Noong unang panahon, ang mga bata ay naniniwala sa kwento ni Lola Basyang. Ngayong panahon, maiiba ang inyong paniniwala..
Dec 8, 2008
Wish kay Santa 2
Nov 12, 2008
Tanan (For Adults Only)
Madalas ikwento ng lolo ko na kung hindi niya tinanan ang lola ko ay malamang na naipakasal na ito ng kanyang istriktong tatay sa negosyanteng intsik na karibal niya. Pero dahil sa kanilang pagmamahalan ay nag desisyon ang dalawa na magtanan. Sa ganitong paraan nga naman makakasiguro ang lolo ko na hindi na mababawi sa kanya ang lola ko. Swerte ako dahil hindi ako natulad sa lolo ko. Kahit na istrikto ang tatay ni Grace ay nadaan ko parin ang paghingi ng kanyang kamay sa mabuting pakiusap habang tagaktak ang pawis sa noo at kili-kili.
Bagamat kasal na ako ay madalas ko parin maisip ang pakiramdam ng lolo ko ng tinanan niya ang lola ko. Mukhang exciting at kapanapanabik ang ganitong eksena at gusto ko rin itong maranasan. Biyernes ng gabi ng sunduin ko si Grace. Walang nakakaalam ng aming lakad. Kahit siya ay hindi sigurado kung saan ko siya dadalhin, basta ang sabi ko lang ay itatanan ko siya. Hindi naman ako nahirapan dahil walang dalawang salita na sumama agad sa akin si Grace. Obvious naman..kuha ko na talaga.
Sa isang hotel sa Tagaytay kami tumuloy. Walang reservation, on the spot pagdating sa lobby konting tanong lang ng room rate, silip sa hitsura ng room at konting pambabarat ay nagkasara agad kami. Maliit lang ang hotel, pero malupet ang location. Pinili ko ang room kung saan tanaw ang taal lake mula beranda. Syempre para romantic. Matapos ilapag ang ilang gamit ay nag-unahan agad kami na ilapat ang likod sa malambot na kama. (lalabo ang paligid hanggang sa tuluyan nang magdilim ang paligid). Ang sumunod na eksena ay censored na!
Matapos ang sumunod na eksena ay agad kong niyaya si Grace sa isang romantic dinner date.In memory of Sonya (ang korning white lady), nag desisyon ako na sa Sonya's secret garden kami mag dinner.Perstym ko sa lugar na iyon at napahanga agad ako sa kakaibang ambiance ng lugar na para kang nasa isang malaking flower base na pinamumugaran ng libo-libong uri ng halaman at bulaklak. Malupet din ang dine in experience sa lugar na ito.Walang menu, pag upo mo sa isang romantic table ay isa-isang ihahain sayo ang mga putahe na pagsasaluhan nyo.
1st round. Ang freshly squeezed dalandan juice na hinahabol ng langgam sa tamis.
2nd round. Ang salad na fresh from the garden at binudburan ng ibat-ibang uri ng bulaklak. Pakiramdam tuloy namin ay para kaming mga bubuyog na humahakot ng pulot-pukyutan. Kasama rin ng fresh salad na ito ang kakaibang salad dressing na si Sonya lang ang nakakagawa. Ang Sonya's Secret dressing.
3rd Round. Ang freshly baked tinapay na nakakapaso ang sarap. Sinamahan pa ng ibat-ibang palaman na swak sa panlasa. Isang bagay din ang nadiskubre namin dito. Ang Sonya's secret spread. Masarap din palang ipalaman sa tinapay ang bagoong alamang.
4th Round. Ang freshly cooked pasta na may dalawang klase ng souce. Ang sun dried tomatoes at ang creamy ensemble of chicken bits and mangoes. Langit ang lasa ng sun dried tomatoes na inibabawan ng dried olive, ratatouille at tuna belly. Isa ang nanatiling secret ng gabing iyon. Ang creamy ensemble of chicken bits and mangoes na hindi na nakuhang tikman ni Grace dahil sa kabusugan. Sayang, natikman ko yun at lampas langit ang sarap. 5th Round. Ang desert na Glazed sweet potato , banana rolls with sesame & jackfruit, at ang sinful homemade chocolate cake na mapapahataw ka sa sarap. Ingat lang sa pagkain ng Glazed sweet potato dahil dinala ko ang masamang hangin na dulot nito hanggang sa hotel.
Oct 30, 2008
Ang Babae sa Balite Drive (Haloween Edition)
"Nene, bumalik ka sa bahay natin at kunin mo ang garapon ng asukal.", utos nito sa kanyang anak.
Mahalaga ang asukal sa tinda nilang putobumbung, kaya agad agad ay tinawid muli ni Nene mag-isa ang bukirin pabalik sa kanilang tahanan. Ngunit nasa bandang gitna na siya ng bukid ng mapansin niya ang napakalaking puno ng Balite, sinasabing ang puno raw na iyon ay pinamamahayan ng mga engkanto at kapre. Gayunpaman hindi naniniwala ang dalaga, bagamat nakakadama ng takot ay nagpatuloy pa rin sa paglalakad.
Kalalampas pa lamang niya sa Balete ng may marinig siyang malakas na kalabog na nagmula sa kanyang likuran. Tila isang malaking bagay iyon. Dahan-dahan niya itong nilingon, at halos himatayin siya sa takot ng makita niya ang napakalaking Kapre!!!
Hanggang isang madaling araw...
Noong una ay pakipot pa si Nene, subalit ng alukin ng kapre ang malaki nitong kamay ay pumayag rin siya agad. Pumatong si Nene sa ibabaw ng palad ng Kapre at maya maya pa ay tila nag iba ang paligid at unti-unting lumiit ang dambuhala, naging kasing laki siya ni Nene.
Nilingon ni Nene kung sino ang nagsalita, at nagulat siya ng makita niya ang isang magandang lalake.
"Bob, ikaw ba yan?", naitanong niya.
"Oo, ako ito" sagot ng binata.
"Ang ganda pala dito sa mundo mo, nagtataka tuloy ako kung bakit pumupunta ka pa sa aming daigdig...", nasabi ng dalaga.
"Yun ay dahil mas maganda ka pa sa mundong ito Nene.", sagot ng binata.
At muli ay kinilig si Nene.
"Nene, mukhang nagugutom ka na, gusto mong kumain?", wika ni Bob, at bigla-bigla, mula sa kawalan ay lumabas ang isang mansanas sa kanyang kamay, inalok ito kay Nene. Subalit tumanggi si Nene, alam niya kasi ang sabi ng mga nakatatanda na kapag kumain ka ng pagkaing Engkantda sa kanilang mundo ay hindi ka na muling makakabalik sa tunay mong daigdig. "Bob, huwag mo sanang mamasamain kung nais ko nang umuwi sa amin, gusto ko nang bumalik sa aking mundo.", simpleng hiling ng dalaga.
"Ok, Lets go na...", nasabi ni Bob at sa isang pitik ay bumalik na sila sa bukid sa tapat ng puno ng Balete.
"Maraming salamat Bob, hindi ko malilimutan ang araw na ito." Nakangiting wika ni Nene sa isang dambuhalang Kapre.
"Sige Bob uuwi na muna ako sa amin, text-text nalang tayo ha.", pagpapaalam ni Nene, sabay talikod.
"Sandali!", pagtawag ni Bob kay Nene.
Napalingon si Nene.
"Bakit Bob?", wika nito.
"May nais pa akong sabihin sa iyo."
"Ano yun Bob?"
At biglang may hinugot ang kapre sa kanyang kuyukot, isang gintong singsing.
"Nene will you merry me?", nagpropose ang kapre, sabay luhod.
Ngunit tumalikod ang dalaga.
"Hindi maaari Bob, Hindi maaari...", pagtanggi ni Nene, bakas ang mga luha sa mata. "Hindi tayo maaaring magpakasal."
"Ha?! Bakit Nene, bakit?", pagkabigo ni Bob, "Dahil ba sa isa lamang akong hamak na Kapre ?"
"Hindi iyon ang dahilan Bob, alam mong mahal kita kahit kapre ka pa.", paliwanag ng luhaan na si Nene.
"Kung ganon bakit, bakit hindi tayo maaaring magpakasal?", nalilitong tanong ng dambuhala.
Sabay sinuot ni Nene ang singsing sa kanyang bewang, kasyang kasya nga ito... parang sinukat.
Oct 20, 2008
Mula sa Araw na ito, Hindi na Tayo Kakain sa Labas!
Doc: Grace, mukhang kaya lumalala sakit ng likod mo kasi walang masyadong movement sa trabaho mo. Lagi ka lang ba nakaupo?"
Masaya ako ng lumabas kami ng ospital. Para kasing nagulangan namin ang duktor na nag check-up sa kanya. Dahil kahit si Grace lang ang niresetahan ay parang patungkol din sa akin ang mga payo niya. Kaya inisip ko na lang na libre ang check-up ko noong araw na iyon.
Sa sasakyan pa lang ay kinumbinse ko na si Grace na sundin ang payo ng doktor niya. Una na dito ang pag eexercise. Pero dahil sa masakit pa ang likod niya ay hindi muna namin ito magagawa (lusot). Pero ang pagbabawas ng pagkain ay hindi dapat palampasin.
Bago namin simulan ang diet na ipaplano namin ay nag karoon muna kami ng brain storming kung ano ba ang dahilan ng paglakas namin sa pagkain. At ang top answer ay ang madalas na pagkain namin sa labas. Tatlo ang masamang epekto sa amin ng madalas na pagkain sa labas. Una, ay ang paglakas kumain dahil sa variety ng mga pwedeng pagpilian sa tuwing sa labas kakain. Pangalawa, ay ang pag laki ng gastos na halos limang ulit ang gastos namin kumpara kung sa bahay lang kami at ako ang magluluto. At ang pangatlo, mas lalo akong nagiging tamad at hindi ko na na papapraktis ang aking talent sa pagluluto.
Dahil dito ay isang mabilis na solusyon ang naisip ko. Mula sa araw na ito ay hindi na tayo kakain sa labas!May conviction ang pagbitiw ko sa batas na ito. Parang si Marcos noong nag pahayag siya ng Martial Law. Pagdating sa bahay ay agad akong pumunta sa kusina para ihanda ang kakainin namin. Si Grace naman ay hinayaan ko na lang muna na magpahinga. Walang gaanong laman ang refrigirator. Meron lang isang tilapia, isang bangus, ilang kamatis at ilang talong. Agad ko naman tinungo ang kabinet at doon ay may ilang delata lang. Tamang-tama, tutal ay pag babawas naman ng pagkain ang goal namin ay minabuti ko ng pagkasyahin kung ano ang meron.
Halos dalawang oras akong naging abala sa kusina. Hindi ko ito namalayan, at nang matapos ay isa-isa kong inihain ang pagsasaluhan namin sa unang araw ng pag da-diet.
Oct 8, 2008
TACSIYAPO!!! (Mabisang pangtanggal stress)
Wala talagang kapantay na pangtanggal stress ang taimtim na pananalangin. Para sa akin, iba ang dinudulot na kaluwagan ng pakikiramdam ang taos pusong pakikipag-usap kay Mama Mary. Mula sa mga pasasalamat, kasiyahan, kalungkutan at kasawian ang ilan sa mga bagay na madalas kong ikwento sa kanya. Matapos ang sandaling pag-uusap ay isang maluwag na pakiramdam ang kapalit. Ito ang epekto sa akin ng pagmamahal ng isang ina.
Mula Manaog ay nagpasya kaming magpalipas ng gabi sa isang Resort sa San Fabian Pangasinan. Sa PTA resort kami napadpad o ang Philippine Tourisim Authority at hindi Parents Teacher Association dahil wala naman eskwelahan sa loob ng resort. Malawak ang resort. Pati ang kwartong nakuha namin ay sobrang laki. Kasya nga ang dalawang pamilya na may tig-apat na anak at tig isang pares ng mag-asawang kalabaw. Dahil sa hindi naman peak season ay hindi rin gaanong kamahalan ang isang gabing pamamalagi sa resort.
Isa pang stress reliver para sa akin ang pag punta sa supermarket o palengke. Nakaka-alis kasi ng mga alalahanin ang paglibot. At dahil sa ang pagluluto ang isa mga mga bagay na gusto kong ginagawa ay nakakatulong ito upang mabawasan ang stress ko. Bago mag maghapunan ay nagpasya kaming pumunta sa Dagupan. Malapit lang ang Dagupan mula sa resort, bukod pa dun ay mura at sariwa ang mga isda dito partikular na ang bangus. Pagdating sa palengke ay nagulat akong tabing isdaan ito at banye-banyerang bangus at hipon na ibinabagsak sa harap namin. Matapos ang ilang tawaran (kahit bagsak presyo na ang mga ito kumpara sa Maynila) ay bitbit na namin pabalik ang ilang kilong bangus at hipon. Parang may bangus festival sa harap ng beach ng inihaw namin ang lahat ng ito ng sabay sabay.
Pabalik ng Bulacan ay naisipan namin dumaan sa isang restaurant sa Tarlac ang Isdaan. Ginulat ako ng ganda ng restaurant na ito, sa laki at dami ng magagandang tanawin sa loob ay gugustuhin mong manatili dito ng buong araw.
Sumunod ay ang floating restaurant na habang kumakain ay para kang dinuduyan.
Ganyan kahirap kumita ng isang kilong tilapia.
Pang Lima: Anger Management
At ang pinaka sure hit na pantanggal ng stress, init ng ulo, galit, pagkasuklam at pagkamuhi ay ang TACSIYAPO WALL. Ayon sa tatay ko na isang kapampangan, ang salitang tacsiyapo raw ay singkahulugan ng salitang buwiset, walang hiya, hayup, animal, talipandas at kung ano-ano pang salita na maari mong sambitin kung galit ka. Sinubok kong ilabas ang galit ko sa tacsiyapo wall. Sa harap nito ay isa-isang nanumbalik sa aking ala-ala ang...Dati kong syota na pinagpalit ako sa isang tomboy na hindi naliligo.
Aug 27, 2008
Agent Double O Eight
Ang mystery shopper ay maihahalintulad sa isang secret agent (maririnig ang instrumental sa pelikulang James Bond). Para maging isang full pledge na mystery shopper ay kinakailangan mo lang marehistro sa kanilang database at magtaglay ng sampung kwalipikasyon na:
1. Gwapo
2. Cute
3. Humble
4. Mabait
5. Artistahin (Varsatile actor/actress)
6. Willing kumain ng Pizza ano mang oras
7. Willing Kumain ng chicken sa ano mang panahon.
8. Marunong magbilang ng one to ten at ten to one.
9. Madalas mag CR
10. Kayang kumain ng isang Family Size Pizza at labing dalawang pirasong chicken sa loob ng kalahating oras.
Kapag taglay mo ang lahat ng ito ay agad kang mare-register bilang isang opisyal na mystery shopper at mabibigyan agad ng task.
Isang project coordinator na ka boses ni big brother ang agad ko-contact sayo para ibigay ang task sa bawat araw. Sa kanya mangagaling ang lokasyon ng restaurant na kailangan mong puntahan. Siya rin ang magsasabi kung dine-in,carry-out o special delivery ang assignment mo. Sasabihin niya kung anong oras mo dapat magawa ang task at ang importante sa lahat, kung ano ang kailangan mong orderen. Lahat ng ito ay kailangan mong gawin ayon sa detalye.
Kapag naibigay na ang task, kailangan mong magpanggap na isang ordinaryong customer. Hirap ako sa task na ito dahil artista talaga ang tingin sa akin ng bawat puntahan ko kahit na hindi ako maligo at mag suklay. Pero dahil sa versatile actor naman ako ay nakakalusot din. Pagpasok pa lang sa restaurant kakailanganin mo na ang skills sa pagbilang. Importanteng mabilang mo ang bawat segundong magaganap. Mabilis ang bawat pangyayari kaya dapat ay alisto at handa. Mula sa pagbukas ng pinto ay kailangan mong bilangin kung ilang segundo bago ka batiin ng kahit sinong staff. Ilang segundo bago ka makaupo sa tamang lugar, ilang segundo bago kunin ang order mo, ilang segundo bago dumating ang order mo, at ilang segundo bago mo maubos ang isang family size pizza ng hindi humihinga.
Importante rin na matitigan mo ang staff na kukuha ng order mo. Alamin ang pangalan, edad, kulay ng buhok sa ilong at kili-kili, favorite color, what is your motto?, define love at who is your crush?. Kailangan mong maging madiskarte sa pagkuha ng mga impormasyon na hindi mahahalata ng kaharap na mystery shopper ka o bading ka kung lalaki ka at lalaki sya.
Kapag natapos mo na ang task ay agad kang maghanap ng internet cafe para i-log ang resulta ng assignment mo. Tuwing ika 15 at 30 ng buwan ay ibabalik sayo ang halaga ng nagastos mo na may kasamang isang bilaong sumang hubad bilang token o pasasalamat sa pagkumpleto ng task. Matatangap ang kabayaran thru G-Cash, Smart Money, BDO, pasaload o sa pinaka malapit na bumbay sa inyong lugar.
Halos isang buwan na ang nakalipas mula ng una ma-isakatuparan ang una kong task. At ito ay nasundan pa linggo-linggo. Laking tipid, dahil sa tuwing ida-date ko si Grace ay nare-reinburse ko pa ang ginastos ko. Kinausap ko lang siya na magtiis na lang muna kung mapurga man kami sa pizza at chicken. Buti na lang at maunawain ang asawa ko at hindi siya nagrereklamo kahit nadadalas ang unahan namin sa CR lately.
Matinding bilin ng project coordinator na ka boses ni big brother na walang sino man ang dapat makaalam ng mga bagay na ito. Pero dahil sa ilang linggo na at wala naman interesanteng nangyayari sa buhay ko ay napilitan akong i-blog ito. Kaya nakikiusap ako sa lahat ng makakabasa na kung may mga kapatid o kamag-anak kayo na nag tatrabaho sa restaurant o sa mga fast food ay h'wag ninyong ipagkalat na isa akong mystery shopper a.k.a agent 008 (agent double 0 eight).
Sa mga kaibigan ko naman, h'wag nyo sana ako ipressure na iblow-out kayo, magpapadeliver nalang ako door to door sa bahay n'yo. Sa mga gustong maging mystery shopper, mag comment sa post na ito at sagutin ang tanong na; "Ilang pizza ang kaya mo kainin sa loob ng tatlumpung minuto?" Siguraduhin lang din na taglay mo ang sampung kwalipikasyon na nabanggit ko. Ang maswerteng mapipili ay iraraffle. Hintayin ang resulta ng raffle na ginanap kahapon. Ano pa hininintay nyo? Magmadali!!!
Isang sikreto ng pagkatao ko ang nabunyag. Dala ito ng pagiging boring ng buhay ko lately. At dahil marami ng inip sa bago kong blog ay napilitan akong ikwento ito. Nawa, sa susunod na linggo ay may kapanapanabik na pangyayari na sa buhay ko dahil kung hindi ay baka isunod ko na ang kwento ng pagkatao ko at ang kahulugan ng mga nunal at balat sa buo katawan ko.
Jul 25, 2008
Blogger Idol Ko!
Malakas ang buhos ng ulan sa labas. Sa loob naman ng opisina ay tahimik at abala ang lahat na nakatutok sa kani-kanilang mga computer. Ang iba ay umiikot ang mata sa dami ng kailangan tapusin na trabaho, pero ang ilan naman ay umiikot ang pwet sa inip habang seryosong nagpapanggap na maraming ginagawa. Kabilang ako sa nagpapanggap noong araw na iyon. Kakabalik ko lang kasi mula sa isang mahabang training at wala pa halos nakalinyang trabaho para sa akin.(excuses!)
Pinilit kong maghanap ng mapagkaka-abalahan. Hanggang sa mapapadpad ako sa mundo ng mga blogista. Dito ko nakilala ang mga tinuturing kong ninong at ninang ng "Bakit Bilog ang Mundo?" (BBAM). Sila kasi ang nagbukas ng aking dati'y tulog na imahinasyon at bumuhay sa naghihingalong panaginip. Sa pamamagitan ng blog na ito ay gusto kong kilalanin, pasalamatan at pulaan ang bawat isa sa kanila. Sana lang ay walang magalit..(lunok!)
Para walang selosan ay ni-raffle ko ang pagkaka-sunod sunod ng bawat isa. Hindi ito naayon sa pinaka peyborit ko, kundi naayon sa swerte.
Si Pukaykay at ang kanyang corner ang nagturo kay BBAM na gawing kapana-panabik ang bawat araw na nagdadaan. Mapa ito man ay kasiyahan, kalungkutan, pagkainis o pagkagalit. Ang pagbukas ng isip sa pinaka simplemg emosyon mula mga tao, bagay, pagkain,o lugar, hanggang sa pinakamalalim na emosyon na dulot ng pag-ibig. Inis lang si BBAM sa blog ni Pukaykay sa tuwing may shino-showcase na itong magandang lugar, naiinggit kasi si BBAM at gusto rin pumunta sa mga lugar na iyon. Pero dahil hikahos ay hindi siya makagaya. Ayaw naman siya isponsoran ni Pukaykay. (hmpf!)
Blog Award: Best Stories
Si Sir Edong at ang kanyang inversetutuldok ang isa sa mga blog na unang naging tambayan ni BBAM. Lingid sa kaalaman ni Sir Edong na noong iisang kumpanya pa ang pinapasukan namin ay nagbuo ako ng fans club para sa kanya. Sa tuwing may bagong entry siya sa kanyang blog ay palihim akong sumusulyap sa kanyang kina-uupuan at lubos na ipinapakita ang paghanga sa pamamagitan ng "hanga tingin" (parang ligaw tingin). May mga pagkakataon pa nga na gusto ko nang buhatin ang monitor ng PC ko para mag pa authograph sa kanya, pero hindi ko ito nagawa. Isa sa mga naging unang post ko sa BBAM ay ang "Sleepless in the shuttle". Pero laking gulat ko ng minsan magdiskubre ko na ang buk one ng inversetutuldok na inversetuldok ,ay may ganitong entry din at kaparehong title. Kakasuhan ko na sana ng panggagaya si Sir Edong, hanggang malaman ko na nauna pala siya na ipost iyon bago ako. Hmmm..coincidence? o soulmate? (tama na, bading na bading na ang dating ko..hehehe)
Blog Award: Best Original Stories
Si Unkyel Batjay at ang kanyang mga kwentong tambay ay hindi personal na kakilala ni BBAM. Hindi siya kapatid ng nanay o tatay nito. Nakiki Unkyel lang dahil ito ang madalas na tawag sa kanya ng kanyang mga die hard fans. Sa kwentong tambay natuto si BBAM maging pilyo at maging bulgar kung minsan. Bagamat may haplos ng pagka manyak ang ilan sa mga entry ni Unkel Betjay ay sigurado namang isa ito sa araw-araw na nagpapangiti ng umaga ko. Sa mga batang taga-subaybay, for adults only ang blog ni Unkyel Batjay, bili nalang kayo ng libro nya dahil wholesome daw iyon. Harinawa...
Si Bro. Bo Sanchez at ang kanyang practical soulfood for sucessful people. Dati pa man ay idol ko na si Bro. Bo, mula noong una ko siyang makilala sa kanyang community na Kerygma, hanggang sa nainlove ako sa kanyang mga libro at isa na dito ang librong sinulat niya na "How to find your one true love" Yihiiii..nakakakilig..Pero, noong madiskubre ko ang kanyang blog ay naging suki ako sa pagtambay dito. Sa blog ni Bro. Bo natuto si BBAM na huminto, tumahimik, magnilay upang maramdaman ang kapangyarihan at biyayang galing sa taas.
Jessica Zafra at ang kanyang rule of the universe. Noong una kong binasa ang ilang post ni Jessica Zafra ay tumulo ang dugo sa ilong at tenga ko, na nasundan pa ng pagsusuka, pananakit ng katawan at pamamaga. Ito ang epekto sa akin ng pagbabasa ng ingles. Pero dahil sa pangarap kong maging kabilang sa mga "may class" ay naging hubby ko rin basahin ito. Dito natuto si BBAM na maka relate sa mga librong sinulat nila Christopher Ciccones, John Le' Carre, John Burdett at Tim Willocks, kahit hindi naman niya ito nababasa.
Si Kaye at ang kanyang KCtalk. Kung may isang taong naging kaibigan ko mula noong tumutulo pa uhog ko hanggang ngayon na nag titissue na ako ay si Dra Kaye yun. Hindi pa pinapanganak si BBAM ay masugid na akong taga basa ng blog niya. Ang blog na nagpaparamdam kay BBAM na humarap sa bawat pagsubok at tagumpay. Bilib si BBAM sa determinasyon, talino at tiyaga ni Dra, kaya naman pinagdadasal niya ang tagumpay nito. Hindi lang makarelate si BBAM kung sino si Donald Duck sa buhay niya, ayaw parin kasi i-share ni Dra ang love life niya. Hindi bale, may pangako siyang pagbalik niya ng pinas.
Si Chyng at ang kanyang No Spam, No Virus, No Kiddin!. Naunang pinanganak si BBAM sa blog ni Chyng. Pero malaking bahagi si Chyng ng buhay ni BBAM. Kay Chyng nagkaron ng lakas ng loob si BBAM na ituloy ang nasimulan. Na pressure si BBAM sa tuwing naghahanap si Chying ng bagong post. Dahil si Chyng at si Grace lang ang reader ni BBAM noon ay inispoiled ni BBAM si Chyng. Lahat ng hiling ay pinagbigyan para lang wag bumitiw. Ngayon ay may sarili ng blog si Chyng, at tinuturing ito ni BBAM na kanyang naka-babatang kapatid. Sa blog ni Chyng natuto si BBAM i-enjoy ang buhay kahit sa pinakamaliit na pangyayarai. Maging simple at may solusyon ang lahat kahit gaano ka liit o kakomplikado ang buhay. Dalawang paracetamol lang naman ang katapat sa tuwing tungkol sa virus at software ang topic ni Chyng. Hanggang ngayon kasi ay abacus parin ang level ng utak ni BBAM pag dating sa computer.
ATBP. Marami pang mga blog na naging inspirasyon si BBAM. Bagamat hindi ko na kayang banggitin lahat ay naging bahagi sila ng buhay nito. Lahat ng mga dumaan sa site niya na nag iwan ng makabagbag damdaming comments, nang-away, nag-inis at nag spam, ay naging bahagi ng isang taong kaarawan ni BBAM.
Unedited version:
Si Enrico Paclibares at ang kanyang pakikipagsapalaran. Bagamat bagito sa pag-boblog ay nakitaan agad ni BBAM ng potensyal si Enrico na maging isang dalubhasang blogista ng mga lasalista. Napa-bilib agad ni Enrico si BBAM sa kanyang mga idea at dito lumabas ang dugo ng pagiging artist niya. Naging sandata ni Enrico ang kanyang mga karanasan, katuwaan at kahihiyan (pati ng ibang tao) upang bigyan ng aral ang mundo ni BBAM. Natural na nakakatawa si Enrico kahit na sabihin niyang hindi siya nagpapatawa. Ang resulta, napagkakamalan siyang corny!.
Ang edited na version na ito ay unang isinama ni BBAM sa kanyang mga list of hall of famers o blogger idol niya. Pero dahil hindi kaila sa marami na best friend ni BBAM si Enrico ay minabuti nalang niyang huwag isama. Baka kasi mahaluan ng politika ang entry niya at sabihin na may pinapanigan siya.
Jul 7, 2008
Ang Dalawang Babae sa Buhay Ko...
Jun 19, 2008
Si Jose at Ako...
Ipinanganak si Lloyd Sese sa Guiguinto, Bulacan. Sina Levi, Rodel at Sheryll ang kanyang mga kapatid.
Ang ina ni Rizal ay siyang kaniyang unang guro at nagturo sa kaniya ng abakada noong siya ay tatlong taon pa lamang. Noong siya naman ay tumuntong ng siyam na taon, pinadala siya sa Biñan, Laguna upang mag-aral sa ilalim ng pamamatnubay ni Justiano Aquino Cruz. Ilang buwan ang nakalipas, pinayuhan niya ang magulang ni Rizal na pag-aralin siya sa Maynila.
Ang ina ni Lloyd ay siyang kaniyang unang guro at nagturo sa kaniya ng abakada noong siya ay limang taon na (slow learner). Noong siya naman ay tumuntong sa anim na taon, pinadala siya sa Balagtas,Bulacan upang mag-aral sa ilalim ng patnubay ni Mrs. Martin (hindi ko na tanda ang buo niyang pangalan). Ilang buwan ang nakalipas, sinabihan niya ang magulang ni Lloyd na sakit ito sa ulo dahil sa sobrang daldal.
Ang Ateneo Municipal de Manila ang unang paaralan sa Maynila na kaniyang pinasukan noong ikadalawa ng Enero 1872. Ayon sa isang salin ng Noli me tangere ni Guzman atbp., sa kaniyang pananatili sa paaralang ito, natanggap niya ang lahat ng mga pangunahing medalya at notang sobresaliente sa lahat ng aklat. Sa paaralan ding ito niya natanggap ang kaniyang Batsilyer sa Sining na may notang sobresalyente kalakip ang pinakamataas na karangalan.
Ang La Consolacion sa Balagtas Bulacan ang unang paaralan na kaniyang pinasukan noong ikadalawa ng Hunyo 19XX. Ayon sa isang salin ng kwento ng mga tsismosa sa Bulacan atbp., sa kanyang pananatili sa paaralang ito, natanggap niya lahat ang mga pangunahing medalya sa Loyalty award at best in writing noong kinder.
Nang sumunod na taon, siya ay kumuha ng Pilosopiya at Panitikan sa Pamantasan ng Santo Tomas. Sa Ateneo, kasabay niyang kinuha ang agham ng Pagsasaka. Pagkaraan, kinuha niya ang kursong panggagamot sa nasabing Pamantasan (Santo Tomas) pagkatapos mabatid na ang kaniyang ina ay tinubuan ng katarata. Noong Mayo 5, 1882, nang dahil sa hindi na niya matanggap ang tagibang at mapansuring pakikitungo ng mga paring Kastila sa mga katutubong mag-aaral, nagtungo siya sa Espanya. Doo'y pumasok siya sa Universidad Central de Madrid, kung saan, sa ikalawang taon ay natapos niya ang karerang Medisina, bilang "sobresaliente" (napakahusay). Nang sumunod na taon, nakamit niya ang titulo sa Pilosopiya-at-Titik.
Nang sumonod na mga taon, siya ay kumuha ng Bachelor of Science in Electronics & Communication Engineering sa Adamson University. Sa labas ng paaralan kasabay niyang kinuha ang pag mamadyik at pagtambay sa bilyaran. Pagkaraan ay kumuha din siya ng kurso sa pag-arte pagkatapos mabatid na pangarap ng nanay niya ang magkaroon ng anak na sikat. Noong 2002, nang dahil sa hindi na niya matanggap ang tagibang at mapansuring pakikitungo ng mga kakilala na hindi siya artistahin ay nagpasya siyang magtungao sa Laguna upang doon nalang magtrabaho. Doo'y pumasok siya sa Hitachi GST Philippines, kung saan, sa ikalawang araw pa lang ay naiwan na siya ng shuttle papasok sa opisina kaya nag lakad, nag jeep at naligaw. Nang sumunod na taon ay nakuha niya ang perfect attendance award dahil sa hindi pag-absent kahit walang ginagawa.
Naglakbay siya sa Pransya at nagpakadalubhasa sa paggamot ng sakit sa mata sa isang klinika roon. Pagkatapos ay tumungo siya sa Heidelberg, Alemanya, kung saan natamo pa ang isang titulo.
Sa taon din ng kaniyang pagtatapos ng Medisina, siya ay nag-aral ng wikang Ingles, bilang karagdagan sa mga wikang kaniya nang nalalaman gaya ng Pranses. Isang dalubwika si Rizal na nakaaalam ng Arabe, Katalan, Tsino, Inggles, Pranses, Aleman, Griyego, Ebreo, Italyano, Hapon, Latin, Portuges, Ruso, Sanskrit, Espanyol, Tagalog, at iba pang mga katutubong wika ng Pilipinas.
Naglakbay siya sa Singapore at nagpakadalubhasa sa pagpuna ng mali ng ibang kumpanya. Pagkatapos ay tumungo sa Batam, Indonesia, kung saan siya unang nakakita ng aquariun na maraming sumasayaw na hindi isda.
Sa taon din iyon ay nagtungo siya ng Malaysia at doon unang nakakain ng durian. Nasundan pa ito ng pag punta sa Japan, Thailand at Mexico. Kung saan natutunan niya ang ilang mga pagbati sa mga bansang ito.
Hello la! (Singapore)
Bahasa (Indonesia)
Halo! (Malaysia)
Ohayo (Japan)
Sawasdee (Thailand)
Hola (Mexico)
Mula dito ay nasabi niyang isa na siyang dalubwika tulad ni Rizal.
Marami pang pagkakapareho ang buhay namin ni Rizal, kasama na dito ang dami ng naging babae niya. Ay ako pala isa lang...si Grace lang.
Pero ang pinaka malaking pagkakapareho namin ay parehong Birthday namin ngayon.
Happy Birthday satin ka tropang Jose Rizal!
Nawa ay makamtan ko kahit katiting ng kasikatan mo!
IDOL!
Jun 15, 2008
Gulong ng Palad
May 27, 2008
Mahiyain Ako
May 10, 2008
Fairy Tale ng Totoong Buhay
Noong bata pa ako ay madalas akong kwentuhan ni nanay. Isa sa paborito ko sa mga kwento niya ay ang fairy tales ng totoong buhay. Ito ay tungkol sa kanyang kabataan. Lumaki si nanay na ulila sa ina, at tanging ang kanyang lola at tiyahin ang nagpalaki sa kanya at sa dalawa pang kapatid. Tulad ni tatay ay hindi rin nakaranas ng ginhawa sa buhay si nanay. Sa murang edad ay natuto na siyang magtanim ng palay upang makatulong sa kanyang lola. Nang makapag-aral siya ay mas lalong sakripisyo ang kanyang hinarap. Mula sa kanilang bahay ay halos 3 kilometrong ang kanyang nilalakad upang makarating sa paaralan. Gamit ang kanyang bag na fish net at ang tsinelas na pudpod ay bitbit niya ang kanyang laging baon na itlog na pula at kamatis. Dahil sa wala ang ina ay naging malupit ang mga tyuhin niya sa kanya. Sa tuwing uutusan siya ng mga ito ay laging may kasamang pingot, bulyaw o kutos. Mala soap opera ng panahon ni Mara Clara ang buhay ni nanay.
Kahit na hindi madali ang buhay, ay marami rin namang masasayang karanasan ang kwento ng kanyang kabataan. Ilan sa mga ito ang panghuhuli ng suso, pagtakbo sa pilapil at ang pagkain ng pahutan. Kahit nga hindi ko alam kung ano ang pahutan ay parang sarap na sarap ako dito dahil sa sayang kaakibat nito sa kanyang kwento. Hindi ko nga maintindihan noon kung bakit kahit halos gabi-gabing ikwento ni nanay ang mga bagay na ito ay hindi ako nagsasawang makinig. Para sa akin ay isa itong payapang lullaby na pilit akong hinehele ng pagmamahal.
Definition:
Pahutan - Isang uri ng manggang sing liliit ng kalamansi na matatagpuan lang sa barangay malis, guiguinto bulakan.
Ngayong malalaki na ako ay bihira ko ng marinig ang mga kwentong ito ni nanay. Pero balita ko ay naikukwento parin niya ang mga ito sa kanyang mga apo. Siguro ay naisip niya na sawa ako dito. Pero sa totoo lang, sa tuwing hindi ako makatulog sa gabi ay binabalikan ng isip ko ang mga masasayang araw noong mga bata pa kami. Lalo na ang kanyang mga kwento bago matulog...
Nanay,
Happy Mother's Day!
We love you so much!
Apr 29, 2008
Pwedeng Maligo
Pagsapit ng linggo ay handa na ang lahat.Ang Tierra de Lago (Land by the lake) ay halos isang oras na biyahe mula sa silangang bahagi ng Maynila. May laki ito na halos 10,000 metro kwadrado na matatagpuan sa dulo ng Los Banos, Laguna. Ang lugar ay napapalibutan ng nakamamanghang bundok ng Makiling at ang malawak na baybayin ng Laguna de bay. Marahil ay hindi ito popular sa marami dahil sa liblib ang lugar na ito. Samahan pa ng daanan papapunta na isang maliliit na eskinita. Aakalain mong nga na short cut papuntang payatas ang lugar sa una. Pero belib me, ang pangit na daanan ay makakalimutan mo matapos mong makita ang tila paraisong ganda nito.
Pag pasok ay agad bubungad ang isang malawak na hardin na napapalibutan ng ibat-ibang uri ng halaman. Sa may bandang kanan ay nandoon ang play ground, sa kaliwa naman ay may bar kung saan matatagpuan ang bilyaran at videoke. At pag patuloy pa ng pag lakad sa kanan ay matatagpuna ang isang basketball court. Mula sa play ground ay makikita ang tatlong kwarto na bagamat hindi kalakihan ay maliwalas dahil sa yari ang mga dinding nito sa anahaw. Sa tabi nito ay may dalawang malaking Gazebo. May dalawang hot spring pool na ang isa ay para sa mga bata at ang isa naman ay para sa matanda. Pag tawid sa pool ay matatagpuan ang jacuzzi at sa harap nito ay ang isa pang gazebo kung saan tanaw mo ang baybayin ng Laguna de bay na pwede pang mamingwit.
Ang ganda ng lugar ang naging dahilan kung bakit lalo akong naging excited. Sa simula palang ay parang gusto ko ng hatiin ang katawan ko at gawin ng sabay-sabay ang mga bagay na gusto kong gawin. Bukod sa paglangoy sa hot spring ay gusto ko rin mag tampisaw sa jacuzzi. Pero ang vocal chords ko ay naghuhumiyaw na at nag rerequest na simulan ko na ang pag kanta sa videoke. Kasabay narin nito ang royal rumble ng bituka ko dahil naaamoy ang iniihaw na liempo.
Sa ganda ng lugar ay isa na naman itong hindi malilimutang bakasyon para sa akin. Higit sa lahat, ang panahon na nakasama ko ang buong pamilya ay isang kasiyahang mahirap pantayan.