Dec 21, 2007

Ang Babae sa Buhay ko

May isang kaganapan sa buhay ko na hanggang sa ngayon na may asawa na ako ay umuukit parin sa puso at isip ko. Kwento ito tungkol sa isang babae na may malaking bahagi ng buhay ko. Sa lahat kasi ng mga babaeng dumaan sa buhay ko (kung ilan sila? find the value of x: (sinx+cotx-cosx)/tanx= 152) ay siya lang ang nagtataglay ng mga katangian na aking hinahanap.


Simple. Ni hindi ko pa nga siya nakitang nag pahid ng kahit anong klase ng make-up sa mukha. Pero kahit naman ganun ay lutang na lutang parin ang kanyang kagandahan. Para siyang isang diwata na may kapangyarihang magpa-amo ng mabangis na hayup sa tuwing tititigan niya. Hindi ko naman sinasabing isa akong tigre o baboy ramo, pero isa ako sa nabiktima ng kanyang tingin. Sa tuwing magkasama kami ay madalas napapako ang tingin ko sa kanya at napapansin ko na nahuhuli niya ako sa ganitong akto. Mabuti nalang at hindi niya ikinagagalit ang pagtitig ko sa kanya, pero minsan na niyang inamin na natatakot siya sa akin sa tuwing nakatitig ako, para daw may halong pagnanasa. Agad ko namang itong itinanggi kahit totoo (manyak)!


Bukod pa sa pagiging simple ay taglay din niya ang katangian na mahirap mahanap. Ito ay ang katangiang magmahal, sa Diyos, pamilya at kapwa. Minsan ay isang text message ang natanggap ko mula sa kanya, nais daw niyang magpasama sa akin sa isang Christian fellowship na miyembro siya. Bagamat, isa akong katoliko na deboto kay Mama Mary at St. Jude ay hindi ako sanay pumunta sa ganoong pagtitipon. Pero sa pagkakataong ito ay hindi ko siya natanggihan at ayaw kong sayangin ang pagkakataon na makasama siya. Noong una ay inakala ko na bantay lang niya ako, habang siya ay abala sa pakikisalamuha sa mga miyembro nito. Pero hindi nagtagal ay unti-unti na niya akong pinapakilala sa mga kasama, at hindi ko namalayan na sumasabay narin ako sa kantahan habang nakataas ang kamay ay nakapikit ang mata. Bagamat hindi ako sanay at nahihiya pa, ay nakita ko nalang ang sarili ko na nag-eenjoy din. Dahil ba sa faith? O dahil sa babaeng kasama ko? Ito ang bagay na hindi ko maipaliwanag at alam kong hindi tama na siya ang maging dahilan ng pagiging miyembro ko.


"Ang buhay ng kristyano ay masayang tunay (clap! clap!),

masayang tunay (clap! clap!)

masayang tunay (clap! clap!)"


Isa sa batayan ko sa babaeng gusto kong pakasalan ay ang mapagmahal sa magulang at kapatid. Dito ako saludo ng husto sa babaeng ito. Kaya niyang isakripisyo ang lahat ng meron siya para mapasaya ang kanyang pamilya. Sa tuwing nagkakroon ng pagkakataon na nakakabisita ako sa kanila, ay nakikita ko ang saya niya sa tuwing magkakasama silang buong pamilya. Minsan ay na-ikwento niya sa akin na ang pangarap niya sa kanyang mga magulang. Hindi ko inasahan na pareho kami ng hinahangad, ito ay ang maranasan nila ang sarap ng buhay sa kanilang pagtanda. Ang makapamasyal at maikot ang mundo, makapagpatayo ng mansion, masaganang buhay at malusog na pamumuhay. Dahil alam namin ang hirap na ginawa nila noong itinataguyod pa nila kami. Bagamat mahirap abutin ang ganoong pangarap ay nakikita ko sa kanyang mata ang determinasyon na may halong pagmamahal, kung kaya sa aking palagay ay walang imposible sa kanyang pangarap. Kaya naman, sinabi ko nalang sa kanya na sa kanyang pagyaman ay idamay na niya ang nanay at tatay ko para matupad din ang pangarap ko sa kanila.


Sa aking palagay ay iba ang ikot ng aking buhay kung siya ang kapiling ko, siya ang tingin ko na kukumpleto ng aking pagkatao, pero takot ako na biguin niya kung kaya matagal kong pinalampas ang pagkakataon na sabihin sa kanya ang mga bagay na ito. May mga pagkakataon na naglakas ako ng loob na magpasaring sa kanya, pero sa huli ay nauunahan parin ako ng takot at kaba. Minsan ay inamin ko na sa kanya na kung may isang babae na gusto kong makasama habang buhay malamang na siya yun. Ngumiti siya at hindi ko inasahan ang naging sagot niya ng ikwento niya ang kanyang panaginip. Minsan daw ay nanaginip siya na lumalakad siya sa altar para sa kanyang kasal, hindi raw maipaliwanag ang kaba sa dibdib niya habang pilit niyang sinisilip ang lalaking naghihintay sa kanya. Noong una ay isang malabong mukha ang kanyang natatanaw ngunit habang papalapit ay nagkakaroon ito ng hugis at anyo. Nang makarating siya sa altar ay saka palang niya ito nakilala, isang lalaki ubod ng gwapo ang kanyang nakita. Kahit alam ko na ubod ako ng gwapo ay hindi ko naman inasahan na ako yung lalaking napanaginipan niya. Labis akong natuwa ng marinig ang kwentong iyon at nagsimulang mangarap na sana nga ay magkatotoo.


Espesyal sa akin ang araw na ito dahil ngayon ang kanyang kaarawan. Excited ako dahil nabalitaan ko na nasa laguna siya ngayon at magkikita kami. Pagkagaling sa opisina ay agad akong nagtungo sa babaan ng bus para sunduin siya. Malayo pa lang ang bus ay inilalarawan na ng aking isip ang amo ng kanyang mukha. Nang huminto ang bus sa tapat ko ay agad akong tumakbo sa pinto para salubungin ang mga bumababa kahit hindi ko sila kamag-anak. Hanggang sa matanaw ang kanyang pagbaba. Isang matamis na ngiti ang isinalubong niya sa akin, kinuha ko ang bitbit niyang bag at hinalikan. Habang naglalakad ay hindi ko mapigilan na higpitan ang hawak sa kanyang kamay dahil sa saya na aking nadadama. Siya nga ang babae sa buhay ko at kumukumpleto ng pagkatao ko. Kaya naman ako ang pinaka masayang lalaki, noong pumayag siya na magpakasal sa akin.


Happy Birthday Bi...I Love you so much!


"Ang blog na inyong nabasa ay ang kwento na hindi ko na-ipost noong December 21, 2007 dahil sa pagmamadaling maka-uwi. Naging abala naman ako sa piling ni Grace noong bakasyon kaya hindi ko nagawang i-update ang blog ko."

Dec 13, 2007

Swerte ka ba?

Pag-swerte ka daw sa sugal, lotto, binggo, sakla o raffle ay malas ang lablyf? Ito ang paniniwala ko mula noon na nabago sa isang iglap. Krismas party ng aming kumpanya noong Linggo, ay ginanap sa Ninoy Aquino Stadium. Alas-tres ang simula ng programa at bago pa mag ala-una y medya ay umalis na ako ng bahay. Galing pa kasi ako ng bulacan at dahil sa wala ng shuttle doon ay nag commute ako papunta sa lugar. Sa maynila ako nag kolehiyo, pero sa pagkakataong ito ay bigla akong nalito kung saan ang Ninoy Aquino Stadium. Bigla ko kasing naisip ang Rizal Memorial Stadium na nagpagulo ng utak ko. Pareho kasing sa maynila matatagpuan ang dalawa, pareho pang hango sa pangalan ng bayani na idol ko, at pareho pang staduim. Basta ang alam ko lang ay isa dito ay sa Vito Cruz at isa naman ay sa tapat ng Harrison Plaza. SWERTE at nag reply agad si Chyng ng i-text ko si Jeric kung saan ang lugar. At tama ang hinala ko, ito nga ang nasa tapat ng Harrison Plaza na peyborit tambayan namin noon.

Saktong alas tress ay nasa lugar na ako. Dali-dali akong tumakbo sa gate para makipag- unahan sa pagpasok. Hanggang sa makasabay ko ang dalawa pang empleyado na parehong babae at nagmamadali rin. Dahil sa kanilang pagmamadali ay biglang natisod ang isa at nadapa habang hila nito pagbagsak ang kasama. Kaya mistulang stampede sa ultra ang itsura nilang dalawa pagkatapos. SWERTE at malayo pa ako sa kanila ng maganap ang trahedya at hindi ako nadamay. Mabuti nalang at walang nasawi sa pangyayari. Galos at kaunting lukot sa damit lamang ang tinamo ng mga biktima, kung kaya agad naman silang nakatayo.Nang makapasok ako sa loob ng stadium ay hindi na ako nagulat sa nakita. As usual, puno ang stadium sa dami ng empleyado ng Hitachi. Ayon sa bilang, mahigit 3,700 ang dami ng empleyado na nasa stadium ng mga oras na iyon. Kaya naman sa bubong na lang ang pwede kong pwestuhan kung gusto kong makapasok sa loob. SWERTE, dahil isang kaibigan (Si Amore) ang nakakita sa akin at dali-dali akong tinawag. Dahil sa kanyang koneksyon sa baba at diskarte ay nakakuha kami ng pwesto sa harap ng stage. As in sa harap, mga tatlong silya lang ang layo mula sa butas ng ilong ng mga performers. O di ba? Nasa VIP area na kami sa isang iglap.
Nagsimula ang programa sa isang paunang salita mula sa aming presidenteng hapon. Noong una ay tahimik lamang ang lahat at pinakikinggan ang bawat sinasabi nito. Walang humihinga, lahat ay nakatutok at pare-pareho ng hinihintay na marinig. Hanggang isang anouncement ang bumasag sa katahimikan ng lahat. SWERTE ng ipahayag niya na makaka-tanggap ang lahat ng bonus. Hiyawan ang lahat, ang iba ay tumili, meron nagwala, na-ihi sa salawal at meron din tumalon mula sa bleacher hanggang lower box. Kapag tungkol talaga sa pera ang usapan ay makakalimot ang lahat kahit siguro Akon pa ang katapat.
Matapos maka recover sa narinig na bonus ay muling nanumbalik ang party mood ng lahat. Hanggang isang dagundong na naman ang narinig ng isa-isang nag-datingan ang mga special guests. May malupit sa sayawan, malupit sa hosting, malupit sa kagandahan, malupit sa kantahan at walang lupet. Pero gusto kong samantalahin ang pagkakataon na ito para purihin ang lupet ng street boys! Sobra akong napabilib. Hindi ako mahilig sumayaw pero noong sila na ang nag perform ay bigla akong napatili. Ewan ko, hindi ko napigilan ang sarili ko, kusang umakyat ang tili sa aking diaphram at inilabas ng aking lalamunan. SWERTE at lahat ng katabi ko ay tumitili din, kaya hindi ako nahalata.



Ang lupet ng Street boys!

Sayang at hindi niya sinama si Ate Vi na idol ko.

Maganda sya at crush ko siya, kaya hindi ko pupunahin ang performance nya.

Malupit sa kantahan.



(Sadyang hindi ko na sinama ang isa pang guest, wag nalang sayang ang space..hehehe)



Hanggang sa dumating ang SWERTEng hindi ko inaasahan. Mula ng magkaroon ako ng malay sa mundong ibabaw ay hindi pa ako nakaranas manalo sa kahit anong raffle. Mapa-raffle man sa eskwela, raffle sa perya, sa baranggay, department store, sari-sari store o kahit pa-raffle ng Tide sa Eat Bulaga ay sinalihan ko pero bokya parin. Sinimulan ang raffle sa pag-bunot ng mga minor prices. Isang babae sa tabi ko ang nag-titili at sinabunutan ang katabi niya sa tuwa at buong lakas siyang nagsisisigaw na parang apo ni Sisa ng marinig ang pangalan niya na unang binunot. Ganoon niya kailangan ang premyo na iyon na pwede na siyang sumulat ng autobiography dahil sa makulay na pangyayaring iyon sa buhay niya. Ilang sandali pa ay tumakbo na siya papalapit sa lugar kung saan makukuha ang mga prices. At ng bumalik siya ay bitbit na niya ang kettle na kanyang napanalunan. Muntik ng dumugo ang anit ng katabi niya ng dahil lamang sa kettle na iyon. Nagpatuloy ang raffle habang ako ay abala sa pagkuha ng mga pictures ng kisame, silya, poste at spot light sa loob ng stadium. Hanggang sa marinig ko ang pangalan ko na tinawag. Bigla akong nawala sa sarili, siguro ay kung hindi ako nahiya sa eskandalong ginawa ng unang nanalo ay malamang na ganoon din ang nagawa ko. Lumapit ako sa claim station na wala akong idea kung ano ang napanalunan ko.

Staff: Sir, ano po napanalunan nyo?
Lloyd; Ah e, Ipod 60 Gig?
Staff: Sir, minor prices palang po ang na draw.
Lloyd: Ah ganun ba, hindi ba pwedeng Ipod nalang?. (Sabay dukot sa bulsa at abot ng 500). Eto, pang meryenda mo.
Staff: Sinusuhulan nyo ba ako!!!?
Lloyd: Hindi naman sa ganun.
Staff: Eto po, grocery basket worth 1,100 pesos ang napanalunan nyo!(sabay abot ng isang basket na umaapaw).
Lloyd: Arg! (bigat)
















Pagbalik sa upuan ay tinitigan kong mabuti ang basket na napanalunan ko na parang lab at persayt. Ganito pala ang pakiramdam ng manalo sa raffle. para kang tumuntong sa ulap at may mga anghel na umiihip ng trumpeta sa saliw ng tugtuging papaya dance. Naging masaya ang buong gabi ko at naka-patong parin sa ulo ko ang tanda ng swerte. Nang mapadaan ako sa Lotto station ay inisip ko ring tumaya pero sarado na, sayang ang pagkakataon. Malamang kasi ay bumalik na sa normal ang aura ko kinabukasan. Agad kong tinext si Grace at ang nanay ko na ang balita ko ay nagrosaryo pa para manalo ako ng appliance showcase worth 40,000 pesos o ang grand price na 100,000. Pero hanggang grocery basket lang ang inabot ng swerte ko sa ngayon at ito ay labis ko nang pinag-papasalamat.

Dec 5, 2007

Wish kay Santa

Isang text message mula sa aking kapatid ang natanggap ko noong linggo. Nagtatanong siya kung ano ang gusto kong matanggap para sa aming taunang "kris kringle". Halatang ang text ay ipinadala sa lahat para hindi mabuking kung sino ang nabunot ng bawat isa. Ilang sandali pa ay isa-isa nang nagdatingan ang reply ng bawat isa. Mayroon gusto ng Brats doll, Zaido Blue kolektibols, bags, sandals, badminton racket (na mamahalin) at kung ano-ano pa.
Taon-taon ay naging tradisyon na sa aming tahanan ang magkaroon ng kris-kringle. Nagsimula ito noong nasa elementary pa ako at anim pa lang kami miyembro ng pamilya, nagpatuloy hanggang ngayon na labing walo na kami lahat. Para sa akin, ang kris kringle ay isang importanteng events sa araw ng pasko. Kung wala kasi ito ay malamang sa malamang na wala akong natatanggap na regalo tuwing pasko. Kaya naman labis akong nagpapasalamat sa naka-imbento nito. Atleast, walang mag-iisa ngayong pasko basta't kasali sa kris kringle.

Aktwali, ang kris kringle daw ay hinango sa salitang German na Christ Kindl o Christkind na ang ibig sabihin ay "gift bringer child". At dahil sa mga bobongkano (isteyt side na bobongpinoy) na nagkamali sa pronawnsheysion (tama ba ispeling?) ay binigkas nila ito na kris kringle (kitams, kung ang pinoy bopols sa ingles, ang mga kano naman ay bopols sa German). Hanggang sa lumipas ang mahabang panahon at ang imahe ni kris-kringle ay kumupas, inagiw at tumada. Mula noon ay isang bagong karakter ang ipinakilala sa ating lahat, ang ninong ng lahat at ang nag-iisang santa na lalaki, Si Santa Claus o St. Nicholas.

Noong bata pa ako (hanggang ngayon) ay naniniwala ako kay Santa Claus. Pagkatapos ng noche buena ay nag-uunahan kaming mag-sabit ng mga kapatid ko ng medyas sa bintana at umaasang bukas pag-gising ay may regalong ilalagay si tatay, este si Santa. Taon-taon naman ay hindi kami nabibigo, yun nga lang hindi ang mga regalong inaasam ko ang natatanggap ko. Kundi mga barya na mukhang galing sa arkansya. Dahil doon ay labis akong napabilib ni tatay, este Santa. Dahil ibinuwis niya ang kanyang arkansya para lamang mapaligaya kaming mga bata. Ngayon na hindi na ako naniniwala kay Santa (ows?) ay sinubukan kong ibahin naman ang isytayl. Imbes na magsabit ng medyas ay sususlatan ko siya at ibo-blog ko. Baka kasi member narin siya ng blogsphere at makarating ito sa kanya. Eniwey, gagawin ko 'to hindi dahil naniniwala pa ako sa kanya, katuwaan lang (plastik!)


Dear Santa,

Meri Krismas!

Kamusta na po kayo? Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan habang binabasa ang sulat ko.Kamusta na po si Rudolf? Hindi na po ba siya inaaway nila Dasher, Dancer, Prancer, Vixen,Comet, Cupid, Donner and Blitzen. Si Olops the other raindeer po? Kasama na ba siya sa opisyal raindeer ng tropa?
Eniwey, Alam ko po na alam nyo na at hindi nyo pwedeng itanggi na malapit na ang pasko. Kaya naman sigurado rin ako na handa kayo at alam nyo na susulatan ko kayo.

Bago po ang lahat, para fair ay gusto ko munang sabihin sa inyo na naging mabait ako sa buong taon. Hindi na po ako iyakin. Pinipigilan ko na pong tumulo ang luha ko pag nanonood ng Maalaala mo kaya at Princess Sarah. Hindi na po ako nagpapa-late sa trabaho, madalas po ay maaga na ako pumapasok at gabi na umuuwi. Importante po kasi sakin na ma-ipost ang blog ko kada-linggo (ayaw ko sumablay sa deadline). Hindi rin po ako sumama sa nakaraang Makati Standoff, mas naniniwala po ako na ang pagbabago ay nasa bawat Pilipino at hindi sa isang pinuno o grupo lamang. Insyort, Gudboy po ako and I deserve to have gift(s) this krismas.

Pasensya na po pala kung sa wikang Pinoy ko po isinulat ang liham kong ito dahil hindi ko po alam ang salitang gamit niyo dyan sa North Pole, kung ingles, Russian, Polish o Polar Bear. ipa-translate nyo nalang po. Malamang at sigurado ko na may Pinoy workers din kayo dyan sa factory niyo na pwedeng mag-translate ng sulat ko.
Idinaan ko na rin po sa blog ang sulat ko para mas mabilis nyong makita at kung sakaling may kasing bait nyo po na makabasa ay baka sakaling siya nalang ang tumupad ng hiling ko. Hindi ko rin po kasi alam ang e-mail address nyo.
Santa_25@yahohoho.com parin po ba ang gamit nyo? Ininvite ko po kasi kayo sa friendster pero hindi nyo po ina-accept. (hmpf!)
Eniwey, eto po ang aking mga hiling ngayong pasko.

Canon EOS 40D Digital SLR. Hindi nyo po naitatanong ay nahihilg po ako ngayon sa photography at isa po sa pangarap ko ay magkaroon nito. Pag ito po kasi ang hawak ko ay malamang na kahit puro paling at putol ang kuha ko ay ma-aapreciate parin ng makakakita dahil sa ka-astigan nitong taglay. Wag po kayong mag-alala, papadalhan ko po kayo ng kopya ng mga kuha ko, at iiwas po ako sa mga nude photos (Pro kung type nyo yun madali po ako kausap, hindi po makakarating kay Mrs.Santa)

Dalawang round trip ticket sa Greece plus pocket money. Hindi nyo po tinupad last year ang hiling kong honeymoon namin ni Grace sa Europe. Kaya eto na po ang tiyansa ninyong makabawi. Okay lang po sa amin na sa Greece nalang, para po mabisita namin ang Olympia at Mount Athos. Pero naiintindihan po namin na mahirap ang buhay ngayon,kung kaya kahit sa sa Hongkong Disneyland ay pwede na, dagdagan nyo nalang po ang pocket money para todo ang saya.

Transformer (Optimus Prime). Kung hindi pa po kayo tinatamaan ng alzheimer, ay alam nyo na eto po ang taon-taon na hiling ko sa inyo since kinder. Pero hanggang ngayon po ay hindi nyo parin binibigay. Kung hindi po makagawa ng Transformer sa toy land ang mga elf nyo ay sabihan nyo lang po. Madali naman ako kausap, kahit po Zaido blue o Lastikman koletibols ay okay na sa akin kesa wala.

World Peace. Santa naman, ang dami na kayang humihiling nito. Pati nga mga beauty queens ay ito rin ang hiling. Kakasawa na kasi silang pakinggan kaya pwede bang ibigay niyo na po ito sa kanila. Bahala na po kayo kung paano niyo ito ibabalot sa giftwrapper, eniwey problema naman na iyon ng elf workers niyo.

Iyan lang naman po ang mga gusto ko ngayong pasko. Sana naman bigyan mo ng katuparan ang hiling ko. Ang tanda-tanda ko na po pero hanggang ngayon wala pa po kayong binabalot na regalo para sakin. Sige po, bahala kayo baka hindi narin ako maniwala sa inyo at tuluyan nang tumiwalag at umiba ng kapanalig. Sana po ay ibigay nyo sa akin ang mga hiling ko on or before December 24, 2007. Kapag hindi niyo po tinupad ang mga kagustuhan ko ay pangungunahan ko po ang pag-aaklas ng union sa inyong factory at isasama ko narin po ang mga miyembro ng magdalo para mapababa kayo sa pwesto.

Hoping for your kind consideration.

Truly yours,
Roninkotwo
"Da Gudboy"


P.S. Wala po kaming chimney sa Pinas. Kumatok na lang po kayo sa gate namin o mag doorbell, pero don't worry magsusuot ako ng blindfold para di ko po kayo makita.

Dec 1, 2007

Kwentong Pamasko

"Sa may bahay ang aming bati,
meri krismas, nawawalhati."

Isang batang babae na nasa edad na pito, may payat na pangangatawan, at madungis na damit ang tumapat sa FX na sinasakyan ko pauwi ng Bulacan ng matraffic ito sa EDSA. Gamit ang dalawang bato bilang instrumento, habang bitbit ang ilang pirasong sampaguita ay sumasabay ang kanyang paos na tinig sa isang awiting pamasko na matamlay niyang inaawit. Bagamat tulog ang katawan ko noon dahil sa pagod ay unti-unting nagising ang diwa ko at napatingin sa batang umaawit. Nasalamin sa mata ng bata ang aking ala-ala sa tuwing sasapit ang pasko noong ako ay halos kasing edad niya.
Pasko ang paboritong araw ko sa buong taon, mas excited ako dito kesa sa bertdey o showbiz anniversary ko. Marami kasing masasayang karanasan sa buhay ko ay naganap sa panahon ng kapaskuhan. Hindi kami mayaman, pero hindi rin naman salat sa mga bagay na kailangan para mabuhay. Ang tatay ko ay isang mananahi at ang nanay ko naman ay isang mabuting maybahay. At ang kinikita nila ay sapat lang para ilaan sa pag-aaral naming apat na magkakapatid. Bagamat lumaki ako na hindi sagana sa mga laruan, pagkain o magarang damit, ay busog na busog naman sa pangaral ng magulang at pagmamahal ng buong pamilya.

Pagkatapos pa lang ng undas ay excited na akong nilalanghap ang simoy ng pasko. Si tatay ang madalas na nag-aayos ng aming bahay tuwing sasapit ang ganitong panahon. Pero hindi siya bumibili noon ng mamahaling parol o malaking krismas tree. Gamit lang ang kanyang tiyaga at abilidad ay nakakagawa siya ng mga tulad nito ng hindi gagastos ng malaki. Hindi ko makakalimutan noon ang aming krismas tree na ginawa ni tatay mula sa sinulid. Gamit ang bilog na plywood bilang base, na pinai-kutan ng pakong bakya at tinukuran ng kawayan sa gitna kung saan itatali ang sinulid mula sa tuktok hanggang sa base paikot ng paikot hanggang mapuno at mag korteng cone. Pag naitayo na ay sasabitan niya ng mga kendi tulad ng stork, mentos at white rabbit. Ilang segundo lang ang itinatagal ng buhay ng mga kending nakasabit dito, dahil agad namin itong sinusungkit. Kapag nakita ito ni tatay ay hihingin niya sa amin ang mga balat ng kendi at papalitan ng bato ang laman nito at isasabit muli. Kay tatay ko natutunan ang innovation!

Simbang gabi ang isa sa pinaka-hihintay ko tuwing pasko. Kahit na mahirap gumising o manigas ang katawan ko sa lamig ay hindi ko ito pinapalampas. Tulog pa ang manok ay ginigising na ako ni nanay para maligo. Pag dating sa banyo ay dadamhin k0 muna ang lamig ng tubig na kasing lamig ng yelo. Dahil sa takot akong sipunin at importante sa akin ang kalusugan (takot sa tubig..palusot pa!) ay wiwisikan ko lang ang mukha ko at babasain ang buhok at lalabas na ng banyo. Magagalit si nanay dahil mapapansin niya na hindi ako naligo, nakita niya kasi na hindi naalis ng wisik ng tubig ang mga muta sa mga mata ko.

Hindi mawawala ang exchange gift sa aming pamilya tuwing pasko, dahil tradisyon na ito. Nagsimula ito noong nasa grade 1 ako, at pinagpapatuloy hanggang ngayon. Noong una ay anim lamang kami na kasali dito, pero ngayon ay labing-walo na mula ng mag-asawa kaming lahat at magkaroon ng mga pamangkin. Natatandaan ko pa ang unang exchange gift namin sa bahay. Si nanay ang nabunot ko, at dahil alam ko na pangarap niya noon ay makatanggap ng grocery sa pasko ay pinilit kong tuparin ito. Mula sa sari-sari store ay naghanap ako ng kakasya sa pera ko. Dahil sa liit ng budget ,ay isang lata ng tomato sauce lang ang nabili ko. Nang ibigay ko ito kay nanay ay nakita ko ang saya sa mukha niya. Hinalikan ko siya at pinangko sa sarili ko na darating din ang panahon na maibibigay ko ang simpleng hiling ng nanay ko. At ngayon, kahit hindi pasko ay tinupad ko ito, buwan-buwan...(maririnig ang theme song ng wish ko lang).

Kahit mahirap ang buhay at nauubos ang pera sa pag-aaral naming magkakapatid ay hindi pinapalampas ng mga magulang ko ang noche buena. Ito ang pagkakataon na sama-sama kaming nag-aantay na sumapit ang alas-dose at sabay-sabay magpapasalamat sa lahat ng mga biyayang natanggap sa buong taon. Atat ako tuwing malapit na ang noche buena, madalas ang sulyap ko sa wall clock at naiinip sa takbo ng mga kamay nito. Excited kasi akong makakain ng spaghetti ng nanay ko. Ngayon nga na marunong na akong magluto ng ravioli o tortellini ay hindi parin nito kayang pantayan ang spaghetti gawa ni nanay. Pagpatak ng alas dose ay yayakapin namin ang bawat isa, hahalik at babati ng isang maligayang pasko. Iba talaga ang saya kapag kasama ang pamilya tuwing pasko, ang lamig ng panahon ay napapalitan ng init ng pagmamahalan.

Binaba ko ang bintana ng FX at inabot sa batang nagkakaroling ang limang pisong barya na nasa bulsa ko. Wala kahit anong reaksyon akong nakita sa mukha niya, wala man lang kahit "thank you!". Sinara ko ang bintana at muling pinikit ang mata para ituloy ang na-istorbong tulog. Ilang sandali pa ay narinig kong kinakatok niya ang bintana ng fx sa bahagi ko. Inis akong sumenyas na wala na akong ibibigay subalit patuloy parin ang bata sa pagkatok. Para tumigil ay ibinaba ko ulit ang bintana at dinukot ang piso na natitirang barya sa bulsa ko. Hindi ko pa man kumpletong naibababa ang bintana ay nagulat ako ng iabot sa akin ng bata ang dala niyang sampaguita. Halos malusaw ang puso ko ng abutin ko ang sampaguita at isang matamis na ngiti mula sa bata ang aking nasilayan. Bago pa man ako makapagsalita kahit man lang "thank you" ay tumakbo na siya papalayo at lumipat sa katabing sasakyan.

"We wish you a meri krismas
we wish you a meri krismas
we wish you a meri krismas
and a hapi new year! "

Ayon sa DSWD may halos 1.2 million na bata sa lansangan ngayon sa Pilipinas ang walang magulang. At sabi ng UNICEF, 12 million children die every year largely due to malnutrition sa buong mundo. Ibig sabihin, sa bawat minuto, sampung bata ang namamatay dahil sa kawalan, hindi lang ng pagkain, kundi kawalan ng pagmamahal at pamilyang nag-aaruga. Biglang sumagi sa isip ko ang dahilan kung bakit masaya ang bawat pasko ko. Ito ay dahil sa mga biyayang natatanggap ko mula sa dakilang may kaarawan tuwing pasko. Mga biyayang wala ang ibang bata, ang biyaya ng buhay, pagmamahal at pamilya.

Ito ang buong larawan ng Pasko. Totoong may napakadakilang dahilan upang magbunyi at magdiwang. Ngunit totoo ring maraming mga tao ang nalulugmok sa sari-saring pasanin, pasakit at kawalan. Paano ang pasko ng mga walang kasama sa buhay? Paano ang pasko ng mga walang bahay? Paano ang pasko ng mga walang pamilya?
At ito rin marahil ang hamon sa ating mga hindi masyadong nagdurusa ngayong kapaskuhan. Paano nga ba ipakikilala ang langit sa lupa, ang luwalhati sa dalamhati, ang kaalwan sa kawalan.

Nawa ay maging maligaya ang pasko nating lahat.

Nov 23, 2007

Kwentong KayGanda

Exciting ang araw ng biyernes para sa akin dahil ito ang araw ng uwian sa Bulacan at makikita ko na ulit ang aking asawa. Isang normal na biyernes sa akin ngayon, pagbaba ng shuttle ay diretso CR at matapos tingnan ang mukha sa salamin na hindi nagbabago at walang kupas (gwapo araw-araw) ay diretso na agad sa canteen para mag almusal. Pero, sa pagkakataong ito hindi normal na umaga ang bumati sa akin. Isang sutsot mula sa likod ang aking narinig at nang lingunin ko ay isang kaibigan ang aking nakita.

Una kong nakilala si Jamie limang taon na ang nakakaraan ng ini-nguso siya sa akin ng kaibigang engineer. Noong una ay hindi ko maintindihan ang gusto nitong sabihin sa akin habang nakatulis ang nguso at umiikot ang mata, kinilabutan pa nga ako dahil ang akala ko ay humihingi siya ng kiss bagamat pareho kaming lalaki. (yuck!) Pero ng sundan ko ang direksyon ng kanyang nguso ay isang magandang babae ang aking nakita. Para siyang anghel na nalalaglag mula sa langit, napangiti ako at nag korteng puso ang eye ball ng mata ko. Tulala na ako sa pagkakatitig ng biglang nilapitan ako ng nag ngunguso sa akin. "Hindi yan, yung katabi!" Doon ko palang nakita ang totoong tinutukoy niya, si Jamie.



Hindi man si Jamie ang anghel na una kong nakita ay mukha naman siyang kerubim na lumulutang sa ulap (pang-bawi). Hindi mo nga iisipin na engineer siya noon, dahil para lang siyang nursery na iniwan ng nanay habang umiinom ng pepsi at umiiyak.

Kung pinagbabawal man ng copyright ang pagkuha sa larawang ito ay humihingi ako ng patawad. Handa akong magpakulong, pero hinding- hindi ko ide-delete 'to. Kailangan talaga sa kwento.

Masungit ang dating ni Jamie sa iba, pero hindi sa akin. Natatabunan kasi ng charm ko ang kasungitan niya. Dahil parte siya ng trabaho ko ay madalas kaming magkasama at mag-usap. Kaya naman hindi na naiwasan na naging malapit ako sa kanya (pero may limit na one foot away baka magalit si Glenn).

Ang pag puksa ng Silicon Magnesium oxide (anu yun?), na maskilala sa tawag na talc (huh?), na mas lalong kilala sa tawag na baby powder (?), na pinaka kilala sa tawag na polbo (ahhh..) ang unang assignment namin ni Jamie. Ang talc kasi ay isang uri ng chemical na sumisira sa Hard Disk Drive kung saan sinusunog at binubura nito ang bahagi ng disk na madapuan nito. Dahil dito ay naatasan kami na bisitahin ang lahat ng supplier sa loob at loob ng bansa (hindi sya kasama pag overseas..bwehehehe) para puksain ang salot sa na talc na napaka-halaga naman para sa lahat ng empleyadong babae at gustong maging babae.

Sa una ay medyo ilang ako kay Jamie, pero after 5 seconds na magkausap ay naging magaan agad ang loob ko sa kanya. Nagsimula na kasi siyang mag kwento ng lahat lahat sa buhay niya, ipinakilala na niya sa akin si mommy at daddy niya, mga kapatid at ang boypren niya noon (na asawa na ngayon) na si Glenn at naging close din ako sa kanila, kahit na sa kwento lang. Ganun katindi ang bonding kasama si Jamie, prang 28 years ka na nyang kakilala.

Isa pa sa naging dahilan kung bakit ako naging interesado na makinig sa kwento niya ay ang pagkakapareho namin pagdating sa lablayp. Pareho kasi kaming hayskul sweetheart ang naka-tuluyan, kung kaya ginawa ko siyang parang reference buk kung saan kumukuha ako ng tip para hindi ako awayin ni Grace pag may kasalanan ako.

Lumipas ang mahabang panahon at lalo kong nakilala si Jamie. Sa kanya ko natutunan pahalagahan at intindihin ang nararamdaman ng isang babae. Ito man ay cute o nakaka-inis, basta, intindihin mo na lang! (wala daw kaming choice). Isang golden rule ko ngayon ito na utang ko kay Jamie at kinatutuwa ni Grace.

Sabay kaming nag almusal ni Jamie kanina, hindi pangkaraniwan dahil hindi naman talaga kami nagkakapag bonding sa pagkain. At ito na ang una at huling pagkakataon na magagawa namin ito, dahil ngayon ang huling araw niya sa HICAP. Isang simpleng kwentuhan at kamustahan lang ang napag-usapan namin habang kumakain. Pinili kong hindi mag kwento at magsalita dahil ayaw kong mapuno ng sabaw na luha ang kanin ko, pero ang totoo ay pinipigilan ko na.

Bigla kong narealize ang malaking bahagi niya sa paglagi ko dito sa HICAP. Si Jamie na laging-online para tulungan ako sa aking problema mapa-trabaho man o personal. Si Jamie na laging may update sa blog nya para inggitin at pangitiin ako. At higit sa lahat, si Jamie na nagpapa-inspired sa akin na lalong mahalin si Grace . Iiwan na niya ang HICAP para harapin ang mga pangarap niya sa buhay, at masaya ako para sa kanya.

Paalam ganda, at salamat sa lahat ng ala-alang iniwan mo sa akin.

" A friend that is hard to find, difficult to leave and impossible to forget"

Nov 16, 2007

Kwentong Matanong (FAQ para sa Kwentong Kusinero)

Mula nang i-post ko ang Kwentong Kusinero sa blog na Bakit Bilog ang Mundo? ay nag-umapaw agad ang dalawang comments . Dahil sa dami ay hindi ko tuloy ito personal na nasagot. Ngayon ay ekslusibong eksplosibo kong sasagutin ang bawat tanong nyo. Maging ito man ay sa blog, sa text, sa sulat o sa friendster na pinadala ng aking mga taga-subaybay. Ayaw ko kasing isipin ninyo na lumalaki na ang ulo ko, pasensya na sa mga nasaktan. Naging busy lang talaga ako sa mga mall tour at tv guestings.

Frequently Asked Questions (Kwentong Kusinero)

Q: Gusto ko sanang lutuin ang Chicken Surprise para sa aking asawa na isang vegetarian, paano ba ako hihingi ng permiso?
A: Una sa lahat, alamin mo muna kung okay sa asawa mo na kumain ng chicken. Pag sinabing gulay lang ang kaya nyang kainin, hindi pupwede lutuin ang chiken surprise gamit ang talong o pechay. Chicken nga e! . Huwag mong ipagpilitan ang Chicken Surprise dahil lang sa ito ay mukhang madaling lutuin. Baka magalit ang asawa mo, sayang lang ang pagod mo at baka iwan ka pa niya at ako pa ang sisihin mo.

Q: Gusto ko sanang lutuin ang Fujio Pizzakoto para sa aking mga anak, paano ba ko hihingi ng permiso?

A: Kung para lang sa iyong mga anak ang rason kung bakit mo lulutuin ang Fujio Pizzakoto, at hindi mo naman ibebenta sa Pizza Hut o Greenwich para pagkakitaan, di mo na kailangan humingi ng permiso. Basta't isaad lang sa ibabaw ng Fujio Pizzakoto gamit ang mayonaise at cheese ang title ng blog, author, at ang website kung saan mo nakita ang recipe bilang acknowledgment, at magbayad ng P50,000.00 bilang donasyon.

Q: Pwede ka bang maimbitahan na magluto sa Chrismas party namin?
A: Hindi sa mga araw ng Lunes hanggang Sabado. Muli, tumatanggap lang ako ng catering pag linggo at tuwing mahal na araw.

Q: Pwede ka bang maimbitahan--
A: Hindi. fix na yun, busy ako!

Q: Pwede ba--
A: Hind--

Q: Pwed--
A: Hin--

Q: Pw--
A: Hi--

Q: Q
A::::::

Q: Nbsa q n ang kwen2ng kucnero, gs2 rin me maglu2. Pno b mgandang gwin me pr mkpglu2?
A: Depende. May burner ba ang cellphone mo?

Q: Bakit ayaw mong ibigay ang totoong recipe ng mga niluto mo?
A: Napakaraming dahilan.

Q: Bakit isinama mo pa sa FAQ na 'to ang tanong sa itaas e hindi mo rin naman pala sasagutin?
A: Pamparami.

Q: Baka naman may iba ka pa recipe dyan na pwede mo i-share, step by step. Yung madali lang ha!?
A: Meron. Eto, kumuha ng lapis at papel, mag madali ka! Kusang nabubura ang mga letra pagkatapos basahin.

PINIKPIKANG BAKA

Step 1: Itali ang baka.

Step 2: Pakainin ang baka ng mga rekadong gaya ng Lauriel, Atchuete, Maggi Magic Sarap, at Knorr Beef Cubes (para maging lasang-lasang baka).

Step 3: Mag handa ng maraming kutsara.

Step 4: Mangimbita ng kapitbahay kung kulang pa ay tawagin ang buong baranggay at itali ang baka sa kuko, sa paa, sa buntot, sa sungay at sa bibig.

Step 5: Paluin ang baka sa pamamagitan ng kutsara hanggang ito ay mamatay (hindi ko problema kung aabutin kayo hanggang dalawang linggo) at pagkatapos ay ilagay ang buong baka sa kaldero...

Tanong ng baranggay, "Teka,sa kaldero namin ilalagay ang buong baka?"

Sagot ko, "Sori, I-rephrase ko lang ang sinabi ko...

At pagkatapos ay ilagay ang buong baka sa KALDEROOOO!!!

sabi ng Baranggay," Kung ganyan ka magsalita ay magkakasundo tayo...Sige ituloy mo...

STEP 6: Pagkatapos ilagay ang buong baka sa KALDEROOOO!!! ay ahitan ang baka sa nguso, sa baba, sa patilya, sa kilikili, i-kyutiks at i-pedicure ang kuko ng baka at pulbusan.

STEP 7: Gawin lahat hanggang maging presentable ang baka.

STEP 8: Habang ngumu-nguya ng talbos ng dahon ng bayabas ang buong baranggay lagyan ng asin ang paligid ng baka. Hintayin ang isang oras, tapos ipasok sa bunganga ng baka ang lahat ng nginuyang talbos ng dahon ng bayabas.

STEP 9: Pagkatapos ay i-turbo broiler ang baka. Hayaan hanggang 2-3 oras.

STEP 10: Tapos ay ihain na.
Best if serve Hot.

Makes 1-2 servings.

Q: Ikaw ba talaga ang nagluto ng mga nasa Kwentong Kusinero? Kung Ikaw nga, paano mo mapapatunayan?
A: Kasalukuyan ko pa rin po hinihingi ang pananaw ng mga siyentipiko at Simbahang Katoliko ukol dito.

Q: Adik ka ba?
A: Recovering.

Q: Gusto ko matikman ang luto mo, paano ba?
A: Mag text lang sa luto mo itext mo at i-send sa 2121. Libre ang mga bata, 4 ft. and below. 4,999.95 pesos ang entrance fee para sa mga matatanda. Bawal ang mga batang walang kasamang sampung matanda. Magdala ng diatabs

Q: Napansin mo bang korni ang FAQ mo?
A: ANO 'KA MO???

Q: Sabi ko, masyado ba kong matanong?
A: Ayos lang. Mga dalawang tanong pa... talo mo na ang pinagsamang Boy Abunda at Cristy Fermin.

Q: Last na, talaga bang may mga nagtanong ng "frequently asked" questions na 'to?
A: Wala. Pauso ko lang lahat yan. Napagtripan ko lang gumawa ng FAQ habang iniisip ang title ng sunod kong blog.

Q: Dedication?
A: To all my fan, Sana maging dalawa ka na.

Nov 9, 2007

Kwentong Pag-ibig (Blognovela edition)

Prologo
Sariwa pa sa ala-ala ko ang eksena namin habang kumakain sa Shakey's SM North Edsa at nag-uusap ng maraming bagay. Ilang sandali pa ay ginulat ko si Grace ng isang matinding tanong. "Mahal mo ba ko?" Habang nakatitig sa mata niya. Parang nawala sa ulirat si Grace sa tanong ko. Hindi siya nakapagsalita at ilang segundong katahimikan ang bumalot sa aming dalawa.

Kabanata I - Pagkikita
Una kong nakilala si Grace labing-apat na taon na ang nakakalipas, 1st year high school kami sa iisang eskwelahan. Bagamat hindi kami magkaklase ay madalas ko naman siyang nakikita tuwing flag ceremony. Siya ang pinakamaliit sa section nila (Sabi niya sumunod daw sya sa maliit, pro ang pagkakatanda ko ay sya ang una sa pila). Noong mga panahon na iyon ay ang kaklase niya ang type ko, kung kaya naman mas doon ako nakatitig madalas at dumadaplis lang ng konti sa kanya.

Kabanata II - Pinaglapit ng Tadhana
2nd year high school ng maging mag ka-klase kami ni Grace at naging magkatabi sa upuan. Sa harap kami naka-upo dahil maliit siya at ako naman ay madaldal.Istrategy ng titser namin para madali akong makita. Noon din ay sinisimulan ko nang ligawan ang crush ko na kaklase narin namin. Hindi iyon kaila kay Grace kaya naman madalas ay tinutukso niya ako sa tuwing tulala akong nakatingin sa crush ko.

Kabanata III - I'm Inlab
Lumipas ang ilang araw at linggo ay nagsimulang gumaan ang loob namin sa isat-isa. Mula flag ceremony hanggang uwian ay naging kakwentuhan ko siya. Maging ang mga kaganapan sa aking buhay pag-ibig ay siya din ang unang nakakaalam. Nagsimula kaming mag palitan ng kwento at parang naging isang buhay na diary sa bawat isa. Sa madaling salita ay naging super close kami. Hanggang sa isang pangyayari ang nakapag patunay ng aking nararamdaman para sa kanya. Nagka-sakit si Grace at ilang araw na hindi nakapasok. Bigla ko siyang na-miss at nagising na lang ako isang araw na sumisingaw na sa utak ko ng mga kemikal tulad ng pheromenes, dopamine, norepinephrine at serotinin na nagiging sanhi ng pagbilis ng tibok ng aking puso at pagka-walang gana sa pagkain. Patay! eto na nga ang sintomas..I'm inlab...

Kabanata IV - Lab Letter
Mula noon ay naging excited ako sa pagpasok sa eskwela. Napansin narin ng nanay ko na tumatagal na akong maligo at paglabas sa kwarto ay umaalingsaw na ang amoy ng Axe Cologne sa buong bahay. Tuwing magkausap kami ni Grace ay diretso sa mata ang titig ko. Hindi tumagal ay hindi na kinaya ng puso ko na itago ang nararamdaman. Isang episode lang ng love notes ni Joe D' Mango ang napanood ko ay inatake na ko ng kabaduyan at sinapian ng kaluluwa niya. Gamit ang ilang pilas ng papemelroti ay sumulat ako ng isang obrang lab letter para kay Grace. (Basahin ang sulat kamay, kwentong puso na blog ko pra sa buong detalye). Dahil sa katorpehan ay hindi ko kinaya na ako mismo ang mag-abot ng sulat kay Grace, kung kaya inutusan ko pa ang isa naming kaklase. Mabuti nalang at napapayag ko siya matapos pangakuan na ililibre ko ng fishbol. Kinabukasan ay ang parehong ka-klase din namin ang may bitbit ng sulat mula kay Grace para sa akin. Ang bilis, reply agad, parang text! na excite tuloy ako. Sayang lang at hindi ko na naitago ang sulat na iyon pero tandang-tanda ko parin ang ilang bahagi.

Nagulat ako sa sulat mo.
Ngayon lang din ako nakatanggap ng ganito.
Natutuwa ako sa iyo.
Pero wala pa sa isip ko ang mga sinabi mo.

Basted na malupit agad!

Kabanata V - Karibal
Hindi nagtagal ay naging usap-usapan narin sa klase ang panliligaw ko kay Grace. Siguro ay kinalat ng aming kaklase ng hindi ako tumupad sa pangakong fishbol. Naging tuksuhan tuloy sa klase ang panliligaw ko at nagsimula nang mailang sa akin si Grace. Ilang araw lang ang lumipas ay nag sulputan na parang kabute ang ilan pang mga nagpapainterview sa press na may plano ring manligaw kay Grace. Noong una ay inisip ko na baka publicity lamang ang lahat, pero habang tumatagal ay mas nagiging seryoso sila. Hanggang sa tuluyan na nga akong lumayo dahil sa pakiramdam ko na krawded na kami.

Kabanata VI- Pinaglapit ng Tadhana part 2
Nang tumuntong kami sa 4th year ay muling naging mapaglaro ang tadhana. Nagkatabi ulit kami sa sitting arrangement. Hindi naman siguro dahil hindi lumaki si Grace at ako ay madaldal parin kaya na ulit ito. Malaki ang paniniwala ko na iginuhit ito ng tadhana. Dahil wala parin kaming kibuan ay medyo nahihiya pa siya sa akin at ako rin naman sa kanya . Hindi nagtagal ay muling nanumbalik ang saya ng aming kwentuhan. In short, naging super duper close kami. Nadagdagan na ng duper kaya ibang level na to sa aking palagay.

Kabanata VII - Pagtatapat
Patapos na ang skul year at ilang araw na lang ay gradweyt na kami sa high skul. Inaya kami ni Wina (isang kaibigan) na samahan siyang magpa iskedyul para sa pagkuha ng entrance exam sa isang unibersidad sa Maynila. Pagkatapos nito ay tuloy na rin daw sa SM para naman makapag gala bago ang graduation. Nang malaman kong kasama si Grace ay pinili ko narin sumama kahit na bertdey ng tatay ko noon (sori po tay). Matapos magtungo sa unibersidad, gumala sa SM at manood ng madramang pelikula ay umuwi na kami. Pauwi sa Bulacan ay sumakay kami sa bus, matapos mabigyan ng tiket at mag bayad ng pamasahe ay nagsimula ulit ang kwentuhan. Pero ilang sandali pa ay napansin ko na napipikit na si Wina. Sinamantala ko ang pagkakataon na ito para ibahin ang usapan. Bigla akong naging seryoso at halatang napansin ito ni Grace.

Grace, ilang araw nalang gradweyt na tayo. Pag nasa college na kaya tayo magkikita parin tayo?
Alam mo ba na mula noon hindi naman nagbago feelings ko sayo?
Pwede na ba akong manligaw ulit? Sa sabado, dalawin kita sa bahay nyo.

Hindi na nakapag-salita si Grace.

Kabanata VIII - Akyat Ligaw
Umaga pa lang ay kinakabahan na ako pag-sapit ng araw ng pag-akyat ko ng ligaw. Alas-kwatro ng hapon ay nakabihis na ako at plansado na ang buhok. Matapos nito ay diretso na sa palengke para bumili ng rosas. Isang dosenang rosas sana ang gusto ko, pero kulang ang dala kong pera, kaya pinag-kasya ko nalang. Limang pirasong rosas ang nabili ko, hindi pa umabot sa kalahating dosena. Isa sa kinakahiya ko hanggang sa ngayon ay ang magbitbit ng bulaklak, kung kaya pinilit kong isiksik sa bag ang dala kong rosas. Pero bago ko pa ito maitago ay may isang grupo ng mga lalaki ang napadaan at nakita ako sa ganung hitsura. "Uyyy..ligaw, si totoy binata na! may ligaw! Panunuya nila. Tinandaan ko ang pagmumukha nila at hanggang sa ngayon ay pinag-hahanap ko parin..asar e!

Nang makarating sa bahay nila Grace ay nagsimula ng manginig ang buong katawan ko. Pagpasok ko sa kanilang bahay ay nandoon ang tatay niya na nakaupo rin sa sala habang nanonood ng TV. Tiningnan agad ako at walang kahit anong sinabi. Nang makaupo na ako ay inabot ko kay Grace ang bulaklak na dala ko. Kala niya ay danggit ang mga ito dahil sa kulay at itsura matapos matuyot ang mga talulot ng isilid ko sa bag. Buti nalang at berde pa ang dahon kung kaya napaniwala ko parin siya na rosas ito dati. Wala akong masabi, parang lutang ang isip ko at umiksi ang dila ko sa kaba. Hanggang nabasag ang katahimikan ng biglang nagsalita ang tatay ni Grace, na noong una ay inakala kong seryoso sa panonood ng TV. "Nanliligaw ka ba? Ang bata-bata mo pa ah!?". Huminga ako ng malalim, lumunok ng laway at lakas loob na sinabing; "Uuwi na po ako...". Muntik nang mapasama sa Guinese Book of Record bilang pinaka mabilis na pag-akyat ng ligaw na tumagal lamang ng labing-limang minuto ang eksenang iyon. Pero para sa akin, iyon ang pinaka mahabang minuto ng buhay ko.

Kabanata IX - Regalo
Graduation na ng magkita kami ni Grace matapos ang hindi malilimutang pagbisita ko sa bahay nila. Magkahalong saya at lungkot ang nararamdaman ko. Saya dahil natapos na ang high skul at lungkot dahil natapos narin ang araw-araw na pagkikita namin. Matapos ang graduation ay agad akong lumapit sa kanya at inabot ang isang maliit na regalo. Isang birth stone rosary na pinag-ipunan ko ng isang taon. Bawat beeds nito ay hugis puso at sumisimbolo sa kanyang birth stone na turquoise. Kasama din nito ang isang sulat na may kabaduyang letra na naman. Sa pagkakataon na ito ay pinayagan na ako na huwag na ilathala ang sulat na iyon.
Hindi ko na hinintay ang sagot ni Grace, matapos ang graduation ay tuluyan na akong lumayo (isang instrumental music muli ang maririnig).

Kabanata X - Pinaglapit ng Tadhana part 3
Naging abala ang buhay ko sa college. Maraming mga bagay ang nagpagabo sa takbo ng isip ko maliban sa takbo ng puso ko. Kahit na hindi ko na muling nakita si Grace ay hindi naman siya nawala sa isip ko. Hanggang isang pagkakataon ang muling nagpa-ikot ng mundo ko.

Isang tipikal na araw noon, unang araw ng aking review para sa board exam matapos maka gradweyt. Isang FX taxi ang sinakyan ko at sa likod ako naupo. Paglapat ng puwet ko sa upuan ay bigla akong nagulat sa nakita. Sa harap ko ay naka-upo si Grace. Natulala ako, at habang pinupulot ko ang aking panga sa sahig ay isang malambing na tinig ang aking narinig. "Kamusta ka na?" Hindi ako makapaniwala, makalipas ang anim na taon ay muli kaming magkikita. "Mabuti, ikaw? May boyfriend ka na ba?" Daig ko pa si Boy Abunda sa mga tanong na isa-isa kong pinukol sa kanya. Natapos ang ilang oras na byahe, ilang titigan, kaunting ngitian at palitan ng celpon number ay dumating na kami sa aming destinasyon. Magkalapit lang pala ang review center na aming pupuntahan. Nang makababa na kami ng FX at mag hiwalay ng landas ay isang text message agad ang aking natanggap. "Hoy! Mgktabi tyo sa fx, nde mo ko napansin!" Mula ang text message sa aking pinsan. Doon ko napatunayan, na nawala ako sa sarili ng mga oras na iyon.

Kabanata XI - First Date sana
Mula noon ay naging madalas na ang pagkikita namin ni Grace. Halos araw-araw ay nagkakasabay kami sa FX. Ang akala ni Grace ay nagkakataon lang yun, pero ang hindi niya alam ay tina-timing ko talaga. Maganda ang gising ko isang araw dahil bertdey ko, nadagdagan pa ito ng isang text mula kay Grace ang natanggap ko. "Happy Birthday!" Naalala pa rin niya ang bertdey ko, hindi kami nagkasabay ng araw na iyon dahil nagtagal ako sa banyo para maligo. Syempre, bertdey e! Kaya naman sa text ko nalang dinaan ang aking pag-anyaya sa kanya.

"Tnx! may gawin k b mamya, aftr ng review?" (message sent).

"Wala naman, bakit?" (reply ni Grace).

"Invite sana kita, sa novena sa St. Jude tapos kain tayo mcdo. Cge na. bday ko nman..=)" (message sent).

"Ay, sori may lakad pala kami after ng review." (reply ni Grace).

"Ah, ok..cge nxt tym nlang" (message sent..sabay talon sa ilog pasig!)


Kabanata XII- First Date..Tuloy na
Bago ako tuluyang mawalan ng pag-asa ay isang text message ang aking natanggap kinabukasan.

"Hi Lloyd, sori khpon nkalimutan ko n may lkad pla kmi."

Dahil dito ay muli akong naglakas-loob na imbitahan ulit siya sa ikalawang pagkakataon. Jakpot at pumayag naman siya. Sa St Jude church sa Maynila kami unang nag punta. Kakaibang saya ang aking nadama, at parang may mga kulisap sa tiyan ko na nag-mamarathon habang katabi ko siya. Matapos nito ay diretso kami sa Mcdo para kumain. Dahil sa kulang ulit ang dala kong pera ay napanggap ako na kumain na, at ice cream nlang ang inorder. Buti nalang at hindi siya nakahalata na tumutulo ang laway ko sa bawat kagat niya sa chicken mcdo na inorder ko para sa kanya. Naging mahaba ang kwentuhan namin, naging bukas siya sa lahat ng kwento at tanong ko na parang bumalik ang panahon noong malapit pa kami sa isat-isa. Pero gaya ng dati, wala parin akong nakikitang pag-asa na magustuhan niya ako. Hindi ko alam kung talagang ito ang nararamdaman niya noon o bulag lang ako na basahin ang mga sinasabi ng mata niya. Natapos ang araw na iyon at sabay kaming umuwi sa Bulacan. Habang nakasakay sa FX ay napansin ko ang isang bagay na pamilyar sa akin na nasa loob ng kanyang bag. Kung hindi ako nagkakamali, ay ang bagay na ito ay ang rosaryo na ibinigay ko sa kanya noong high skul graduation. Kupas na ang kulay nito kumpara sa dati. "Yan ba yung rosary?" "Oo, lagi ko dala to e.." Isang matamis na ngiti ang ibinalik ko.






Kabanata XIII - Tamang Panahon
Lumipas ang ilang taon at nagpatuloy ang pagiging magkaibigan namin ni Grace. Pagkakaibigan na hindi man kasing lalim ng dati ay nagdulot parin sa akin ng kasiyahan. Hindi man kami nagkikita ay nagpatuloy ang aming komunikasyon gamit ang kapangyarihan ng text. Hanggang sa muling nabago ang lahat nang biglang pumasok sa isip ko na muli siyang ligawan por the last tym...Isang text message ang ipinadala ko sa kanya na labis niyang ikinagulat.


"Hi Grace, kamusta ka na? Pwede ba kita ligawan ulit?" (message sent)




"Lloyd? ikaw ba yan?" (reply ni Grace)


Dahil sa halata kong nagulat siya ay minabuti ko na tawagan siya.


"Hello Grace, Oo ako 'to. Sorry ha, nabigla ba kita?"


"Hindi kasi ko makapaniwala na ikaw yan, parang ang rude kasi ng dating mo. Sige usap nalang ulit tayo mamaya, paalis kasi ako"


Wrong timing na namn, dahil may date ata siya noon.



Kabanata XIV - Sa Wakas


Hanggang sa dumating ang araw na pinaka-hihintay ko.

Sariwa pa sa ala-ala ko ang eksena namin habang kumakain sa Shakey's SM North Edsa at nag-uusap ng maraming bagay. Ilang sandali pa ay ginulat ko si Grace ng isang matinding tanong. "Mahal mo ba ko?" Habang nakatitig sa mata niya. Parang nawala sa ulirat si Grace sa tanong ko. Hindi siya nakapagsalita at ilang segundong katahimikan ang bumalot sa aming dalawa.


Umuwi kami na walang sagot sa aking tanong. Kaka-ibang kaba na ang nararamdaman ko noon. Natatakot ako na marinig ang kanyang sagot, dahil kung hindi ito aayon sa akin, ay ito na ang katapusan ng pag-asa ko. Nakarating kami ng bahay nila at pina-kilalang muli sa kanyang mga magulang at kapatid. Hindi ako sigurado kung naalala pa nila ako noong una akong umakyat ng ligaw doon. Pero wala parin nagbago sa takot na naramdaman ko, lalo na sa tatay niya. Pauwi na ako ng pigilan ako ni Grace. Matapos ang ilang minutong katahimikan ay huminga siya ng malalim at sinabi..

"Yung tungkol sa tanong mo kanina, oo ang sagot ko."

Sana ay nakita ko ang itsura ko matapos marinig ang sinabi niya. Wala na akong maalala sa naging reaksyon ko nang oras na iyon. Isang ngiti ang permanenteng tumatak sa mukha ko habang pabalik ng Laguna. At sa daan ay paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko.

"Sa wakas, kami na...sa wakas, kami na..."

Ngayon ang ika-lamang taon mula nang maganap ang pinaka masayang araw na ito sa buhay ko. At mula noon, ang ngiting dinulot nito sa aking mukha ay permanenteng ng tumatak at hindi na mabubura magpa-kailan pa man.



- Wakas -

Oct 29, 2007

Kwento ng Tahimik kong Mundo

Sabado pa lang ay dama ko na ang pananakit ng lalamunan. Inisip ko nga agad na sipon ito kaya uminom agad ako ng gamot sa sipon. Lumipas ang lunes, martes at miyerkules ay walang sipon na lumabas, pero patuloy parin ang pananakit ng aking lalamunan. Hanggang sa sumapit ang araw ng huwebes na unti-unti nang nawala ang boses ko.

Hindi na bago sa akin ang mawalan ng boses, madalas na ito ang sakit na dumadapo sa akin taon-taon. Mas madalas pa nga akong mawalan ng boses kesa ubuhin. Buti nalang at hindi ako singer dahil kung hindi ay sira agad ang carrer ko. Dati ay isang malalang sakit ang tingin ko tuwing mawawaln ako ng boses at may halong kaba pa nga. Noong isang taon ay nagising ako na walang kahit anong tunog na lumalabas sa vocal chords ko. Agad akong kinabahan at dali-daling kinuha ang celpon para tawagan ang nanay ko.

Nanay: Hello.
Lloyd: ----- ---.
Nanay: Hello, Lloyd? Bakit?
Lloyd: ---! ----- -- --- -----------, --------.
Nanay: Lloyd! nandyan ka pa ba?
Lloyd: ---.

Pinutol ko na ang pakikipag-usap sa nanay ko at nag text nalang ng maalala ko na wala nga pala akong boses.

Minsan ko na ring pina-check-up ang pagkawala ko ng boses, pero binale wala lang ito nang doktor. Parang sipon lang daw ito na kusang ring mawawala, kailangan lang daw ng pahinga at pansamantalang pagtigil sa pag sasalita. Malaking challenge ito para sa akin. Mas gusto ko pa na magbara ang ilong at mawalan nang pang-amoy, o kaya ay mutain ang mata at hindi makadilat kesa sa hindi makapagsalita.

Hindi man ako talk show host o anouncer sa radyo ay walang tigil din namn ang bibig ko sa buong araw.
Pag gising pa lang sa umaga ay diretso na ako sa banyo para maligo. Habang naliligo ay sinasabayan ko ito ng walang tigil na pag kanta. Ang ganda kasi ng boses ko sa banyo, buo at may konting echo pa, pang balladeer ang kalibre.

Habang nagbibihis ay sinasabayan ko ito ng panonood ng Umagang Kay Ganda, kasabay nang mga komentaryo ni Tunying sa mga headlines sa mga pangunahing diaryo, ay nakiki-sabay din ako at nagbibigay ng aking opinyon at pananaw.

Pagdating sa opisina ay magsisimula na ang mga kwento ko sa lahat ng mga kalapit table ko. Mapa tungkol sa trabaho, sa pamilya, sa pag-ibig o maging sa mga walang kwentang pangyayari sa buhay ko ay updated sila. Noong ako ay nasa QA pa, mas matindi ang marathon ko sa pagdaldal, lahat ng bagay kasi sa aking trabaho dati ay kailangan sabayan ng daldal, mapa meeting, training, audit at tawag sa telepono.

Pag-uwi sa bahay ay kadalasan akong nagbabasa ng libro. Pero hindi lang mata ang ginagamit ko sa pagbasa, kundi bibig. Mas dama ko ang kwento sa binabasa kung naririnig ko ito. Ito ang dahilan kung bakit maraming beses na akong napalabas ng library at napaaway sa katabi ko na natutulog sa FX. Mula noon, ay pinili ko na sa loob ng kwarto na lang ako magbabasa.

Sa aking pagtulog ay patuloy parin ako sa pagsasalita. Ilang beses narin akong ginising ni Grace dahil nagsasalita raw ako habang natutulog. Kaya naman, bago kami matulog ay may nakahanda nang papel at lapis sa tabi niya. Bilin ko ito, para kung sakaling managinip ako ng numero ay ma-isulat niya agad. Baka dito kami swertihin at manalo sa lotto.

Masama parin ang boses ko hanggang ngayon. Kanina lang ay humingi ako ng second opinion sa duktor ng aming kumpanya. At parehas ang sinabi niya, kusa daw itong mawawala pero kailangan kong ipahinga. Huwag daw muna akong magsasalita kung kaya iling at tango lang ang ginanti ko sa kanya.

Limang araw na bakasyon mula ngayon ang kailangan ko para manumbalik ang aking boses. Siguro ay isang paalala rin ito na kailangan ko munang tumahimik at mag pahinga.

Oct 15, 2007

Kwentong Kusinero

Noong Lunes lang ay limang ka-opisina ang bumati sa akin na "tumataba ka lalo!". Hindi ko alam kung ano ang meron sa araw na iyon, bakit lahat ng pumansin sa akin ay ang fats ko agad ang nakita? Dahil kaya sa suot ko? Pero wala naman bago sa suot ko, lalo na sa opis na lagi akong naka jacket at siguradong takip nito ang mga bilbil ko. O dahil kaya sa gupit ko? Oo nga at humaba ang buhok ko noong nakaraang buwan, pero mas lumalaki pa nga ang mukha ko sa mahabang buhok. Bigla tuloy akong na konsyus, kaya naman pag dating sa bahay ay diretso timbangan. Resulta, 203.8 lbs ang timbang ko, lumaki nga ako ng 3.8 lbs o halos dalawang kilo sa loob ng dalawang linggo!

Mahirap pigilan ang pagkain dahil isa ito sa paborito kong gawin. Sa tuwing lalabas kami ni Grace ay laging kasama na ang fud trip sa aming itinerary. Ako ang madalas nagtatanong kung ano o saan niya gustong kumain, pero ang ending ay ako parin ang nasusunod. Dalawa lang kasi ang madalas na sagot ni Grace sa tanong ko, "Kahit saan" o "Saan mo ba gusto?". Explorer ako pag dating sa pagkain, kahit nga mga exotic food sa mga bansang napuntahan ko tulad ng langgam, kulisap,at gagamba ay sinubukan kong tikman. Bukod sa pagkain ay mahilig din akong magluto, ako ang kusinero sa amin. Noon kasing nasa sapat na edad na ako ay pinamana na ng aking nanay ang sandok sa aking balikat bilang isang ganap na taga luto ng aming pamilya. Tuwing linggo at kumpleto kaming lahat ay siguradong abala ako sa kusina para mag handa ng mga kapanapanabik na putahe. Aktwali, bukod sa pagluto ng menudo, adobo, nilaga at sinigang ay may ilang mga putahe na akong naimbento. Isang culinary arts school pa nga sa California ang gustong bilin ang mga recipe ko, pero hindi ako pumayag (napanaginipan ko ito kagabi).




American Adobo: Eto ang unang adobo na pinag ekspermentuhan ko. Tipikal na adobo pero naging espesyal dahil sa mga crunchy garlic bits. Kakailanganin mo lang ng isang litrong astring-o sol para maalis ang amoy bawang na hininga pagkatapos kumain. Pero da best ito, at abot langit ang sarap! Ilang nakakain narin ang mga nagpatotoo. Hango ang lutong ito sa pelikulang "American Adobo" na napanood ko.


Talong Tagletelli: Piritong talong na hinaluan ng kamatis, sibuyas, giniling na baka, at pritong itlog. Napagkamalan itong italian food ng minsang natikman ng mga karpentero, mason at foreman na gumawa ng bahay namin. Malulupet ang kritiko ko. (Bon apetite!)



Chiken Surprise: Parang chopsuey pero hindi chopsuey. Lasang asado, pero hindi asado. Amoy adobo pero hindi adobo. Kaya nakakasurprise talaga kung ano ito! Nadiskubre ko ito nang minsang galugarin ko ang isang supermarket at matagpuan ang isang kakaibang sauce. Wala akong idea noon kung ano ang lasa nito, pero hindi ako nagpahalata kay Grace dahil baka hindi niya kainin pagnalaman. Nang maluto na ay sobrang patok sa kanya. Isa nga ito sa peyborit na ulam niya!


Fujio Pitsakoto: Inspayrd ito nang isang Japanese fud na natikman ko sa Japan. Pinag sama-sama ang tuna, giniling na baboy, hipon, patatas, kamatis, sibuyas at kahit anong maisip mo pang isama na kasya sa isang bowl. Dito ay ihahalo ang mixture ng itlog at konting arina. Matapos masiguro na nahalo na itong mabuti, gagamit ng non-sticky na pan at ipipirito hanggang mag mukhang pizza. Tapos ay isasalin sa plato at pwedeng drawingan ng mukha, elepante, surot, langaw o kahit ano pang ikakasasaya mo gamit ang mayonnaise at cheese bilang toppings.

Noong Linggo ay isang press release ang ipinahayag ni Grace. Magdidiet daw sya at hindi na siya kakain ng kanin sa gabi. Dahil dito ay isinama nya sa budget namin sa grocery ang isang balot ng skyflakes at iba-ibang flavor ng oatmeal (na ako ang pumili). Napaisip tuloy ako, kailangan ko na rin bang mag diet? Haay, mahirap at parusa sa akin iyon. Aaminin ko sa inyo na hindi ako naniniwalang kakayanin ni Grace ang hindi pagkain ng kanin sa gabi, lalo na tuwing weekend na ako ang mag luluto.

Lloyd R. Sese
Process Engineer
Tumatanggap din ng Catering pag Linggo

Oct 1, 2007

Kwen2 celpon



Bagong gupit at bagong celpon. Sino ba naman ang hindi gaganahan na magtrabaho ngayon. Noong linggo kasi ay nakapag desisyon na akong magpatabas ng buhok dahil na rin sa masyado na itong humaba at natatakpan na ang kagwapuhan ko. Kasabay nito, ang desiyon ko na palitan narin ang aking lumang celpon. Hindi ako gaanong mahilig sa mga bagong modelong celpon. Para sa akin ay patok ang celpon na simple at magaan sa bulsa (pisikali at pinansyali). At sa aking pagka-alala ay hindi pa ako nakabili ng mamahaling celpon. Kadalasan sa celpon na nagamit ko ay bigay, pahiram, pinaglumaan, sale, o libre. Kung may celpon nga na free sa chizkurl ay malamang meron na 'ko nun.

Graduating sa ako kolehiyo ng una akong magkaroon ng celpon. Isang Nokia 5110 na regalo ng aking aking kapatid para sa aking graduation, kahit na June pa lang noon at April pa ang graduation ko. Inadvance na nya para wala na 'kong dahilan na sumabit at hindi maka gradweyt. Kasama ako ng bilin ang celpon sa SM Sta Mesa, matagal kaming lumibot sa paghahanap ng pinaka murang celpon. Buti nalang at walang tindahan ng nakaw na celpon doon kung kaya isang brand new na celpon ang napasakamay ko. Pagkabili sa celpon ay bigla akong ginulat ng tumunog ito. Nasa maximum v0lume pala ito kaya naman halos lahat ng tao ay napatingin sa akin. Dali-dali kong sinagot ang celpon ko na may halong angas: "HELLO!!!?". Nilakasan ko talaga ang sagot para lalong mapansin. Ilang segundo na ang lumipas ay wala parin nagsasalita sa kabilang linya. Napatingin ako sa kapatid ko at nakita kong natatawa siya, nang tumingin ako ang mga tao sa paligid ko ay nagtatawanan din. Message alert tone pala ang narinig ko, hindi ring. Gusto kong magpalit ng mukha ng mga oras na iyon.


Natapos ko ang kolehiyo at nagsimulang magtrabaho gamit ang Nokia 5110. Sa tagal ng aming pinag-samahan ay halos nagkapalit na kami ng mukha at nag-iba-iba na ang anyo pati kulay nito. Masaya na sana ang aming samahan ng biglang nagising ako sa katotohanan na luma at kupas na ang celpon ko. Minsan ding pinagkamalang payong ng isang ka-opisina ang celpon ko ng maiwan ko ito. "Sir, payong nyo naiwan nyo". "Celpon to, may antena oh!" sagot ko. Kaya naman nang makabili ang ate ko ng bagong celpon ay walang patumangga kong inarbor ang pinag lumaan niyang Nokia 3210. Bagamat luma at kupas narin ito ay okay lang, atlis, hindi ito mukhang payong.

Maikling panahon lang ang pinag samahan namin ng Nokia 3210. Ilang linggo lang kasi ang nakalipas ay pinahiram sa akin ng aking kapatid ang bagong Nokia 3310. Kakabili lang kasi niya nito nang makuha niya ang celpon unit na mula sa kanyang kumpanya na di hamak na mas haytek. Ayos na sana ang buhay ko gamit ang Nokia 3310 ng biglang parang mga surot na nag sulputan na ang mga bagong modelo na nagpaiba sa mundo ng celpon. Dito na naglabasan ang mga celpon na bukod sa colored ay may camera pa. Nagsimula narin mabago ang mga tunog nito, kung dati ay monotone lang na"tututut tutut tututut" ay naging polytone na "baby hit me one more time!".


Isang celpon company ang bumisita sa aming kumpanya at nag bigay ng isang amazing offer. Ang pagkuha ng linya na plan 800 ay may kasama nang isang Amazing phone na amazing naman talaga. Windows powered ang celpon at pwedeng salpakan ng MP3 at MPEG video. Bukod pa dito ay meroon din itong camera, bagamat hindi built-in ay okay narin. Astig narin ang pakiramdam na haytek ang celpon ko. Nang bumisita ako ng Singapore ay dala ko ito, at pati mga Singaporean ay nalaglag ang panga ng makita ang porma nito. Noon lang daw sila nakakita ng ganoong modelo ng celpon. Amazing talaga!. Makalipas lang ang ilang buwan ay isa-isang nag sulputan ang kahinaan ng aking amazing phone. Basta na lang itong nag ha-hang at naging sapalaran na kung ang text ko ba ay nakakarating sa pinadalhan o naiwang lulutang-lutang sa kalawakan. Ilang linggo pa ay nasira naman ang navigator key/joy stick nito. Ang kambyo ko sa kaliwa ay lumilipat sa kanan at ang paitaas na kambyo ay pababa naman. Nabaliw na ng tuluyan ang amazing phone ko kasabay rin ng pagkabaliw ko. Dahil sa wala akong pamalit ay tiniis ko ang mga sakit nito ng dalawang taon. Amazing!

Natapos ang kontarata ng aking linya at ni renew ko ito. Dahil dito ay nabigyan ulit ako ng bagong celpon. Isang Sony Ericson K350 ang pinili ko. Pero, mas mabilis ko pang ginamit ito kaysa sa Nokia 3210. Nasira kasi ang celpon ni Grace at hindi ko kayang tiisin 'yon. Kung kaya ibinigay ko sa kanya ang aking bagong celpon. Sa pagkakataong ito ay wala na akong choice. Wala na kasing gustong mag donate ng celpon para sa akin at naghigpit narin ang mga awtoridad sa mga snatcher ng celpon. Napilitan tuloy akong maglabas ng naitatago kong ipon para bilin ang kauna-unahang celpon na gagastusan ko.

Ilang araw akong nag search sa internet ng mga bagong modelong celpon. Isa-isa kong sinuri ang mga kakayahan nito at pinag kumpara ang bawat isa. Hanggang sa wakas ay nakapili ako ng celpon na angkop sa panlasa at budget ko. Isang Nokia 1110i ang napili ko, angkop ito sa panlasa ko dahil sa hindi ito masakit sa mata (non-colored screen), safe (wala kasing magtatangkang mag nakaw) at may speaking clock! (san ka pa?). Higit sa lahat. ay angkop ito sa budget ko dahil, 2,350 pesos ko lang ito nabili. Nakatawad ako sa tindera mula sa orihinal na presyo na 2,700 pesos matapos kong ipatanggal ang kasamang sim card nito at pansinin na bagay sa kanya ang kanyang dilaw na buhok na terno pa sa kulay ng ipin niya. (uto-uto!). Hindi naman sa may peyboritisim ako, pero sa lahat ng naging celpon ko ay ito ang pinaka nagustuhan ko. Hindi kasi niya ginawang kumplekado ang buhay at pinadali pa niya ang proseso ng pag text at tawag ko. Isang kaibigan at dating ka opisina ang nag turo sa akin tungkol sa pagbibinyag ng pangalan sa mga celpon. Kung ang celpon ko daw ay bagong modelo, ang mga pangalan tulad ng Cloe, Gwyneth at Chase ang nababagay dito. Pero kung ito ay lumang modelo o mumurahin ay Alice, Vilma o Alma ang bagay na pangalan. Alice ang ipinangalan niya sa kanyang celpon na hindi ko na matandaan ang modelo at ang celpon ko ay tinawag niyang Wilma. Hindi ako pumayag dahil Lorna ang gusto kong pangalan sa celpon ko!

Ngayon ay isang bagong celpon na naman ang hawak ko. Mas modelo at mas haytek. Hindi man ito ang pinaka haytek na celpon ngayon ay naninibago parin ako sa mga kakayahan nito. Gusto ko sanang bumalik sa piling ni Lorna pero ito na siguro ang panahon upang sumubok ako ng bago. Maraming pagbabago sa buhay ngayon partikular sa aking trabaho. Madalas ay naiisip ko parin na bumalik sa dati responsibilidad kung saan mas sanay at mas kumportable ako. Pero kung ang pagbalik dito ay pagsuko na humarap sa karagdagang kaalaman at karanasan ay 'wag nalang! Marami pa kong gustong gawin at gustong malaman. Isang malaking pagbabago ang mangyayari sa buhay ko at ngayon pa lang ay pinaghahandaan ko na iyon. Pero saka ko na irereveal kung ano yun..malapit na!

Sep 18, 2007

Sulat Kamay, Kwentong Puso

Isang kwentong blog ang ilang linggo ko nang pinag pupuyatan. Dahil sa espesyal sakin ang kwentong iyon ay kailangan ko pang magsagawa ng ilang research at siyantipikong pag-aaral bago ko iyon ma-ipost. Sa pagkalap ko ng mga ebidensya ay nahalungkat ko ang mga lumang sulat na itinago ni Grace ng matagal na panahon. Ang mga ito ay naglalaman ng lahat ng mga madamdamin at kagilig-kilig na sulat ko kay Grace mula noong una hanggang ang pinaka huli. Nakakabilib na sa tagal ng panahon ay naitago pa niya ang mga ito. Naniniwala na tuloy ako na type nya ako noon pa man.

Sa totoo lang, hindi ako mahilig gumawa ng love letter. Sa aking pagkaalala ay dalawang babae pa lang ang nabigyan ko ng sulat pag-ibig at isa lang sa kanila ang naging girlfriend at asawa ko na ngayon. Kung ikaw ang isa sa nabigyan ko ng love letter ay maswerte ka, magiging magaan ang pasok ng pera at sisigla ang buhay pag-ibig mo. Lucky color red, lucky number 14.

Ang magsulat ay hindi mahirap. Pero kung ito ay pagpapahayag ng damdamin na may gusto ako sa isang tao ay siguradong sabit ako. Mas epektib ang panliligaw ko kung biglaan, at on the spot na makakarinig din ako ng sagot. Hindi kasi ako nakakapagka-tulog sa gabi pag may inaantay akong sagot sa sulat ko. Resulta, mugtong mata at tigyawat sa ilong (minus pogi points!).

Isa-isa kong binuksan ang mga sulat na tinago ni Grace ng matagal na panahon. Hindi maikakaila na sa akin ang lahat ng iyon dahil sa sulat kamay na parang kinalahig ng dalawang adik na manok na tumitira ng katol. Una kong hinanap ang sulat na ibinigay ko kay Grace noong 2nd year high skul kami. Sa aking pagka-alala, ang sulat na iyon ang kauna-unahang sulat na ibinigay ko sa kanya na nagpapahayag ng aking pinakatago-tagong pagtingin sa kanya. Ilang sulat palang ang nabuksan ko ay nakita ko kaagad ang hinahanap. Dalawang pahina ang sulat mula sa dalawang pilas ng papemelroti. Sinimulan kong basahin ang sulat at unti-unting bumalik ang aking ala-ala sa panahong nagsisismula palang akong tubuan ng bigote at usbungan ng adams apol. (Lalabo ang paligid at isang instrumental music ang maririnig)

Ang sulat ay pinetsahan noong 07/23/94 o July 23, 1994. Kung tama ang bilang ko sa kalendaryo, ay halos labing tatlong taon na ang edad ng sulat. Unang linya pa lang ng sulat ay nagulat na ako sa "Hi Hello!" na pagbati na parang naninindak. Kung meroon sigurong sakit sa puso ang babasa ay malamang na inatake na sa nerbiyos. Ganoon pala ang istayl ko dati, sindakan! Para akong nakasakay sa time space warp habang patuloy kong binasa ang sulat. Umiikot sa isip ko ang libo-libong ala-ala, na parang nasa harap kong muli ang eksena ng mga oras na sinulat ko ang aking masterpis.
Ang bilis ng panahon, labing tatlong taon na pala ang nakakaraan mula ng una kong sabihin kay Grace ang aking nararamdaman para sa kanya. Nakaka-tuwang isipin na muli kong nahawakan ang sulat matapos ang matagal na panahon. Maraming nang nagbago sa akin, sa paraan ng pagawa ng sulat at sa aking nararamdaman para sa kanya. Pero meron pa rin naman na nanatiling walang pagbabago sa isip, sa salita at sa gawa.
Narito ang ilan sa mga ito....
(Ayaw ko sanang i-post ang orihinal na sulat dahil mapapahiya ako. Nakakatawa kasi ang mga pinagsasasabi ko dito...kung hindi lang talaga kailangan sa kwento..tsk..tsk...tsk)

Isang Babala: Nakakatindig ng balahibo ang sulat ko. Ganito ang aking naramdaman nang muli ko itong binasa.

Enjoy! while eating the pop corn..


























Mga Pagbabago

* Nagbago na ang aking tawag kay Grace. Dati ay Dear Grace, ngayon ay Dear Bi, na.

* Hindi ko na pinagsasabay ang "Hi Hello" tuwing babati. Madalas ay "Hi" nalang na may kasamang smiley. =)

* Hindi na "well" at "perhaps" ang peyborit expressions ko ngayon. "Anywey" at "siguro" na.

* Wala nang duda na crush ko si Grace ngayon. Nadagdagan pa ng love times ten to the 9999999999....exponents.

* Lahat ng gusto ko sabihin kay Grace ay sinasabi ko na ng personal. Madalas ay lights-off pa nga...

* Hindi na stupid ang tingin ko sa sarili ko. Bobong pinoy na! (mas mataas na level nito!)

* Hindi na ko iniiwasan ni Grace. Madalas pa nga ay hinahanap pag wala sa tabi nya.

* Ngayon ay sigurado na akong alam ni Grace ang nararamdaman ko. Minsan pa nga ay mararamdaman ko pa lang ay alam na nya (woman instinct daw!?).

* Hindi na si Kazzie at Brandon ang nakaka-alam ng mga secrets ko. Si Grace na lahat, bawal secret kay Grace.

* Hindi na "Excess" ang pahabol ko sa sulat. P.S. na (Pahabol na Salita).

* Hindi na "now and forever" ang pang wakas ko. I love you with smiley =) na!

Mga hindi nagbago

* Hindi nagbago ang sulat kamay ko. Parang wala parin sa wisyu ang sulat ko ngayon.

* Hindi nagbago ang grammar ko. Bopols parin ako sa grammar at alerdyik sa ingles.
* Hindi nagbago ang charm ko. Cute parin hanggang ngayon.
* Hindi nagbago ang babaeng sinusulatan ko ng love letter. Si Grace parin at si Grace na lang!

* Hindi nagbago ang pagtingin ko kay Grace. Hindi ko man inamin sa sulat ay obyus naman..in love ako kay Grace mula noon hanggang ngayon.


At hindi magbabago yun magpakailan pa man...



"The GOD who gave us teeth will also give us bread." Czech Proverbs

Sep 12, 2007

Coyote Gwapo

Noong Sabado, habang pauwi ng Bulacan ay may nakasabay ako na dalawang matanda na sa aking palagay ay nasa edad na 50 pataas. Pinag-uusapan nila ang nalalapit na sagupaan ni Manny Pacquiao laban kay Marco Antonio Barrera ng Mexico. Base sa takbo ng kanilang usapan ay parehas naman sila ng kinakampihan. Siyempre mga solid Pacmanian sila. Pero magkaiba sila ng pananaw sa magiging takbo ng laban. Kung pakikinggan mabuti ang kanilang kwentuhan ay daig pa nila sina Ed Picson at Quinito Henson sa mga analysis nila at prediksyon blow by blow sa magiging ending ng laban.

Lolo 1: Sa aking palagay ay una hanggang limang round lang tatagal ang laban. Malamang ay banatan agad ni Pacquiao ng kombinasyon at isang uppercut si Barerra.

Lolo 2: Papasarapin pa ni Pacquiao yan...aabot yan ng sampung round at paglalaruan ni Pacquiao ang laban para mas sumarap.

Lolo 1: Aba! Kung gagawin niya yun ay matutulad ang laban niya kay Morales noong natalo siya. Dapat ay paspasan niya agad si Barera. Maniwala ka, hanggang limang round lang yang Mexicano na yan! Ipupusta ko pa ang asawa ko.

Nakita kong sumama ang mukha ni Lolo 2 sa sinabing iyon ni Lolo 1. Hindi siguro gustong ni Lolo 2 na ang asawa ni Lolo 1 ang mapanalunan niya sa pustahan.

Nakilala ko ang mga Mexicano dahil sa mga laban ni Pacquiao sa boxing kung saan ay madalas niyang pinapatulog ang mga ito sa pamamagitan ng kanyang kamao, habang hinehele ng kantang "Para sayo ang laban na 'to". Pero hindi lang sa basagan ng mukha unang nagmarka sa isip ko ang mga Mexicano. Noong una ay nakilala ko sila dahil sa mga Mexican telenovela na paborito ng nanay ko. Mula sa Marimar, Rosalinda, Chabilita at Maria Mercedez ay nakitutok din ako sa panonood.

Noong nakarang hunyo ay nakarating ako ng Mexico sa unang pagkakataon. Isang "business strategy" daw ayon sa aming kumpanya ang hakbang na ilipat ang produkto at ang buong planta ng Hitachi Mexico sa Pilipinas. Dahil sa hakbang na ito ay mawawalan ng trabaho ang libo-libong Mexicano kung saan sa kumpanyang iyon kami pupunta. Isa na naman ba itong Pacquiao versus Morales re-match? Pag dating namin doon ay mas marami sila, baka hindi na kayanin ng tapang ng Pinoy ang laban pag 1 versus 100 na ang usapan.

Bago lumipad ang grupo namin papuntang Mexico ay maraming mga pagpapaliwanag at orientation pa ang aming narinig. Lahat ng pag-iingat ay binilin sa amin at pinabaunan pa kami ng ilang mga guidelines sa kung ano ang dapat at hindi dapat gawin sa Mexico. Wala naman bago sa mga rules and regulations nila, kung ano ang tama sa Pinas ay tama rin sa kanila. At kung ano ang mali tulad ng pag gamit ng illegal drugs, pag kuha ng illegal prostitute at pag sakay sa illegal o kolorum na taxi ay ganito rin naman sa Pinas. Nabawasan ang kaba ko dahil wala naman pinagkaiba ang Mexico sa ibang bansa na napuntahan ko maging sa Pinas. Hindi mawawala ang peligro sa kahit saang lugar. At sa aking palagay ay sanay na ako sa mga peligrong ito.

Tinawag ang grupo namin na Coyote Team. Noong una ay na-excite ako dahil baka may kasamang contract sa Warner Brothers ang pagpunta namin doon, matutupad narin ang pangarap kong maging artista...pang cartoons nga lang. Dahil sa aking curiosity ay tinanong ko sa isang Manager namin kung ano ang ibig sabihin ng Coyote at bakit ito ang pinangalan sa grupo? Subalit hindi rin nila alam. Sa akin kasing pagkaka-alam, si Coyote ay ang aso na laging humahabol kay road runner at madalas malagay sa peligro ang buhay dahil sa paghahangad na makakain ng fried chicken. Nangangahulugan ba ito na nasa peligro din ang buhay namin pagdating sa Mexico?

Sinubukan kong hanapin sa internet ang kahulugan nito at dalawa pang kahulugan ang nakita ko.

Ayon sa Wikipedia: The coyote (Canis latrans) also known as the prairie wolf is a mammal of the order carnivora. They are found throughout North and Central America, ranging from Panama in the south, north through Mexico, the United States, and Canada. The name "coyote" was borrowed from Mexican Spanish, which is itself borrowed from the Nahuatl word coyōt. Its Latin name Canis Latrans means "barking dog".

Ayon naman sa www.urbandictionary.com: coyote brings Illegal immigrants from Mexico to the United States across the border illegally. The cayote helped the migrant family cross the dessert from Mexico into Arizona.

Lalo tuloy akong napa-isip. human trafficker ba ang tingin nila sa amin? O illegal ba ang pag lipat namin ng teknolohiya ng Mexico sa Pilipinas across the boarder?

Nang marating namin ang Mexico ng ligtas ay bahagya na akong natuwa. Pero ang araw na unang pakikipag harap namin sa mga Mexicano sa kumpanya nila ang muling nagpalambot ng tuhod ko. Tanging si Pacquiao lang at ang kanyang mga awitin ang nagiging inspirasyon ko para ipakita sa kanila na matapang ang lahing Pilipino. Alam ko na hindi maganda sa kanila ang kahihinatnan ng pag punta namin doon. Sino ba naman ang gustong mawalan ng trabaho? At ngayon ay makakaharap nila ang mga papalit sa trabaho nila. Nang makaharap ko na ang isa sa mga Mexican Engineer na counterpart ko ay napalunok ako ng laway.
Lamang siya sa akin sa halos lahat ng kategorya, maliban sa kagwapuhan. Paano ako babangga sa kanya na malaki pa kay Batista? Ilang sandali pa ay unti-unti na itong lumapit sa akin at biglang pinorma ang kamay. Napatakip ako ng mukha at ng ilang segundo pa ay wala naman akong naramdaman na kamaong dumapo sa mukha ko. Makikipag kamay lang pala! Pina-nerbyos pa ako ng mokong. Ilang sandali pa ay panay na ang kwento sa akin, maingay at masayahin ang mga Mexicano, tulad din ng mga Pinoy. Lahat ng bagay ay dinadaan nila sa tawa maging problema man. Hindi ko nakita sa mukha nila ang galit at lungkot sa nalalapit na pagka-wala ng trabaho. May mga pagkakataon na inilalabas din nila ang kanilang mga sentimyento sa mangyayari sa kanila sa oras na magsara ang kumpanyang pinapasukan. Subalit wala silang ano mang galit o sama ng loob sa mga Pinoy. Para sa kanila, lahat ay biktima ng pagbabago. Walang oras na wala silang gana na makipag kwentuhan. Kahit na nga ang iba ay hindi marunong mag-ingles ay walang patumangga na kakausapin ka parin kahit pareho kayo na hindi nagkakaintindihan.

Lloyd: Hi, I'm Lloyd the ion mill process engineer.

Mexican Operator: Hola! Apesadumbrado sino yo no puede entender inglés. A propósito te oí el decir de que eres ingeniero del molino del ion, soy ése tan? Soy Maria, i que trabaja aquí como operador por nueve años ya. Sabes, pienso que eres lindo. Jejejejeje...

Lloyd: Si Señor. Awwww!

Naging masayang kasama ang mga Mexicano. Nabago ang pananaw ko sa kanila na mga mukhang boksingero. Isang buwan din ako tumagal sa bayan nila at natutong kumain ng tacos, buritos at tortas. Ngayon ay nasa Pilipinas na ako at sila naman ang nandito. Tinuturuan ko sila ngayon magtagalog, kumain ng balot, addidas, IUD, helmet at betamax. Gusto ko sanang tawagin ang grupo nila na kapre group o bugaw group, pero hindi nalang dahil mga kaibigan ko sila. Okay na sa akin ang tawag sa grupo namin na Coyote, gwapo naman!