Sep 12, 2007

Coyote Gwapo

Noong Sabado, habang pauwi ng Bulacan ay may nakasabay ako na dalawang matanda na sa aking palagay ay nasa edad na 50 pataas. Pinag-uusapan nila ang nalalapit na sagupaan ni Manny Pacquiao laban kay Marco Antonio Barrera ng Mexico. Base sa takbo ng kanilang usapan ay parehas naman sila ng kinakampihan. Siyempre mga solid Pacmanian sila. Pero magkaiba sila ng pananaw sa magiging takbo ng laban. Kung pakikinggan mabuti ang kanilang kwentuhan ay daig pa nila sina Ed Picson at Quinito Henson sa mga analysis nila at prediksyon blow by blow sa magiging ending ng laban.

Lolo 1: Sa aking palagay ay una hanggang limang round lang tatagal ang laban. Malamang ay banatan agad ni Pacquiao ng kombinasyon at isang uppercut si Barerra.

Lolo 2: Papasarapin pa ni Pacquiao yan...aabot yan ng sampung round at paglalaruan ni Pacquiao ang laban para mas sumarap.

Lolo 1: Aba! Kung gagawin niya yun ay matutulad ang laban niya kay Morales noong natalo siya. Dapat ay paspasan niya agad si Barera. Maniwala ka, hanggang limang round lang yang Mexicano na yan! Ipupusta ko pa ang asawa ko.

Nakita kong sumama ang mukha ni Lolo 2 sa sinabing iyon ni Lolo 1. Hindi siguro gustong ni Lolo 2 na ang asawa ni Lolo 1 ang mapanalunan niya sa pustahan.

Nakilala ko ang mga Mexicano dahil sa mga laban ni Pacquiao sa boxing kung saan ay madalas niyang pinapatulog ang mga ito sa pamamagitan ng kanyang kamao, habang hinehele ng kantang "Para sayo ang laban na 'to". Pero hindi lang sa basagan ng mukha unang nagmarka sa isip ko ang mga Mexicano. Noong una ay nakilala ko sila dahil sa mga Mexican telenovela na paborito ng nanay ko. Mula sa Marimar, Rosalinda, Chabilita at Maria Mercedez ay nakitutok din ako sa panonood.

Noong nakarang hunyo ay nakarating ako ng Mexico sa unang pagkakataon. Isang "business strategy" daw ayon sa aming kumpanya ang hakbang na ilipat ang produkto at ang buong planta ng Hitachi Mexico sa Pilipinas. Dahil sa hakbang na ito ay mawawalan ng trabaho ang libo-libong Mexicano kung saan sa kumpanyang iyon kami pupunta. Isa na naman ba itong Pacquiao versus Morales re-match? Pag dating namin doon ay mas marami sila, baka hindi na kayanin ng tapang ng Pinoy ang laban pag 1 versus 100 na ang usapan.

Bago lumipad ang grupo namin papuntang Mexico ay maraming mga pagpapaliwanag at orientation pa ang aming narinig. Lahat ng pag-iingat ay binilin sa amin at pinabaunan pa kami ng ilang mga guidelines sa kung ano ang dapat at hindi dapat gawin sa Mexico. Wala naman bago sa mga rules and regulations nila, kung ano ang tama sa Pinas ay tama rin sa kanila. At kung ano ang mali tulad ng pag gamit ng illegal drugs, pag kuha ng illegal prostitute at pag sakay sa illegal o kolorum na taxi ay ganito rin naman sa Pinas. Nabawasan ang kaba ko dahil wala naman pinagkaiba ang Mexico sa ibang bansa na napuntahan ko maging sa Pinas. Hindi mawawala ang peligro sa kahit saang lugar. At sa aking palagay ay sanay na ako sa mga peligrong ito.

Tinawag ang grupo namin na Coyote Team. Noong una ay na-excite ako dahil baka may kasamang contract sa Warner Brothers ang pagpunta namin doon, matutupad narin ang pangarap kong maging artista...pang cartoons nga lang. Dahil sa aking curiosity ay tinanong ko sa isang Manager namin kung ano ang ibig sabihin ng Coyote at bakit ito ang pinangalan sa grupo? Subalit hindi rin nila alam. Sa akin kasing pagkaka-alam, si Coyote ay ang aso na laging humahabol kay road runner at madalas malagay sa peligro ang buhay dahil sa paghahangad na makakain ng fried chicken. Nangangahulugan ba ito na nasa peligro din ang buhay namin pagdating sa Mexico?

Sinubukan kong hanapin sa internet ang kahulugan nito at dalawa pang kahulugan ang nakita ko.

Ayon sa Wikipedia: The coyote (Canis latrans) also known as the prairie wolf is a mammal of the order carnivora. They are found throughout North and Central America, ranging from Panama in the south, north through Mexico, the United States, and Canada. The name "coyote" was borrowed from Mexican Spanish, which is itself borrowed from the Nahuatl word coyōt. Its Latin name Canis Latrans means "barking dog".

Ayon naman sa www.urbandictionary.com: coyote brings Illegal immigrants from Mexico to the United States across the border illegally. The cayote helped the migrant family cross the dessert from Mexico into Arizona.

Lalo tuloy akong napa-isip. human trafficker ba ang tingin nila sa amin? O illegal ba ang pag lipat namin ng teknolohiya ng Mexico sa Pilipinas across the boarder?

Nang marating namin ang Mexico ng ligtas ay bahagya na akong natuwa. Pero ang araw na unang pakikipag harap namin sa mga Mexicano sa kumpanya nila ang muling nagpalambot ng tuhod ko. Tanging si Pacquiao lang at ang kanyang mga awitin ang nagiging inspirasyon ko para ipakita sa kanila na matapang ang lahing Pilipino. Alam ko na hindi maganda sa kanila ang kahihinatnan ng pag punta namin doon. Sino ba naman ang gustong mawalan ng trabaho? At ngayon ay makakaharap nila ang mga papalit sa trabaho nila. Nang makaharap ko na ang isa sa mga Mexican Engineer na counterpart ko ay napalunok ako ng laway.
Lamang siya sa akin sa halos lahat ng kategorya, maliban sa kagwapuhan. Paano ako babangga sa kanya na malaki pa kay Batista? Ilang sandali pa ay unti-unti na itong lumapit sa akin at biglang pinorma ang kamay. Napatakip ako ng mukha at ng ilang segundo pa ay wala naman akong naramdaman na kamaong dumapo sa mukha ko. Makikipag kamay lang pala! Pina-nerbyos pa ako ng mokong. Ilang sandali pa ay panay na ang kwento sa akin, maingay at masayahin ang mga Mexicano, tulad din ng mga Pinoy. Lahat ng bagay ay dinadaan nila sa tawa maging problema man. Hindi ko nakita sa mukha nila ang galit at lungkot sa nalalapit na pagka-wala ng trabaho. May mga pagkakataon na inilalabas din nila ang kanilang mga sentimyento sa mangyayari sa kanila sa oras na magsara ang kumpanyang pinapasukan. Subalit wala silang ano mang galit o sama ng loob sa mga Pinoy. Para sa kanila, lahat ay biktima ng pagbabago. Walang oras na wala silang gana na makipag kwentuhan. Kahit na nga ang iba ay hindi marunong mag-ingles ay walang patumangga na kakausapin ka parin kahit pareho kayo na hindi nagkakaintindihan.

Lloyd: Hi, I'm Lloyd the ion mill process engineer.

Mexican Operator: Hola! Apesadumbrado sino yo no puede entender inglés. A propósito te oí el decir de que eres ingeniero del molino del ion, soy ése tan? Soy Maria, i que trabaja aquí como operador por nueve años ya. Sabes, pienso que eres lindo. Jejejejeje...

Lloyd: Si Señor. Awwww!

Naging masayang kasama ang mga Mexicano. Nabago ang pananaw ko sa kanila na mga mukhang boksingero. Isang buwan din ako tumagal sa bayan nila at natutong kumain ng tacos, buritos at tortas. Ngayon ay nasa Pilipinas na ako at sila naman ang nandito. Tinuturuan ko sila ngayon magtagalog, kumain ng balot, addidas, IUD, helmet at betamax. Gusto ko sanang tawagin ang grupo nila na kapre group o bugaw group, pero hindi nalang dahil mga kaibigan ko sila. Okay na sa akin ang tawag sa grupo namin na Coyote, gwapo naman!

No comments: