisilaw ako at nalulunod sa tuwing iisipin na magiging laman ako ng bawat DVD sa Quiapo. Kaya naman sa tingin ko, tama lang na naging engineer lang ako. Isang tahimik na buhay na malayo sa intriga.

Matagal ko ring inisip kung masaya ba ako sa buhay ko mula ng mag-asawa? O marami na akong pagkukulang na hindi nagagampanan sa aking sobrang bait na asawa. Binawasan ko ang mga date at ang mga dating romantikong tagpo sa aming buhay, at napalitan ito ng isang payak na pagsasama. Naging sentro ng aming relasyon ang pagiging magkaibigan. Naging kuntento kami na mag kausap sa lahat ng panahon. Sa kama, habang kaharap ang laptop at sa sala. (syet, pamilyar ang mga eksena). Pero naging matatag ang aming relasyon at lubos namin nakilala ang bawat isa sa hirap at ginhawa.

Ang huli at ang pinaka sensitibong bagay na gumugulo sa isip ko ay ang hindi namin pagkakaroon ng anak. Sensitibo ako sa bagay na ito. Halos ayaw ko ngang pag usapan at ikwento sa aking blog ang tema tungkol dito. Tuwing may mga kapamilya, kaibigan at mga dating kakilala na nagtatanong sa akin kung bakit wala pa kaming anak. Hindi ako sumasagot at nagpapanggap na hindi narinig ang tanong at mabilis na iibihin ang usapan.

Kung kagustuhan na mabiyayaan ng anak lang naman ang pag-uusapan, ay masasabi kong hindi kami nagkulang mag-asawa. Dalawa at kalahating taon na kaming kasal, pero bago pa man kami magpakasal ay nag simula na kaming paghandaan ang pag kakaroon ng anak. Laht ng bagay ay sinubok na namin. Mula sa mga siyantipikong paliwanag, haka-haka, alamat at mga kwento ng kapitbahay. Lahat iyan ay ginawa namin sa ngalan ng pag bubuntis.

1. Isang OB Gyne kada taon.
Isang taon lang ang ultimatum na binibigay namin sa mga eksperto para patunayan ang kanilang galing. Kung 1 year ka nang OB ng asawa ko at hindi parin kami nag kaka-anak, hahanap kami ng kapalit. Kaya naman sa loob ng dalawang taon, dalawang OB Gyne na rin ang dinaanan naming mag-asawa. lahat naman sila ay magaling, likas lang talaga sa akin ang mainipin.

2. Kakasa ka ba?
Noong unang buwan namin sa unang doctor ng asawa ko, wala siyang makitang diprensya sa aking asawa. Dahil sa tamang duda at tamang hinala na siya noon ,ay ako ang napag diskitahan niya. "Iyan bang asawa mo ay na test na?" Sabay tingin sa akin na parang gusto na siya na ang kumuha ng sample sa akin. Noong una ay ayaw kong pumayag. Ano na lang ang mangyayari sa buhay ko kung mapatunayan sa test na wala akong kakayahan na magparami. Pero wala rin ako nagawa. Sa isang maliit na kwarto na may DVD player at babasahing magazine ako dinala. Para kong tinorture at pinilit maglabas ng ebidensya..whew!.

3. May bukas pa...Magpahilot sa sikat na manghihilot sa liblib na bayan ng Zambales.
Isang tawag sa telepono ang natanggap ko sa aking kapatid. Excited na excited niyang binalita na may nakilala siyang manghihilot sa liblib na pook ng Zambales na isang wonder lola daw. Kung gumamot daw ito ay taob ang style ni Santino. At kahit anong karamdaman ay kayang gamutin ni lalo. At ang kanyang espesyalti ay manghilot sa mga babaeng ayaw mag buntis. Walong oras ang byahe papunta sa liblib na lugar na iyon. Hapo at pagod na kami ng marating ang bahay ni Lola Santina. Hindi kami nahirapan hanapin ang bahay niya dahil kilala siya ng buong baryo. Halos tatlong oras silang nag kulong sa kwarto ng aking asawa. Nang lumabas ang matanda ay nakangiti at nagmamagaling na binida sa akin na.."Shinurebol ko!!!" Sigurado, mamaya buntis na ang misis mo!!!" Walang palya..!!!" Ikaw gusto mong i-shurbol din kita???" "Ah e, wag na po lola..okay na ko.." Sabay abot ng bayad.

4. Sayaw sa Obando
Sino ba naman ang hindi nakaka alam ng himalang dala ni Sta Clara sa Obando. Naging dance floor na ang simbahan ng Obando para sa mga mag-asawang hindi magka-anak. Ilang linggo rin kaming pabalik-balik sa simbahang ito para hilingin ang biyaya ng anak. At noong sumapit ang kapistahan ng Obando na pinaka hihintay namin, ay hindi kami nakapunta. Promise, hindi na namin mamimiss ang fiesta sa Obando next year. Chyng, next time text mo kami ng mas maaga..hehehe

5. Panalangin at Tiwala

Naniniwala ako na dasal ang pinakamabisang paraan upang ipagkaloob ng Diyos ang biyayang hinihiling mo. Maaring hindi niya ito binibigay sayo sa paraan na gusto mo, pero ibibigay niya sayo ito sa paraan na kailangan mo. Mula noon, hanggang ngayon ay ito ang paraan na pinaghahawakan naming mag-asawa. Alam namin na sa tamang oras, tamang panahon at pag kakataon ay ipagkakaloob niya sa amin ang aming hiling.


June 14, 2009. Alas singko y medya ng umaga. Pupungas-pungas akong nagising ng maramdaman kong tumayo sa kama ang asawa ko. "San ka punta?" "CR lang." "Mag pregnancy test ka ulit?" Tumango lamang siya. Hindi ako mapakali. Parang nag-iinit ang buo kong katawan at bahagyang nanginginig.


Dalawang taon at anim na buwan na kaming kasal noong araw na iyon, at hindi ko na mabilang kung ilang pregnancy kit na ang nabili namin. Bawat test na gagawin niya ay lumalabas siya sa CR na umiiyak. Na-aawa ako sa asawa ko, na-aawa rin ako sa sarili ko, pero alam ko na may plano ang Diyos para sa amin.


Tatlong minuto, ang pinaka matagal na tatlong minuto sa buhay ko...

Isang malaking ngiti ang sumalubong sa akin..Isang malaking ngiti at dalawang guhit...

"Bi, dalawang guhit!!!! Positive ako!!!

"Huh, patingin...oo nga..baka drinowing mo lang yung lines?


5 weeks pregnant na ang asawa ko. Nag uumapaw na saya at nag uumapaw na biyaya...

Eto na ang simula...Dalangin namin ngayon ang kalusugan ng aking asawa at ng aming magiging anak...

Salamat sa lahat ng naki-isa sa aming manalangin para sa biyayang ito..


Napakaswerte nating lahat..walong buwan mula ngayon ay madadagdagan na naman ng pogi sa mundo...

Jan 14, 2009

Paalam General


Matagal akong nawala dahil naging abala ako ng ilang buwan. Abala sa trabaho, sa nakaraang bakasyon at sa sarili. Bawat oras na dumaraan ay masusi kong binabalanse, upang masiguro na magiging makabuluhan ang bawat araw ko. Dahil dito ay naging huli sa prioridad ko ang pagbisita sa aking mundo.
Dahil matagal akong hindi nakabisita dito ay naramdaman ko tuloy na para na akong isang estranghero sa aking sariling mundo. Walang kahit anong kwento ang kayang iguhit ng isip ko. Kahit mga kwento ng kapitbahay o ang mga kwento ni Edgar na barbero sa kanto namin ay hindi ko kayang i-share sa inyo.
Pag pasok sana ng buwan ng Enero ay isang pasabog na kwento ang gagawin ko. Syempre, kahapon ang 2nd aniversary naming mag-asawa. Isang masaya, nakakakilig at makalaglag brief na aniversary special na siguradong mag papain-love sa sino mang makakabasa. Hanggang isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap.
Lumaki akong hindi naranasan na magkaroon ng isang pinsan na maituturing kong kaibigan. Karamihan kasi sa kanila ay malayo sa amin, at hindi nagkaroon ng maraming pagkakataon na makasama. Hanggang sa makilala ko si Vj. Hindi ko kadugo si Vj, pinsang buo siya ni Grace kaya ako ay hawa lang. Nag-iisang anak siya ng tiyahin ni Grace na itinuring na niyang pangalawang ina. Ito kasi ang kumupkop sa kaniya noong maliit pa siya. Hindi kasi sila agad nabiyayaan ng ana kung kaya naman, naging anak-anakan nila ang asawa ko. Kwento niya sa akin, halos limang taon silang humiling ng biyayang anak. Ginawa rin nila ang ilang paraan para matupad ang hiling. Ang pagbisita sa lahat ng simbahan, mataimtin na dalangin, pagsayaw sa obando ay ilan lang sa mga ito.Hindi nagtagal ay sumagot din ang langit. Isang batang lalaki ang kanyang isinilang noong 1988, si Vj.
Hindi tulad ng karaniwang bata, mabagal ang development ni Vj. Sa edad na dalawampu ay parang pito o siyam na taong gulang lamang siya magsalita at mag-isip.Isang special child si Vj. Ganun pa man, pinilit ng kanyang mga magulang na palakihin siya ng normal. Makihalubilo sa mga normal na bata, at maranasan ang karaniwang buhay.
Noong simula ay pinag-aral siya sa isang school for special child sa Quezon City. Araw-araw ay matiyagang iniluluwas ng kanyang ina si Vj mula sa Bulacan. Ilang taon din na nag-aral si Vj sa eskwelahang ito, at ng siya at tumuntong ng Grade 3 ay nagpasya ang kanyang mga magulang na ipasok siya sa normal na eskwelahan. Dito mas naging mabigat ang atensyon na kailangang ibigay ng isang ina kay Vj. Seaman ang asawa niya, kaya naman halos mag-isa niyang inalagaan ang anak habang ang asawa niya ang matiyagang sumuporta sa mga pangangailangan nila.
Labing walong taong gulang si Vj ng matapos niya ang High School. Nakita ko ang kakaibang ligaya ng kanyang ina ng araw na iyon. Lahat ng pagod, pagtityaga, at sakripisyong bunga ng walang kapantay na pagmamahal ay naganap na.
Dahil sa napakaraming dahilan ay nagpasya silang mag-asawa na hindi na patuntungin ng kolehiyo si Vj.Pinundar nila ang kabuhayan na kakailanganin ng anak at tinuruan itong patakbuhin ng mag-isa. Kinaya ni Vj ang lahat ng obligasyon at matiyaga niya itong ginagawa at sinusunod ang bawat bilin ng magulang.
Una kong nakilala si Vj ng naging girlfriend ko si Grace. Nang una niya akong makita ay ayaw niya sa akin para sa ate Grace niya. Madalas niyang sabihin na galit siya sa akin sa tuwing magkikita kami. Naiintindihan ko ang kanyang kalagayan, kaya nag tiyaga akong kunin ang loob niya. Hindi nagtagal ay naging malapit kaming magkaibigan. Lahat ng mga kaligayahan at frustrations niya ay matiyaga niyang kinukwento sa akin ng paulit-ulit. Ilan sa mga ito ang mga natitipuhan niyang babae, ang mga nakakatawang taong nakikita niya, at ang pinaka madalas ay ang pangarap niyang maging isang sundalo. sundalo ang tingin niya sa sarili niya at isa siyang heneral ng sandatahang lakas..Sa tuwing naaalala ko ang mga kwento ni Vj ay hindi maiwasang napapangiti ako. Halo kasi sa kanyang mga kwento ang katotohanan at ang mga bagay na likha lamang ng kanyang isip at imahinasyon.
Nanng huli kaming mag-usap ay kinukwento niya sa akin ang isang babae na nagpatibok ng puso niya. Nakita daw niya ito na may kasamang lalaki at nalaman niya na magkasintahan na sila. Labis daw siyang nasasaktan. Kaya naman sarado na ang kanyang puso para umibig pang muli. Alam din daw niya kung ano ang dahilan ng pag-iwan sa kanya ng dalaga. Ito ay dahil isa daw siyang sundalo at ayaw ng babae ang asawang sundalo dahil madali silang mabubyuda.
Hindi kailang makulit si Vj at ilang beses narin akong nakulitan sa kanya. Pero sa tuwing dadalaw naman ako sa kanila at wala siya ay hinahanap-hanap ko naman ang pangungulit niya. Lagi siyang nakikita na nakamotor suot ang kumpletong damit ng isang sundalo (comuoflage) mula ulo hanggang paa. o Kung hindi nga siya magsasalita ay mapagkakamalan mo siyang isang tunay na sundalo. Ako si General Vincent James Defensor, yan ang madalas niyang pakilala sa mga nakakausap niya..
Noong martes ay nagkasakit si Vj. Nataranta ang kanyang ina at mabilis siyang sinugod sa ospital. Makalipas ang ilang araw ay nadiagnose na may dengue siya. Kinailangan siyang salinan ng maraming dugo. Dagsa ang tulong na dumating mula sa mga kapamilya, kaibigan, kapitbahay at ilang kakilala. Lahat sila ay handang magbigay ng dugo para kay Vj.
Sabado ng umaga ng muli kong makita si Vj sa hindi magandang sitwasyon. Hinahabol niya ang kanyang hininga kahit na meron nakalagay na oxygen sa kanyang ilong. Pero ng mga oras na iyon ay masaya parin siya. Sumasagot parin siya sa lahat ng tanong at marami parin siyang tanong sa bawat isa sa amin. Minsan pa niyang tinanong ang nurse kung mineral water ang tubig na bumubula sa oxygen niya at lahat naman kami ay nagtawanan. Ilang beses din niyang pinaramdam ang paglalambing sa aming lahat. Pinili niyang ako ang magbihis sa kanya. Ito marahil ang paraan niya ng paglalambing..
Bagamat naaawa ako sa kalagayan niya ay hindi ko ito pinahalata. Gusto kong isipin parin niya na matapang siya at walang matapang na sundalong sumusuko sa laban.
Alas-tres ng hapon ang plano namin ni Grace upang umuwi ng bahay. Pero parang may mabigat sa paa ko na pumipigil sa akin na iwan si Vj
at ang kanyang ina. Matapos mabihisan ni Vj ay humiga siya. Hinanap niya ang kanyang ina at nagulat kaming lahat sa kanyang sinabi.
"Ma, gusto ko ng matulog. Gusto ko ng magpahinga ng mahimbing."
Labing limang minuto pagkatapos nito ay ibang Vj na ang nakita ko. Bigla siyang nahirapan huminga, dali-daling tinawag ang mga duktor at lahat sila ay nataranta. Halos wala ng hangin na makuha si Vj. Ang mga mata niya ay magka-iba na and direksyon. Ilang sandali pa ay bumagsak ang kanyang blood. Kinailangan siyang i-revive ng mga duktor at nagawa naman nila ito dahil narin sa tatag ng loob ni Vj. Pero sa pagkakataong ito ay hindi na siya makausap.
Inutos ng mga duktor na ilagay siya sa ICU para doon obserbahan ang kalagayan niya. Naging mahirap para sa kanyang ina na makita ang anak sa ganung sitwasyon. Hindi rin niya nakayanan ang sakit na mararamdaman at bumigay ang kanyang katawan. Kinailangan namin siyang dalhin sa emergency room para doon magrecover.
Nang mahimasmasan ay ako ang kasama niya. Ang dami niyang sinasabi tungkol sa mga nararamdaman niya. Bumilib ako sa tapang at pagmamahal niya kay Vj. Sinabi niya sa akin na handa siya, bagamat masakit na harapin ang katotohanan. Handa siyang ialay sa Diyos ang kaisa-isang anak na naging dahilan upang mabuhay silang masaya ng kanyang asawa.
Nang muling puntahan namin si Vj ay hindi na namin siya nakakausap. Nagsasalita kami pero hindi na siya sumasagot. Sandali siyang kinausap ng kanyang ina. Masayang nitong kinausap si Vj, kahit halatang mabigat ang kanyang dibdib at nagbabadyang umagos ang luha. Pinalakas niya ang loob ni Vj. Pinaramdam ang pagmamahal na tanging ang ina lang ang may kayang magbigay. Bagamat hindi makapagsalita ay naramdaman niniya ang higpit ng hawak mula kay Vj. Kontento na siya sa reaksyong ito ng anak. Para sa kanya ay senyales ito na narinig at naintindihan ni Vj ang mga sinabi niya.
Masaya siyang lumabas ng ICU bagamat iniisip parin ang maaring mangyari sa anak. Nakakain na siya at walang nagsimulang magkwento tungkol sa masayang ala-ala sa kanyang anak. Mula sa pangungulit nito sa kanya, ang mga plano niya sa darating na kaarawan nito, at ang bakasyon sa ibang bansa na matagal na nitong hiling.
Alas-tres ng madaling araw ay isang katok mula sa nurse ng ospital ang aming narinig. Kailangan daw ng isang kapamilya na puntahan si Vj sa ICU. Lahat kami ay nagmadaling bumaba. Parang may kakaibang pakiramdam na nagpapabigat sa aming dibdib. Pagbaba sa ICU ay hindi na kinailangan opisyal na sabihin ng duktor ang lagay ni Vj.
Naabunatan namin ang isang pinsan ni Vj na umiiyak at ito na ang nag hudyat sa amin na wala na si Vj.
Parang isang mabilis na pelikula ang nag flash sa utak ko. Hindi ko maintindihan ang bawat nangyayari. Hanggang sa marinig ko ang malakas na pagtangis ng ina ni Vj. Niyakap ko siya, ramdam ko ang paninigas ng buo niyang katawan. Bagamat tumatangis ay pasasalamat ang namutawi sa kanyang bibig. Nagpasalamat siya sa Diyos sa pagpapahiram nito sa Kanya ng isang anak. Isang anak na naging inspirasyon nilang mag-asawa. Isang anak na nagturo sa kanila ng halaga ng buhay at isang anak na bagamat hindi naging normal ay nagparamdam sa kanila ng walang kapantay na pagmamahal.
Nang muli kong makita si Vj ay wala na siyang buhay. Sumaludo ako sa kanya. Saludo ng paghanga.
Paghanga sa tapang na lumaban upang piliting mabuhay. Paghanga sa natatanging pagmamahal na ipinadama niya sa kanyang magulang at sa aming lahat. Paghanga sa lahat ng inspirasyon at kwentong ibinabahagi niya sa amin.
Kahapon ay ika-dalawang taong anibersaryo naming mag-asawa. Mayroon sana kaming plano para sa dalawang taon ng masayang
pagsasama. Pero hindi na namin ito itinuloy. Isang simpleng tanghalian lamang ang aming ginawa at tumuloy na agad sa burol ni Vj. Malaking bahagi si Vj at ang kanyang ina sa pagsasama namin ni Grace. Kaya naman, gusto namin ibahagi sa kanila ang dalawang taon ng aming pagsasama. Higit sa lahat, ngayon ang araw na kailangan nila ang aming pagmamahal.
Paalam Vj.
Mamimiss kita...
Salamat sa masasayang ala-ala..
Salamat at naging bahagi ka ng buhay ko at ng buhay naming mag-asawa...
Umaasa akong ang lagi mong hinihiling para sa amin ni Ate Grace ay magkatotoo na..
Paalam Sir!

Dec 8, 2008

Wish kay Santa 2

Dear Santa,
Kamusta ka na.

Sana ay nasa mabuti kang kalagayan. Natatandaan mo pa ba ako? O sinadya mong kalimutan na pati ang mga wishes ko last year. Para lang malinaw sa ating lahat, nooong isang taon ay sumulat din ako sayo at gusto ko munang reviewin ang mga hiniling ko sayo noon at kung alinang tinupad mo at dineadma ng bongang-bonga.


Noong isang taon ay humiling ako sayo ng Canon EOS 40D Digital SLR. Pero wala akong natanggap na camera noong pasko. Malungkot na sana ang pasko ko, mabuti na lang at naisipan ng asawa ko na ibili ako ng PSP kaya nakalimutan ko ang hilig ko sa photography at nagpaka-adik sa pag pindot sa psp. Pero okay lang, may maganda namang naidulot sa akin ang PSP. Mas lumaki kasi ang muscles ng hinlalaki ko sa kamay. Nang huling sinukat ko ay magkasing laki na sila ng hinlalaki ko sa paa. Yun lang, hirap na akong mag text ngayon dahil dalawang button lagi ng keypad ang sakop ng hinlalaki ko.

Pangalawa, dalawang round trip ticket sa Greece plus pocket money. Hmmm, alam kong bumaba ang palitan ng dolyar ngayon. Kaya naiintindihan ko na hindi mo ito naibigay sa akin. Mabuti na lang at nakumbinse ako ng asawa ko na magbenta ng kidney, kaya kahit sa Hongkong Disneyland ay nakarating kami. Masaya ang naging experience namin sa HK Santa. Nag papicture ako kay Mickey Mouse, Winnie the Pooh, Gooffy at Pluto. Nakita ko rin ang crush ko na si Cinderella at nakipag harutan sa mga dwarfs ni Snow white. Kinumbinse ko na rin sila naitext ang mga kamag-anak nilang elves na nag tatrabaho sa pabrika mo na mag aklas na! Hanggang ngayonay kasi ay wala pa silang natatanggap na benipisyo mula pabrika mo tulad ng SSS, Philhealth at 13th month pay. Ito ang naisip kong paraan ko para makabawi sayo.

Makibaka, wag matakot! Pabagsakin ang namumuhunang negosyante!!!Santa, tuta ng kano!!!

Pangatlo ang Transformer (Optimus Prime). Laos na ang transformer Santa... Alam mo ba yun? Dyesabel at Dyosa na ang uso ngayon. Pwede mo ba sila ibigay sakin?.. ngayong pasko lang, babalik ko rin sila after Chrismas eve. (kilig)

At ang panghululi ang world peace. Mabuti naman at walang malawakang giyera na naganap ngayong taon. Maliban sa ilang pasabog sa mga bansang Iraq, Lebanon, Jordan at Pilipinas. Pero hindi parin nararamdaman ng sanlibutan ang world peace na hiniling ko. Marami pa ring diskriminasyon, gutom, inagawan ng lupa, nakakalasong pagkain, at ang garapalang pagnanakaw ng mga talamak na pinuno ng gobyerno..

Eniweys, salamat narin Santa. Dahil kahit na hindi mo man binigay ang mga hiling ko noong nakaraang pasko ay naging masaya naman ang buong taon ko. Sa darating na pasko ay isa lang ang hiling ko. Pero tingin ko hindi ikaw ang makakapagbigay sa akin noon. Pero huwag kang mag-alala ibubulong ko na lang sayo mamaya bago matulog...

Truly yours,

Lloyd (Good boy buong taon)