Mar 7, 2011

Adobo Systems Inc.


May mga bagay na sadyang mahirap bitiwan...

Muli akong nagbabalik sa kabilang panig ng mundo..




Feb 21, 2011

Asi

Pssssssst....

May bago akong niluluto....

Ihahain na!

3-7-11

Oct 12, 2010

Bakit Bilog Ang Mundo? (Ang Huling Kwento Ko!)

Paalam ang pinaka malungkot na salitang alam ko. Sa tatlumpung taon ko dito sa mundo, maraming karanasan ng paalam na ang dumaan. Pero sa kabila ng lungkot dahil sa paglisan sa isang bagay o taong mahal ko, eto at patuloy parin ang pag-agos ng buhay. Sa bawat pamamaalam ay laging may panibagong sibol na magdudulot ng panibagong lakas at inspirasyon. Naniniwala ako na ang paalam ay hindi wakas, ito ay simula ng panibagong kabanta at hamon sa buhay.

August 8, 2007 (8/8/7) ng sinilang ang mundo ng blog na ito. Nabuo ang konsepto nito mula sa inspirasyon ng aking WALONG (8) pangarap. Isang simpleng larawan sa mga bagay na nais kong makamit sa buhay ko. Ang bawat larawan ang naging inspirasyon ko, upang hamunin ang sarili na walang imposible sa buhay. At ang blog na ito ang nagsilbing talaan ko ng bawat kaganapan sa mga pangarap na ito.
ONE(1). Like No Other – My 2nd Digital Camera
Mababaw na pangarap, pero noon ay isang malaking hamon sa akin ito. Tuwing magdedesisyon kasi ako na bumili ng isang bagay, lagi kong iniisip ang halaga nito na naayon sa pangangailangan ko. Kuripot ako pagdating sa sarili ko, ang lagi kong iniisip ay kung ano ang magiging kabuluhan ng bawat binibili ko sa mga taong mahal ko. Naging masaya ako ng mabili ko ang aking camera..pero hindi nagtagal ang ligayang dulot nito. Sa huli ay ang mga nasa larawan na kuha ng camerang ito ang mas pinapahalagahan ko.


TWO(2). Hongkong 3D2N.
Bago kami ikasal nang aking asawa ay pinangarap kong sa Hongkong/Macao kami mag honeymoon. Subalit hindi ko ito natupad. Isang taon ang nakalipas matapos ang aming kasal, ay gumawa ako ng paraan na matuloy ito. Ang nasa-isip ko pa noon ay baka ito lang ang hinihintay para magka-baby kami. Bagamat hindi man kami nagka-baby matapos ituloy ang 2nd honeymoon sa Hongkong, ay isa naman ito sa pinaka masayang araw sa aming buhay bilang mag-asawa. Sa susunod na pagbalik namin sa Disneyland, tatlo na kami at mas excited ako na hihintayin yun.

THREE(3). Gulong ng Palad
Kasunod ng pangarap ko na matutong mag drive ay makabili ng sariling kotse. Naging malaking desisyon para sa akin ang bagay na ito. Inisip ko noon kung ito ba ay kailangan ko o luho lamang. Nasanay na ang katawan ko sa pagsakay ng jeep. Hanggang marealize ko na hindi sa habang panahon ay konbinyente ang pagsakay sa jeep lalo na kung kasama mo ang pamilya mo.
FOUR(4). Eto ang Simula
Ito ang una sa pangarap ko.. Kung titimbangin ang kagustuhan ko sa bawat isa..ito ang laging mas matimbang. Hindi ko man matupad ang karamihan sa mga pangarap ko. Huwag lang ang pangarap kong magkaroon ng boung pamilya. Yung may daddy, mommy at mga baby..sabi ko nga kay Lord, kahit apat lang na magaganda, matalino at malusog pwede na ..(demanding pa!). Sa awa ng Diyos, naka-isa na kami, 3 more to go Lord!


FIVE(5). I Left My Mind, Heart & Stomach in SF
Bagamat hindi naman masyadong mahirap ang pangarap ko na ito, pero kinukonsidera ko ito na imposible. At ang totoo, ay gusto ko lang i-challenge ang sarili ko sa isang pangarap na maaring wala akong magagawa upang matupad. Wala kasi akong maisip na dahilan upang makapunta ako sa Amerika. Una, wala akong VISA, pangalawa, wala akong kamag-anak doon, pangatlo, wala sa linya ng trabaho ko ang lugar na iyon at pang-apat, wala akong pera. Pero sa hindi inaasahag pagkakataon, sa kung ano ang pumasok na swerte ay bigla akong pinadala sa Amerika. Nabigyan ng 10 years multiple entry na VISA, nakilala ang isang kamag-anak na matagal ng nakatira doon, biglang nalinya ang aking trabaho na may kinalaman sa nasabing bansa, at sinagot ng kumpanya ang lahat ng gastusin. Lahat ay parang plinano at ginuhit ng eksakto ayon sa kagustuhan ko. Iba talaga ang kapangyarihan ng determinasyon, swerte at dasal.


SIX(6). 403 minutong Saya
Health is wealth. Ito ang lagi kong dasal, isang malusog na pamilya. Noong nagsisislang ang asawa ko, hindi ako mapakali. Naka ilang rosaryo ako para ipagdasal ang kaligtasan niya at ng aking magiging anak. Kaya naman noong nalaman ko na maayos na ang lagay ni Grace at malusog ang aming anak, daig pa nito ang ang pakiramadan na nanalo ako sa lotto!


SEVEN(7). Dito Na Tayo Forever!

Taltong taon na ang nakaraan ng unang sumagi sa isip ko ang pangarap na magkaroon ng sariling bahay. Pero dahil sa mga prioridad, ay pansamantala kong kinalimutan ang pangarap na ito. Hanggang sa dumating ang kagustuhan ko na makasama na ang pamilya ko araw-araw. Isa na siguro ito sa pinaka mabigat na desisyon na kailangan kong gawin..pero sa huli alam ko naman na para ito sa pamilya ko at handa akong tiisin ang lahat kahit pa ibenta ko naman ngayon ang kanang kidney ko.


EIGHT(8). Sampung Milyon.
Teka..teka..unahan ko na kayo. Sa walong pangarap ko, eto lang ang hindi pa natutupad! Sa totoo lang umaasa ako na matutupad to. Pero marahil ay maling representasyon ang nailagay ko sa larawan. Inedit ko kasi ang sampung pisong buo para maging 10M. Akalain ko ba na hanggang ngayon ay sampung piso parin ang laman ng wallet ko. Pero hindi pa ako sumusuko, alam kong darating ang panahon na magkakaroon ako ng 10M sa banko. Kung kailan? Sana ay buhay pa ako… Bagamat hindi naman literal na nabigay sa akin ang 10M. Kinukunsidera ko parin na natupad ang pangarap ko na ito. Dahil, kapalit nito ay ang sampung milyong ngiti sa aking buhay…
Ang pahina sa mga blog na ito ang naging instrumento ng bawat pangarap ko. Naging mundo ng saya, lungkot, tuwa, at pangarap. Naging parte ng aking araw-araw na pakikipagsapalaran sa buhay. Lilipas ang panahon at masaya kong babalikan ang bawat kabanata sa buhay na minsan ay ibinahagi ko sa inyong lahat. Subalit ang bawat kwento at may ending…may wakas.

Paalam sa lahat ng sumubaybay sa bawat kwento ko. Sa mga naging kaibigan at bagong kakilala sa pamamagitan ng blog na ito…Magdilim man ang pahina ni BBAM ay may liwanag parin itong taglay sa kabilang panig at yugto ng buhay..Magpapatuloy sa pag-ikot at hindi na magwawakas kailanman…..

WAKAS.

Aug 26, 2010

Isang Pakikiramay


Bilang isang Pilipino, hindi maiiwasan na maging apektado ako sa lahat ng naririnig at nababasa kong negatibong komento, tungkol sa mga Pilipino dahil sa nangyaring madugong Hostage sa Maynila, noong Lunes. Pero lubos kong naiintindihan ang nararamdaman ng mga mamamayan ng Hongkong , China at maging sa buong mundo. Tunay nga na hindi katanggap-tanggap ang mga pagkakamali na natunghayan ng lahat. Ako mismo ay maka-ilang beses napa mura sa mga nasaksihan ko. Kinilabutan, natakot, naawa at nainis sa bawat pangyayari. Lubos akong nakikiramay at nakikisimpatya sa pamilya ng mga nadamay sa trahedyang ito. Matapos nga ang pangyayari, ay pinagdasal agad naming mag-asawa ang mga biktima at mga pamilya nila. Sa pag lapat ng likod ko sa higaan ay patuloy paring nanunoot sa isip ko ang lungkot at takot.

Sa panahong ito, lugmok ang ating bayan sa pangungutya ng marami. Bilang isang Pilipino, tatangapin ko ito ng may mababang loob. Pero hindi siguro ito dahilan upang ikahiya ko na Pilipino ako. Sa panahon ngayon na poot at galit ang nararamdaman sa atin ng ibang bansa, mas makakabuti kung magiging sandalan nating mga Pilipino ang bawat isa. At hindi tayo ang manguna upang lalo pang tapakan at ikahiya ang ating bansa. Wala tayong ibang kakampi kundi tayo rin. Alam ko ang galit natin sa mga indibidwal na naging dahilan ng trahedyang ito. Pero dapat nating tandaan na hindi lang sila ang bumubuo sa bansang Pilipinas. Maraming Pilipino ang matalino, mabuti at mapagmahal.

Sa mga mamayan ng Hongkong at China. Muli ay taos puso akong nakikiramay at humihingi ng paumanhin sa nangyari. Pero ang aking dalangin ay hindi ito maging dahilan upang tuluyan ninyomg kamuhian ang bawat Pilipino. Halos 140,000 na Pilipino ang nasa Hongkong ngayon, at nasa 80% nito ay mga Domestic Helper. Sila po ang mamamayang Pilipino na iniwan ang kanilang pamilya upang makapaglingkod sa inyo. Maraming pagkakataon din na sila ang nag-protekta sa inyong mga anak at nagsiguro na maging maayos ang kanilang kalusugan. Madalas nga po ay nabibigyan nila ng labis na atensyon at pagmamahal ang inyong pamilya kesa sa pamilyang iniwan nila dito sa Pilipinas. Wag po sanang tuluyang na matabunan ng galit ninyo ang magagandang bagay na inalay sa inyo ng aming mga kababayan…

At sa huli..muling manumbalik ang pagmamahalan at kapayapaan…

Aug 4, 2010

Dito na Tayo Forever!

Noong mga nakaraang buwan ay isang masusi at makabuluhang desisyon ang ginawa naming mag-asawa.


Nagsimula ito sa kagustuhan namin na lumaki ang aming anak na sapat ang patnubay naming dalawa.. Hindi na kasi nagiging madali lalo na sa akin na lingguhan ko lamang sila nakakasama. Madalas ay sa celpon, text o tawag ko lang sila nakakamusta. Natatakot tuloy ako na lumaki ang anak ko na akalain niya na celpon ang tatay nya. Isa rin marahil ito sa dahilan kung bakit kahit minsan ay hindi ko piniling mag trabaho sa abroad . Mahirap talaga para sa akin ang mawalay sa kanila. Kaya naman saludo ako sa mga kaibigan na kayang magsakripisyo sa ibang bansa upang mapa-unlad ang pamilya.



Kung ako ang tatanungin, kuntento pa ako sa buhay namin. Sapat na na kumakain kami araw-araw, mayroong maayos na tirahan, may kaunting ipon sa panahon ng panganga-ilangan, may pagkakataon na makapaglibang paminsan-minsan at sa pag laki ng aming anak ay mapag-aral namin sa maayos na paaralan. Wala na siguro akong mahihiling pa.



Naniniwala ako na ang bawat biyaya na binibigay sa amin ay inilaan sa panahon na nararapat sa amin at hindi sa panahon na ginusto namin. Noong ikinasal kami ng aking asawa, araw-araw namin dinadasal na pagkalooban kami ng anak. Pero umabot ang halos tatlong taon bago ito nangyari. Iniisip namin ngayon na baka kung nabigyan kami agad ng anak matapos kaming ikasal ay hindi magiging ganito katatag ang relasyon namin sa bawat isa. Noong mga panahon kasi na humihiling kami ng anak, mas nabigyan kami ng pagkakataon na makilala ang isat-isa. Lahat ng sakripisyo, hirap, lungkot ay pinagsaluhan namin. Sa tuwing nabibigo kami, nagiging sandalan namin ang isat-isa. Dito namin napapadama ang labis na pagmamahal namin. Hindi hadlang ang kahit anong pagsubok upang sumuko. Hindi kami nagpatalo sa lungkot at pagka-inip. Umasa kami na sa tamang panahon darating ang aming hiling..sa panahon NIYA. Sa huli, sa tamang timing, sa perpektong panahon, ibinigay sa amin ang aming hiling. Humiling kami ng anak, at isang malusog, maganda, malambing at masayahing nilalang ang pinagkaloob sa amin. Labis labis ito sa inaasahan namin.



Dalawang taon ang nakaraan ng pangarapin naming mag-asawa na magkaroon ng sariling bahay. Mula ng ikinasal kami ay sa bahay na ng aking mga magulang tumira ang aking asawa. Samantala ako ay nakitira sa bahay ng aking kapatid sa Laguna. Dahil sa hindi pa sapat ang ipon namin ay hindi naging madali sa amin na maisakatuparan ang pangarap na ito. Kaya naman pansamantala kaming tumigil sa aming hangarin. Mula noon ay sinimulan namin ang ibayong paghahanda. Dito nagsimulang mabawasan ang mga luho na dati na naming ginagawa. Sa una ay nakakapanibago, pero sa tuwing naiisp namin kung ano ang kahalagahan nito ay napapalitan naman ito ng pananabik. Ang dating lingguhang date ay naging buwanan na lamang. Mas binigyan namin ng panahon ang bawat isa sa isang mas simpleng paraan. Imbes na kumain sa labas ay sa bahay ko pinagluluto ang aking asawa ng kahit anong maibigan niya. Imbes na magpa spa o massage ay ang asawa ko mismo ang nagmamasahe ng likod at paa ko. Imbes na manood ng sine ay magkasama kaming nanonood ng DVD sa bahay.. At para sa kin, wala ng mas masarap sa mga simpleng bagay na ito.



Noong nakaraang buwan ay tuluyan na kaming nag desisyon. Ilang buwan na lang ay lilipat na kami sa aming bagong tahanan. Isang tahanan na ipinagkaloob sa amin sa tamang timing at perpektong panahon. Bagamat may mga pangamba tulad ng tuluyan naming paghiwalay sa aming mga magulang at kung kakayanin namin na matustusan ang pangangailangan ng bawat isa, ngayon na may mas malaki na kaming obligasyon. Hindi parin nawawala ang tiwala namin na kakayanin namin ang hamong ito sa bagong yugto ng aming buhay.



Dito na tayo forever..



Dito na natin bubuoin ang ating mga pangarap..



Dito na natin bubuoin ang panibagong kabanata sa ating buhay…



Dito na natin bubuoin ang magiging kapatid ni Gaby..



Sabihin mo lang kung kelan ka na ready...




Bagong mukha ang blog ko..kasi 3rd bEARTHday nya ngayon..

Jun 19, 2010

Regalo ko...(?)




Dear Gaby,
***
Ang bilis ng panahon. Apat na buwan ka na at kaya mo nang umikot sa higaan mo. Parang kelan lang ay inaalalayan ko pa ang ulo mo, sa t'wing bubuhatin kita sa kandungan ko. Sa t'wing kinakausap kita, nakikita kong bumibilog ang singkit mong mga mata kasabay din ng pagbilog ng labi mo. Kapag kalaro kita, humahagikgik ka na sa tawa at pinaparanas mo ang pinaka masarap na tawang narinig ko sa buong buhay ko. Tuwing natutulog ka, hindi ko mapigilan ang sarili ko na titigan at haplusin ang kutis mo. Paborito ko parin amuyin ang buhok mo, at halikan ang mga paa at kamay mo.
***
Sa tuwing darating ako, ikaw agad ang hinahanap ko. Kahit pagod sa maghapong trabaho, napapawi ng ngiti at titig mo. Kahit nga ang ingit at iyak mo ay musika na sa tenga ko. Wala na yata talagang kapantay ang ligay ko mula ng dumating ka sa piling ko.
***
Alam mo bang labis labis ang ligaya ko? Nararamdaman mo bang ikaw na ang buhay ko?
Kung sakali mang mag selos ang Mommy mo, sabihin na lang nating siya naman ang pers love ko....

***
Happy Fathers Day to me sa unang pagkakataon!


***
Nagmamahal,

Daddy Lloyd
(Tumatanggap rin ng regalo, kasi bertdey ko!)

Jun 10, 2010

I Left My Mind, Heart & Stomach in SF

Hindi naman bakasyon ang pinunta ko sa California, Pero matapos kong balikan ang ilang larawan ay nakumbinse ko ang sarili ko na mukhang nag enjoy ako…sa trabaho.

Pagdating pa lang sa San Francisco International Airport ay atat na akong lumabas upang masilayan ang bansang minsan kong pinangarap na marating. Sa sobrang excitement, ay halos takbuhin ko ang pinto palabas. Pero sinalubong ako ng matinding lamig kasabay ng malakas na ulan. Sa sobrang lamig ay umurong ang…dila ko, at halos mag yelo ang dugo ko.

Bagamat masama ang panahon, walang nakapigil sa akin na mamasyal. Una sa listahan ang Golden Gate Bridge. Hindi ako nasiyahan na tanawin lang ang isa sa pinaka popular na arkitekto sa San Francisco. Nag desisyon ako na lakarin ang kahabaan nito at langhapin ang simoy ng dagat pasipiko.

Nang umaraw ay sinadya ko naman ang Twin Peaks. Dalawang burol na may taas sa halos siyam na raang talampakan, kita ang halos buong siyudad sa taas at ang lamig ay dumoble sa kapatagan.
Sa Pier 39 na hindi magkamayaw ang mga tao.

Dumaan sa Lombard Street o ang tinatawag nilang “The Crookedest Street”. Pinaka matarik at makurba sa lahat ng zigzag na nadaanan ko at parang roller coaster effect sa pakiramdam.


The Embarcadero, Washington Squre Park, Macky’s /Sacks/Nike Tower ang mga sumunod na eksena.



Bukod sa walang humpay na pasyal ay hindi rin makakalampas sa akin ang mga kainan na dati ay sa internet ko lang nababasa.

Sa Fisherman's Wharf of San Francisco ay natikman ko ang napakasarap na Clam Chowder Soup. Hindi ako mahilig sa sea foods pero isa ito sa lasa na hinahanap-hanap ko ngayon.


Minsan ko nang sinubukan ang Bubba Gump sa Trinoma (Na ngayon ay sarado na). Sa totoo lang, mataas ang expectation ko dito dahil bukod sa magagandang review, ay isa akong Forrest Gump Fanatics. Pero dahil sa hindi pasok ang presyo nito sa akin kung ikukumpara sa kalidad ng pagkain ay hindi ako masyadong nasiyahan. Nang makita ko ang Bubba Gump sa San Francisco na nakatayo mismo sa daungan ng bangka ay na-intriga ako. Pagpasok pa lang ay kakaiba na ang pakiramdam. Nakasabit sa dinding ang mga orihinal na memorabilya ng pelikulang Forrest Gump. Prang lumapit sa akin ang bawat karakter sa pelikula at nanumbalik ang bawat eksenang paulit-ulit kong pinanood. Bagamat pareho ang paraan ng pagtawag sa mga waiter (Run Forest, Run!) ay malayong maikumpara ang mga pagkain na meron sa menu. Lahat ay halos sariwang pagkain, mula sa dagat.


Ano ang ginagawa mo sa Amerika kung hindi ka makakakain ng Hamburger. Real American Burger!
Una sa listahan ko ang In-N-Out Burger. Na intriga ako sa burger na ito nang minsang manood ako ng “the buzz” at malaman na ito ang pinag lihan ni Juday. Sa kagustuhan ni Ryan na hindi biguin ang asawa, ay nag padeliver siya nito mula sa Amerika hanggang Pilipinas. Lupet! Tama ang laki, tama ang lasa at ito ang totoong "NO EXTENDER!" Ngayon alam ko na kung bakit. Hindi naman ako buntis pero naglilihi din ako dito ngayon. (tatlong beses ako kumain sa In-N-Out Burger sa ilang linggo kong pananatili sa Amerika)

Ang Juicy Burger. Minsan na akong nakabasa ng review nito sa isang blog . Hindi ko mapigilang matakam kung paano ito ni review. Tunay nga nakakatakam at nakakabaliw ang sarap.

Sa Dennys, sinubukan ko ang Roast Beef sandwich, na maliban sa kabusugang naramdaman ay wala na akong ibang masabi.

Sa Rockbottom ay sinubukan ko ang Steak with Bourbonzola. May ibang masarap dito sa restaurant na ito, pero hindi ko pwedeng sabihin...


At syempre papahuli ba ang sariling atin. May 3 Pcs Chickenjoy!!! . At home ako dito!


Sa kabuuan ay naging maayos naman ang ilang linggo kong pananatili sa Amerika.

Kita naman sa larawan sa baba ang pruweba..HINDI AKO MASYADO NAG ENJOY SA AMERIKA!!!