Oct 12, 2010

Bakit Bilog Ang Mundo? (Ang Huling Kwento Ko!)

Paalam ang pinaka malungkot na salitang alam ko. Sa tatlumpung taon ko dito sa mundo, maraming karanasan ng paalam na ang dumaan. Pero sa kabila ng lungkot dahil sa paglisan sa isang bagay o taong mahal ko, eto at patuloy parin ang pag-agos ng buhay. Sa bawat pamamaalam ay laging may panibagong sibol na magdudulot ng panibagong lakas at inspirasyon. Naniniwala ako na ang paalam ay hindi wakas, ito ay simula ng panibagong kabanta at hamon sa buhay.

August 8, 2007 (8/8/7) ng sinilang ang mundo ng blog na ito. Nabuo ang konsepto nito mula sa inspirasyon ng aking WALONG (8) pangarap. Isang simpleng larawan sa mga bagay na nais kong makamit sa buhay ko. Ang bawat larawan ang naging inspirasyon ko, upang hamunin ang sarili na walang imposible sa buhay. At ang blog na ito ang nagsilbing talaan ko ng bawat kaganapan sa mga pangarap na ito.
ONE(1). Like No Other – My 2nd Digital Camera
Mababaw na pangarap, pero noon ay isang malaking hamon sa akin ito. Tuwing magdedesisyon kasi ako na bumili ng isang bagay, lagi kong iniisip ang halaga nito na naayon sa pangangailangan ko. Kuripot ako pagdating sa sarili ko, ang lagi kong iniisip ay kung ano ang magiging kabuluhan ng bawat binibili ko sa mga taong mahal ko. Naging masaya ako ng mabili ko ang aking camera..pero hindi nagtagal ang ligayang dulot nito. Sa huli ay ang mga nasa larawan na kuha ng camerang ito ang mas pinapahalagahan ko.


TWO(2). Hongkong 3D2N.
Bago kami ikasal nang aking asawa ay pinangarap kong sa Hongkong/Macao kami mag honeymoon. Subalit hindi ko ito natupad. Isang taon ang nakalipas matapos ang aming kasal, ay gumawa ako ng paraan na matuloy ito. Ang nasa-isip ko pa noon ay baka ito lang ang hinihintay para magka-baby kami. Bagamat hindi man kami nagka-baby matapos ituloy ang 2nd honeymoon sa Hongkong, ay isa naman ito sa pinaka masayang araw sa aming buhay bilang mag-asawa. Sa susunod na pagbalik namin sa Disneyland, tatlo na kami at mas excited ako na hihintayin yun.

THREE(3). Gulong ng Palad
Kasunod ng pangarap ko na matutong mag drive ay makabili ng sariling kotse. Naging malaking desisyon para sa akin ang bagay na ito. Inisip ko noon kung ito ba ay kailangan ko o luho lamang. Nasanay na ang katawan ko sa pagsakay ng jeep. Hanggang marealize ko na hindi sa habang panahon ay konbinyente ang pagsakay sa jeep lalo na kung kasama mo ang pamilya mo.
FOUR(4). Eto ang Simula
Ito ang una sa pangarap ko.. Kung titimbangin ang kagustuhan ko sa bawat isa..ito ang laging mas matimbang. Hindi ko man matupad ang karamihan sa mga pangarap ko. Huwag lang ang pangarap kong magkaroon ng boung pamilya. Yung may daddy, mommy at mga baby..sabi ko nga kay Lord, kahit apat lang na magaganda, matalino at malusog pwede na ..(demanding pa!). Sa awa ng Diyos, naka-isa na kami, 3 more to go Lord!


FIVE(5). I Left My Mind, Heart & Stomach in SF
Bagamat hindi naman masyadong mahirap ang pangarap ko na ito, pero kinukonsidera ko ito na imposible. At ang totoo, ay gusto ko lang i-challenge ang sarili ko sa isang pangarap na maaring wala akong magagawa upang matupad. Wala kasi akong maisip na dahilan upang makapunta ako sa Amerika. Una, wala akong VISA, pangalawa, wala akong kamag-anak doon, pangatlo, wala sa linya ng trabaho ko ang lugar na iyon at pang-apat, wala akong pera. Pero sa hindi inaasahag pagkakataon, sa kung ano ang pumasok na swerte ay bigla akong pinadala sa Amerika. Nabigyan ng 10 years multiple entry na VISA, nakilala ang isang kamag-anak na matagal ng nakatira doon, biglang nalinya ang aking trabaho na may kinalaman sa nasabing bansa, at sinagot ng kumpanya ang lahat ng gastusin. Lahat ay parang plinano at ginuhit ng eksakto ayon sa kagustuhan ko. Iba talaga ang kapangyarihan ng determinasyon, swerte at dasal.


SIX(6). 403 minutong Saya
Health is wealth. Ito ang lagi kong dasal, isang malusog na pamilya. Noong nagsisislang ang asawa ko, hindi ako mapakali. Naka ilang rosaryo ako para ipagdasal ang kaligtasan niya at ng aking magiging anak. Kaya naman noong nalaman ko na maayos na ang lagay ni Grace at malusog ang aming anak, daig pa nito ang ang pakiramadan na nanalo ako sa lotto!


SEVEN(7). Dito Na Tayo Forever!

Taltong taon na ang nakaraan ng unang sumagi sa isip ko ang pangarap na magkaroon ng sariling bahay. Pero dahil sa mga prioridad, ay pansamantala kong kinalimutan ang pangarap na ito. Hanggang sa dumating ang kagustuhan ko na makasama na ang pamilya ko araw-araw. Isa na siguro ito sa pinaka mabigat na desisyon na kailangan kong gawin..pero sa huli alam ko naman na para ito sa pamilya ko at handa akong tiisin ang lahat kahit pa ibenta ko naman ngayon ang kanang kidney ko.


EIGHT(8). Sampung Milyon.
Teka..teka..unahan ko na kayo. Sa walong pangarap ko, eto lang ang hindi pa natutupad! Sa totoo lang umaasa ako na matutupad to. Pero marahil ay maling representasyon ang nailagay ko sa larawan. Inedit ko kasi ang sampung pisong buo para maging 10M. Akalain ko ba na hanggang ngayon ay sampung piso parin ang laman ng wallet ko. Pero hindi pa ako sumusuko, alam kong darating ang panahon na magkakaroon ako ng 10M sa banko. Kung kailan? Sana ay buhay pa ako… Bagamat hindi naman literal na nabigay sa akin ang 10M. Kinukunsidera ko parin na natupad ang pangarap ko na ito. Dahil, kapalit nito ay ang sampung milyong ngiti sa aking buhay…
Ang pahina sa mga blog na ito ang naging instrumento ng bawat pangarap ko. Naging mundo ng saya, lungkot, tuwa, at pangarap. Naging parte ng aking araw-araw na pakikipagsapalaran sa buhay. Lilipas ang panahon at masaya kong babalikan ang bawat kabanata sa buhay na minsan ay ibinahagi ko sa inyong lahat. Subalit ang bawat kwento at may ending…may wakas.

Paalam sa lahat ng sumubaybay sa bawat kwento ko. Sa mga naging kaibigan at bagong kakilala sa pamamagitan ng blog na ito…Magdilim man ang pahina ni BBAM ay may liwanag parin itong taglay sa kabilang panig at yugto ng buhay..Magpapatuloy sa pag-ikot at hindi na magwawakas kailanman…..

WAKAS.